Nagbalik-loob sa Kanyang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Kanyang Simbahan
Ang layunin ng Simbahan ay tulungan tayong ipamuhay ang ebanghelyo.
Mahal ko ang ebanghelyo ni Jesucristo at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung minsan napagpapalit natin ang mga salitang ebanghelyo at Simbahan, pero hindi magkapareho ang mga ito. Gayunpaman, napakaganda ng pagkakaugnay ng mga ito, at pareho nating kailangan.
Ang ebanghelyo ang dakilang plano ng Diyos kung saan tayo, bilang Kanyang mga anak, ay binigyan ng pagkakataong matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa D at T 84:38). Tinatawag itong buhay na walang hanggan at inilarawan bilang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (D at T 14:7). Mahalagang bahagi ng plano ang mga karanasan natin sa lupa—isang panahon para magkaroon ng pananampalataya (tingnan sa Moroni 7:26), magsisi (tingnan sa Mosias 3:12), at makipagkasundo sa Diyos (tingnan sa Jacob 4:11).
Dahil alam ng Diyos na magiging napakahirap ng buhay natin sa lupa bunga ng ating mga kahinaan at “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11), at dahil hindi natin malilinis ang sarili nating mga kasalanan, kinailangan ang isang Tagapagligtas. Nang ilahad ni Elohim, ang Amang Walang Hanggan at Ama ng ating mga espiritu, ang Kanyang plano ng kaligtasan, isa sa atin ang nagsabi, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). Ang pangalan niya ay Jehova.
Bilang anak ng Ama sa Langit, kapwa sa espirituwal at pisikal, taglay Niya ang kapangyarihang daigin ang sanlibutan. Bilang anak ng mortal na ina, mararanasan Niya ang sakit at dusang dulot ng mortalidad. Ang dakilang Jehova ay pinangalanan ding Jesus at dinagdagan ng titulong Cristo, na ibig sabihin ay Mesias o Ang Pinahiran. Ang pinakadakilang ginawa Niya ay ang Pagbabayad-sala, kung saan si Jesus na Cristo ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (D at T 88:6), at dahil dito makakaya Niyang tubusin ang bawat isa sa atin.
Itinatag ni Jesucristo ang Simbahan noong Kanyang ministeryo sa lupa, na “kinasaligan ng mga apostol at ng mga propeta” (Mga Taga Efeso 2:20). Dito sa “dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (D at T 128:18) ay ipinanumbalik ng Panginoon kung ano ang dati, at partikular na sinabi kay Propetang Joseph Smith, “Ako ay magtatatag ng simbahan sa pamamagitan ng iyong kamay” (D at T 31:7). Si Jesucristo ang pinuno ng Kanyang Simbahan noon at ngayon, na kinakatawan sa mundo ng mga propeta na mayhawak ng awtoridad ng apostol.
Ito ay isang natatanging Simbahan. Ang organisasyon, kapakinabangan, at ganap na kabutihan nito ay iginagalang ng lahat ng taos na naghahangad na maunawaan ito. Ang Simbahan ay may mga programa para sa mga bata, kabataan, kalalakihan, at kababaihan. May magagandang meetinghouse ito na mahigit 18,000 ang bilang. Ang mariringal na templo—na ngayon ay 136 na—ay matatagpuan sa iba’t ibang panig ng mundo, at may 30 pa na itinatayo o itatayo. Ang mga full-time missionary nito na kinabibilangan ng mahigit 56,000 mga kabataan at nakatatanda, ay naglilingkod sa 150 mga bansa. Ang pagtulong ng Simbahan sa buong daigdig sa gawaing humanitarian ay kahanga-hangang halimbawa ng kabaitan ng ating mga miyembro. Ang ating welfare program ay nangangalaga sa ating mga miyembro at naghihikayat ng pag-asa sa sariling kakayahan sa paraang hindi mapantayan saanman. Sa Simbahang ito ang mga lider natin ay hindi suwelduhan at ang mga Banal sa mga Huling Araw ay handang paglingkuran ang isa’t isa sa kagila-gilalas na paraan. Walang katulad ang Simbahang ito sa buong daigdig.
