Mga Pamilyang Nakipagtipan
Walang dumating o darating sa inyong pamilya na kasinghalaga ng mga pagpapala ng pagbubuklod.
Pinasasalamatan kong makasama kayo sa pulong na ito kung saan imbitado ang lahat ng mayhawak ng priesthood ng Diyos sa lupa. Mapalad tayong mapamunuan ni Pangulong Thomas S. Monson. Bilang Pangulo ng Simbahan, siya ang tanging lalaking nabubuhay na may responsibilidad sa mga susing nagbubuklod sa mga pamilya at sa lahat ng kinakailangang ordenansang iyon ng priesthood para makamit ang buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.
May isang amang nakikinig ngayong gabi na naging aktibong muli dahil buong puso niyang hinahangad ang katiyakan ng kaloob na iyon. Mahal nilang mag-asawa ang dalawang musmos nilang anak, isang lalaki at isang babae. Gaya ng ibang mga magulang nakikinita niya ang kaligayahan sa langit kapag binabasa niya ang mga salitang ito: “At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa.”1
Alam ng amang kasama nating nakikinig ngayong gabi ang landas patungo sa kaluwalhatiang iyon. Hindi ito madali. Alam na niya iyon. Kinailangan niyang manampalataya kay Jesucristo, lubos na magsisi, at baguhin ang kanyang puso sa tulong ng isang mabait na bishop na nagpadama sa kanya ng mapagmahal na pagpapatawad ng Panginoon.
Nagpatuloy ang magagandang pagbabago nang magtungo siya sa banal na templo para sa endowment na inilarawan ng Panginoon sa mga taong binigyan Niya ng kapangyarihan sa unang templo sa dispensasyong ito. Iyon ay sa Kirtland, Ohio. Ganito ang sinabi ng Panginoon:
“Dahil dito, sa kadahilanang ito ako ay nagbigay sa iyo ng kautusan na ikaw ay nararapat na magtungo sa Ohio; at doon bibigyan kita ng aking batas; at doon ikaw ay [pagkakalooban] ng kapangyarihan mula sa kaitaasan;
“At mula roon, … sapagkat ako ay may mahalagang gawaing nakalaan, sapagkat ang Israel ay maliligtas, at akin silang aakayin saan ko man naisin, at walang kapangyarihan ang makapipigil sa aking kamay.”2
Sa kaibigan kong napaaktibo kamakailan at sa lahat ng priesthood, isang dakilang gawaing haharapin ang manguna sa pagliligtas sa bahagi ng Israel na pananagutan natin, ang ating pamilya. Alam ng kaibigan ko at ng kanyang asawa na kailangan silang mabuklod sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood sa banal na templo ng Diyos.
Hiniling niyang ako ang magbuklod sa kanila. Gusto nilang mag-asawa na magawa ito sa lalong madaling panahon. Dahil abala tayo sa pagdating ng pangkalahatang kumperensya, pinakausap ko ang mag-asawa at kanilang bishop sa secretary ko para makahanap ng magandang petsa.
Nagulat ako at natuwa nang sabihin ng ama sa akin sa simbahan na nakatakda ang pagbubuklod sa Abril 3. Iyon ang araw noong 1836 nang isugo si Elijah, ang propetang nagbagong-kalagayan, sa Kirtland Temple para ibigay ang kapangyarihang magbuklod kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ang mga susing iyon ay nasa Simbahan ngayon at mananatili hanggang sa dulo ng panahon.3
Ito rin ang banal na awtoridad na ibinigay ng Panginoon kay Pedro nang ipangako Niya: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”4
Ang pagbalik ni Elijah ay nagpala sa lahat ng mayhawak ng priesthood. Niliwanag ito ni Elder Harold B. Lee nang magsalita siya sa pangkalahatang kumperensya, habang binabanggit ang sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Pakinggan ninyong mabuti: “Hawak ko ang priesthood; hawak ninyong mga kapatid na narito ang priesthood; natanggap natin ang Melchizedek Priesthood—na hawak ni Elijah at ng iba pang mga propeta at nina Pedro, Santiago at Juan. Ngunit kahit may awtoridad tayong magbinyag, magpatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo at mag-orden ng iba at gawin ang lahat ng bagay na ito, kung wala ang kapangyarihang magbuklod wala tayong magagawa, dahil walang bisa ang ating ginawa.”
