Bahagi 52
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa mga elder ng Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Hunyo 6, 1831. Isang pagpupulong ang ginanap sa Kirtland, simula sa ika-3 at nagtapos sa ika-6 ng Hunyo. Sa pagpupulong na ito, ginawa ang mga unang natatanging pag-oorden sa katungkulan ng mataas na saserdote, at nalaman at sinaway ang ilang pagpapakita ng mga huwad at manlilinlang na espiritu.
1–2, Itinakda na gaganapin sa Missouri ang susunod na pagpupulong; 3–8, Isinagawa ang mga pagtatalaga sa ilang elder na maglalakbay na sama-sama; 9–11, Ituturo ng mga elder ang mga yaong isinulat ng mga apostol at propeta; 12–21, Magdadala ng mga bunga na papuri at karunungan ang mga yaong naliwanagan ng Espiritu; 22–44, Itinalaga ang maraming elder na humayong nangangaral ng ebanghelyo habang naglalakbay patungong Missouri para sa pagpupulong.
1 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon sa mga elder na kanyang tinawag at pinili sa mga huling araw na ito, sa pamamagitan ng tinig ng kanyang Espiritu—
2 Sinasabing: Ako, ang Panginoon, ay ipaaalam sa inyo ang nais kong gawin ninyo mula sa oras na ito hanggang sa susunod na pagpupulong, na gaganapin sa Missouri, sa lupain na aking ilalaan para sa aking mga tao, na mga labi ni Jacob, at ang mga yaong tagapagmana alinsunod sa tipan.
3 Samakatwid, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon ay hahayo sa kanilang paglalakbay sa sandaling maisagawa ang mga paghahanda na lisanin ang kanilang mga tahanan at maglakbay patungo sa lupain ng Missouri.
4 At yamang sila ay matatapat sa akin, ipaaalam sa kanila ang kanilang gagawin;
5 At gayundin, yamang sila ay matatapat, ipaaalam sa kanila ang lupain na inyong mana.
6 At yamang sila ay hindi matatapat, mahihiwalay sila, maging alinsunod sa kalooban ko, kung ano sa palagay ko ang makabubuti.
7 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Lyman Wight at ang aking tagapaglingkod na si John Corrill ay mabilis na hahayo sa kanilang paglalakbay;
8 At gayundin ang aking tagapaglingkod na si John Murdock, at ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith, ay hahayo sa kanilang paglalakbay sa lugar ding yaon nang daraan sa Detroit.
9 At maglalakbay sila mula roon nang nangangaral ng salita sa daan, nangungusap ng wala nang ibang bagay kundi ang mga isinulat ng mga propeta at apostol, at ang mga yaong itinuro sa kanila ng Mang-aaliw sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya.
10 Sila ay hahayo nang dala-dalawa, at ganito sila mangangaral sa daan sa bawat kongregasyon, nagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, at sa pagpapatong ng mga kamay sa tabi ng tubig.
11 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon, paiikliin ko ang aking gawain sa katwiran, sapagkat darating ang mga araw na aking ibababa ang paghahatol tungo sa tagumpay.
12 At mag-iingat ang aking tagapaglingkod na si Lyman Wight, sapagkat ninanais ni Satanas na salain siya tulad ng ipa.
13 At dinggin, siya na matapat ay gagawing tagapamahala sa maraming bagay.
14 At muli, ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay lumilibot sa lupain, at humahayo siya na nililinlang ang mga bansa—
15 Anupa’t siya na nananalangin, na ang espiritu ay nagsisisi, siya rin ay aking tinatanggap kung sinusunod niya ang aking mga ordenansa.
16 Siya na nagsasalita, na ang espiritu ay nagsisisi, na ang wika ay may kaamuan at nagpapatibay, siya rin ay mula sa Diyos kung sinusunod niya ang aking mga ordenansa.
17 At muli, siya na nanginginig sa ilalim ng aking kapangyarihan ay gagawing malakas, at magdadala ng mga bunga na papuri at karunungan, alinsunod sa mga paghahayag at katotohanan na aking ibinigay sa inyo.
