2010–2019
Ang mga Kapangyarihan ng Langit
Abril 2012


Ang mga Kapangyarihan ng Langit

Kailangan ng mga mayhawak ng priesthood na bata at matanda ng awtoridad at kapangyarihan—ang mahalagang pahintulot at espirituwal na kakayahang maging kinatawan ng Diyos sa gawain ng kaligtasan.

Mahal kong mga kapatid, salamat at nakasasamba tayo nang sama-sama bilang isang malaking grupo ng mga mayhawak ng priesthood. Mahal ko kayo at hanga ako sa inyong pagkamarapat at mabuting impluwensya sa buong mundo.

Inaanyayahan ko kayong lahat na pag-isipan kung ano ang isasagot ninyo sa tanong na ito ni Pangulong David O. McKay sa mga miyembro ng Simbahan maraming taon na ang nakalilipas: “Kung ngayon mismo ay ipasabi sa bawat isa sa inyo sa isang pangungusap o kataga kung ano ang namumukod-tanging katangian ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ano ang isasagot ninyo?” (“The Mission of the Church and Its Members,” Improvement Era, Nob. 1956, 781).

Ang sagot ni Pangulong McKay sa sarili niyang tanong ay ang “banal na awtoridad” ng priesthood. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay namumukod-tangi sa ibang mga simbahan na nagsasabing ang kanilang awtoridad ay nagmula sa sunud-sunod na pagpapasa nito sa paglipas ng mga panahon, sa mga banal na kasulatan, o sa natutuhan nila sa teolohiya. Gumagawa tayo ng kakaibang pahayag na ang awtoridad ng priesthood ay ipinagkaloob nang ipatong ng mismong mga sugo ng langit ang kanilang mga kamay kay Propetang Joseph Smith.

Ang mensahe ko ay nakatuon sa banal na priesthood na ito at sa mga kapangyarihan ng langit. Taimtim akong nagdarasal para sa tulong ng Espiritu ng Panginoon habang sama-sama nating pinag-aaralan ang mahahalagang katotohanang ito.

Awtoridad at Kapangyarihan ng Priesthood

Ang priesthood ay ang awtoridad ng Diyos na ibinigay sa mga tao sa lupa upang kumilos sa lahat ng bagay para sa kaligtasan ng sangkatauhan (tingnan sa Spencer W. Kimball, “The Example of Abraham,” Ensign, Hunyo 1975, 3). Priesthood ang ginagamit ng Panginoon upang makakilos sa pamamagitan ng kalalakihan sa pagliligtas ng mga kaluluwa. Isa sa mga namumukod-tanging katangian ng Simbahan ni Jesucristo, kapwa noong unang panahon at ngayon, ay ang Kanyang awtoridad. Hindi maaaring maging totoo ang Simbahan kung wala itong banal na awtoridad.

Ang ordinaryong kalalakihan ay binibigyan ng awtoridad ng priesthood. Pagkamarapat at kahandaan—hindi karanasan, kahusayan, o pinag-aralan—ang kailangan para maorden sa priesthood.

Ang huwaran para magkaroon ng awtoridad ng priesthood ay inilarawan sa ikalimang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.” Sa gayon, ang isang binatilyo o isang lalaki ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood at inoorden sa isang katungkulan ng isang taong mayhawak na ng priesthood at binigyan ng awtoridad ng isang lider na mayhawak ng kailangang mga susi ng priesthood.

Ang isang mayhawak ng priesthood ay inaasahang gagamitin ang sagradong awtoridad na ito ayon sa isipan, kalooban, at mga layunin ng Diyos. Walang anumang tungkol sa priesthood ang makasarili. Ang priesthood ay palaging ginagamit para maglingkod, magbasbas, at magpalakas sa ibang tao.

