Pagkilala sa Ating Sarili: Ang Sakramento, ang Templo, at Sakripisyo sa Paglilingkod
Tayo ay napapabalik-loob at nakakaasa sa sarili nating espirituwalidad kapag mapanalangin nating ipinamuhay ang ating mga tipan.
Nagkuwento ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa isang anak na lalaking iniwan ang mayamang ama, at nagpunta sa malayong bayan, at winaldas ang kanyang mana. Nang dumating ang taggutom, nagtrabaho siya bilang hamak na tagapagpakain ng mga baboy. Gutom na gutom siya kaya gusto niyang kainin ang mga ipa na para sa mga hayop.
Malayo sa kanyang tahanan, malayo sa lugar na nais niyang kalagyan, at sa kanyang abang kalagayan, may nangyari sa buhay ng binatang ito na mahalaga sa kawalang-hanggan. Sa mga salita ng Tagapagligtas, “siya’y [na]kapagisip.”1 Naalala niya kung sino siya, natanto niya kung ano ang nawala sa kanya, at hinangad niya ang mga biyayang malaya niyang nakukuha sa bahay ng kanyang ama.
Sa buong buhay natin, sa oras man ng problema, pagsubok, kalungkutan, o pagkakasala, maaari nating madama ang pagpapaalala ng Espiritu Santo na tayo ay tunay na mga anak ng mapagmalasakit na Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin, at maaari tayong magutom para sa mga sagradong pagpapalang Siya lamang ang makapagbibigay. Sa mga pagkakataong ito dapat nating sikaping kilalanin ang ating sarili at bumalik sa liwanag ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas.
May karapatan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit sa mga pagpapalang ito. Ang hangarin ang mga pagpapalang ito, pati na ang masaya at maligayang buhay, ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. Itinuro ng propetang si Alma, “Kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo.”2
Kapag naragdagan ang ating mga espirituwal na hangarin, nakakaasa tayo sa sarili nating espirituwalidad. Kung gayon, paano natin tutulungan ang iba, ang ating sarili, at ang ating pamilya na mapag-ibayo ang ating mga hangaring sundin ang Tagapagligtas at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo? Paano natin mapapalakas ang ating mga hangaring magsisi, maging karapat-dapat, at magtiis hanggang wakas? Paano natin tutulungan ang ating mga kabataan at young adult na pairalin sa kanila ang mga hangaring ito hanggang sa mapabalik-loob sila at maging tunay na “[mga] banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo”?3
Tayo ay napapabalik-loob at nakakaasa sa sarili nating espirituwalidad kapag mapanalangin nating ipinamuhay ang ating mga tipan—sa pamamagitan ng karapat-dapat na pakikibahagi sa sakramento, pagiging marapat sa temple recommend, at pagsasakripisyo para mapaglingkuran ang iba.
Upang maging karapat-dapat na makibahagi sa sakramento, inaalala natin na tayo ay nagpapanibago ng tipang ginawa natin sa binyag. Para maranasan natin na espirituwal tayong nalilinis ng sakramento bawat linggo, kailangan nating ihanda ang ating sarili bago magpunta sa sacrament meeting. Ginagawa natin ito sa sadyang pag-iwan sa mga pang-araw-araw nating gawain at libangan at hindi pag-iisip ng mga makamundong ideya at alalahanin. Kapag ginawa natin ito, nag-iiwan tayo ng puwang sa ating puso’t isipan para sa Espiritu Santo.
Sa gayon ay handa tayong pagnilayan ang Pagbabayad-sala. Maliban pa sa pag-iisip tungkol sa mga tunay na naganap sa pagdurusa at kamatayan ng Tagapagligtas, nakakatulong din ang pagninilay para mabatid natin na dahil sa sakripisyo ng Tagapagligtas, mayroon tayong pag-asa, oportunidad, at lakas na tunay at taos-pusong baguhin ang ating buhay.