Noong ipanganak ako, nakatira ang pamilya namin sa maliit na kubo sa bakuran ng isa sa mariringal at makasaysayang meetinghouse ng Simbahan, ang Honolulu Tabernacle. Gusto kong humingi ng paumanhin ngayon sa mga minamahal kong kaibigan sa Presiding Bishopric, na nangangasiwa sa mga pasilidad ng Simbahan, dahil noong maliit pa ako, akyat-baba ako at paroo’t parito sa bawat sulok ng gusaling iyon, mula sa ilalim ng pool hanggang sa itaas ng toreng may ilaw. Naglalambitin pa kami na parang si Tarzan sa mahahabang baging ng malalaking puno ng banyan na naroroon.
Ang Simbahan ang lahat-lahat sa amin. Nagpupunta kami sa maraming miting, na mas marami pa kaysa ngayon. May klase kami sa Primary tuwing Huwebes ng hapon. Ang mga miting ng Relief Society ay tuwing Martes ng umaga. Sa Miyerkules ng gabi ang Mutual para sa kabataan. Ang Sabado ay para sa mga aktibidad ng ward. Tuwing Linggo, pumupunta ang kalalakihan at mga kabataang lalaki sa miting ng priesthood sa umaga. Sa tanghali ang Sunday School. Pagkatapos babalik kami sa gabi para sa sacrament meeting. Sa pagpunta-punta sa mga miting na ito, parang nauubos na lahat ang oras namin sa mga aktibidad ng Simbahan nang buong maghapon tuwing Linggo at sa iba pang mga araw.
Bagamat gustung-gusto ko sa Simbahan, noong kamusmusan kong iyon ko nadama, sa unang pagkakataon, na hindi sapat na gusto ko lang dito. Noong limang taong gulang ako, may malaking kumperensyang ginanap sa tabernakulo. Naglakad kami mula sa aming tirahan at tumawid sa maliit na tulay papunta sa magandang meetinghouse at naupo sa pangsampung hanay sa malaking chapel. Ang namumuno at nagsasalita sa miting ay si David O. McKay, ang Pangulo ng Simbahan. Hindi ko na matandaan ang sinabi niya, ngunit tandang-tanda ko pa ang nakita ko at nadama. Nakasuot si Pangulong McKay ng kulay kremang terno at, sa kanyang alun-alon at maputing buhok ay napakaringal niyang tingnan. Bilang tradisyon sa isla, may suot siyang kuwintas na gawa sa mga pulang bulaklak. Nang magsalita siya, may nadama ako na napakatindi at napakapersonal. Nalaman ko kalaunan na ang nadama ko ay ang impluwensya ng Espiritu Santo. Inawit namin ang pangwakas na himno.
Sino’ng panig sa Diyos?
Ipabatid ngayon.
Ito’ng aming tanong:
Sino’ng panig sa Diyos?
(“Sino’ng Panig sa Diyos?” Mga Himno, blg. 162)
Ang mga katagang iyon na inawit ng halos 2,000 tao ay tanong na parang sa akin lang inukol, at gusto kong tumayo at sabihing, “Ako!”
Iniisip ng ilan na ang pagiging aktibo sa Simbahan ang siyang sukdulang mithiin. Nakababahala iyan. Posibleng maging aktibo sa Simbahan at hindi gaanong aktibo sa ebanghelyo. Bibigyang-diin ko ito: ang pagiging aktibo sa Simbahan ay kanais-nais na mithiin; subalit, hindi ito sapat. Ang pagiging aktibo sa Simbahan ay panlabas na pagpapakita ng ating espirituwal na hangarin. Kapag dumadalo tayo sa ating mga miting, ginagampanan ang ating mga tungkulin sa Simbahan, at naglilingkod sa iba, nakikita iyan nang hayagan.