Ang mas mataas na priesthood ay tinatanggap sa pamamagitan ng sagradong tipan na kinabibilangan ng obligasyong kumilos sa awtoridad (tingnan sa D at T 68:8) at katungkulan (tingnan sa D at T 107:99) na natanggap. Bilang mga maytaglay ng banal na awtoridad ng Diyos, tayo ay mga kinatawan na kikilos at hindi mga bagay na pakikilusin (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Ang priesthood ay likas na kumikilos sa halip na pinakikilos.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

“Hindi sapat na matanggap ang priesthood at pagkatapos ay maupo na lang at maghintay na pakilusin tayo ng ibang tao. Kapag natanggap natin ang priesthood, may obligasyon tayong maging abala sa pagsusulong ng layon ng kabutihan sa mundo, dahil sinabi ng Panginoon:

“‘… Siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga’t hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak’ [D at T 58:29]” (So Shall Ye Reap [1960], 21).

Binigyang-diin din ni Pangulong Spencer W. Kimball ang pagiging likas na aktibo ng priesthood: “Nilalabag ng isang tao ang tipan ng priesthood kapag nilabag niya ang mga utos—gayundin kapag hindi niya ginampanan ang kanyang mga tungkulin. Kaya nga, para malabag ang tipan na ito ang kailangan lang ay huwag kumilos ang isang tao” (The Miracle of Forgiveness [1969], 96).

Kapag ginawa natin ang lahat para magampanan ang mga responsibilidad natin sa priesthood, mabibiyayaan tayo ng kapangyarihan ng priesthood. Ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos na gumagana sa pamamagitan ng mga lalaki at binatilyong katulad natin at nangangailangan ng personal na kabutihan, katapatan, pagsunod, at kasigasigan. Ang isang binatilyo o lalaki ay maaaring tumanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ngunit mawawalan ng kapangyarihan ng priesthood kung siya ay suwail, hindi karapat-dapat, o ayaw niyang maglingkod.

“Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at … ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.

“Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon” (D at T 121:36–37; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Mga kapatid, ang matanggap ng isang binatilyo o isang lalaki ang awtoridad ng priesthood ngunit kaligtaang gawin ang kailangan para maging marapat sa kapangyarihan ng priesthood ay hindi katanggap-tanggap sa Panginoon. Kailangan ng mga mayhawak ng priesthood na bata at matanda ng awtoridad at kapangyarihan—ang mahalagang pahintulot at espirituwal na kakayahang maging kinatawan ng Diyos sa gawain ng kaligtasan.

Isang Aral mula sa Aking Ama

Lumaki ako sa isang tahanang may matapat na ina at napakabait na ama. Ang nanay ko ay inapo ng mga pioneer na nagsakripisyo ng lahat para sa Simbahan at kaharian ng Diyos. Ang tatay ko ay hindi miyembro ng ating Simbahan at, noong binata siya, ginusto niyang maging pari sa simbahang Katoliko. Sa huli, pinili niyang huwag pumasok sa seminaryo at sa halip ay nag-aral siya para maging tagagawa ng mga tool at die.

Simula noong ikasal siya sa aking ina, dumalo sa mga pulong ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang aking ama kasama ang aming pamilya. Katunayan, hindi alam ng karamihan sa ward namin na hindi miyembro ng Simbahan ang tatay ko. Nagkunwari siya at nag-coach sa aming ward softball team, tumulong sa mga aktibidad ng mga Scout, at sinuportahan ang nanay ko sa iba’t iba nitong tungkulin at responsibilidad. Gusto kong ikuwento sa inyo ang isa sa pinakamagandang aral na natutuhan ko sa aking ama tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood.

Noong bata ako bawat linggo ay maraming beses kong tinatanong ang tatay ko kung kailan siya magpapabinyag. Magiliw ngunit matatag niyang isinasagot tuwing tatanungin ko siya: “David, hindi ako sasapi sa Simbahan para sa nanay mo, sa iyo, o kaninuman. Sasapi ako sa Simbahan kapag alam ko nang ito ang tamang gawin.”

Tinedyer pa lang yata ako noon nang magkausap kami nang ganito ng tatay ko. Kauuwi pa lang namin mula sa mga pulong ng Linggo, at tinanong ko ang tatay ko kung kailan siya magpapabinyag. Ngumiti siya at sinabing, “Lagi mo na lang akong tinatanong kung kailan ako magpapabinyag. May tanong ako sa iyo ngayon.” Agad kong naisip na may maganda nang nangyayari sa amin!

