Ang Kapangyarihang Magligtas
Tayo ay maliligtas mula sa mga gawain ng masasama sa pamamagitan ng pagbaling sa mga turo ng mga banal na kasulatan.
Mayroon akong napakabait na kaibigan na nagpapadala sa akin ng bagong kurbata na isusuot ko sa sesyon kung saan magsasalita ako sa bawat pangkalahatang kumperensya. Mahusay siyang pumili, ‘di ba?
Ang bata kong kaibigan ay dumaranas ng ilang mahihirap na pagsubok. Nalilimitahan siya nito sa ilang kaparaanan, ngunit sa ibang bagay ay kahanga-hanga siya. Halimbawa, ang kanyang katapangan bilang misyonero ay maihahalintulad sa mga anak ni Mosias. Ang kasimplehan ng kanyang paniniwala ay lalo pang nagpatibay at nagpatatag sa kanyang pananalig. Naniniwala ako na hindi maubos-maisip ni Scott kung bakit hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng tao at hindi pa nababasa ng lahat ang Aklat ni Mormon at wala pang patotoo sa katotohanan nito.
Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang isang pangyayari sa buhay ni Scott nang una siyang mag-isang sumakay sa eroplano para bisitahin ang kanyang kapatid. Isang kapitbahay na nasa kalapit na upuan ang nakarinig sa pakikipag-usap ni Scott sa taong katabi niya:
“Hello, ang pangalan ko ay Scott. Ano’ng pangalan mo?”
Sinabi ng kanyang katabi ang pangalan nito.
“Ano ang trabaho mo?”
“Inhinyero ako.”
“Maganda ‘yan. Saan ka nakatira?”
“Sa Las Vegas.”
“May templo kami roon. Alam mo ba kung nasaan ang templo ng mga Mormon?”
“Oo. Magandang gusali iyon.”
“Mormon ka ba?”
“Hindi.”
“Dapat maging miyembro ka. Magandang relihiyon ito. Nabasa mo na ba ang Aklat ni Mormon?”
“Hindi.”
“Dapat mabasa mo ito. Napakaganda ng aklat na ito.”
Buong puso akong sumasang-ayon kay Scott—ang Aklat ni Mormon ay napakaganda. Ang mga salita ni Propetang Joseph Smith na binanggit sa pahina ng pambungad ng Aklat ni Mormon ay palaging espesyal sa akin: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”
Sa taong ito sa ating mga klase sa Sunday School, pinag-aaralan natin ang Aklat ni Mormon. Sa paghahanda at pakikilahok natin, nawa ay mahikayat tayong tularan ang katapangan ni Scott na ibahagi ang ating pagmamahal sa espesyal na banal na kasulatang ito sa mga taong hindi natin karelihiyon.
Ang pangunahing tema ng Aklat ni Mormon ay inilahad sa huling talata ng unang kabanata ng 1 Nephi. Isinulat ni Nephi, “Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).
Nais kong mangusap kung paanong ang Aklat ni Mormon, na magiliw na awa ng Panginoon na inilaan para sa mga huling araw na ito, ay magliligtas sa atin sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin ng doktrina ni Cristo sa paraang dalisay at “pinakatumpak.”
Marami sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa pagliligtas. Ang paglisan ni Lehi patungo sa ilang kasama ang kanyang pamilya ay tungkol sa kaligtasan mula sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang kuwento ng mga Jaredita ay kuwento ng kaligtasan, gayon din ang kuwento ng mga Mulekita. Si Nakababatang Alma ay nailigtas mula sa kasalanan. Ang mga kabataang mandirigma ni Helaman ay nakaligtas sa digmaan. Sina Nephi at Lehi ay iniligtas mula sa bilangguan. Ang tema ng pagliligtas ay makikita sa buong Aklat ni Mormon.
May dalawang kuwento sa Aklat ni Mormon na magkatulad na magkatulad at nagtuturo ng mahalagang aral. Ang una ay sa aklat ni Mosias, simula sa ika-19 na kabanata. Dito ay nalaman natin ang tungkol kay Haring Limhi na nakatira sa lupain ng Nephi. Nakipagdigmaan ang mga Lamanita sa mga tao ni Limhi. Ang ibinunga ng digmaan ay na hahayaan ng mga Lamanita si Haring Limhi na mamuno sa kanyang sariling mga mamamayan, ngunit sila ay magiging bihag nila. Ito ay walang kapanatagang kapayapaan. (Tingnan sa Mosias 19–20.)
