2010–2019
Sa Pagtitipon Nating Muli
Abril 2012


Sa Pagtitipon Nating Muli

Mahal tayong lahat ng ating Ama sa Langit at alam Niya ang ating mga pangangailangan. Nawa’y mapuspos tayo ng Kanyang Espiritu habang nakikibahagi tayo sa mga kaganapan nitong kumperensya.

Minamahal kong mga kapatid, sa pagtitipon nating muli sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, binabati ko kayo at sinasabing mahal ko kayo. Nagpupulong tayo kada anim na buwan upang patatagin ang isa’t isa, upang manghikayat, magdulot ng kapanatagan, palakasin ang pananampalataya. Narito tayo para matuto. Ang ilan sa inyo ay maaaring naghahanap ng mga sagot sa mga tanong at hamon na nararanasan ninyo sa buhay. Ang ilan ay hirap na nakikibaka sa kalungkutan at pagkawala [ng mahal sa buhay]. Bawat isa ay mabibigyan ng kaliwanagan at mapasisigla at maaalo kapag nadama ang Espiritu ng Panginoon.

Kung may mga pagbabagong kailangang gawin sa inyong buhay, nawa’y mahanap ninyo ang dahilan para dito at ang lakas ng loob na gawin ito habang nakikinig sa bibigkasing mga salita. Nawa magkaroon tayo ng panibagong determinasyon na mamuhay sa paraan na tayo ay magiging karapat-dapat na mga anak ng ating Ama sa Langit. Nawa patuloy nating labanan ang masama kapag nakakaharap natin ito.

Napakapalad nating maparito sa lupa sa panahong tulad nito—isang kagila-gilalas na panahon sa matagal nang kasaysayan ng mundo. Hindi tayo maaaring magsama-samang lahat sa iisang bubong, ngunit kaya na natin ngayong makibahagi sa kaganapan nitong kumperensya dahil sa hiwagang hatid ng telebisyon, radyo, cable, satellite transmission, at Internet—maging sa mobile devices. Nagkakaisa tayong nagtitipon, nagsasalita ng maraming wika, nakatira sa maraming lupain, ngunit lahat ay may iisang pananampalataya at isang doktrina at isang layunin.

Mula sa munting simulain 182 taon na ang nakararaan, ang ating presensya ngayon ay dama na sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang dakilang layuning ito na ating kinabibilangan ay patuloy na lalaganap, at babaguhin at pagpapalain nito ang mga buhay. Walang adhikain, walang puwersa sa buong mundo na makapipigil sa gawain ng Diyos. Anuman ang mangyari, ang dakilang gawaing ito ay susulong. Alalahanin ninyo ang mga salita ni Propetang Joseph Smith: “Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa lahat ng lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”1

Maraming bagay na mahirap at puno ng hamon sa mundo ngayon, mga kapatid, ngunit marami rin ang kabutihan at nagbibigay-sigla. Gaya ng sinasabi natin sa ating ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, “Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito.” Nawa patuloy nating gawin iyan.

Salamat sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo. Salamat sa pagmamahal at malasakit ninyo sa isa’t isa. Salamat sa paglilingkod ninyo sa inyong mga ward at branch at sa inyong mga stake at district. Sa gayong paglilingkod naisasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang mga layunin dito sa lupa.

Ipinaaabot ko ang pasasalamat sa kabaitan ninyo sa akin saanman ako magtungo. Salamat sa inyong mga dalangin para sa akin. Nadama ko ang mga dalanging iyon at pinasasalamatan ang mga ito.

Ngayon, mga kapatid, naparito tayo para maturuan at mabigyang-inspirasyon. Maraming mensahe ang ibabahagi sa susunod na dalawang araw. Tinitiyak ko sa inyo na ang mga lalaki at babaeng magsasalita sa atin ay hiningi ang tulong at patnubay ng langit habang inihahanda ang kanilang mga mensahe. Nabigyang-inspirasyon sila hinggil sa mga bagay na ibabahagi nila sa atin.

Mahal tayong lahat ng ating Ama sa Langit at alam Niya ang ating mga pangangailangan. Nawa’y mapuspos tayo ng Kanyang Espiritu habang nakikibahagi tayo sa mga kaganapan nitong kumperensya. Ito ang taimtim kong dalangin sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 165.