Maghangad na Matuto: May Gawain Kayong Gagawin
Pagpalain ang inyong mga anak at magiging tahanan sa pamamagitan ng pag-aaral ngayon hangga’t kaya ninyo.
Mahal kong mga kabataang babae, mahal na mahal namin ang bawat isa sa inyo. Nakikita namin na buong tapang kayong bumabangon at nagliliwanag sa isang mundong may malalaking hamong kaakibat ang malalaking oportunidad. Dahil dito maaaring maisip ninyo, ano ang magiging kinabukasan ko? Tinitiyak ko sa inyo na kapag mabuti kayong anak ng Diyos, maganda ang inyong kinabukasan! Nabubuhay kayo sa panahon na naibalik na ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at matatagpuan ang mga katotohanang ito sa inyong mga banal na kasulatan. Natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo noong kayo ay binyagan, at ituturo sa inyo ng Espiritu Santo ang katotohanan at ihahanda kayo para sa mga hamon ng buhay.
Binigyan kayo ng Diyos ng kalayaang moral at ng pagkakataong matuto habang narito sa lupa, at may ipagagawa Siya sa inyo. Upang maisagawa ito, responsibilidad ng bawat isa sa inyo na maghangad na matuto. Ang susi sa inyong kinabukasan, ang inyong “sinag ng pag-asa,”1 ay matatagpuan sa bagong buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan sa ilalim ng paksang edukasyon at sa pinahahalagahan ng Young Women na kaalaman.
“Ang edukasyon ay … magbubukas ng mga oportunidad.”2 Kapag sinunod ninyo ang payo ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya,”3 hindi lamang kaalaman ang inyong natatamo mula sa inyong pag -aaral kundi pati na dagdag na kaliwanagan habang natututo kayo nang may pananampalataya.
Maghangad na matuto sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral. Bihira kayong makapaglalaan ng maraming oras sa pagkatuto na kagaya ngayon. Buong talinong nagpayo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa mga kabataan ng Simbahan: “Ang nakagawian ninyong paraan ng pag-aaral noong nag-aaral pa kayo ay magkakaroon ng malaking epekto sa hangarin ninyong matuto.”4 “Kailangan ninyong pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. … Isakripisyo ang mga bagay na kailangang isakripisyo upang magawa ninyo ang gawain ng mundong [ito]. … Hasain ang inyong isipan at kakayahan upang maging impluwensya sa kabutihan habang kayo ay nabubuhay.”5
Sa pagsasalita lalo na sa kababaihan, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Madalas ay hindi natin alam ang hinaharap; samakatwid, kailangan nating maghanda para sa mga alanganing sitwasyon. … Hinihimok kong ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral at pag-aralan ang magagamit na mga kasanayan upang, kung sumapit ang sitwasyong iyon, kayo’y handang maglaan.”6
Mga kabataan, sundin ang payo ng matatalino at inspiradong mga propetang ito. Maging mahusay na estudyante. Bumangon at magliwanag sa inyong mga paaralan nang buong kasigasigan, katapatan, at integridad. Kung kayo ay nahihirapan o may problema sa pag-aaral, magpatulong sa inyong mga magulang, guro, at matulunging mga miyembro ng Simbahan. Huwag sumuko kailanman!
Isulat ang mga bagay na gusto ninyong matutuhan; pagkatapos “ipaalam ang mga nais ninyong makamit sa pag-aaral sa inyong pamilya, mga kaibigan, at mga lider para masuportahan at mahikayat nila kayo.”7 Ito ang huwaran ng Pansariling Pag-unlad.
Sa tulong ng teknolohiya nasasaksihan ninyo ang pagbuhos ng kaalaman. Palagi kayong nalilibutan ng musika, video, at networking. Maging mapili at huwag hayaang makagambala o magpabagal sa pag-unlad ninyo ang pagdagsang ito ng impormasyon. Bumangon, mga kabataang babae! Kayo ang magtakda ng inyong mga mithiin. Kayo ang magpasiya kung ano ang ipapasok ninyo sa inyong puso’t isipan.
