2010–2019
Sakripisyo
Abril 2012


Sakripisyo

Ang ating paglilingkod at sakripisyo ang pinaka-akmang pahayag ng ating pangakong maglingkod sa Panginoon at sa ating kapwa.

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay tinawag na ang “pinakadakila sa lahat ng kaganapan magmula pa noong paglikha hanggang sa kawalang hanggan.”1 Ang sakripisyong iyon ang pinakamensahe ng lahat ng mga propeta. Iyon ay isinagisag ng paghahain ng mga hayop na iniutos ng batas ni Moises. Isang propeta ang nagpahayag na ang buong kahulugan ng mga ito ay “nakatuon sa yaong dakila at huling hain [ng] … Anak ng Diyos, oo, walang katapusan at walang hanggan” (Alma 34:14). Tiniis ni Jesucristo ang hindi matantong pagdurusa upang gawin ang Sarili Niya bilang sakripisyo para sa kasalanan ng lahat ng tao. Ang pagsasakripisyong iyon ay nag-alay ng pinakasukdulang kabutihan—Korderong walang kapintasan—para sa pinakasukdulang dami ng kasamaan—ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. Sa di-malilimutang mga salita ni Eliza R. Snow:

Ibinuhos N’ya ang sariling dugo;

Buhay N’ya ay isinuko,

Ang walang salang alay sa tao,

Upang iligtas ang mundo.2

Ang sakripisyong iyon—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ay nasa sentro ng plano ng kaligtasan.

Ang hindi matantong pagdurusa ni Jesucristo ang nagwakas sa pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagtigis ng dugo, ngunit hindi nito winakasan ang kahalagahan ng pagsasakripisyo sa plano ng ebanghelyo. Patuloy na hinihiling sa atin ng ating Tagapagligtas na mag-alay ng hain, ngunit ang hain na iniuutos Niya ngayon ay na “[mag-alay] bilang pinaka-hain sa [Kanya] ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20). Inuutos din Niya sa bawat isa sa atin na mahalin at paglingkuran ang isa’t isa—ibig sabihin, mag-alay ng isang maliit na pagtutulad sa Kanyang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng ating sariling oras at mga makasariling priyoridad. Sa isang inspiradong himno, inaawit natin, “Biyaya’y bunga ng pagpapasakit.”3

Magsasalita ako tungkol sa mga sakripisyong ipinagagawa sa atin ng ating Tagapagligtas. Hindi kabilang dito ang mga sakripisyo o kilos na napipilitan tayong gawin na para sa sariling kapakinabangan sa halip na para maglingkod o magsakripisyo (tingnan sa 2 Nephi 26:29).

I.

Ang relihiyong Kristiyano ay may kasaysayan ng pagsasakripisyo, kabilang ang pinakadakilang sakripisyo. Noong mga unang taon ng Kristiyanismo, libu-libong tao ang pinaslang ng mga taga Roma dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Sa mga huling siglo, habang pinaghihiwalay ng mga kontrobersiya sa doktrina ang mga Kristiyano, ilang mga grupo ang nanlibak at pinaslang ang mga miyembro ng iba pang grupo. Ang pagpatay ng mga Kristiyano sa kapwa Kristiyano ang labis na nakapanlulumong pagkitil sa buhay ng relihiyong Kristiyano.

Maraming Kristiyano ang nagsakripisyo dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo at kanilang hangaring paglingkuran Siya. Ang ilan ay piniling ilaan ang buong buhay nila sa paglilingkod sa Panginoon. Kabilang sa dakilang grupong ito ang mga nasa religious order ng Simbahang Katoliko at ang mga habambuhay na naglingkod bilang mga Kristiyanong misyonero sa relihiyong Protestante. Ang kanilang mga halimbawa ay mapanghamon at nagbibigay-inspirasyon, subalit karamihan sa mga naniniwala kay Cristo ay hindi inaasahan ni hindi kayang mag-ukol ng kanilang buong buhay sa gayong paglilingkod.

II.

Sa karamihang tagasunod ni Cristo, ang ating sakripisyo ay ang kung ano ang magagawa natin sa ating karaniwan at pang araw-araw na buhay. Sa gayong halimbawa, wala akong nalalamang kahit anong grupo na ang mga miyembro ay labis ang pagsasakripisyo maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kanilang sakripisyo—ang inyong mga sakripisyo, mga kapatid—ay kabaligtaran ng paghahanap ng tagumpay sa mundo para sa pansariling kasiyahan.

