“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Babangon Siya … na may Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Marso 30–Abril 12
Pasko ng Pagkabuhay
Pasko ng Pagkabuhay: “Babangon Siya … na may Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”
Habang binabasa mo ang mga banal na kasulatan na iminumungkahi dito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, tutulungan ka ng Espiritu na malaman kung saan ka dapat magpokus upang matulungan ang mga bata na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa Linggo ng Pagkabuhay.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga bagay na ginagawa mo para maalaala ang Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay. Anyayahan silang ibahagi kung ano ang kanilang ginagawa.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata
1 Nephi 11:27; Mosias 3:5; 15:7; Helaman 14:16–17
Alam ng mga propeta sa Aklat ni Mormon na paparito si Jesucristo.
Makatutulong sa mga bata na matutuhan ang mga itinuro ng mga propeta sa Aklat ni Mormon tungkol sa misyon at ministeryo ni Jesucristo upang mapatatag ang kanilang pananampalataya sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan ng Tagapagligtas noong Siya ay bininyagan, nagpagaling ng iba, ipinako sa krus, at bilang isang nabuhay na mag-uli na nilalang (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito o sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 35, 41, 57, 59). Hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang nangyayari sa bawat larawan. Ipaliwanag na maraming taon bago dumating si Jesus sa lupa, inihayag ng Diyos sa mga propeta sa Aklat ni Mormon na gagawin Niya ang mga bagay na ito. Basahin ang 1 Nephi 11:27; Mosias 3:5; 15:7; at Helaman 14:16–17, at tulungan ang mga bata na itugma ang mga banal na kasulatang ito sa mga kaugnay na larawan.
-
Habang ginagawa ng mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, pag-usapan ang nakalarawan na mga propeta at kung ano ang itinuro nila tungkol kay Jesucristo. Ibahagi sa mga bata ang ilan sa magagandang bagay na ginawa ni Jesus para sa atin.
Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.
Ituro sa mga bata na bukod sa mga taong nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Jerusalem, libu-libo ang nakakita sa Kanya nang magpakita Siya sa Amerika.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng mga larawan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Itanong sa mga bata kung ano ang mga nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring ito. Kung kinakailangan, gamitin ang “Kabanata 53: Ipinako si Jesus sa Krus” at “Kabanata 54: Nagbangon si Jesus” (Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 136–38, 139–44, o ang mga kaugnay na video sa ChurchofJesusChrist.org) para isalaysay sa mga bata ang mga kuwentong ito.
-
Gamit ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, ikuwento sa mga bata ang tungkol sa pagbisita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika, tulad ng inilarawan sa 3 Nephi 11:1–17. Ulitin ang kuwento nang ilang beses, na inaanyayahan ang mga bata na tumulong sa iyo. Bigyang-diin ang mga detalye na sa tingin mo ay magiging makabuluhan sa mga bata. Partikular na bigyang-diin na kahit namatay sa krus si Jesus, nakita ng mga tao na Siya ngayon ay nabuhay na mag-uli. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na muling isalaysay ang kuwento gamit ang sarili nilang mga salita.
-
Sama-samang kantahin ang “Hosana sa Pasko ng Pagkabuhay” o ang huling talata ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Liahona, Abril 2003; at Aklat ng mga Awit Pambata, 62–63). Anyayahan ang mga bata na idrowing ang isang bagay na inilalarawan ng awitin. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na ibahagi ang kanilang drowing at kung ano sa palagay nila ang mararamdaman nila kung naroon sila nang dalawin ni Jesus ang mga Nephita.
Nalalaman ni Jesucristo kung paano ako panatagin.
Dahil si Jesucristo ay nagdusa ng “mga pasakit at [ng] mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11), nalalaman Niya kung ano ang nararamdaman natin, kahit na walang ibang nakaaalam nito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang mga unang linya ng Mosias 3:7, at anyayahan sila na magkunwari na sila ay nakadarama ng “sakit … , gutom, uhaw, at pagod.” Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga pagkakataong nadama nila ang mga bagay na ito. Pagkatapos ay sabihin sa mga bata na inilarawan sa talatang ito ang ilang bagay na nadama ni Jesucristo nang magdusa Siya sa Halamanan ng Getsemani. Dahil dito, nalalaman Niya kung paano tayo tutulungan kapag nadarama natin ang mga bagay na ito.
