“Abril 13–19. Mosias 1–3: ‘Mapuspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Abril 13–19. Mosias 1–3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Abril 13–19.
Mosias 1–3
“Puspos ng Pag-ibig sa Diyos at sa Lahat ng Tao”
Ibinigay ni Haring Benjamin ang isang dahilan ng pagtatala ng ating mga espirituwal na impresyon: “Hindi maaari na ang ating ama, si Lehi, ay maalaala ang lahat ng bagay na ito, upang maituro ang mga yaon sa kanyang mga anak, kung hindi dahil sa tulong ng mga laminang ito” (Mosias 1:4).
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kapag narinig mo ang salitang hari, maaaring maisip mo ang mga korona, kastilyo, alipin, at trono. Sa Mosias 1–3, mababasa mo ang tungkol sa ibang klase ng hari. Sa halip na umasa sa mga gawa ng kanyang mga tao, si Haring Benjamin ay “gumawa sa pamamagitan ng sarili [niyang] mga kamay” (Mosias 2:14). Sa halip na paglingkurin ang iba sa kanya, pinaglingkuran niya ang kanyang mga tao “nang buo [niyang] kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob [sa kanya] ng Panginoon” (Mosias 2:11). Ayaw ng haring ito na sambahin siya ng kanyang mga tao; sa halip, tinuruan niya silang sumamba sa isang Hari na mas dakila kaysa sa kanya, sapagkat naunawaan niya na “ang Panginoong Makapangyarihan [ang] naghahari” (Mosias 3:5). Tulad ng lahat ng dakilang pinuno sa kaharian ng Diyos, ang mga salita at halimbawa ni Haring Benjamin ay nagtuturo sa atin sa Hari sa Langit, ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagpatotoo si Haring Benjamin na si Jesus ay “[bumaba] mula sa langit” at humayo “sa mga tao, [na gumagawa] ng mga makapangyarihang himala. … At masdan, siya ay paparito sa kanyang kalahi, upang ang kaligtasan ay mapasa mga anak ng tao, maging sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan” (Mosias 3:5, 9).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang pagtanggap sa salita ng Diyos ay nangangailangan ng paghahanda.
Nang magpasabi si Haring Benjamin na gusto niyang magsalita sa kanyang mga tao, maraming tao ang dumating “kaya’t hindi sila mabilang” (Mosias 2:2). Dumating sila upang kahit paano’y magpasalamat at magpakita ng pagmamahal sa kanilang pinuno. Ngunit ang mas mahalaga, nagpunta sila para maturuan ng salita ng Diyos.
Habang binabasa mo ang Mosias 2:1–9, hanapin kung ano ang ginawa ng mga tao upang ipakita na pinahalagahan nila ang salita ng Diyos. Ano ang ipinagawa sa kanila ni Haring Benjamin para makapaghandang makinig sa salita ng Diyos? (tingnan sa talata 9). Paano mo mas maihahanda ang sarili mo na tanggapin ang salita ng Diyos sa iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya at sa mga pulong ng Simbahan?
Tingnan din sa Mateo 13:18–23; Alma 16:16–17.
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod din ako sa Diyos.
Nahihirapan ka bang mag-ukol ng oras para maglingkod o naisin na sana ay mas nagalak ka sa iyong paglilingkod? Ano sa palagay mo ang sasabihin ni Haring Benjamin kung tinanong mo siya kung bakit siya naglingkod nang buo niyang “kapangyarihan, isipan at lakas”? (Mosias 2:11). Habang binabasa mo ang Mosias 2:10–26, tukuyin ang mga katotohanang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa paglilingkod at pagnilayan kung paano mo magagamit ang mga ito sa buhay mo. Halimbawa, ano ang kabuluhan sa iyo ng malaman na kapag naglilingkod ka sa ibang tao, naglilingkod ka rin sa Diyos? (tingnan sa Mosias 2:17). Mag-isip ng isang paraan na makapaglilingkod ka sa isang tao sa linggong ito!
Tingnan din sa Mateo 25:40.
Maaari kong daigin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Si Haring Benjamin, tulad ng lahat ng propeta, ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo upang ang kanyang mga tao “ay [makatanggap] ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at [magsaya] sa labis na kagalakan” (Mosias 3:13). Itinuro din niya na ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay hindi lamang tayo ginagawang malinis kundi binibigyan din tayo ng kakayahang hubarin ang “likas na tao” at maging “banal” (Mosias 3:19; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Likas na Tao,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar: “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang makapagbibigay ng kapwa nakalilinis at nakatutubos na kapangyarihan na tumutulong sa atin na makapanaig sa kasalanan at nakapagpapabanal at nakapagpapatibay na kapangyarihan na tumutulong sa atin na maging lalong mabuti kaysa sa makakaya nating gawin kung aasa lamang tayo sa sariling lakas natin. Ang walang katapusang Pagbabayad-sala ay para sa makasalanan at banal sa bawat isa sa atin” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 82).
Narito ang ilang tanong na pagninilayan habang binabasa mo ang patotoo ni Haring Benjamin tungkol sa Tagapagligtas sa Mosias 3:1–20:
-
Ano ang natututuhan ko mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon?
-
Paano ako natulungan ni Jesucristo na madaig ang kasalanan? Paano Niya ako natulungang baguhin ang aking likas na pagkatao at maging higit na katulad ng isang banal?
-
Ano ang natututuhan ko tungkol sa pagiging banal mula sa Mosias 3:19?
Bakit tinukoy ni Haring Benjamin si Jesus bilang “ang Ama ng langit at lupa”?
Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith: “Si Jesucristo na kilala rin nating Jehova, ang tagapagpaganap ng Ama, si Elohim, sa gawain ng paglikha. … Si Jesucristo, bilang Tagapaglikha, ay palaging tinatawag na Ama ng langit at lupa … ; at dahil sa ang Kanyang mga nilikha ay pangwalang hanggan Siya ay sadyang angkop na tawaging Walang Hanggang Ama ng langit at lupa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 425).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Mosias 1:1–7
Paano pinagpala ng mga laminang tanso at ng mga lamina ni Nephi ang mga tao ni Haring Benjamin? Paano pinagpapala ng mga banal na kasulatan ang ating pamilya?
Mosias 2–3
Maaaring masiyahan ang pamilya mo sa paglikha ng tagpo para sa pagsasalita ni Haring Benjamin. Maaari kang gumawa ng isang maliit na tore at hayaang magsalitan ang mga miyembro ng pamilya sa pagbasa sa mga salita ni Haring Benjamin habang nakatuntong dito. Maaaring makinig ang iba pang mga miyembro ng pamilya mula sa loob ng isang pansamantalang tolda.
Mosias 2:9–19
Ano ang natututuhan natin tungkol sa paglilingkod mula sa mga turo at halimbawa ni Haring Benjamin? Ano ang nahihikayat tayong gawin?
Mosias 2:15–25
Makakatulong ba sa pamilya mo na magtalakayan tungkol sa pagpapakumbaba? Bakit hindi ipinagyabang ni Haring Benjamin ang lahat ng nagawa niya? Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang mga turo tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos?
Mosias 2:36–41
Ano ang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa mga bunga ng pagkaalam ng katotohanan ngunit hindi ito ipinamumuhay? Ano ang itinuro niya kung paano magkaroon ng tunay na kaligayahan?
Mosias 3:19
Ano ang kailangan nating gawin para maging mga banal? Aling katangian mula sa talatang ito ang mapagtutuunan nating linangin bilang pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.