Sinabi pa ni Pangulong Smith:
“Ang mas matataas na ordenansa, ang mas dakilang mga pagpapalang mahalaga sa kadakilaan sa kaharian ng Diyos, at na matatamo lamang sa partikular na mga lugar, walang taong may karapatang magsagawa nito maliban kung matanggap niya ang awtoridad na gawin ito mula sa taong mayhawak ng mga susi. …
“… Walang sinuman sa balat ng lupang ito na may karapatang humayo at mangasiwa sa anumang ordenansa ng ebanghelyong ito maliban kung pahintulutan ito ng Pangulo ng Simbahan, na mayhawak ng mga susi. Binigyan niya tayo ng awtoridad, inilagay niya sa ating priesthood ang kapangyarihang magbuklod dahil hawak niya ang mga susing iyon.”5
Binanggit din ni Pangulong Boyd K. Packer ang katiyakang iyon nang sumulat siya tungkol sa kapangyarihang magbuklod. Napanatag ako sa kaalamang totoo ang mga salitang ito, at gayon din ang pamilyang ibubuklod ko sa Abril 3: “Si Pedro ang hahawak ng mga susi. Si Pedro ang hahawak ng kapangyarihang magbuklod, … magbigkis o magbuklod sa lupa o magkalag sa lupa at magiging gayundin sa kalangitan. Ang mga susing iyon ay [nasa] Pangulo ng Simbahan—sa propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang sagradong kapangyarihang magbuklod ay nasa Simbahan ngayon. Wala nang ibang higit na pinagtutuunan ng sagradong pagninilay ang mga taong nakaaalam sa kahalagahan ng karapatang ito. Walang ibang higit na pinanghahawakan. Iilan lamang ang kalalakihan na itinalagang humawak nitong kapangyarihang magbuklod sa lupa sa alinmang panahon—sa bawat templo ay may mga kapatid na pinagkalooban ng kapangyarihang magbuklod. Walang ibang makahahawak nito maliban na magmula ito sa propeta, tagakita, at tagapaghayag at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.6
Sa pagdating ni Elijah, hindi lamang ibinigay ang kapangyarihan sa priesthood, kundi ibinaling din ang mga puso: “Ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi sa mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at mga pagkakaloob ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood at sa kaharian ng Diyos sa lupa; at upang tanggapin, kamtin, at isagawa ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos, maging sa pagbaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak, at ng mga puso ng mga anak sa mga ama, pati na ang mga nasa langit.”7
Ang pagbaling ng puso ay dumating na sa aking kaibigan at sa kanyang pamilya. Maaaring dumating ito sa inyo na nasa pulong na ito. Maaaring nakikinita ninyo sa inyong isipan, katulad ko, ang mukha ng inyong ama o ina. Maaaring mukha ng kapatid ninyong babae o lalaki. O ng anak ninyong babae o lalaki.
Maaaring sila ay nasa daigdig na ng mga espiritu o sa isang lugar na malayo sa inyo. Ngunit ang kagalakan ay nagmumula sa damdamin na tiyak ang ugnayan ninyo sa kanila dahil kayo ay ibinuklod o maibubuklod sa kanila sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na kikilalanin ng Diyos.
Ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na mga ama sa ibinuklod na mga pamilya ay naturuan ng kanilang gagawin. Walang dumating o darating sa inyong pamilya na kasinghalaga ng mga pagpapala ng pagbubuklod. Wala nang mas mahalaga kaysa paggalang sa mga tipan sa kasal at pamilya na ginawa o gagawin ninyo sa mga templo ng Diyos.