Habang tayo ay umaawit ng himno ng sakramento, nakikibahagi sa mga panalangin sa sakramento, at nakikibahagi sa mga simbolo ng Kanyang laman at dugo, mapanalangin tayong humihingi ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan at pagkukulang. Iniisip natin ang mga pangakong ginawa at sinunod natin noong nakaraang linggo at gumagawa tayo ng mga partikular na pangakong sundin ang Tagapagligtas sa susunod na linggo.
Mga magulang at lider, matutulungan ninyo ang mga kabataan na maranasan ang walang-kapantay na mga pagpapala ng sakramento sa pagbibigay sa kanila ng mga natatanging pagkakataong matutuhan, talakayin, at tuklasin ang kabuluhan ng Pagbabayad-sala sa kanilang buhay. Hayaang saliksikin nila mismo ang mga banal na kasulatan at turuan nila ang isa’t isa mula sa sarili nilang mga karanasan.
Ang mga ama, lider ng priesthood, at panguluhan ng korum ay may natatanging responsibilidad na tulungan ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na talagang maghandang isagawa ang kanilang mga sagradong tungkulin sa sakramento. Ginagawa ang paghahandang ito sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga pamantayan ng ebanghelyo sa buong linggo. Kapag naghahanda, nagbabasbas, at nagpapasa ng sakramento nang karapat-dapat at mapitagan ang mga kabataang lalaki, literal nilang sinusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa Huling Hapunan4 at nagiging katulad Niya.
Pinatototohanan ko na binibigyan tayo ng sakramento ng pagkakataong kilalanin ang ating sarili at makaranas tayo ng “malaking pagbabago” ng puso5—na alalahanin kung sino tayo at kung ano ang pinakahahangad natin. Sa pagpapanibago natin ng tipang sundin ang mga kautusan, napapasaatin ang Espiritu Santo na siyang aakay sa atin tungo sa presensya ng ating Ama sa Langit. Hindi nakapagtataka na inutusan tayong “madalas magtipun-tipong magkakasama upang makibahagi sa tinapay at [tubig]”6 at makibahagi sa sakramento ang ating kaluluwa.7
Bukod pa sa pakikibahagi sa sakramento, ang ating hangaring bumalik sa Ama sa Langit ay nag-iibayo kapag naging karapat-dapat tayong magtamo ng temple recommend. Nagiging karapat-dapat tayo sa patuloy at matatag na pagsunod sa mga kautusan. Nagsisimula ang pagsunod na ito sa pagkabata at pinatitindi ng mga karanasan sa Aaronic Priesthood at Young Women sa mga taon ng paghahanda. At, sana, ang mga priest at Laurel ay magtakda ng mga mithiin at talagang ihanda ang kanilang sarili na ma-endow at mabuklod sa templo.
Ano ang mga pamantayan sa pagkakaroon ng recommend? Ipinaalala sa atin ng Mang-aawit:
“Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?
“Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso.”8
Ang pagkamarapat na magkaroon ng temple recommend ay nagbibigay sa atin ng lakas na tuparin ang ating mga tipan sa templo. Paano natin personal na natatamo ang lakas na iyan? Nagsisikap tayong magtamo ng patotoo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, sa Espiritu Santo, sa pagiging totoo ng Pagbabayad-sala, at sa katapatan ni Joseph Smith at katotohanan ng Panunumbalik. Sinasang-ayunan natin ang ating mga lider, mabait tayo sa ating pamilya, tumatayo tayong saksi ng totoong Simbahan ng Panginoon, dumadalo tayo sa mga pulong ng ating Simbahan, iginagalang natin ang ating mga tipan, ginagampanan natin ang ating mga obligasyon bilang magulang, at namumuhay tayo nang matwid. Maaari ninyong sabihin na para lang iyang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw! Tama kayo. Ang pamantayan para sa mga may temple recommend ay hindi mahirap sundin. Ipamuhay mo lang nang tapat ang ebanghelyo at sundin ang mga propeta.