Nang mapuno na ang mga tao ni Limhi sa mga pagpapahirap ng mga Lamanita, hinimok nila ang kanilang hari na makipagdigmaan sa mga Lamanita. Tatlong beses natalo ang mga tao ni Limhi. Mabibigat na pasanin ang ipinataw sa kanila. Sa huli sila ay nangagpakumbaba at taimtim na nagsumamo sa Panginoon na iligtas Niya sila. (Tingnan sa Mosias 21:1–14.) Sinasabi sa atin sa talata 15 ng kabanata 21 ang sagot ng Panginoon: “At ngayon, ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan; gayon pa man, dininig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo, at nagsimulang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita kung kaya’t nagsimula nilang pagaanin ang kanilang mga pasanin; gayon man hindi pa minarapat ng Panginoon na palayain sila mula sa pagkaalipin.”
Kalaunan, matapos dumating si Ammon at ang maliit na grupo ng kalalakihan mula sa Zarahemla, at kasama si Gedeon—isa sa mga lider ng mga tao ni Limhi—ginawa ang isang plano na naging matagumpay, at nakaligtas sila sa mga pagpapahirap ng mga Lamanita. Ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang mga pagsusumamo. Bakit? Dahil sa kanilang mga kasamaan.
Ang pangalawang kuwento ay kahalintulad nito sa maraming bagay ngunit may pagkakaiba rin. Ang salaysay ay nakatala sa Mosias 24.
Si Alma at ang kanyang mga tao ay naninirahan sa lupain ng Helam, nang mapunta ang isang hukbo ng mga Lamanita sa mga hangganan ng lupain. Nag-usap sila at nagsagawa ng isang mapayapang solusyon. (Tingnan sa Mosias 23:25–29.) Hindi nagtagal nagsimulang ipilit ng mga lider ng mga Lamanita ang kanilang kagustuhan sa mga tao ni Alma at nagpataw ng mabibigat na pasanin sa kanila (tingnan sa Mosias 24:8). Sa talata 13 mababasa natin, “At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanila sa kanilang mga paghihirap, sinasabing: Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.”
Ang mga tao ni Alma ay nailigtas mula sa mga kamay ng mga Lamanita at ligtas na nakabalik at nakasama ang mga tao ng Zarahemla.
Ano ang kaibhan ng mga tao ni Alma at ng mga tao ni Haring Limhi? Kitang-kitang may ilang pagkakaiba: ang mga tao ni Alma ay mapayapa at mas mabubuti; nabinyagan na sila at gumawa ng tipan sa Panginoon; nagpakumbaba sila sa harap ng Panginoon bago pa man nagsimula ang kanilang paghihirap. Ang lahat ng pagkakaibang ito ay tama lamang at makatwiran kaya mabilis silang nailigtas ng Panginoon sa mahimalang paraan mula sa mga kamay ng mga nang-aalipin sa kanila. Ang mga banal na kasulatang ito ay nagtuturo sa atin ng kapangyarihan ng Panginoon na magligtas.
Ang mga propesiya na nagbabadya sa buhay at misyon ni Jesucristo ay nangako sa atin ng kaligtasan na Kanyang ibibigay. Tayong lahat ay nailigtas ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na mag-uli mula sa pisikal na kamatayan at, kung magsisisi tayo, makaliligtas tayo mula sa kamatayang espirituwal, lakip ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ang mga pangako ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ang mga pangako ng kaligtasan mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan, ay inihayag ng Diyos kay Moises nang sabihin Niya, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Taliwas sa magandang plano para sa atin sa mga banal na kasulatan, nakikita natin ang pagsalungat ng mundo sa matagal nang mga pinaniniwalaan sa mga banal na kasulatan—mga kasulatang nagbibigay sa atin ng gabay sa nakalipas na maraming siglo sa pagtuturo ng mga walang hanggang pinahahalagahan at pamantayan para maisagawa natin sa buhay. Sinasabi nila na ang mga turo sa Biblia ay mali at ang mga turo ng Panginoon ay hindi napapanahon. Sinasabi nila na bawat tao ay dapat may kalayaang magtakda ng sarili niyang mga pamantayan; tinangka nilang baguhin ang mga karapatan ng mga naniniwala sa Diyos, taliwas sa itinuro sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta.