Ang ilan sa pinakamahalagang matututuhan ninyo ay nasa labas ng silid-aralan. Palibutan ang inyong sarili ng ulirang kababaihang makapagtuturo sa inyo ng mga kasanayang pantahanan, sining, musika, family history, isport, pagsusulat, o pagsasalita. Kilalanin sila at magpaturo kayo sa kanila. Kapag may bago kayong nalaman, ituro ito sa Mutual o magturo sa ibang mga kabataang babae bilang bahagi ng mga kailangang gawin para makamit ang inyong Honor Bee.
Bukod pa sa aking napakabuting ina, maraming nagturo sa akin. Una akong naturuan sa labas ng aming tahanan noong ako ay siyam na taong gulang lamang. Tinuruan ako ng aking guro sa Primary na mag-cross-stitch ng “Dadalhin Ko ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Aking Tahanan,” isang larawang nakasabit sa silid ko noong tinedyer ako. Palagi akong ginabayan, iwinasto, at hinikayat ng aking guro. May iba pang sumunod na mga tagapagturo. Dalawang mahuhusay na modista sa ward namin ang nagturo sa aking manahi. Sa kanilang paggabay, tiyaga, at panghihikayat, sumali ako sa paligsahan sa pananahi noong ako ay 14 na taong gulang at nanalo nga ako! Ang karanasang ito ay lalong nagpatindi sa hangarin kong matuto at humusay sa iba pang mga bagay.
Ang pagtatamo ng kaalaman ngayon ay magiging napakahalaga kapag naging ina na kayo. “Ang narating ng isang ina sa pag-aaral ay may malaking impluwensya sa pipiliing kurso ng kanyang [mga anak].”8 Ang pinag-aralan ng isang ina ay maaaring maging “susi upang matigil [ang] paulit-ulit na karalitaan.”9 Ang edukadong kababaihan “ay may tendensiyang: Magsilang ng mas malulusog na sanggol, magkaroon ng mas malulusog na anak, mas magtiwala sa sarili, matibay at mas magaling mangatwiran at humatol.”10
Nalaman natin sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak.”11 Ang pagpapaaral sa inyong mga anak ay bahagi ng pag-aarugang iyon at ng inyong sagradong responsibilidad. Gaya ng mga kabataang mandirigma, na “tinuruan ng kanilang mga ina,”12 kayo ang magiging pinakamahalagang guro ng inyong mga anak, kaya piliing mabuti ang inyong pag-aaralan. Pagpalain ang inyong mga anak at magiging tahanan sa pamamagitan ng pag-aaral ngayon hangga’t kaya ninyo.
Maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Natututo tayo sa pamamagitan ng pananampalataya kapag masigasig tayong nagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod at kapag hinangad natin ang patnubay ng Espiritu Santo, na nagpapatunay sa lahat ng katotohanan. Kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi para magtamo ng kaalaman, mabibigyang-liwanag ng Espiritu Santo ang inyong isipan. Sa pagsisikap ninyong manatiling karapat-dapat, papatnubayan kayo ng Espiritu Santo at daragdagan ang inyong kaalaman.
Noong dalagita pa ako, nanghiram ako ng ski na napakahaba at botang napakalaki, at tinuruan ako ng kaibigan kong mag-ski! Nag-ski kami isang magandang araw ng tagsibol na masikat ang araw, tamang-tama ang niyebe, at maaliwalas at bughaw ang kalangitan. Ang pag-aalala ko sa matatarik na dalisdis ay napalitan ng tuwa nang matuto ako. At kahit ilang beses akong natumba gamit ang mahahabang ski na iyon, tumayo ako at patuloy ko itong sinubukan. Nagustuhan ko ang isport!
Gayunman, hindi nagtagal ay natuklasan ko na hindi lahat ng araw at panahon ng pag-ski ay gayon kaganda. Sa mga araw na maulap, nag-ski kami sa panahong tinatawag na “flat light.” Nagkakaroon ng flat light kapag ang liwanag mula sa araw ay natatakpan ng mga ulap. Kapag tumingin ka sa puting niyebe, wala ka nang gaanong makikita, at mahirap tantiyahin ang tarik ng dalisdis o makita ang mga nakaumbok na niyebe sa burol.
Mga kabataang babae, maaaring inaasam ninyo ang inyong kinabukasan tulad ng pagtingin ko sa matarik na dalisdis na iyon. Maaaring kung minsan ay nadarama ninyo na wala kayong gaanong makita, na hindi nakikita ang naghihintay sa inyo. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay magbibigay sa inyo ng tiwala sa sarili at tutulong sa inyong paglalakbay sa mga panahon ng kawalang-katiyakan.