Malinaw kung paano iyan gagawin. Dapat ibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, sa pamamagitan ng ating pagsunod at pagsasakripisyo, ang ating mga tipan sa templo para makamtan ito sa mundong darating. Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee ang kahulugan ng mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako sa pamamagitan ng pagbanggit sa sinabi ni Elder Melvin J. Ballard: “Malilinlang natin ang mga tao ngunit hindi ang Espiritu Santo, at ang ating mga pagpapala ay hindi magiging pangwalang-hanggan maliban kung ibuklod ng Banal na Espiritu ng pangako. Nababasa ng Espiritu Santo ang puso’t isipan ng mga tao, at sumasang-ayon sa pagbubuklod sa mga pagpapalang ipinahayag sa kanilang uluhan. Sa gayon ito ay iiral, may bisa, at lubos na makakamtan.”8
Nang ibuklod kami ni Sister Eyring sa Logan Temple, hindi ko pa naunawaan noon ang lubos na kahalagahan ng pangakong iyon. Sinisikap ko pa ring unawain ang buong kahulugan niyon, ngunit ipinasiya naming mag-asawa sa simula pa lang ng halos 50 taon ng aming pagsasama na anyayahan ang Espiritu Santo sa aming buhay at sa aming pamilya hangga’t maaari.
Bilang bata pang ama, na ibinuklod sa templo at ibinaling ang aking puso sa aking asawa at sa mga anak kong bata pa, nakita ko si Pangulong Joseph Fielding Smith sa unang pagkakataon. Sa council room ng Unang Panguluhan, kung saan ako inanyayahan, dumating ang matibay na patotoo sa akin nang tanungin ako ni Pangulong Harold B. Lee, habang nakaturo kay Pangulong Smith, na nakaupo sa tabi niya, “Naniniwala ka ba na propeta ng Diyos ang lalaking ito?”
Kapapasok lang ni Pangulong Smith sa silid at hindi pa nagsasalita. Lubos akong nagpapasalamat na nakasagot ako dahil sa ipinahiwatig sa aking puso, “Alam ko pong propeta siya,” at natitiyak ko tulad ng pagkaalam ko na sumisikat ang araw na hawak niya ang kapangyarihan ng priesthood na magbuklod para sa buong daigdig.
Ang karanasang iyan ay nagbigay ng matinding epekto sa mga sinabi niya sa aming mag-asawa nang ipayo ni Pangulong Joseph Fielding Smith, sa isang sesyon ng kumperensya noong Abril 6, 1972, na: “Kalooban ng Panginoon na palakasin at pangalagaan ang pamilya. Isinasamo namin sa mga ama na lumagay sa tama nilang kinalalagyan bilang namumuno sa tahanan. Hinihiling namin sa mga ina na tulungan at suportahan ang kanilang asawa at maging halimbawa sa kanilang mga anak.”9
Magmumungkahi ako ng apat na bagay na magagawa ninyo bilang amang mayhawak ng priesthood para muli ninyong mapasigla at maakay ang inyong pamilya pabalik sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.
Una, magtamo at magkaroon ng matibay na patotoo na nasa atin ang mga susi ng priesthood at hawak ito ng Pangulo ng Simbahan. Ipagdasal iyan araw-araw. Darating ang sagot na may ibayong determinasyong akayin ang inyong pamilya, nang may pag-asa, at may mas malaking kaligayahan sa inyong paglilingkod. Mas liligaya kayo at gaganda ang inyong pananaw, isang malaking pagpapala sa inyong asawa at pamilya.
Ang pangalawang dapat gawin ay mahalin ang inyong asawa. Kailangan ng pananampalataya at pagpapakumbaba na unahin ang interes niya kaysa ang sa inyo sa mga pakikibaka sa buhay. Responsibilidad ninyong paglaanan at pangalagaan ang pamilya kasama siya habang naglilingkod kayo sa iba. Maaaring ubusin niyan ang lahat ng sigla at lakas ninyo kung minsan. Maaaring maragdagan ang mga pangangailangan ng inyong asawa dahil sa edad at karamdaman. Kung pinili ninyo noon pa na unahin ang kanyang kaligayahan kaysa sarili ninyo, ipinapangako ko na mag-iibayo ang pag-ibig ninyo sa kanya.
