“Abril 13–19. Mosias 1–3: ‘Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Abril 13–19. Mosias 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Abril 13–19
Mosias 1–3
“Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao”
Habang binabasa mo ang Mosias 1–3, ipagdasal na malaman kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang mahahalagang katotohanan na itinuro ni Haring Benjamin. Itala ang mga ideya na dumarating sa iyo na mula sa Espiritu Santo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan ni Haring Benjamin na nagtuturo, na matatagpuan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa larawang ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod rin ako sa Diyos.
Ano ang gagawin mo upang matulungan ang mga bata na maunawaan na ang paglilingkod sa iba ay isa ring paraan upang maglingkod sa Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagsusuot ng isang korona (may isang halimbawa sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito) at pagtuntong sa isang silya o bangkito para magkunwaring si Haring Benjamin. Magagawa nila ito habang ibinabahagi mo ang ilan sa mga bagay na itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, na matatagpuan sa Mosias 2–3. Tingnan din sa “Kabanata 12: Si Haring Benjamin” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 32–35, o sa kaugnay na video sa ChurchofJesusChrist.org.)
-
Anyayahan ang mga bata na ulitin ang sumusunod na pangungusap na sinasabi ang pailan-ilang salita sa bawat pagkakataon habang kasama mo silang pumapalakpak sa bawat pantig: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Ulitin ito hanggang sa matutuhan ng mga bata ang ilan o ang lahat ng mga salita. Magpatotoo na kapag tumutulong tayo sa iba, tayo ay tumutulong din sa Ama sa Langit at kay Jesus at napapasaya natin Sila. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan na makatutulong sila sa iba.
-
Tulungan ang mga bata na bakatin ang kanilang kamay sa isang pirasong papel at gumuhit ng isang bagay na magagawa nila upang maglingkod sa kanilang mga pamilya. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Kung Tayo’y Tumutulong” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108).
Lahat ng aking mga pagpapala ay nagmumula sa Ama sa Langit.
Kapag kinikilala ng mga bata na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng kanilang mga pagpapala, sila ay magiging mapagpakumbaba at mapagpasalamat.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na itinuro ni Haring Benjamin na lahat ng ating mga pagpapala ay nagmumula sa Ama sa Langit. Anyayahan ang mga bata na pakinggan kung ano ang ibinigay sa atin na pagpapala ng Ama sa Langit habang binabasa mo ang Mosias 2:21. Ano ang iba pang mga pagpapala na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit? Paano natin maipapakita na tayo ay nagpapasalamat para sa mga bagay na ito? (tingnan sa Mosias 2:22).
-
Maglaro kayo ng mga bata ng pasahan ng isang bagay sa isa’t isa habang umaawit ng tungkol sa pasasalamat o nakikinig sa isang awit (tingnan sa “Pasasalamat” sa indeks ng mga paksa sa Aklat ng mga Awit Pambata). Tumigil sa pagkanta o ihinto paminsan-minsan ang musika, at anyayahan ang sinumang mayhawak ng bagay na ipinapasa na magbahagi tungkol sa isang pagpapalang ipinagpapasalamat niya.
Ako ay naniniwala kay Jesucristo.
Isang anghel ang nagsabi kay Haring Benjamin ng mahahalagang katotohanan tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesucristo. Alamin ang mga katotohanan tungkol kay Jesus sa mga talatang ito na sa palagay mo ay mahalagang matutuhan ng mga bata.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan ng ilan sa mga pangyayaring binanggit sa Mosias 3:5–10 (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 30, 41, 42, 57, 59). Itanong sa mga bata kung ano ang nangyayari sa mga larawan, at tulungan sila kung kinakailangan. Dahan-dahang basahin ang Mosias 3:5–10, at anyayahan ang mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag nakabasa ka ng isang bagay tungkol sa isa sa mga larawan. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang iba pang mga bagay na alam nilang ginawa ni Jesus noong narito Siya sa lupa.
