Tanging Alinsunod Lamang sa mga Alituntunin ng Kabutihan
Inihahanda ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na makapamuhay nang mag-isa kahit wala sila. Binibigyan nila ng pagkakataong umunlad ang mga anak habang nagkakaroon sila ng espirituwal na kahustuhan para gamitin ang kalayaan nilang pumili sa tamang paraan.
Isang buwan o mahigit pa matapos kaming ikasal, nasa mahabang pagbibiyahe kami ng aking asawa. Siya ang nagmamaneho, at pinipilit kong magpahinga. Sinasabi kong pinipilit dahil kilala ang highway na dinadaanan namin sa matutuling takbo ng sasakyan, at matuling magmaneho ang asawa ko noong mga panahong iyon. Sabi ko, “Ang bilis mong magpatakbo. Bagalan mo lang.”
Sa isip ng asawa ko, “Naku, halos 10 taon na akong nagmamaneho, at maliban sa titser ko sa pagmamaneho, wala pang nagsabi sa akin kung paano magmaneho.” Kaya ang sagot niya, “Ano ang karapatan mong magsabi sa akin kung paano magmaneho?”
Aaminin ko, nagulat ako sa tanong niya. Kaya’t sa kagustuhan kong gampanan ang bago kong responsibilidad bilang lalaking may-asawa, sinabi kong, “Eh—dahil ako ang asawa mo at may priesthood ako.”
Mga kapatid, isang tip lang: kung nasa ganoon kayong situwasyon, hindi iyon ang tamang sagot. At natutuwa akong sabihin na iyon lamang ang tanging pagkakataon na nagawa ko ang kamaliang iyon.
Ipinaliliwanag ng Doktrina at mga Tipan na ang karapatang gamitin ang priesthood sa tahanan o saanman ay direktang may kaugnayan sa kabutihan sa ating buhay: “Ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.”1 Sinasabi pa na mawawala sa atin ang kapangyarihang iyon kapag tayo ay “gumagamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng [iba], sa alinmang antas ng kasamaan.”2
Sinasabi sa banal na kasulatang ito na dapat tayong mamuno sa pamamagitan ng “mga alituntunin ng kabutihan.” Ang ganoong mga alituntunin ay para sa lahat ng lider sa Simbahan pati na rin sa mga ama at ina sa kanilang mga tahanan.”3 Mawawalan tayo ng karapatan sa Espiritu ng Panginoon at sa anumang awtoridad na taglay natin galing sa Diyos kapag pinipilit natin ang ibang tao sa masamang paraan.4 Maaaring iniisip natin na ang ganoong mga pamamaraan ay para sa kabutihan ng ating “pinamamahalaan.” Ngunit sa oras na pinipilit natin ang isang tao sa kabutihan na kaya at dapat naman niyang gawin para sa kanyang kalayaang pumili, masama ang ginagawa natin. Kung ang pagbibigay ng limitasyon sa isang tao ay kailangan, ang mga limitasyong iyon ay dapat ipinapataw nang may pagmamahal, tiyaga, at sa paraang nagtuturo ito ng walang-hanggang mga alituntunin.
Hindi natin kailangang puwersahin ang iba na gawin ang tama. Malinaw na sinasabi sa mga banal na kasulatan na hindi ito ang paraan ng Diyos. Ang pamimilit ay nagbubunga ng galit. Hatid nito ang kawalan ng tiwala, at inaalis nito ang tiwala ng tao sa kanyang sarili. Nawawala ang pagkakataon ng tao na matuto kapag ang mga taong nagkokontrol ay buong kayabangang iniisip na nasa kanila ang lahat ng kasagutan para sa iba. Sinasabi ng mga banal na kasulatan na “likas at kaugalian ng halos lahat ng tao” na gumamit ng “di makatwirang pamamahala,”5 kaya dapat alam natin na iyon ay isang pagkakamaling madaling magawa. Maaari ding makagawa ng di makatwirang pamamahala ang kababaihan, kahit na ang problemang tinutukoy sa mga banal na kasulatan ay mas nakapatungkol sa kalalakihan.
