2010–2019
Turuan ang Ating mga Anak na Umunawa
Abril 2012


Turuan ang Ating mga Anak na Umunawa

Ang pagtuturo sa ating mga anak na makaunawa ay higit pa sa pagbabahagi ng impormasyon. Ito’y pagtulong sa ating mga anak na maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso.

Sa paglipas ng mga taon, maraming mga pangyayari sa buhay ko ang hindi ko na gaanong maalala, ngunit ilan sa mga alaalang nananatiling sariwa sa aking isipan ay ang pagsilang ng bawat isa sa aming mga anak. Tila napakalapit lang ng langit, at kung iisipin kong mabuti, parang nararamdaman ko pa rin ang gayong paggalang at pagkamanghang nadama ko sa pagkarga ko sa bawat isa sa mga espesyal na sanggol na iyon.

Ang ating “mga anak ay mana na mula sa Panginoon” (Mga Awit 127:3). Kilala at mahal Niya ang bawat isa nang may puspos na pag-ibig (tingnan sa Moroni 8:17). Napakasagradong responsibilidad ang inatang ng Ama sa Langit sa atin bilang mga magulang upang maging katuwang Niya sa pagtulong sa Kanyang piling mga espiritu na marating ang batid Niyang maaaring kahinatnan nila.

Ang banal na pribilehiyong ito ng pagpapalaki ng ating mga anak ay isang napakalaking responsibilidad na hindi natin magagawang mag-isa, kung wala ang tulong ng Panginoon. Batid Niya kung ano talaga ang kailangang malaman ng ating mga anak, ano ang kanilang dapat gawin, at kung ano ang kailangan nilang marating para makabalik sa Kanyang piling. Binibigyan Niya ang mga ama at ina ng tiyak na mga tagubilin at gabay sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, Kanyang mga propeta, at ng Espiritu Santo.

Sa modernong paghahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inuutusan ng Panginoon ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. Pansinin na hindi lamang sinabi ng Panginoon na kailangan nating “ituro ang doktrina”; ang tagubilin Niya ay turuan ang ating mga anak na “maunawaan ang doktrina.” (Tingnan sa D at T 68:25, 28; idinagdag ang pagbibigay-diin.)

Sa Mga Awit mababasa natin, “Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan; oo, aking susundin ng aking buong puso” (Mga Awit 119:34).

Ang pagtuturo sa ating mga anak na makaunawa ay higit pa sa pagbabahagi ng impormasyon. Ito’y pagtulong sa ating mga anak na maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso na nagiging bahagi na ito ng kanilang pagkatao at nakikita na sa kanilang pag-uugali at kilos sa buong buhay nila.

Itinuro ni Nephi na ang tungkulin ng Espiritu Santo ay magdala ng katotohanan “sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1). Ang tungkulin natin bilang mga magulang ay gawin ang lahat ng makakaya natin upang makalikha ng kapaligiran kung saan maaaring madama ang impluwensya ng Espiritu at pagkatapos ay tulungan silang malaman kung ano ang kanilang nadarama.

Naaalala ko ang tawag sa telepono na natanggap ko ilang taon na ang nakalilipas mula sa anak kong si Michelle. Mangiyak-ngiyak na sinabi niya, “Inay, kani-kanina lang, may napakapambihirang nangyari sa amin ni Ashley.” Si Ashley ay ang anak niyang babae na limang taong gulang noon. Inilarawan ni Michelle na ang umagang iyon ay puno ng pag-aaway sa pagitan ni Ashley at ng kanyang tatlong-taong-gulang na anak na si Andrew—ayaw magpahiram ang isa at ang isa ay nananakit. Matapos niya silang pagbatiin, umalis si Michelle para tingnan ang kanyang baby.

Maya-maya lang, tumatakbong dumating si Ashley, galit dahil ayaw magpahiram ng laruan si Andrew. Ipinaalala ni Michelle kay Ashley ang pangakong ginawa nila sa family home evening na magiging mas mabait sila sa isa’t-isa.

