Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!
Ang dapat nating itanong sa araw-araw ay, “Ang mga ginagawa ko ba ay naglalagay sa akin sa teritoryo ng Panginoon o sa teritoryo ng kaaway?”
Sinabing minsan ni Pangulong Monson: “Hayaan ninyong magbigay ako ng pormula na maaaring maging sukatan ng mga pagpiling ginagawa ninyo. Madaling tandaan ang: ‘Hindi ka matatama sa paggawa ng mali; hindi ka mamamali sa paggawa ng tama’” (“Mga Landas Tungo sa Pagiging Perpekto,” Liahona, Hulyo 2002, 112). Ang pormula ni Pangulong Monson ay simple at tuwiran. Magagamit ito sa paraang katulad ng Liahona na ibinigay kay Lehi. Kung tayo ay mananampalataya at magsusumigasig sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, madali nating makikita ang tamang landas na ating susundan, lalo na sa mga pagpapasiya natin sa araw-araw.
Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo tungkol sa kahalagahan ng paghahasik ng sa Espiritu at ng pagkaalam na huwag maghasik ng sa laman. Sabi niya:
“Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro; sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
“Sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa’t ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.
“At huwag kayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka’t sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod” (Mga Taga Galacia 6:7–9).
Ang ibig sabihin ng maghasik ng sa Espiritu ay na lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dapat mag-angat sa atin sa antas ng kabanalan ng ating mga magulang sa langit. Gayunman, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang laman bilang pisikal o makamundong katangian ng likas na tao, na nagtutulot sa mga tao na maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, paghahangad, pagnanasa, at udyok ng laman sa halip na maghanap ng inspirasyong mula sa Espiritu Santo. Kung hindi tayo mag-iingat, ang mga impluwensyang iyon pati na ang pag-uudyok ng kasamaan sa mundo ay maaaring magtulak sa atin sa magaspang at masamang pag-uugaling maaaring maging bahagi ng ating pagkatao. Para maiwasan ang masasamang impluwensyang iyon, kailangan nating sundin ang bilin ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na patuloy na maghasik ng sa Espiritu: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (D at T 64:33).
Para mapaunlad ang ating espiritu, kailangan ay “lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa [atin], pati ng lahat ng masasamang akala” (Mga Taga Efeso 4:31) at na tayo ay “maging matalino sa mga araw ng [ating] pagsubok [at] hubaran ang [ating] sarili ng lahat ng karumihan” (Mormon 9:28).
Sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, nalalaman natin na ang mga pangako sa atin ng Panginoon ay nakabatay sa ating pagsunod at naghihikayat ng matwid na pamumuhay. Ang mga pangakong iyon ay dapat magpalago sa ating kaluluwa, na nagdudulot sa atin ng pag-asa sa pamamagitan ng paghihikayat na huwag tayong sumuko maging sa harap ng araw-araw nating mga hamon sa buhay sa isang mundong ang mga pinahahalagahan sa pag-uugali at moralidad ay unti-unting naglalaho, kaya lalo pang nauudyukan ang mga tao na maghasik ng sa laman. Ngunit paano natin matitiyak na ang ating mga pasiya ay tinutulungan tayong maghasik ng sa Espiritu at hindi ng sa laman?
Sinabing minsan ni Pangulong George Albert Smith, nang ulitin niya ang payo ng kanyang lolo: “May malinaw na hangganan sa pagitan ng teritoryo ng Panginoon at ng teritoryo ng diyablo. Kung mananatili kayo sa panig ng Panginoon kayo ay sasailalim sa kanyang impluwensya at hindi ninyo hahangaring gumawa ng mali; ngunit kung tatawid kayo sa panig ng diyablo nang kahit isang pulgada kayo ay nasa kapangyarihan ng manunukso at kung siya ay magtagumpay, hindi kayo makapag-iisip ni makapagdadahilan nang wasto dahil nawala na sa inyo ang Espiritu ng Panginoon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith [2011], 211).
Kung gayon, ang dapat nating itanong sa araw-araw ay, “Ang mga ginagawa ko ba ay naglalagay sa akin sa teritoryo ng Panginoon o sa teritoryo ng kaaway?”
Itinuro ng propetang si Mormon sa kanyang mga tao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kakayahang malaman ang mabuti sa masama:
“Anupa’t lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay kaaway ng Diyos, at patuloy na nakikipaglaban sa kanya, at nag-aanyaya at nang-aakit na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama.
