Pananampalataya, Katatagan, Kapanatagan: Isang Mensahe para sa mga Magulang na Walang Asawa
Nagsisikap kayong palakihin ang inyong mga anak sa kabutihan at katotohanan, batid na bagama’t hindi na ninyo mababago ang nakaraan, mahuhubog naman ninyo ang hinaharap.
Ang aking mensahe ay para sa mga magulang sa Simbahan na walang asawa, na karamihan ay mga ina—kayong magigiting na kababaihan na sa kabila ng magkakaibang kalagayan sa buhay ay nagpapalaki ng mga anak at pinangangalagaan ang inyong tahanan. Marahil ay balo kayo o hiwalay sa asawa. Maaaring nahaharap kayo sa mga hamon ng pagiging nag-iisang magulang na bunga ng hindi pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, ngunit ngayon ay namumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at nagbagong-buhay. Pagpalain kayo sa pag-iwas sa uri ng relasyong maaaring humadlang sa pagiging mabuti ninyong disipulo. Napakalaking kabayaran niyan sa pagsuway.
Bagama’t kung minsan ay naitatanong ninyong, bakit ako? umuunlad tayo sa pamamagitan ng mga paghihirap sa buhay patungo sa pagiging diyos habang nahuhubog ang ating pagkatao sa matitinding paghihirap, at nangyayari ang mga ito sa buhay dahil iginagalang ng Diyos ang kalayaan ng tao. Tulad ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, hindi natin mauunawaan ang lahat ng dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay dahil “hindi natin alam ang buong katotohanan.”1
Anuman ang inyong sitwasyon o mga dahilan para dito, kahanga-hanga kayo. Araw-araw ninyong hinaharap ang mga hirap ng buhay, na mag-isang ginagawa ang mga bagay na dapat ay dalawang tao ang gumagawa. Kailangan ninyong tumayo bilang ama at ina. Inaasikaso ninyo ang inyong tahanan, inaalagaan ang inyong pamilya, kung minsan ay nahihirapan kayong tugunan ang lahat ng pangangailangan, at himalang nakapaglilingkod pa kayo sa Simbahan sa makabuluhang mga paraan. Inaaruga ninyo ang inyong mga anak. Umiiyak kayo at nananalangin kasama sila at para sa kanila. Gusto ninyo ang pinakamainam para sa kanila ngunit nangangamba gabi-gabi na baka hindi sapat ang pagsisikap ninyo.
Bagama’t atubili akong magkuwento nang personal, lumaki ako na iisa ang magulang. Halos buong pagkabata ko hanggang mag-tinedyer ako, mag-isa kaming pinalaki ng aking ina sa gitna ng kahirapan. Maingat niyang ibinadyet ang pera. Tiniis niya ang lumbay, na kung minsan ay kailangang-kailangan niya ng tulong at makakasama. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may dangal ang aking ina, na pinagmumulan ng determinasyon at buong katatagan ng isang tunay na babaing Scottish.
Mabuti na lang at pinagpala ang huling bahagi ng kanyang buhay kaysa noong nag-iisa siyang magulang. Nagpakasal siya sa isang bagong miyembro, isang balo; nabuklod sila sa London at kalaunan ay naglingkod doon sandali bilang mga ordinance worker. Halos dalawampu’t limang taon silang nagsama—masaya, kuntento, at panatag hanggang sa pumanaw sila.
Marami kayong mabubuting kababaihan sa Simbahan sa buong mundo na gayon din ang sitwasyon at nagpapamalas ng gayon ding katatagan sa paglipas ng mga taon.
Hindi naman ito ang inyong inasam at ipinlano, ipinagdasal o inasahan, nang magsimula kayo maraming taon na ang nakalipas. Ang inyong paglalakbay sa buhay ay nagkaroon ng mga paghihirap at di-inaasahang pagbabago, na karamihan ay bunga ng buhay sa mundong puno ng kasamaan na siyang lugar para tayo subukan.
Samantala, nagsisikap kayong palakihin ang inyong mga anak sa kabutihan at katotohanan, batid na bagama’t hindi na ninyo mababago ang nakaraan, mahuhubog naman ninyo ang hinaharap. Sa inyong buhay magtatamo kayo ng mga pagpapala, kahit hindi kaagad nakikita ang mga ito.
Sa tulong ng Diyos, hindi ninyo kailangang mangamba para sa hinaharap. Magsisilaki ang inyong mga anak at tatawagin kayong pinagpala, at bawat isa sa kanilang maraming tagumpay ay magiging papuri sa inyo.
Huwag sana ninyong isipin kailanman na mas mababa ang katayuan ninyo kaysa ibang mga miyembro ng Simbahan, na mas karapat-dapat silang tumanggap ng mga pagpapala ng Panginoon kaysa sa inyo. Sa kaharian ng Diyos, lahat ay pantay-pantay.