Madalas kasama sa hindi makatwirang pamamahala ang palagiang pamimintas at pagkakait ng pahintulot o pagmamahal. Nadarama ng mga nakatatanggap nito na hindi nila kailanman mapasasaya ang kanilang mga lider o magulang at na palagi silang nagkukulang. Ang matatalinong magulang ay kailangang magpasiya kung kailan maaaring gamitin ng mga anak ang kalayaang mamili sa partikular na aspeto ng kanilang buhay. Subalit kapag ang lahat ng desisyon ay nasa magulang at kinikilala nila ito bilang “karapatan” nila, labis nilang nililimitahan ang pagsulong at pag-unlad ng kanilang mga anak.
Kaunting panahon lang ang ilalagi ng ating mga anak sa tahanan. Kung hihintayin natin ang panahong aalis na sila sa piling natin at saka pa lamang natin ibibigay sa kanila ang kalayaang pumili, naghintay tayo nang napakatagal. Hindi magiging madali sa kanila ang magdesisyon nang tama kung hindi sila kailanman naging malaya sa pagpili ng anumang mahalagang desisyon habang kapiling natin sila. Ang ganoong mga anak ay kadalasang nagrerebelde sa pamimilit na ito o magiging mahina sa pagdedesisyon para sa kanilang sarili.
Inihahanda ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na makapamuhay nang mag-isa kahit wala sila. Binibigyan nila ng pagkakataong umunlad ang mga anak habang nagkakaroon sila ng espirituwal na kahustuhan para gamitin ang kalayaan nilang pumili sa tamang paraan. At oo, ibig sabihin nito ang mga anak ay magkakamali kung minsan at matututo sa mga iyon.
May isang karanasan ang aming pamilya na nagturo sa amin tungkol sa pagtulong sa aming mga anak na paunlarin ang kanilang kakayahang pumili. Ang anak naming si Mary ay napakahusay na soccer player noong kabataan niya. May isang taon na nakapasok sa championship ang kanyang team, at, sa kasamaang-palad, ito ay gaganapin sa araw ng Linggo. Bilang tinedyer, maraming taon nang napag-aralan ni Mary na ang Linggo ay araw ng pahinga at pagpapalakas sa espirituwal, hindi paglilibang. Ngunit dama pa rin niya ang pamimilit ng kanyang mga coach at kapwa manlalaro, at ang kanyang hangarin na huwag biguin ang kanilang team.
Tinanong niya kami kung ano ang gagawin niya. Madali lang sa aming mag-asawa ang magdesisyon para sa kanya. Ngunit, nagdesisyon kami matapos ang mapanalanging pagsaalang-alang na sa situwasyong ito handa na ang aming anak na gumawa ng sarili niyang desisyon. Nagbasa kami ng ilang talata sa banal na kasulatan kasama siya at hinikayat si Mary na magdasal at pag-isipan ang tungkol doon.
Makalipas ang ilang araw, ipinaalam niya ang kanyang desisyon. Maglalaro siya sa araw ng Linggo. Ngayon, ano na ang gagawin namin? Matapos ang mahabang pag-uusap at makatanggap ng kapanatagan mula sa Espiritu, ginawa namin ang ipinangako namin at hinayaan siyang maglaro. Pagkatapos ng laro, mabagal na naglakad si Mary papunta sa naghihintay niyang ina. “Naku, Inay,” sabi niya, “hindi maganda ang pakiramdam ko. Ayoko na ulit maramdaman ang ganoon. Hindi na po ako maglalaro sa araw ng Linggo kahit kailan.” At hindi na nga niya ginawa iyon.
Naintindihan na ni Mary sa kanyang sarili ang alituntunin na panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Kung pinilit namin siyang huwag maglaro, naipagkait sana namin sa kanya ang isang natatangi at mabisang karanasan na maturuan ng Espiritu.