Tinanong niya si Ashley kung gusto niyang magdasal at hingin ang tulong ng Ama sa Langit, pero sagot ng galit pa ring si Ashley, “Ayoko po.” Nang tinanong niya kung naniniwala siyang sasagutin ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin, sinabi ni Ashley na hindi niya alam. Hiniling ng kanyang ina na subukan niya at marahang kinuha ng ina ang mga kamay nito at sabay silang lumuhod.

Iminungkahi ni Michelle na ipagdasal niya sa Ama sa Langit na tulungan si Andrew na maging mapagbigay—at tulungan naman siyang maging mabait. Ang ideya na tutulungan ng Ama sa Langit ang maliit niyang kapatid na maging mapagbigay ay nakapukaw sa interes ni Ashley, at nagsimula siyang magdasal, una na tulungan sana ng Ama sa Langit si Andrew na maging mapagbigay. Habang ipinagdarasal niya sa Ama na tulungan siyang maging mabait, napaiyak siya. Tinapos niya ang pagdarasal at isinubsob niya ang kanyang ulo sa balikat ng kanyang nanay. Niyakap siya ni Michelle at tinanong kung bakit siya umiiyak. Sinabi ni Ashley na hindi niya alam.

Sabi ng nanay niya, “Sa palagay ko, alam ko kung bakit ka umiiyak. Maganda ba ang nararamdaman mo?” Tumango si Ashley, at nagpatuloy ang nanay niya, “Iyan ang Espiritu na tumutulong sa iyong madama ang ganyan. Paraan iyan ng Ama sa Langit para sabihin sa iyo na mahal ka Niya at tutulungan ka Niya.”

Tinanong niya si Ashley kung naniniwala ba siya rito, at kung naniniwala ba siya na matutulungan siya ng Ama sa Langit. Maluha-luhang sinabi ni Ashley na naniniwala siya.

Minsan ang pinakamabisang pagtuturo sa ating mga anak para maunawaan ang doktrina ay ituro ito ayon sa nadarama nila sa mga sandaling iyon. Ang mga sandaling ito ay kusang nangyayari at hindi nakaplano at nagaganap sa normal na kalagayan ng pamilya. Mabilis itong dumarating at madaling mawala, kaya kailangan tayong maging maagap at malaman ang mga sandali ng pagtuturo kapag may tanong o nag-aalala ang ating mga anak, kapag hindi nila nakakasundo ang kanilang mga kapatid o kaibigan, kapag kailangan nilang magtimpi ng galit, kapag nakagagawa sila ng mali, o kapag kailangan nilang magdesisyon. (Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin: Mapagkukunang Gabay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo [2000], 167; Marriage and Family Relations Instructor’s Manual [2000], 61.)

Kung lagi tayong handa at kung hahayaan natin ang Espiritu na gumabay sa mga sitwasyong ito, mas mabisa ang ating pagtuturo at pagpapaunawa sa ating mga anak.

Kasinghalaga nito ang mga sandali ng pagtuturo na dumarating sa regular nating pagpaplano ng mga okasyon gaya ng panalangin ng pamilya, pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan, family home evening, at iba pang mga aktibidad ng pamilya.

Sa bawat sitwasyon ng pagtuturo lahat ng pagkatuto at pagkaunawa ay mabisang naisasakatuparan sa kapaligirang puno ng pagmamahalan kung saan naroon ang Espiritu.

Mga dalawang buwan bago sumapit ang ikawalong kaarawan ng kanyang mga anak, isang ama ang nag-ukol ng oras bawat linggo para ihanda sila sa pagpapabinyag. Sinabi ng anak niyang babae na noong pagkakataon na niya, binigyan siya ng ama ng isang journal at nag-usap sila, silang dalawa lamang, at nag-usap at ibinahagi ang mga nadarama tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ipinaguhit sa kanya ng kanyang ama ang isang larawan habang nagpapatuloy sila sa pag-aaral. Ipinakita nito ang buhay bago pa ang buhay sa mundo, ang buhay dito sa lupa, at ang bawat hakbang na kailangan niyang tahakin upang makabalik at mamuhay kasama ang Ama sa Langit. Nagbigay siya ng patotoo tungkol sa bawat hakbang ng plano ng kaligtasan habang itinuturo ito sa kanya ng ama.

