“Abril 20–26. Mosias 4–6: ‘Isang Malaking Pagbabago,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Abril 20–26. Mosias 4–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Abril 20–26.
Mosias 4–6
“Isang Malaking Pagbabago”
Alin sa mga turo ni Haring Benjamin sa Mosias 4–6 ang pinakamainam na makatutulong sa mga batang tinuturuan mo na maranasan ang “malaking pagbabago” (Mosias 5:2) sa kanilang mga puso? Itala ang iyong mga impresyon habang naghahanap ka ng patnubay nang may panalangin.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang pangalan ng bawat bata sa iyong klase sa kapirasong papel, at ilagay ang mga piraso sa isang lalagyan. Sa pagbunot mo ng bawat pangalan mula sa lalagyan, anyayahan ang batang nabunot na magbahagi ng isang bagay na naaalala nila mula sa lesson noong nakaraang linggo o isang bagay na natutuhan nila sa bahay mula sa Mosias 4–6 ngayong linggo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang pagsisisi ay nagdudulot ng kagalakan.
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang napakagandang kaloob na pagsisisi na naidulot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang Mosias 4:1–3 at 10 para ituro sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng magsisi. Halimbawa, tulungan silang tuklasin na ikinalungkot ng mga tao ni Haring Benjamin ang kanilang mga kasalanan at humingi sila ng kapatawaran (mga talata 1–2), at sinabi ni Haring Benjamin sa kanila na talikdan (o ihinto) nila ang kanilang mga kasalanan (talata 10). Basahin ang talata 3 sa kanila, at itanong kung ano ang nadama ng mga tao nang sila ay nagsisi.
-
Itanong sa mga bata kung ano ang pakiramdam kapag narurumihan natin ang ating mga damit. Ano ang nadarama natin kapag muli tayong naging malinis? Ipaliwanag na tulad ng paglalaba ng maruruming damit, tayo ay maaaring magsisi kapag nagkakamali tayo. Magpakita ng isang larawan ni Jesucristo, at patotohanan na Siya ay may kapangyarihang alisin ang ating mga kasalanan at gawin tayong malinis na muli kung tayo ay magsisisi. Kantahin ninyo ng mga bata ang “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52. Itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo ng awitin tungkol sa pagsisisi.
Dapat kong pakitunguhan nang may pagmamahal at paggalang ang ibang tao.
Paano mo magagamit ang Mosias 4:13–26 para ituro sa mga bata na “mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa”? (talata 15).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng isang maliit na puso sa pisara. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na maaari silang maging mabait sa iba. Tuwing magbabahagi sila, burahin ang puso at gumuhit ng mas malaki rito. Magpatotoo na ang pagmamahal natin sa iba ay lumalago kapag mabait tayo sa kanila. Bigyan ang mga bata ng mga pusong papel, at anyayahan silang magdrowing sa mga puso ng mga paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal at kabaitan.
-
Tulungan ang mga bata na makabuo ng mga gagawing galaw habang kinakanta nila ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa iba, tulad ng “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” o “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 74).
Kapag nakikipagtipan ako sa Diyos, dinadala ko sa aking sarili ang pangalan ni Cristo.
Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maghanda na gumawa ng mga tipan sa binyag sa Diyos at “[tawaging] mga anak ni Cristo” (Mosias 5:7).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng tsapa na nagdidispley ng pangalang “Jesucristo” at idikit ang mga ito sa kanilang mga damit sa tapat ng kanilang puso (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ipaliwanag na itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na kapag gumawa tayo ng mga tipan, o mga pangako, sa Diyos, ito ay tulad ng pagkakaroon ng pangalan ni Cristo na “laging nakasulat [sa ating] mga puso” (Mosias 5:12). Ano ang ipinapangako nating gawin kapag nabinyagan tayo at tumatanggap ng sakramento? (tingnan sa Mosias 5:8; D at T 20:37, 77, 79).
-
Itanong sa mga bata kung ano ang gagawin nila para makipagkaibigan sa isang tao (halimbawa, makipag-usap sa kanila, at maglaan ng oras para sa kanila). Basahin ang Mosias 5:13 sa mga bata. Ano ang magagawa natin para mas makilala si Jesucristo upang Siya ay hindi maging isang “dayuhan” sa atin?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong magsisi.
Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng magsisi? Anong mga talata sa Mosias 4:1–11 ang sa tingin mo ay makakatulong sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang salitang pagpapatawad. Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 4:1–3, at hilingin sa mga bata na hanapin ang mga salita sa talata 3 na naglalarawan sa mga pagpapalang dumarating kapag tayo ay nagsisisi at tumatanggap ng kapatawaran.
-
Hilingin sa mga bata na magbanggit ng mga bagay na dapat nating gawin upang lubos at taos-pusong makapagsisi. Tulungan silang makita ang ilan sa mga bagay na ito sa Mosias 4:10, at talakayin ang kahulugan ng mga salita at parirala na matatagpuan sa mga talatang iyon. Magbahagi ng isang kuwento na naglalarawan sa pagsisisi, marahil mula sa sarili mong buhay o mula sa isang bagong isyu ng magasin ng Simbahan.
-
Tulungan ang mga batang hanapin ang mga salita na naglalarawan sa Ama sa Langit sa Mosias 4:6, 9, at 11. Bakit mahalagang maunawaan kung ano ang ginagawa ng Ama sa Langit kapag kailangan nating magsisi? Ibahagi ang iyong patotoo kung paano mo nadama ang pag-ibig ng Diyos habang ikaw ay nagsisisi.
Ang ebanghelyo ay nagbigay-inspirasyon sa akin na pakitunguhan ang iba nang may pagmamahal at kabaitan.
Itinuro ni Haring Benjamin na kapag tayo ay lumapit kay Cristo at tumanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, tayo ay “[na]pupuspos ng pag-ibig ng Diyos” (Mosias 4:12), na umaakay sa atin na maging mapagmahal at mabait sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Mosias 4:13–16, 26 at tukuyin ang mga parirala na naglalarawan kung paano tayo makapaglilingkod sa iba. Anyayahan sila na isadula ang mga bagay na ito o gumuhit ng mga larawan ng mga ito, at pahulaan sa iba kung anong parirala ito. Paano natin maipapakita ang pagmamahal at kabaitan sa tahanan, sa paaralan, o sa simbahan?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang karanasan kung saan sila ay nagmahal o naglingkod sa isang tao at ano ang nadama nila sa karanasang ito. Ano ang ilang dahilan kung bakit ayaw ng mga tao na maglingkod sa iba? Itanong sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa isang tao upang hikayatin sila na tulungan ang mga nangangailangan. Makakakita sila ng mga ideya sa Mosias 4:16–26.
Kapag ako ay nabinyagan at nakikibagi ng sakramento, tinataglay ko sa aking sarili ang pangalan ni Cristo.
Marahil ay marami sa mga batang tinuturuan mo ang nabinyagan na at nagpapanibago ng kanilang mga tipan sa pamamagitan ng sakramento. Ipaalala sa kanila na isang mahalagang bahagi ng kanilang tipan sa binyag ang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumuhit ng isang bilog sa pisara, at maglagay ng isang larawan ni Jesucristo sa gitna ng bilog. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili habang sabay-sabay ninyong binabasa ang Mosias 5:8. Ano ang sinasabi sa talatang ito na dapat nating taglayin sa ating sarili? Ano ang tawag sa pakikipagkasundo natin sa Diyos? Anyayahan ang mga bata na sulatan ng pangalan ni Cristo ang mga larawan ng kanilang sarili at ilagay ang mga larawan sa loob ng bilog kasama ng larawan ng Tagapagligtas. Ano ang mga ginagawa nating tipan kapag nabinyagan tayo at tumatanggap ng sakramento? (tingnan sa Mosias 18:8–9; D at T 20:77, 79).
-
Sabihin sa mga bata kung bakit inilalagay ng mga tao ang kanilang mga pangalan sa mga bagay, tulad ng mga assignment sa school, sports jersey, at iba pa (tingnan sa Mosias 5:14–15). Paano natin maipakikita na ang pangalan ni Cristo ay “laging nakasulat [sa ating] mga puso”? (Mosias 5:12).
-
Anyayahan ang isang kabataang lalaki o babae sa ward na bumisita sa inyong klase at ipaliwanag ang mga tipang pinapanibago natin sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakramento. Basahin ninyo ng mga bata ang mga panalangin sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:77 at 79, habang inaanyayahan silang hanapin ang mga pariralang naglalarawan ng mga bagay na nakipagtipan tayong gawin at kung ano ang ipinapangako ng Diyos bilang kapalit.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isang bagay na natutuhan nila ngayong araw at gamitin ang kanilang mga drowing para makapagturo sa kanilang pamilya.