Ang aking unang halimbawa ay ang mga Mormon pioneer. Ang kanilang matagal na pagsasakripisyo ng buhay, ugnayan ng pamilya, tahanan, at kaginhawahan ay kabilang sa pundasyon ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ikinuwento ni Sarah Rich kung ano ang nakaganyak sa mga pioneer na ito nang inilarawan niya ang kanyang asawang si Charles noong tinawag siyang magmisyon: “Tunay na napakahirap ng panahong ito para sa akin at sa asawa ko, ngunit dahil sa tungkulin kailangan naming pansamantalang maghiwalay at dahil alam namin na sinusunod namin ang kalooban ng Panginoon, batid namin na kailangang isantabi muna ang aming sariling kalooban upang makatulong sa gawain … ang tumulong sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.”4

Ngayon ang lubos na nakikitang lakas ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang kusang-loob na paglilingkod at pagsasakripisyo ng mga miyembro nito. Bago ang paglalaan sa isa sa ating mga templo, isang Kristiyanong ministro ang nagtanong kay Pangulong Gordon B. Hinckley kung bakit walang krus na nakikita roon, ang pinaka-karaniwang simbolo ng relihiyong Kristiyano. Sumagot si Pangulong Hinckley na ang mga simbolo ng ating relihiyong Kristiyano ay ang “buhay ng aming mga miyembro.”5 Tunay nga na ang ating paglilingkod at sakripisyo ang pinaka-akmang pahayag ng ating pangakong maglingkod sa Panginoon at sa ating kapwa.

III.

Wala tayong pinag-aral at bayarang mga pinuno sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dahil dito, ang mga karaniwang miyembrong tinatawag na mamuno at maglingkod sa ating mga kongregasyon ay kailangang mangasiwa sa maraming miting, programa, at aktibidad sa Simbahan. Ginagawa nila ito sa mahigit 14,000 mga kongregasyon sa loob ng Estados Unidos at Canada. Siyempre pa, hindi tayo kaiba sa pagkakaroon ng karaniwang miyembro ng ating mga kongregasyon na naglilingkod bilang mga guro at pinuno. Ngunit ang oras na ginugugol ng ating mga miyembro upang magsanay at mangasiwa sa isa’t isa ay talagang napakalaki. Ang ating mga pagsisikap na bisitahin ng mga home teacher ang bawat pamilya sa ating kongregasyon bawat buwan at bisitahin ang bawat babaeng nasa hustong gulang ng mga visiting teacher ng Relief Society bawat buwan ay mga halimbawa nito. Wala tayong alam na makakatulad sa paglilingkod na ito sa anumang organisasyon sa mundo.

Ang pinaka-kilalang halimbawa ng pambihirang paglilingkod at pagsasakripisyo ng mga Banal ay ang gawain ng ating mga misyonero. Sa kasalukuyan sila ay mahigit na sa 50,000 kabataang lalaki at kabataang babae at mahigit 5,000 may edad nang mga lalaki at babae. Inuukol nila ang mula anim na buwan hanggang dalawang taon ng kanilang buhay sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagbibigay ng mapagkawanggawang paglilingkod sa halos 160 mga bansa sa buong mundo. Ang kanilang gawain ay palaging may kalakip na pagsasakripisyo, kabilang dito ang mga taon na inaalay nila sa gawain ng Panginoon at ang sakripisyong ginawa nila para matustusan ang kanilang sariling mga pangangailangan.

Ang mga naiwan sa tahanan—mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya—ay nagsasakripisyo rin sa pagtitiis na mawalay sa kanila at mawala ang tulong ng mga misyonerong kanilang ipinadala. Halimbawa, isang binatang taga-Brazil ang nakatanggap ng kanyang tawag sa misyon habang nagtatrabaho siya upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang mga kapatid matapos pumanaw ang kanyang ama at ina. Inilarawan ng isang General Authority ang pagpupulong ng mga batang ito at naalala nila na itinuro ng kanilang namayapang mga magulang na dapat lagi silang handang maglingkod sa Panginoon. Tinanggap ng binatang iyon ang tawag sa misyon, at ang kanyang 16 na taong-gulang na kapatid na lalaki ang pumalit sa kanyang responsibilidad na magtrabaho upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.6 Karamihan sa atin ay may alam na iba pang mga halimbawa ng sakripisyo para makapagmisyon o para matustusan ang pangangailangan ng isang misyonero. Wala tayong alam na iba pang boluntaryong paglilingkod at sakripisyong katulad nito sa anumang organisasyon sa mundo.