“Ngunit masdan, yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti” (Moroni 7:12–13).
Dapat tayong matulungan ng Liwanag ni Cristo pati na ng patnubay ng Espiritu Santo na matukoy kung ang pamumuhay natin ay inilalagay tayo sa teritoryo ng Panginoon o hindi. Kung mabuti ang ating pag-uugali, ito ay binigyang-inspirasyon ng Diyos, sapagkat lahat ng mabuting bagay ay nagmumula sa Diyos. Gayunman, kung masama ang ating ugali, iniimpluwensyahan tayo ng kaaway dahil hinihikayat niya ang mga tao na gumawa ng masama.
Naantig ako sa determinasyon at kasigasigan ng mga taga-Africa na manatili sa teritoryo ng Panginoon. Kahit mahirap ang buhay, yaong mga tumatanggap ng paanyaya na lumapit kay Cristo ay nagiging liwanag sa mundo. Ilang linggo lang ang nakararaan nang bisitahin ko ang isa sa mga ward sa South Africa, nagkaroon ako ng pribilehiyong samahan ang dalawang binatilyong priest, kanilang bishop, at kanilang stake president na bumisita sa di-gaanong aktibong mga binatilyo sa kanilang korum. Labis akong humanga sa tapang at kababaang-loob na ipinakita ng dalawang priest na iyon nang anyayahan nila ang di-gaanong aktibong mga binatilyong iyon na bumalik sa simbahan. Habang kausap nila ang di-gaanong aktibong mga binatilyong iyon, nabanaag ko sa kanilang mukha ang liwanag ng Tagapagligtas at pinuspos din nito ng liwanag ang lahat ng nakapaligid sa kanila. Ginampanan nila ang kanilang tungkuling “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5). Ang pag-uugali ng dalawang priest na iyon ay inilagay sila sa teritoryo ng Panginoon, at naging kasangkapan sila sa Kanyang mga kamay nang anyayahan nila ang iba na gawin din iyon.
Sa Doktrina at mga Tipan 20:37, itinuro sa atin ng Panginoon ang ibig sabihin ng maghasik ng sa Espiritu at kung ano talaga ang naglalagay sa atin sa teritoryo ng Panginoon, nang ganito: magpakumbaba tayo sa harapan ng Diyos, humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, patunayan sa Simbahan na talagang pinagsisihan na natin ang lahat ng ating kasalanan, taglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, magkaroon ng matibay na hangaring paglingkuran Siya hanggang wakas, ipakita sa ating mga gawa na natanggap natin ang Espiritu ni Cristo, at magpabinyag sa Kanyang Simbahan. Ang kahandaan nating tuparin ang mga tipang ito ay inihahanda tayong mamuhay sa piling ng Diyos bilang dinakilang mga nilalang. Ang pag-alaala sa mga tipang ito ay dapat gumabay sa ugaling ipinakikita natin sa ating pamilya, sa pakikisalamuha natin sa ibang tao, at lalo na sa ating Tagapagligtas.
Ipinakita ni Jesucristo ang perpektong huwaran ng pag-uugali na mapagbabatayan natin ng ating pag-uugali upang matupad ang mga sagradong tipang ito. Iwinaksi ng Tagapagligtas sa Kanyang buhay ang anumang impluwensyang makahahadlang sa pagtuon Niya sa Kanyang banal na misyon, lalo na nang tuksuhin Siya ng kaaway o ng mga alagad nito nang magministeryo Siya rito sa lupa. Bagama’t hindi Siya nagkasala kailanman, Siya ay may bagbag na puso at nagsisising espiritu, puno ng pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa lahat ng tao. Nagpakumbaba Siya sa harapan ng ating Ama sa Langit, at hindi sinunod ang sarili Niyang kalooban upang maisakatuparan ang utos sa Kanya ng Ama sa lahat ng bagay hanggang wakas. Maging sa sandaling iyon ng labis na pagdurusa ng katawan at espiritu, pasan ang bigat ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at nilalabasan ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat, sinabi Niya sa Ama, “Gayon ma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Marcos 14:36).
Dalangin ko, mga kapatid, habang iniisip natin ang ating mga tipan na nawa’y mapanatili nating malakas ang ating sarili laban sa “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24), na sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas upang makapaghasik tayo ng sa Espiritu at manatili sa teritoryo ng Panginoon. Alalahanin natin ang pormula ni Pangulong Monson: “Hindi ka matatama sa paggawa ng mali; hindi ka mamamali sa paggawa ng tama.” Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.