Kapag dumalo kayo sa mga pulong at nakakita ng mga pamilyang mukhang buo at masaya o nakarinig ng mensahe tungkol sa mga pamantayan ng pamilya, matuwa sana kayo na kabilang kayo sa isang simbahang nagtutuon sa mga pamilya at itinuturo ang mahalagang papel nila sa plano ng Ama sa Langit para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak; na sa mundong puno ng kalamidad at imoralidad, nasa atin ang doktrina, awtoridad, mga ordenansa, at mga tipan na nag-aalok ng pinakamalaking pag-asa sa sanlibutan, pati na ng kaligayahan sa hinaharap ng inyong mga anak at ng kanilang magiging pamilya.
Sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong Setyembre 2006, ikinuwento ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang ibinahaging karanasan ng isang ina na hiwalay sa asawa at may pitong anak na ang edad ay mula 7 hanggang 16. Tumawid siya ng kalye para maghatid ng isang bagay sa kapitbahay. Sabi niya:
“Nang pauwi na ako, nakita kong maliwanag ang bahay. Naririnig ko pa ang boses ng mga anak ko paglabas ko ng pintuan kani-kanina lang. Sabi nila: ‘Nay, ano ang hapunan natin?’ ‘Masasamahan ba ninyo ako sa library?’ ‘Kailangan kong bumili ng poster paper ngayong gabi.’ Pagod at nanghihina, tiningnan ko ang bahay na iyon at nakita kong bukas ang ilaw sa bawat kuwarto. Naalala ko ang lahat ng batang nasa bahay na naghihintay sa pagdating ko at pagtulong sa kanilang mga pangangailangan. Bumigat ang pasanin ko nang higit kaysa makakaya ko.
“Naaalala kong luhaan akong tumingala sa langit, at sabi ko, ‘Mahal na Ama, hindi ko ito kaya ngayong gabi. Pagod na pagod na ako. Hindi ko kayang harapin ito. Hindi ko kayang umuwi at mag-isang alagaan ang lahat ng bata. Puwede bang pumunta na lang ako sa Inyo at makapiling ko Kayo kahit isang gabi lang? …’
“Hindi ko talaga narinig ang sagot, pero narinig ko iyon sa aking isipan. Ang sagot ay: ‘Hindi, anak ko, hindi ka makakapunta sa akin ngayon. … Ngunit maaari kitang puntahan.’”2
Salamat sa inyong kababaihan sa lahat ng ginagawa ninyo para arugain ang inyong pamilya at mapanatili ang pagmamahalan sa tahanan kung saan may kabutihan, kapayapaan, at oportunidad.
Bagama’t madalas ninyong madamang nag-iisa kayo, ang totoo ay hindi kayo lubos na nag-iisa kailanman. Kapag sumulong kayo nang may pagtitiis at pananampalataya, sasainyo ang Panginoon; ipagkakaloob ng langit ang kailangan ninyong mga pagpapala.
Ang inyong pananaw at pang-unawa sa buhay ay magbabago, sa halip na maging malungkot, kapag umasa kayo sa Diyos.
Natuklasan na ng marami sa inyo ang malaki at nagpapabagong katotohanan na kapag tinulungan ninyo ang iba, gagaan ang sarili ninyong mga pasanin. Bagama’t maaaring hindi nagbago ang sitwasyon, nagbago naman ang inyong pag-uugali. Higit ninyong natatanggap ang sarili ninyong mga pagsubok, nang may pusong higit na nakauunawa, at mas pinasasalamatan ang anumang mayroon kayo, sa halip na hangarin ang wala sa inyo.
Natuklasan ninyo na kapag sinikap nating panatagin ang ibang tila nawawalan ng pag-asa, tayo mismo ay napapanatag; tunay na ang ating saro “ay inaapawan” (Mga Awit 23:5).
Sa matwid na pamumuhay, balang-araw ay matatamasa ninyo ng inyong mga anak ang mga pagpapalang maging bahagi ng isang buo at walang-hanggang pamilya.
Mga miyembro at lider, may magagawa pa ba kayo para tulungan ang mga pamilyang iisa lang ang magulang nang hindi sila hinuhusgahan o pinipintasan? Maaari ba ninyong turuan ang mga kabataan sa mga pamilyang ito, na nagpapakita ng magagandang halimbawa lalo na sa mga binatilyo kung ano ang ginagawa ng mabubuting lalaki at paano sila namumuhay? Sa pagkawala ng mga ama, kayo ba ay nagpapakita ng magagandang huwarang dapat tularan?
Ngayon, mangyari pa ay may ilang pamilya na ama lamang ang tumatayong magulang. Mga kapatid, ipinagdarasal at pinupuri din namin kayo. Ang mensaheng ito ay para din sa inyo.
Mga magulang na walang asawa, pinatototohanan ko na kapag ginawa ninyo ang lahat sa pagharap sa pinakamatitindi ninyong hamon sa buhay, pagpapalain kayo ng langit. Tunay ngang hindi kayo nag-iisa. Hayaang pagpalain ng mapagtubos at mapagmahal na kapangyarihan ni Jesucristo ang inyong buhay ngayon at puspusin kayo ng pag-asa ng walang-hanggang pangako. Maging matatag. Manampalataya at umasa. Isaalang-alang ang kasalukuyan nang may katatagan at asamin ang hinaharap nang may tiwala. Sa pangalan ni Jesucriso, amen.