Madalas itinatanong sa atin, “Paano ninyo nahihikayat ang inyong mga kabataan at mga may edad na miyembro na iwanan ang kanilang pag-aaral o ang kanilang pagreretiro para magsakripisyo sa ganitong paraan?” Marami akong naringgan na nagbigay ng ganitong paliwanag: “Dahil alam ko kung ano ang ginawa ng aking Tagapagligtas para sa akin—ang Kanyang awa kaya nagdusa Siya para sa aking mga kasalanan at pinagtagumpayan ang kamatayan upang mabuhay akong muli—ikinararangal kong gawin ang maliit na sakripisyong hinihiling sa akin upang maglingkod sa Kanya. Nais kong ibahagi ang kaalamang ibinigay Niya sa akin.” Paano namin nahihikayat ang ganoong mga tagasunod ni Cristo na maglingkod? Tulad ng ipinaliwanag ng isang propeta, “Hinihilingan [lang] namin sila.”7

Ang iba pang pagsasakripisyong bunga ng paglilingkod ng misyonero ay ang sakripisyo ng mga tumutugon sa mga turo ng mga misyonero at nagiging miyembro ng Simbahan. Para sa maraming bagong miyembro, ang mga sakripisyong ito ay napakalaki, kabilang na ang pagkawala ng kaugnayan sa mga kaibigan at kapamilya.

Maraming taon na ang nakalipas, sa ganitong kumperensya narinig ng mga tao ang kuwento tungkol sa isang binatang natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo habang nag-aaral siya sa Estados Unidos. Noong naghahanda nang umuwi ang binatang ito sa kanyang bayang sinilangan, tinanong siya ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung ano ang mangyayari kapag umuwi siyang Kristiyano na. “Malulungkot ang pamilya ko,” sagot ng binata. “Maaaring itakwil nila ako at ituring na patay na. Tungkol naman sa hinaharap at trabaho ko, maaaring ipagkait sa akin ang lahat ng oportunidad.”

“Handa ka bang magpakasakit para sa ebanghelyo?” tanong ni Pangulong Hinckley.

Lumuluhang sumagot ang binata, “Totoo ang ebanghelyo, di po ba?” Nang iyon ay pinatotohanan, sagot niya, “Kung gayon, may iba pa bang mas mahalaga?”8 Iyan ang diwa ng pagsasakripisyo ng marami sa ating mga bagong miyembro.

Ang iba pang halimbawa ng paglilingkod at sakripisyo ay matatagpuan sa buhay ng matatapat na miyembro na naglilingkod sa ating mga templo. Ang paglilingkod sa templo ay bukod-tangi sa mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit ang kahalagahan ng ganitong sakripisyo ay dapat naiintindihan ng lahat ng Kristiyano. Walang tradisyon ang mga Banal sa mga Huling Araw na maglingkod sa isang monasteryo, ngunit nauunawaan at pinahahalagahan natin ang sakripisyo ng mga taong ang relihiyong Kristiyano ay naghihikayat sa kanilang iukol ang kanilang buhay sa ganoong gawain ng relihiyon.

Sa kumperensyang ito noong isang taon, ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang halimbawa ng sakripisyo patungkol sa paglilingkod sa templo. Isang matapat na amang Banal sa mga Huling Araw sa liblib na pulo sa Pasipiko ang nagpagod sa pagtatrabaho sa napakalayong lugar sa loob ng anim na taon upang kumita ng perang kakailanganin upang dalhin ang asawa at 10 anak para maikasal at mabuklod sa kawalang-hanggan sa New Zealand Temple. Ipinaliwanag ni Pangulong Monson, “Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon”9

Nagpapasalamat ako sa mga kahanga-hangang halimbawa ng Kristiyanong pagmamahal, paglilingkod, at sakripisyo na nakita ko sa mga Banal sa mga Huling Araw. Nakikita ko kayong gumaganap sa inyong mga tungkulin sa Simbahan, kadalasang isinasakripisyo ang panahon at kabuhayan. Nakikita ko kayong nagmimisyon na sarili ninyo ang gastos. Nakikita ko kayong magiliw na ibinabahagi ang inyong mga kasanayan sa paglilingkod sa inyong kapwa. Nakikita ko kayong nangangalaga sa mga kapus-palad sa pamamagitan ng personal na tulong at pagbibigay sa gawaing pangkapakanan at pangkawanggawa ng Simbahan.10 Ang lahat ng ito ay pinatutunayan ng isang pag-aaral sa buong bansa na nagsasabi na ang mga aktibong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “nagboboluntaryo at naghahandog ng higit pa sa inihahandog ng karaniwang Amerikano at naghahandog ng mas maraming panahon at salapi kaysa sa [20 porsiyento] ng mga pinakamayayaman na relihiyosong mamamayan sa Amerika.”11

Pinapalakas tayong lahat ng gayong mga halimbawa. Ipinaaalala nito sa atin ang turo ng Tagapagligtas:

“Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili. …

“Sapagka’t ang sinomang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 16:24–25).