Gaya ng nakita ninyo, sa pagtulong sa mga batang gamitin ang kanilang kalayaang pumili nang tama, kailangang turuan sila kung paano magdasal at makatanggap ng sagot sa kanilang mga panalangin. Kailangan din nating ituro ang kahalagahan at layunin ng pagsunod pati ang tungkol sa lahat ng iba pang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo.6
Sa pagpapalaki ng aming pamilya, nagdesisyon kami na ang pinakamahalaga naming mithiin ay tulungan ang aming mga anak na magkaroon ng sariling pakikipag-ugnayan sa langit. Alam namin na sa huli kailangan nilang umasa sa Panginoon, hindi sa amin. Sinabi ni Brigham Young, “Kung gagawa ako ng pagtatangi sa lahat ng tungkulin na kinakailangan sa mga anak ng tao, … ilalagay ko sa una at pinakamahalaga ang tungkulin ng paghahanap sa Panginoon nating Diyos hanggang mabuksan natin ang daan ng komunikasyon mula langit patungo sa mundo—mula sa Diyos patungo sa sarili nating kaluluwa.”7
Nakatanggap na ng maraming sagot sa panalangin si Mary sa iba pang mga situwasyon bago iyon, kaya’t tiwala kami na bukas ang komunikasyon ng langit sa buhay ng aming anak. Natuto siya ng positibong bagay sa kanyang karanasan at naging handa nang gumawa ng magagandang desisyon sa hinaharap. Kung wala ang patnubay ng Espiritu, kapwa mga anak at magulang ay pangangatwiranan ang mga maling desisyon dahil malaya silang pumili. Ang pangako sa banal na kasulatan ay na “sila na matatalino … at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang patnubay [ay hindi] mga nalinlang.”8
Isa pang masaklap na epekto ng di makatuwirang pamamahala ang pagkawala ng tiwala sa pag-ibig ng Diyos. May nakilala akong ilang tao na nakaranas ng pamimilit at pagkontrol ng mga lider o magulang, at nahirapan silang madama ang mismong pagmamahal mula sa kanilang Ama sa Langit na aalalay at gaganyak sa kanila sa landas ng kabutihan.
Kung tayo ay tutulong sa mga ipinagkatiwala sa atin na gumawa ng napakahalagang ugnayan sa langit, kailangan tayong maging isang magulang o lider na inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 121. Kailangan natin ng “paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig.”9 Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Sa lahat ng tulong na maibibigay natin … sa mga kabataan, ang pinakamaganda ay madama nila na nagtitiwala tayo sa kanila, na nasa tamang landas sila pabalik sa Diyos at magagawa nila ito.”10
Sa pagsasaalang-alang natin sa mga alituntunin na dapat gumabay sa atin sa Simbahan, hayaang magtapos ako sa paglalarawan ng isang bahagi sa talambuhay ni Pangulong Thomas S. Monson. Sabi ni Ann Dibb, na kanyang anak, na hanggang ngayon, kapag siya ay nasa harapang pintuan na ng bahay kung saan siya lumaki, sasabihin ng kanyang ama, “Oh, tingnan ninyo kung sinong nandito. ‘Di ba masaya tayo, at ‘di ba maganda siya?” Sabi pa niya: “Palagi akong pinupuri ng mga magulang ko; hindi mahalaga kung ano ang hitsura ko o kung ano ang ginawa ko. … Kapag binibisita ko ang mga magulang ko, alam kong may nagmamahal sa akin, napupuri ako, tanggap ako, nasa sariling tahanan talaga ako.”11
Mga kapatid, ito ang paraan ng Panginoon. Kahit nasaktan ang damdamin ninyo noon, alam kong hangad ng Panginoon na lumapit kayo sa Kanya.12 Lahat ay mahal Niya. Lahat ay malugod na tinatanggap. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.