18 At muli, siya na nadaraig at hindi nagdadala ng mga bunga, maging alinsunod sa huwarang ito, ay hindi sa akin.
19 Samakatwid, sa pamamagitan ng huwarang ito ninyo makikilala ang mga espiritu sa lahat ng pagkakataon sa ilalim ng buong kalangitan.
20 At ang mga araw ay sumapit na, alinsunod sa pananampalataya ng mga tao, mangyayari ito sa kanila.
21 Dinggin, ang kautusang ito ay ibinibigay sa lahat ng elder na aking pinili.
22 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking tagapaglingkod na si Thomas B. Marsh at ang aking tagapaglingkod na si Ezra Thayre, nangangaral ng salita sa daan sa lupain ding ito.
23 At muli, hahayo sa kanilang paglalakbay ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley at ang aking tagapaglingkod na si Ezra Booth, nangangaral din ng salita sa daan sa lupain ding ito.
24 At muli, hahayo sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Edward Partridge at Martin Harris kasama ang aking mga tagapaglingkod na sina Sidney Rigdon at Joseph Smith, Jun.
25 Hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina David Whitmer at Harvey Whitlock, at mangangaral sa daan sa lupain ding ito.
26 At hahayo sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Parley P. Pratt at Orson Pratt, at mangangaral sa daan, maging sa lupain ding ito.
27 At hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Solomon Hancock at Simeon Carter sa lupain ding ito, at mangangaral sa daan.
28 Hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Edson Fuller at Jacob Scott.
29 Hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Levi W. Hancock at Zebedee Coltrin.
30 Hahayo sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Reynolds Cahoon at Samuel H. Smith.
31 Hahayo rin sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Wheeler Baldwin at William Carter.
32 At kapwa oordenan ang aking mga tagapaglingkod na sina Newel Knight at Selah J. Griffin, at hahayo rin sa kanilang paglalakbay.
33 Oo, katotohanan, sinasabi ko, lahat sila ay hahayo sa kanilang paglalakbay patungo sa isang lugar, sa kanilang iba-ibang daanan, at ang isang tao ay hindi magtatayo sa ibabaw ng saligan ng iba, ni maglalakbay sa landas ng iba.
34 Siya na matapat, siya rin ay pangangalagaan at pagpapalain ng maraming bunga.
35 At muli, sinasabi ko sa inyo, hahayo sa kanilang paglalakbay ang aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Wakefield at Solomon Humphrey patungo sa mga lupain sa silangan;
36 Gagawa sila kasama ng kanilang mga mag-anak, nagpapahayag ng wala nang ibang bagay maliban sa mga propeta at apostol, na kanilang nakita at narinig at tiyak na pinaniniwalaan nang higit sa lahat, upang ang mga propesiya ay matupad.
37 Bunga ng paglabag, ang yaong ipinagkaloob kay Heman Basset ay kukunin sa kanya, at ilalagay sa ulo ni Simonds Ryder.
38 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, si Jared Carter ay ioordenang saserdote, at si George James din ay ioordenang saserdote.
39 Ang mga natirang elder ay mangangalaga sa mga simbahan, at ipahahayag ang salita sa mga lugar sa paligid nila; at gagawa sila sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay nang hindi magkaroon ng pagsamba sa mga diyus-diyusan ni kasamaan.
40 At aalalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at nangangailangan, ang mga may karamdaman at naghihirap, sapagkat siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito, siya rin ay hindi ko disipulo.
41 At muli, magdadala ang aking mga tagapaglingkod na sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon at Edward Partridge ng isang rekomendasyon mula sa simbahan. At kukuha rin ng isa para sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery.
42 At sa gayon, maging tulad ng sinabi ko, kung kayo ay matatapat, titipunin ninyo nang sama-sama ang inyong sarili upang magsaya sa lupain ng Missouri, na lupain na inyong mana, na ngayon ay lupain ng inyong mga kaaway.
43 Subalit, dinggin, ako, ang Panginoon, ay mamadaliin ang lungsod sa panahon nito, at puputungan ang matatapat nang may galak at may pagsasaya.
44 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, at dadakilain ko sila sa huling araw. Maging gayon nga. Amen.