IV.

Marahil ang pinakapamilyar at pinakamahalagang halimbawa ng di-makasariling paglilingkod at pagsasakripisyo ay ginagawa sa ating pamilya. Inilalaan ng mga ina ang kanilang sarili sa pagluluwal at pag-aaruga ng kanilang mga anak. Iniuukol ng mga asawang lalaki ang kanilang sarili sa pagtustos sa pangangailangan ng kanilang asawa at mga anak. Ang mga sakripisyong kalakip sa napakahalagang paglilingkod sa ating mga pamilya ay napakarami para banggitin pa at napakapamilyar kaya’t hindi na kailangang banggitin.

Nakikita ko rin ang mga Banal sa mga Huling Araw na nag-aampon ng mga bata, kahit na ang may mga espesyal na pangangailangan, at tumutulong sa mga batang nasa pangangalaga ng pamahalaan upang mabigyan ng pag-asa at mga oportunidad na ipinagkait sa kanila ng dati nilang kalagayan. Nakikita ko kayong nag-aalaga sa mga kapamilya at kapitbahay na nagdurusa dahil sa mga depekto mula pagkabata, sakit sa katawan at pag-iisip, at mga sakit na dala ng pagtanda. Nakikita rin kayo ng Diyos, at hinayaan Niyang ipahayag ng Kanyang mga propeta na “sa inyong pagsasakripisyo sa isa’t isa at sa inyong mga anak, pagpapalain kayo ng Panginoon.”12

Naniniwala ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw na kusang-loob na naglilingkod at nagsasakripisyo, na sumasamba sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang halimbawa ay mas kumakapit sa mga walang hanggang pinapahalagahan kaysa alinmang grupo ng mga tao. Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga pagsasakripisyo ng panahon at kabuhayan bilang bahagi ng kanilang pagkatuto at pagiging marapat sa kawalang-hanggan. Ito ang katotohanang inihayag sa Lectures on Faith, na nagtuturo na “ang isang relihiyong hindi nangangailangan ng sakripisyo sa lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan na makapagbigay ng pananampalatayang kinakailangan ng buhay at kaligtasan. … Sa pamamagitan ng sakripisyong ito, at sa ganito lamang, inordena ng Diyos na ang tao ay magtamo ng buhay na walang hanggan.”13

Dahil ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nasa sentro ng plano ng kaligtasan, tayong mga tagasunod ni Cristo ay kailangang magsakripisyo upang makamit ang tadhanang ibinibigay ng planong iyon para sa atin.

Alam ko na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Alam ko na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nakatitiyak tayo sa imortalidad at sa pagkakataong mabuhay sa kawalang-hanggan. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas, at Manunubos at pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Bruce R. McConkie, The Promised Messiah: The First Coming of Christ (1981), 218.

  2. “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116.

  3. “Purihin ang Propeta,” Mga Himno, blg. 21.

  4. Sarah Rich, sa Guinevere Thomas Woolstenhulme, “I Have Seen Many Miracles,” sa Richard E. Turley Jr. and Brittany A. Chapman, eds., Women of Faith in the Latter Days: Tomo 1, 1775–1820 (2011), 283.

  5. Gordon B. Hinckley, “Sagisag ng Aming Pananampalataya,” Liahona, Abr. 2005, 3.

  6. Tingnan sa Harold G. Hillam, “Sacrifice in the Service,” Ensign, Nob. 1995, 42.

  7. Gordon B. Hinckley, “Ang Himala ng Pananampalataya,” Liahona, Hulyo 2001, 84.

  8. Gordon B. Hinckley, “It’s True, Isn’t It?” Tambuli, Okt. 1993, 3–4; tingnan din sa Neil L. Andersen, “Totoo ang Ebanghelyo, Di Ba? Kung Gayon may Iba pa Bang Mas Mahalaga?” Liahona, Mayo 2007, 74.

  9. Thomas S. Monson, “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 91–92.

  10. Tingnan, halimbawa, sa Naomi Schaefer Riley, “What the Mormons Know about Welfare,” Wall Street Journal, Peb. 18, 2012, A11.

  11. Ram Cnaan and others, “Called to Serve: The Prosocial Behavior of Active Latter-day Saints” (draft), 16.

  12. Ezra Taft Benson, “To the Single Adult Brethren of the Church,” Ensign, Mayo 1988, 53.

  13. Lectures on Faith (1985), 69.