Nagpatuloy ang tatay ko, “David, itinuturo ng simbahan ninyo na ang priesthood ay binawi sa lupa noong araw at ipinanumbalik ng mga sugo ng langit kay Propetang Joseph Smith, tama?” Sinabi kong tama ang sinabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ito ang tanong ko. Bawat linggo sa priesthood meeting nakikinig ako sa paalala, pakiusap, at pagsamo ng bishop at iba pang mga lider ng priesthood sa kalalakihan na gawin ang kanilang home teaching at gampanan ang kanilang mga tungkulin sa priesthood. Kung talagang nasa simbahan ninyo ang ipinanumbalik na priesthood ng Diyos, bakit hindi rin tinutupad ng napakaraming lalaki sa simbahan ninyo ang kanilang tungkulin na katulad ng kalalakihan sa simbahan ko?” Agad na lubusang nablangko ang batang isipan ko. Wala akong maisagot sa tatay ko.

Palagay ko mali ang tatay ko na hatulan ang katotohanang inaangkin ng ating Simbahan ang banal na awtoridad nang dahil sa mga pagkukulang ng kalalakihang nakakasama niya sa aming ward. Ngunit nakapaloob sa tanong na ito sa akin ang isang tamang palagay na ang mga lalaking mayhawak ng banal na priesthood ng Diyos ay dapat na naiiba sa ibang kalalakihan. Ang kalalakihang mayhawak ng priesthood ay hindi likas na mas mabuti kaysa ibang lalaki, kundi dapat ay naiiba ang kanilang pagkilos. Ang kalalakihang mayhawak ng priesthood ay hindi lamang dapat tumanggap ng awtoridad ng priesthood kundi maging marapat at tapat ding daluyan ng kapangyarihan ng Diyos. “Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon” (D at T 38:42).

Hindi ko kailanman nalimutan ang mga aral tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood na natutuhan ko sa aking ama, isang mabuting lalaking hindi natin kasapi, na umasa ng higit pa sa kalalakihang nagsasabi na taglay nila ang priesthood ng Diyos. Dahil sa pag-uusap namin ng tatay ko noong Linggo ng hapong iyon maraming taon na ang nakararaan, nagkaroon ako ng hangaring maging “mabuting bata.” Ayaw kong maging masamang halimbawa at hadlang sa pag-unlad ng aking ama sa pagkatuto tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Gusto ko lang maging mabuting bata. Kailangan ng Panginoon na maging mararangal, mababait, at mabubuting bata tayong lahat na nagtataglay ng Kanyang awtoridad sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.

Maaaring interesado kayong malaman na ilang taon kalaunan ay nabinyagan ang aking ama. At sa mga tamang panahon, nagkaroon ako ng pagkakataong ipagkaloob sa kanya ang Aaronic at Melchizedek Priesthood. Isa sa mga dakilang karanasan ko sa buhay ang masaksihan ang pagtanggap ng tatay ko sa awtoridad at sa huli, sa kapangyarihan ng priesthood.

Ibinabahagi ko sa inyo ang malaking aral na natutuhan ko sa aking ama upang bigyang-diin ang isang simpleng katotohanan. Ang pagtanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay isang mahalagang simula, ngunit hindi ito sapat. Ang ordinasyon ay nagkakaloob ng awtoridad, ngunit kabutihan ang kailangan upang makakilos nang may kapangyarihan sa pagpupunyagi nating magpasigla ng mga kaluluwa, magturo at magpatotoo, magbasbas at magpayo, at isulong ang gawain ng kaligtasan.