-
Gumuhit ng isang araw sa itaas ng pisara upang sumagisag sa langit. Magdrowing ng ilang landas na papunta sa iba’t ibang lugar sa buong pisara ngunit isang landas lang na patungo sa langit. Hilingin sa mga bata na hanapin ang landas na iyon at ilagay ang larawan ni Jesus doon. Basahin ang Mosias 3:17, at magpatotoo na ang pagsunod kay Jesucristo ang tanging paraan upang makabalik sa Ama sa Langit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod din ako sa Diyos.
Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa halimbawa ng paglilingkod ni Haring Benjamin?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang larawan ni Haring Benjamin na nagtuturo sa kanyang mga tao (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 74). Tulungan ang mga bata na saliksikin ang Mosias 2:11–18 upang malaman kung ano ang ginawa ni Haring Benjamin para makapaglingkod. Bakit siya naglingkod sa kanyang mga tao? Bakit kailangan nating paglingkuran ang isa’t isa?
-
Isulat sa pisara ang mga kataga sa Mosias 2:16–17 na inaalis ang ilang salita. Anyayahan ang mga bata na hanapin sa mga banal sa kasulatan ang mga nawawalang salita. Hilingin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng mga talatang ito sa kanila. Anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan nang pinaglingkuran sila ng iba o naglingkod sila sa iba. Ano ang naramdaman nila sa ganitong mga karanasan?
-
Bigyan ang mga bata ng mga piraso ng papel para maisulat kung paano sila naglilingkod sa mga miyembro ng kanilang pamilya, at bigyan ang bawat bata ng isang supot na paglalagyan ng mga papel. Hikayatin ang mga bata na kumuha araw-araw ng isang piraso ng papel sa supot at gawin ang paglilingkod na iyon sa isang tao.
Hindi ko dapat ipagyabang ang aking paglilingkod at mabubuting gawa.
Isipin kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan na dapat ay pagmamahal sa kapwa at sa Diyos ang inspirasyon ng ating paglilingkod.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila nais bigyang kahulugan ang salitang magmalaki, o tulungan silang mahanap ang kahulugan nito sa isang diksyunaryo. Tulungan silang saliksikin ang Mosias 2:15–24 na hinahanap ang mga dahilan kung bakit hindi ipinagmalaki ni Haring Benjamin ang kanyang paglilingkod sa iba. Bakit kailangan nating paglingkuran ang iba? Matapos ibahagi ng mga bata ang kanilang mga ideya, tulungan silang maunawaan na dapat nating hangaring maglingkod sa iba dahil minamahal natin sila at ang Diyos at hindi upang maging maganda ang tingin sa atin ng iba.
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga sitwasyon kung saan maaaring magmalaki o magyabang ang isang tao tungkol sa isang bagay. Bakit mali ang magmalaki sa gayong mga sitwasyon? Anyayahan silang gamitin ang payo mula sa talumpati ni Haring Benjamin sa Mosias 2:15–24 upang matulungan sila sa kanilang mga sagot.
Nililinis ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at tinutulungan akong maging banal.
Upang maging katulad ng ating Ama sa Langit, kailangan natin ng higit pa sa paglilinis ng ating mga kasalanan—dapat ay magbago rin ang ating mga puso. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, kailangan nating daigin ang ating makasalanang mga hangarin at maging mga banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing sa pisara ng dalawang tao—ang isang tao ay kumakatawan sa “likas na tao” at ang isa pa ay kumakatawan sa isang “banal.” (Maaaring kailangan mong ibigay ang kahulugan ng mga katagang ito.) Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 3:19, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga pagbabago na kailangang gawin ng likas na tao upang maging banal. Ano ang iba pang mga salita at parirala na maaaring kailangan ng mga bata ng tulong para maunawaan?
-
Nakatulong na ba ang mga batang tinuturuan mo sa kanilang mga magulang na maghanda ng pagkain gamit ang isang resipe? Kung oo, maaari mo silang anyayahan na gamitin ang Mosias 3:19 upang makabuo ng isang “resipe” kung paano tayo maaaring maging katulad ni Jesucristo. Bakit ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakamahalagang “sangkap”?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad ngayong linggo upang ibahagi sa kanilang pamilya o mga kaibigan kung paano nila tutularan ang halimbawa ni Haring Benjamin at paglilingkuran ang iba.