Sa ika-25 kabanata ng Mateo, itinuro sa atin ng talinghaga ng sampung dalaga na napakahalaga ng espirituwal na paghahanda at dapat itong gawin ng bawat isa. Maaalala ninyo na inanyayahan ang sampung dalaga na samahan ang kasintahang lalaki papunta sa piging ng kasal, ngunit limang matatalinong dalaga lamang ang may handang langis sa kanilang ilawan.
“At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan.
“Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.
“At samantalang sila’y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.”13
Maaaring isipin ninyo na maramot ang limang matatalinong dalagang hindi nagbahagi ng kanilang langis, ngunit imposible iyon. Ang espirituwal na paghahanda ay dapat gawing mag-isa, nang paunti-unti, at hindi maaaring ibahagi.
Ngayon ang panahon para masigasig ninyong dagdagan ang inyong espirituwal na kaalaman—nang paunti-unti—sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsunod. Ngayon ang panahon para tapusin ang inyong pag-aaral—nang paunti-unti. Bawat mabuting kaisipan at gawa ay nagdaragdag din ng langis sa inyong mga ilawan, ginagawa kayong marapat na patnubayan ng Espiritu Santo, na ating banal na guro.
Papatnubayan kayo ng Espiritu Santo sa inyong paglalakbay sa buhay na ito, kahit wala kayong gaanong makita, at hindi nakatitiyak sa mangyayari. Hindi kayo dapat matakot. Kapag nanatili kayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan, papatnubayan kayo ng Espiritu Santo sa inyong mga desisyon at pag-aaral.
Pinatototohanan ko mula sa sarili kong karanasan na kung hangad ninyong matuto hindi lamang sa pag-aaral kundi maging sa pananampalataya, kayo ay papatnubayan sa anumang “kailangang ipagawa at ipaalam sa inyo ng Panginoon.”14
Natanggap ko ang aking patriarchal blessing noong dalagita ako at pinayuhan akong ihanda ang aking sarili na mag-aral na mabuti at matutuhan nang maaga sa buhay ang magagandang katangiang iyon na magagamit sa pangangasiwa sa tahanan at pag-aaruga ng pamilya. Gustung-gusto kong magkaroon ng pamilya ngunit natupad lamang iyan noong 37 taong gulang na ako, nang mag-asawa ako kalaunan. Balo na ang asawa ko, kaya noong araw na ibuklod kami sa templo, bigla akong nabiyayaan hindi lamang ng isang asawa kundi ng apat na anak din.
Bago iyan, maraming araw na para akong nag-ski sa maulap na kalangitan, na nagtatanong, “Ano ang magiging kinabukasan ko?” Sinikap kong sundin ang mga payo sa aking patriarchal blessing. Masigasig akong nag-aral na maging guro at nagpatuloy sa pag-aaral para maging prinsipal sa elementarya. Nanalangin ako sa Ama sa Langit at naghangad ng patnubay ng Espiritu Santo. Pinanghawakan ko ang pangako ng mga propeta na nagbigay-katiyakan sa akin na kung ako ay “mananatiling totoo at tapat, tutupdin ang [aking] mga tipan, maglilingkod sa Diyos, mamahalin ang [aking] Ama sa Langit at ang Panginoong Jesucristo, [ako] ay hindi pagkakaitan ng alinman sa mga walang hanggang pagpapala ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang matatapat na anak.”15
Alam ko na inihanda ako ng aking pinag-aralan para sa buhay na malayo sa naisip ko noong dalagita pa ako. Akala ko nag-aral ako para makapagturo sa paaralan at sa magiging mga anak ko, ngunit hindi ko alam na inihanda rin ako noon ng Panginoon na magturo ng Ingles sa Mongolia noong magmisyon kaming mag-asawa at magturo sa mga kabataang babae ng Simbahan sa buong mundo at maituro sa mga apo ko ang kahalagahan ng kaalaman—pawang magagandang pagpapalang hindi ko naisip noon.
Pinatototohanan ko na kilala at mahal kayo ng ating Ama sa Langit. Malaki ang tiwala Niya sa inyo at may ipagagawa Siya na kayo lamang ang makagagawa. Tinitiyak ko sa inyo na kayo ay magiging handa para sa dakilang gawaing iyon kung hahangarin ninyong matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.