Pagkatapos, bilang mga na-endow na temple recommend holder, nagtatakda tayo ng mga huwaran ng pamumuhay na tulad ni Cristo. Kabilang dito ang pagsunod, pagsasakripisyo para masunod ang mga kautusan, pagmamahalan, pagiging malinis sa isip at gawa, at paglalaan ng sarili sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa pagsunod sa mahahalagang huwarang ito ng katapatan, tumatanggap tayo ng “kapangyarihan mula sa itaas”9 sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Higit kailanman ay kailangan natin ang kapangyarihang ito ngayon. Ito ang kapangyarihang natatanggap lang natin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Pinatototohanan ko na ang mga sakripisyong ginagawa natin para matanggap ang mga ordenansa sa templo ay karapat-dapat sa lahat ng ating pagsisikap.
Kapag nag-ibayo ang mga hangarin nating matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo, likas nating hahangaring paglingkuran ang isa’t isa. Sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”10 Natutuwa ako na ang mga kabataan ngayon ay may matinding hangaring paglingkuran at pagpalain ang iba—na makagawa ng kaibhan sa mundong ito. Minimithi rin nila ang galak na dulot ng kanilang paglilingkod.
Gayunman, mahirap maunawaan ng mga kabataan na ang mga ginagawa nila ngayon ay maghahanda sa kanila para sa o mag-aalis sa kanila ng mga pagkakataong maglingkod sa hinaharap. Lahat tayo ay may “mahalagang tungkulin”11 na ihanda ang ating mga kabataan para habambuhay silang makapaglingkod sa pagtulong sa kanila na umasa sa sariling kakayahan. Bukod pa sa pag-asa sa sariling espirituwalidad na tinatalakay natin, nariyan din ang sariling kakayahang temporal, at kabilang dito ang pagtatamo ng postsecondary education o vocational training, pagkatutong magtrabaho, at paggasta nang hindi lampas sa ating kita. Sa pag-iwas na magkautang at pag-iipon ng pera ngayon, handa tayong maglingkod nang full-time sa Simbahan sa darating na mga taon. Ang layunin ng sariling kakayahang temporal at espirituwal ay ilagay ang ating sarili sa mas mataas na lugar nang maiahon natin sa hirap ang ibang nangangailangan.
Bata man tayo o matanda, ang ginagawa natin ngayon ang magpapasiya kung anong paglilingkod ang maibibigay at matatamasa natin bukas. Gaya ng paalala sa atin ng makata, “Sa lahat ng malulungkot na katagang sinambit o isinulat, ito ang pinakamalungkot: ‘Sayang!’”12 Huwag tayong mamuhay nang may panghihinayang sa ating ginawa o hindi ginawa!
Pinakamamahal kong mga kapatid, ang binatang binanggit ng Tagapagligtas, ang tinutukoy nating alibughang anak, ay talagang umuwi. Hindi siya nakalimutan ng kanyang ama; hinintay siya nito. At “samantalang nasa malayo pa [ang anak], ay natanawan siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at … siya’y hinagkan.”13 Bilang parangal sa pagbalik ng kanyang anak, nagpakuha siya ng balabal, singsing, at nagpapatay ng pinatabang guya para sa pagdiriwang14—mga paalala na walang biyayang ipagkakait kung tapat tayong magtitiis sa pagtahak sa landas pabalik sa ating Ama sa Langit.
Sa Kanyang pagmamahal at sa pagmamahal ng Kanyang Anak na nasa aking puso, hinahamon ko ang bawat isa sa atin na sundin ang ating mga espirituwal na hangarin at kilalanin ang ating sarili. Kausapin natin at tanungin ang ating sarili sa salamin, “Ano na ang lagay ko sa pamumuhay ng aking mga tipan?” Nasa tamang landas tayo kapag masasabi nating, “Karapat-dapat akong nakikibahagi sa sakramento bawat linggo, karapat-dapat akong magkaroon ng temple recommend at magpunta sa templo, at nagsasakripisyo ako para mapaglingkuran at mapagpala ang iba.”
Ibinabahagi ko ang aking natatanging saksi na mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin “na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak”15 upang magbayad para sa ating mga kasalanan. Kilala Niya tayo at hinihintay Niya tayo, kahit napakalayo na natin. Kapag pinairal natin ang ating mga hangarin at kinilala natin ang ating sarili, tayo ay “[m]ayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal”16 at malugod tayong tatanggapin sa ating pag-uwi. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.