-
Basahin ang Alma 7:11 nang malakas, at itanong sa mga bata kung may kilala sila na taong maysakit o nasasaktan. Magpatotoo na lahat ng ating “mga pasakit at ang mga sakit” ay nadama ni Jesucristo upang maunawaan Niya kung paano tayo panatagin (Alma 7:12).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
2 Nephi 9:10–15; Alma 11:41–45; 40:21–23
Dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, ako rin ay mabubuhay na mag-uli.
Malinaw na inilarawan ng Aklat ni Mormon kung ano ang kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli at kung sino ang mabubuhay na mag-uli. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuklasan ang mga katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na sabihin sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Isulat sa pisara ang mga tanong na tulad ng Ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay na mag-uli? at Sino ang mabubuhay na mag-uli? Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga sagot sa 2 Nephi 9:10–15; Alma 11:41– 45; at Alma 40: 21–23 at ibahagi sa klase ang nalaman nila.
-
Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa isang taong kilala mo na namatay na. Sabihin sa kanila na magkunwaring hindi mo alam ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Paano ka nila tutulungan na maunawaan kung ano ito? Hikayatin silang gamitin ang 2 Nephi 9:10–15; Alma 11:41–45; o Alma 40: 21–23 sa pagtuturo sa iyo ng tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Anyayahan din sila na magpatotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas bilang bahagi ng kanilang sagot.
Enos 1:2–8; Mosias 27:8–24; Alma 13:11–12; 24:7–19
Nililinis at binabago ako ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng mga taong nabago dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Isipin kung paano mabibigyang-inspirasyon ng mga karanasang ito ang mga bata na magsisi at bumaling sa Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng isang malinis na puting polo at isang maruming puting polo. Sama-samang basahin ang Alma 13:11–12. Paano naging malinis ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan? Ano ang naging pakiramdam nila tungkol sa kasalanan dahil dito? Magsalita tungkol sa nararamdaman mo kapag ikaw ay nagsisisi at napapatawad, at patotohanan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na linisin tayo mula sa kasalanan.
-
Anyayahan ang mga bata na pumili ng isa sa sumusunod na mga tao na pag-aaralan nila: si Enos (tingnan sa Enos 1:2–8), ang Nakababatang Alma (tingnan sa Mosias 27:8–24), o ang mga Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 24:7–19). Habang sabay-sabay ninyong binabasa ang kuwento, anyayahan ang mga bata na pansinin kung paano nagbago ang tao o grupong ito dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Paano natin masusundan ang halimbawa ng mga taong ito?
Dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at karamdaman.
Bukod sa pagdurusa para sa ating mga kasalanan, pinagdusahan din ng Tagapagligtas ang ating mga pasakit, karamdaman, at iba pang mga sakit para malaman Niya kung paano tayo papanatagin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Iatas sa bawat bata na hanapin ang isa sa mga sumusunod na talata upang makita ang pagdurusang naranasan ni Jesucristo: Mosias 3:7; Mosias 15:5; o Alma 7:11. Anyayahan sila na isulat sa pisara ang natuklasan nila at isipin ang mga panahon na nadama nila ang ilan sa mga bagay na ito. Ayon sa Alma 7:12, bakit pinagdusahan ni Jesus ang lahat ng ito? Bakit mahalagang malaman na pinagdusahan Niya ang mga bagay na ito para sa atin?
-
Sama-samang awitin ang isang himnong tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Anyayahan ang mga bata na hanapin sa himno ang mga pariralang naglalarawan kung paano tayo pinapanatag ng Tagapagligtas, at pag-usapan kung bakit ang mga katagang ito ay makabuluhan sa kanila. Ibahagi ang iyong nadarama tungkol kay Jesucristo, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang nadarama.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na maghanap ng isang tao sa linggong ito na nangangailangan ng kapanatagan. Hikayatin silang ibahagi sa taong ito ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas nang dalhin Niya sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit upang mapanatag Niya tayo.