Sa mahalagang panahong ito ng kasaysayan ng mundo, tayo bilang mga maytaglay ng priesthood ay kailangang maging mabubuting lalaki at mabibisang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Kailangan nating magbangon bilang mga kalalakihan ng Diyos. Makabubuting matuto tayo at makinig sa halimbawa ni Nephi, na apo ni Helaman at una sa labindalawang disipulong tinawag ng Tagapagligtas sa simula ng Kanyang pangangaral sa mga Nephita. “At [si Nephi] ay nangaral ng maraming bagay sa kanila. … At si Nephi ay nangaral nang may kapangyarihan at dakilang karapatan” (3 Nephi 7:17).

“Pakitulungan ang Asawa Ko na Makaunawa”

Sa pagtatapos ng mga interbyu para sa temple recommend na isinagawa ko bilang bishop at stake president, madalas kong itanong sa mga babaeng may-asawa kung paano ko sila lubos na mapaglilingkuran at ang kanilang pamilya. Ang palagiang sagot na natanggap ko mula sa matatapat na kababaihang iyon ay kapwa nakapagturo at nakabahala sa akin. Bihirang magreklamo o mamintas ang kababaihan, ngunit madalas silang sumagot nang ganito: “Pakitulungan po ang asawa ko na maunawaan ang kanyang responsibilidad bilang lider ng priesthood sa aming tahanan. Masaya akong mamuno sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin ng pamilya, at family home evening, at ipagpapatuloy ko ito. Pero sana maging kapantay ko sa gawain ang asawa ko at maglaan siya ng matatag na pamumuno bilang priesthood na siya lang ang makapagbibigay. Pakitulungan ang asawa ko na matuto kung paano maging isang patriarch at lider ng priesthood sa aming tahanan na namumuno at nangangalaga.”

Madalas kong pag-isipan ang katapatan ng kababaihang iyon at ang kanilang kahilingan. Iyon din ang mga problemang naririnig ng mga lider ng priesthood ngayon. Maraming babae ang nagsusumamo para sa mga asawang hindi lamang awtoridad ng priesthood ang taglay kundi pati na kapangyarihan nito. Sabik silang makapantay sa gawain ang isang matapat na asawa at katuwang na priesthood sa paglikha ng isang tahanang nakatuon kay Cristo at sa ebanghelyo.

Mga kapatid, ipinapangako ko na kung mapanalangin nating pag-iisipan ang mga pagsamo ng kababaihang ito, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita ang ating tunay na pagkatao (tingnan sa D at T 93:24) at tutulungan tayong malaman ang mga bagay na kailangan nating baguhin at paghusayin. At panahon na para kumilos!

Maging mga Halimbawa ng Kabutihan

Ngayong gabi uulitin ko ang mga turo ni Pangulong Thomas S. Monson, na nag-imbita sa atin na maging “mga halimbawa ng kabutihan.” Paulit-ulit niyang ipinaaalala sa atin na tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon at may karapatan sa Kanyang tulong kung karapat-dapat tayo (tingnan sa “Mga Halimbawa ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2008, 65–68). Taglay natin ang awtoridad ng priesthood na ibinalik sa mundo sa dispensasyong ito ng mga sugo ng langit, maging nina Juan Bautista at Pedro, Santiago, at Juan. At dahil dito direktang matutunton ng bawat lalaking tumatanggap ng Melchizedek Priesthood ang kanyang personal na linya ng awtoridad hanggang sa Panginoong Jesucristo. Sana’y pasalamatan natin ang kagila-gilalas na pagpapalang ito. Dalangin ko na maging malinis at marapat tayong katawanin ang Panginoon sa paggamit ng Kanyang sagradong awtoridad. Nawa’y maging karapat-dapat tayong lahat sa kapangyarihan ng priesthood.

Pinatototohanan ko na tunay ngang ipinanumbalik sa lupa ang banal na priesthood sa mga huling araw na ito at matatagpuan ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Saksi rin ako na si Pangulong Thomas S. Monson ang namumunong high priest sa high priesthood ng Simbahan (tingnan sa D at T 107:9, 22, 65–66, 91–92) at ang tanging tao sa lupa na kapwa mayhawak at awtorisadong gumamit ng lahat ng susi ng priesthood. Pinatutunayan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.