2010–2019
Sa Pagtatapos Nitong Kumperensya
Abril 2012


Sa Pagtatapos Nitong Kumperensya

Pag-isipan nawa ninyo ang mga katotohanang narinig ninyo, at nawa matulungan kayo ng mga ito na maging mas mabuting tao kaysa nang magsimula ang kumperensya.

Puspos ng kaligayahan ang puso ko sa pagtatapos ng napakagandang kumperensyang ito. Nabiyayaan tayong mabuti sa pakikinig sa payo at mga patotoo ng mga nagsalita sa atin. Sa palagay ko sasang-ayon kayo na nadama natin ang Espiritu ng Panginoon habang naaantig ang ating mga puso at pinalalakas ang ating mga patotoo.

Minsan pa ay nakapakinig tayo ng magandang musika, na nagpaganda pa at nagpasigla sa bawat sesyon ng kumperensya. Ipinaaabot ko ang aking pasasalamat sa lahat ng nagbahagi sa atin ng kanilang mga talento sa bagay na ito.

Taos-puso ang pasasalamat ko sa bawat isa sa na nagsalita sa atin gayundin sa mga nag-alay ng panalangin sa bawat sesyon.

Maraming tao ang kumikilos sa likod ng lahat ng kaganapan nating ito o sa mga di gaanong nakikitang posisyon sa bawat kumperensya. Hindi natin maidaraos ang mga sesyong ito kung wala ang kanilang mga tulong. Ipinaaabot ko ang aking pasasalamat sa kanilang lahat.

Alam kong kaisa ko kayo sa pagpapasalamat sa mga kalalakihan at kababaihan na na-release sa kumperensyang ito. Hahanap-hanapin natin sila. Ang kanilang kontribusyon sa gawain ng Panginoon ay napakalaki at madarama sa mga susunod pang henerasyon.

Sinang-ayunan din natin, sa pagtataas ng mga kamay, ang kalalakihan at kababaihan na tinawag sa mga bagong katungkulan sa kumperensyang ito. Binabati natin sila at gusto nating malaman nila na inaasam nating makapaglingkod na kasama nila sa layunin ng Panginoon. Sila ay tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa langit.

Mas malawak kaysa dati ang saklaw ng kumperensya, natatawid nito ang mga kontinente at mga karagatan tungo sa mga tao sa lahat ng dako. Bagama’t malayo kami sa marami sa inyo, dama namin ang inyong sigla at dedikasyon, at ipinaaabot ang aming pagmamahal at pasasalamat sa inyo saanman kayo naroon.

Napakapalad natin, mga kapatid, na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa ating buhay at ating mga puso. Nagbibigay ito ng kasagutan sa malalaking tanong sa buhay. Ito ay nagbibigay ng kahulugan at layunin at pag-asa sa ating buhay.

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Tinitiyak ko sa inyo na alam ng ating Ama sa Langit ang mga pagsubok na kinakaharap natin. Mahal Niya ang bawat isa sa atin at nais na pagpalain at tulungan tayo. Nawa’y manalangin tayo sa Kanya, gaya ng payo Niya nang sabihin Niyang, “Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa inyo, at malaki ang inyong magiging pagpapala—oo, maging mas higit pa sa kung iyong matatamo ang mga kayamanan ng mundo.”1

Mga minamahal kong kapatid, nawa ang inyong mga tahanan ay mapuno ng pagmamahalan at paggalang at ng Espiritu ng Panginoon. Mahalin ang inyong mga pamilya. Kung may mga hindi pagkakasundo o pagtatalo sa inyo, hinihimok ko kayong lutasin ang mga ito ngayon. Sabi ng Tagapagligtas:

“Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo. …

“Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“[Ngunit] masdan, hindi ito ang aking doktrina … ; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.”2

Bilang inyong abang lingkod, inuulit ko ang mga salita ni Haring Benjamin sa mensahe niya sa kanyang mga tao nang sabihin niya:

“Hindi ko kayo inutusang … isipin na ako sa aking sarili ay higit sa isang mortal na tao.

“Kundi ako ay katulad din ng inyong sarili, saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit sa katawan at isipan; gayunman ako, ay pinili … ng kamay ng Panginoon … at inaruga at pinangalagaan ng kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang paglingkuran kayo nang buo kong kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon.”3

Minamahal kong mga kapatid, hangarin ng buong puso ko na gawin ang kalooban ng Diyos at paglingkuran Siya at kayo.

Ngayon, sa pag-alis natin sa kumperensyang ito, dalangin kong pagpalain kayo ng langit. Nawa kayo na malayo sa inyong mga tahanan ay makabalik doon nang ligtas. Pag-isipan nawa ninyo ang mga katotohanang narinig ninyo, at nawa matulungan kayo ng mga ito na maging mas mabuting tao kaysa noong makalawa nang magsimula ang kumperensya.

Hanggang sa muli nating pagkikita anim na buwan mula ngayon, hiling kong mapasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon at, maging sa ating lahat, at ginagawa ko ito sa Kanyang banal na pangalan—maging si Jesucristo, na ating Panginoon at Tagapagligtas—amen.