Pangatlo, hilingin sa buong pamilya na magmahalan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Patungkol sa kawalang-hanggan, ang kaligtasan ay responsibilidad ng buong pamilya. …
“Higit sa lahat, kailangang malaman at madama ng mga anak na sila ay minamahal, kailangan, at pinahahalagahan. Kailangang tiyakin iyan sa kanila nang madalas. Malinaw na ito ay isang tungkuling dapat gampanan ng mga magulang, at kadalasang ang ina ang pinakamahusay na makagagawa nito.”10
Ngunit ang isa pang mahalagang bagay para madamang minamahal tayo ay ang pagmamahal ng iba pang mga anak sa pamilya. Ang walang-maliw na malasakit ng magkakapatid sa isa’t isa ay madarama lamang sa patuloy na pagsisikap ng mga magulang at sa tulong ng Diyos. Alam ninyong totoong nangyayari ito sa sarili ninyong pamilya. At tumitibay ito tuwing mababasa ninyo ang mga pag-aaway sa pamilya na naranasan ng matwid na si Lehi at ng kanyang asawang si Saria, na nakatala sa Aklat ni Mormon.
Ang kanilang mga tagumpay ay gumagabay sa atin. Itinuro nila ang ebanghelyo ni Jesucristo nang napakahusay at napakatiyaga kaya ang mga anak at maging ang ilang inapo ay lumambot ang puso sa Diyos at sa isa’t isa sa sumunod na mga henerasyon. Halimbawa, sinulatan at tinulungan ni Nephi at ng iba pa ang mga kapamilyang naging kaaway nila. Kung minsan ay pinalalambot ng Espiritu ang puso ng libu-libo at pinapalitan ng pagmamahal ang poot.
Ang isang paraan para magtagumpay kayong tulad ni Amang Lehi ay sa paraan ng pamumuno ninyo sa panalangin ng pamilya at sa oras ng pamilya, tulad ng mga family home evening. Bigyan ng pagkakataong manalangin ang mga bata, kapag kaya nilang manalangin, para sa isa’t isa na nasa grupo na kailangang mabiyayaan. Alamin kaagad ang pinagsimulan ng mga pag-aaway at kilalanin ang di-makasariling mga paglilingkod, lalo na sa isa’t isa. Kapag ipinagdasal at pinaglingkuran nila ang isa’t isa, ang mga puso ay lalambot at babaling sa isa’t isa at sa kanilang mga magulang.
Ang pang-apat na pagkakataon upang maakay ang inyong pamilya sa landas ng Panginoon ay dumarating kapag kailangang magdisiplina. Matutugunan natin ang ating obligasyong magwasto sa paraan ng Panginoon at pagkatapos ay akayin ang ating mga anak tungo sa buhay na walang hanggan.
Maaalala ninyo ang mga salita, ngunit maaaring hindi pa ninyo nakita ang kapangyarihan nito para sa isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood na inihahanda ang kanyang pamilya na makasalamuhang muli sa kahariang selestiyal ang mga taong nakasama nila rito: Maaalala ninyo ang mga salita. Pamilyar ang mga ito:
“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;
“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya—
“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway;
“Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.”11
At kalaunan ay nagiging napakahalaga ng pangako para sa atin bilang mga ama sa Sion: “Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.”12
Mataas na pamantayan iyan para sa atin, ngunit kapag nagpakahinahon tayo at nagpakumbaba nang may pananampalataya, sumasang-ayon ang Espiritu Santo, at nagiging tiyak ang mga sagradong pangako at tipan.
Magtatagumpay kayo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya na ibinalik ng Panginoon ang mga susi ng priesthood na nasa atin pa rin—nang may matibay na bigkis ng pagmamahalan ninyong mag-asawa, nang may tulong ng Panginoon na ibaling ang puso ng inyong mga anak sa isa’t isa at sa kanilang mga magulang, at pagmamahal na gumagabay sa inyo na magwasto at magpayo sa paraang nag-aanyaya sa Espiritu.
Alam kong si Jesus ang Cristo at ating Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang mayhawak at gumagamit ng lahat ng susi ng priesthood sa lupa ngayon. Mahal ko siya at sinusuportahan. Mahal ko kayo at ipinagdarasal. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.