Taliwas dito, ang mga bagay ng ebanghelyo ay karaniwang hindi gaanong napapansin at mas mahirap sukatin, ngunit higit ang kahalagahan nito sa walang-hanggan. Halimbawa, gaano ba kalaki ang ating pananampalataya? Gaano ba ang ating pagsisisi? Gaano ba kahalaga ang mga ordenansa sa ating buhay? Gaano ba ang pagtutuon natin ng pansin sa ating mga tipan?
Uulitin ko: kailangan natin ang ebanghelyo at ang Simbahan. Sa katunayan, layunin ng Simbahan na tulungan tayong ipamuhay ang ebanghelyo. Madalas nating itanong: Paano nangyaring ang isang tao na aktibo sa Simbahan noong bata pa ay hindi na ganoon nang lumaki na? Paano nangyaring bigla na lamang hindi nagsimba ang isang taong palaging nagsisimba at naglilingkod? Paano hahayaang mangyari ng isang tao na hindi na magsimba dahil lamang sa hindi niya nakita sa isang lider o miyembro ang inaasahan niya? Siguro dahil hindi sapat ang pagsampalataya nila sa ebanghelyo—sa mga bagay na walang hanggan.
May tatlong mahahalagang paraan akong imumungkahi para maging saligan natin ang ebanghelyo:
-
Kilalanin pa nating mabuti ang Diyos. Ang patuloy na pagkilala at pagmamahal sa tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos ay lubhang kailangan. Laging alalahaning manalangin sa Ama, sa pangalan ng Anak, at humingi ng patnubay sa Espiritu Santo. Lakipan ang panalangin ng palagiang pag-aaral at mapagpakumbabang pagninilay upang patuloy na mapatibay ang pananampalataya kay Jesucristo. “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na … kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13).
-
Pagtuunan ng pansin ang mga ordenansa at tipan. Kung mayroon mang mahahalagang ordenansa na kailangan pang gawin sa inyong buhay, masigasig na paghandaang matanggap ang bawat isa sa mga ito. Pagkatapos ay kailangan tayong magkaroon ng disiplinang ipamuhay nang tapat ang ating mga tipan, ginagamit nang lubusan ang kaloob na sakramento sa bawat linggo. Marami sa atin ang hindi palagiang nababago ng nakapanlilinis na kapangyarihan nito dahil sa kulang tayo ng pagpipitagan sa banal na ordenansang ito.
-
Pag-isahin ang ebanghelyo at ang Simbahan. Kapag nakatuon tayong mabuti sa ebanghelyo, ang Simbahan ay lalong magiging pagpapala sa ating buhay at hindi magiging kabawasan nito. Kapag pumupunta tayo sa bawat miting nang handa para “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118), ang Banal na Espiritu ang ating magiging guro. Kung pupunta tayo para malibang, karaniwang hindi tayo masisiyahan. Minsan ay itinanong kay Pangulong Spencer W. Kimball, “Ano ang ginagawa mo kapag nakaiinip ang sacrament meeting?” Ang sagot niya: “Hindi ko alam. Hindi ko pa naranasang mainip doon” (sinipi ni Gene R. Cook, sa Gerry Avant, “Learning Gospel Is Lifetime Pursuit,” Church News, Mar. 24, 1990, 10).
Dapat nating hangarin sa buhay ang naganap matapos magpunta ang Panginoon sa mga tao sa Amerika at itatag ang Kanyang Simbahan. Mababasa sa mga banal na kasulatan na, “At ito ay nangyari na, na sa ganoon sila [ibig sabihin ang Kanyang mga disipulo] humayo sa lahat ng tao ni Nephi, at ipinangaral ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupain; at sila ay nagbalik-loob sa Panginoon, at sumapi sa simbahan ni Cristo, at sa gayon pinagpala ang mga tao ng salinlahing yaon” (3 Nephi 28:23).
Gusto ng Panginoon na ganap na sumampalataya sa Kanyang ebanghelyo ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Ito lang ang tiyak na paraan para sa espirituwal na kaligtasan ngayon at kaligayahan sa kawalang-hanggan. Sa pangalan ni Jesucriso, amen.