Isang pagpapala ang magkaroon ng tala tungkol sa misyon ng ating Panginoon at Tagapagligtas na inilahad sa Aklat ni Mormon na magdaragdag ng pagpapatibay sa doktrinang inihayag sa Biblia. Bakit mahalaga na parehong makamtan ng mundo ang Biblia at Aklat ni Mormon? Naniniwala ako na ang sagot ay matatagpuan sa ika-13 kabanata ng 1 Nephi. Itinala ni Nephi: “At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing: Ang mga huling talaang ito, na nakita mo sa mga Gentil [ang Aklat ni Mormon], ang magpapatibay sa katotohanan ng una [ang Biblia], na nagmula sa labindalawang apostol ng Kordero, at ipaaalam ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis sa mga yaon; at ipaaalam sa lahat ng lahi, wika, at tao, na ang Kordero ng Diyos ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at na ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya, o sila ay hindi maaaring maligtas” (talata 40).
Hindi sapat kung Biblia lang o Aklat ni Mormon lang. Ang dalawang ito ay mahalaga upang maituro at matutuhan natin ang buo at kumpletong doktrina ni Cristo. Ang pangangailangan sa isa ay hindi nagpapawalang-halaga sa isa man sa mga ito. Ang Biblia at Aklat ni Mormon ay kapwa mahalaga sa ating kaligtasan at kadakilaan. Tulad ng matinding itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:“Kapag magkasamang ginamit, wawasakin ng Biblia at Aklat ni Mormon ang mga maling doktrina” (“A New Witness for Christ,” Ensign, Nob. 1984, 8)).
Gusto kong tapusin ang aking mensahe sa pagtalakay ng dalawang kuwento—ang isa ay mula sa Lumang Tipan, at ang isa ay mula sa Aklat ni Mormon—upang ipakita ang magandang pagkakatugma ng mga aklat.
Ang kuwento tungkol kay Abraham ay nagsimula sa pagkaligtas niya mula sa mga Caldeo na sumasamba sa mga diyus-diyusan (tingnan sa Genesis 11:27–31; Abraham 2:1–4). Sila ng kanyang asawang si Sara, ay nailigtas kalaunan mula sa kalungkutan at pinangakuan na sa pamamagitan ng kanilang mga inapo ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain (tingnan sa Genesis 18:18).
Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng salaysay tungkol kay Abraham nang isama niya si Lot, na kanyang pamangkin, palabas ng Egipto. Dahil pinapili ng lupain, pinili ni Lot ang kapatagan ng Jordan, at nagtayo ng tolda na nakaharap sa Sodoma, isang lungsod na napakasama. (Tingnan sa Genesis 13:1–12.) Karamihan sa mga problemang nakaharap kalaunan ni Lot sa kanyang buhay, at ito ay marami, ay maiuugnay sa kanyang naunang desisyong iharap ang pintuan ng kanyang tolda sa Sodoma.
Si Abraham, ang ama ng matatapat, ay iba ang naranasan sa buhay. Totoong maraming mga pagsubok, ngunit sa kabila nito pinagpala ang kanyang buhay. Hindi natin alam kung saan nakaharap ang pintuan ng tolda ni Abraham, ngunit may malakas na pahiwatig sa huling talata ng ika-13 kabanata ng Genesis. “At binuhat ni Abram [o Abraham] ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya’y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon” (Genesis 13:18).
Bagama’t hindi ko alam, naniniwala ako na nakaharap ang pintuan ng tolda ni Abraham sa dambana na kanyang itinayo sa Panginoon. Paano ko naisip ang konklusyong ito? Dahil alam ko ang kuwento sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga tagubilin ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao nang magtipon sila upang marinig ang huli niyang mensahe. Iniutos sa kanila ni Haring Benjamin na iharap ang mga pintuan ng kanilang mga tolda sa templo (tingnan sa Mosias 2:1–6).
Tayo ay maliligtas mula sa mga gawain ng masasama sa pamamagitan ng pagbaling sa mga turo ng mga banal na kasulatan. Ang Tagapagligtas ay Dakilang Tagapagligtas, sapagkat iniligtas Niya tayo mula sa kamatayan at mula sa kasalanan (tingnan sa Mga Taga Roma 11:26; 2 Nephi 9:12).
Ipinahahayag ko na si Jesus ang Cristo at na mapapalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Ang unang mga tipan ng ating Tagapagligtas ay ang mga Luma at Bagong Tipan—o ang Biblia.
Muli, alalahanin natin ang paglalarawan ng aking kaibigang si Scott tungkol sa Aklat ni Mormon. “Napakaganda ng aklat na ito” At pinatototohanan ko sa inyo na ang kagandahan ng Aklat ni Mormon ay nagmumula halos sa pagkakatugma nito sa Banal na Biblia, sa pangalan ni Jesucristo, amen.