Nang ikinuwento ng kanyang anak na babae ang karanasang ito noong lumaki na siya, sinabi ng anak: “Hindi ko kailanman malilimutan ang pagmamahal na nadama ko sa aking ama habang iniuukol niya ang panahong iyon sa akin. … Naniniwala ako na ang karanasang ito ang isang mahalagang dahilan na mayroon akong patotoo sa ebanghelyo nang ako ay mabinyagan.” (Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 170.)

Ang pagtuturo para makaunawa ay kailangan ng determinado at tuluy-tuloy na pagsisikap. Kailangan dito ang pagtuturo sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa at lalo na sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga anak na ipamuhay ang kanilang mga natututuhan.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Kung hindi naipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, mas mahirap paniwalaan ang alituntuning iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 142).

Una akong natutong magdasal sa pamamagitan ng pagluhod kasama ang aking pamilya sa panalangin ng mag-anak. Naituro sa akin ang wika ng pagdarasal habang nakikinig ako sa pagdarasal ng aking mga magulang at habang tinutulungan nila ako sa mga unang pagkakataon kong magdasal. Natutuhan ko na maaari akong makipag-usap sa Ama sa Langit at humiling ng patnubay.

Tuwing umaga, walang palya ang aking ama at ina sa pagtipon sa amin sa hapag-kainan bago kumain ng almusal, at nakaluhod kaming nagdarasal bilang pamilya. Nagdarasal kami sa bawat oras ng pagkain. Sa gabi bago matulog, sama-sama kaming lahat na nakaluhod sa sala at tinatapos ang araw sa panalangin ng mag-anak.

Bagama’t marami akong hindi naunawaan tungkol sa pagdarasal noong bata pa ako, naging bahagi ito ng buhay ko na nakintal sa akin. Patuloy pa rin akong natututo, at ang aking pagkaunawa sa kapangyarihan ng panalangin ay patuloy na lumalalim.

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “Nauunawaan nating lahat na ang tagumpay ng mensahe ng ebanghelyo ay nakasalalay sa pagtuturo at pag-unawa rito at pamumuhay sa paraang makakamtan ang ipinangako nitong kaligayahan at kaligtasan” (“Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan” [pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Peb.10, 2007], Liahona, Hunyo 2007, 57).

Ang pag-aaral upang lubos na maunawaan ang mga doktrina ng ebanghelyo ay panghabambuhay na proseso at dumarating nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kakaunti rito at kakaunti roon” (2 Nephi 28:30). Habang natututo at ipinapamuhay ng mga bata ang natututuhan nila, lumalawak ang kanilang nauunawaan na humahantong sa karagdagang pagkatuto, pagsasabuhay, at maging ng lubos at higit na pangmatagalang pagkaunawa.

Malalaman natin kung nauunawaan na ng ating mga anak ang doktrina kapag nakikita na natin ito sa kanilang pag-uugali at kilos nang hindi pinipilit o ginagantimpalaan. Habang nauunawaan ng ating mga anak ang mga doktrina ng ebanghelyo, mas aasa sila sa kanilang sarili at sila ay nagiging mas responsable. Sila ay nagiging bahagi na ng solusyon sa mga hamon sa ating pamilya at nakapagbibigay ng positibong kontribusyon sa kapaligiran sa tahanan at sa tagumpay ng ating pamilya.

Matuturuan natin ang ating mga anak na umunawa sa pagsasamantala natin sa bawat sandali ng pagtuturo, pag-imbita sa Espiritu, pagpapakita ng halimbawa, at pagtulong sa kanilang ipamuhay ang kanilang natututuhan.

Kapag tumititig tayo sa mga mata ng isang munting sanggol, naaalala natin ang awiting:

Ako ay anak ng Diyos,

Nangangailangang;

Matutuhan kanyang aral

Habang bata pa lang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin

Nang Siya’y makapiling.

“Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189; idinagdag ang pagbibigay-diin)

Nawa’y magawa natin ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.