Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 20–26. Mosias 4–6: “Isang Malaking Pagbabago”


“Abril 20–26. Mosias 4–6: ‘Isang Malaking Pagbabago,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Abril 20–26. Mosias 4–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

tinuturuan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao

In the Service of Your God, ni Walter Rane

Abril 20–26

Mosias 4–6

“Isang Malaking Pagbabago”

Habang binabasa at pinagninilayan mo ang Mosias 4–6, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Anong mabubuting bagay ang nahihikayat kang gawin? (tingnan sa Mosias 5:2).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Narinig mo na bang magsalita ang isang tao at nahikayat kang baguhin ang buhay mo? Marahil ay nagpasiya ka, dahil sa narinig mo, na baguhin nang kaunti ang pamumuhay mo—o baguhin ito nang husto. Gayong klase ang sermon ni Haring Benjamin, at ang mga katotohanang itinuro niya ay gayong klase rin ang epekto sa mga taong nakarinig noon. Ibinahagi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang itinuro sa kanya ng isang anghel—na ang magagandang pagpapala ay posible sa pamamagitan ng “nagbabayad-salang dugo ni Cristo” (Mosias 4:2). Binago ng kanyang mensahe ang buong pananaw nila sa kanilang sarili (tingnan sa Mosias 4:2) binago ang kanilang mga hangarin (tingnan sa Mosias 5:2), at hinikayat silang makipagtipan sa Diyos na lagi nilang susundin ang Kanyang kalooban (tingnan sa Mosias 5:5). Ganito ang naging epekto ng mga salita ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. Paano ka maaapektuhan nito?

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mosias 4

Sa pamamagitan ni Jesucristo, matatanggap at mapapanatili ko ang kapatawaran ng aking mga kasalanan.

Hindi madaling daigin ang likas na tao. Kailangan ng malaking pagsisikap para maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” (Mosias 3:19). Kung minsan, kahit nadama mo na pinatawad na ang iyong mga kasalanan, maaaring mahirapan kang panatilihin ang damdaming iyon at manatili sa landas ng kabutihan. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao kung paano kapwa matatanggap at mapapanatili ang kapatawaran ng mga kasalanan at patuloy na mamuhay bilang isang banal. Habang pinag-aaralan mo ang kabanata 4 ng Mosias, maaari mong maitanong sa sarili mo ang ganitong mga bagay:

Mga talata 1–12:Anong mga pagpapala ang inihatid ng kapatawaran ng mga kasalanan sa mga tao ni Haring Benjamin? Ano ang itinuro ni Haring Benjamin para tulungan silang mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan? Ano ang itinuro niya kung paano natin natatanggap ang kaligtasan? Tandaan kung ano ang sinabi ni Haring Benjamin na dapat nating “laging panatilihin sa [ating] alaala” (talata 11). Ano ang nahihikayat kang gawin para maalala mo ang mga bagay na ito?

Mga talata 12–16:Ayon sa mga talatang ito, ano ang nangyayari sa buhay natin kapag ginagawa natin ang mga bagay na inilarawan sa talata 11? Naranasan mo na ba ang mga pagbabagong ito sa buhay mo? Paano nauugnay ang mga ito sa mga pagbabagong inilarawan sa Mosias 3:19?

Mga talata 16–30:Paano nakakatulong ang pagbibigay sa mga maralita na mapanatili natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan? Paano mo maiaangkop ang talata 27 sa mga pagsisikap mong maging katulad ni Cristo?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 59–62; Dale G. Renlund, “Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 97–99.

Mosias 5:1–7

Ang Espiritu ng Panginoon ay maaaring magsanhi ng malaking pagbabago sa puso ko.

Karaniwan sa mga tao ang sabihing, “Hindi ko kayang magbago. Ganyan talaga ako.” Sa kabilang dako naman, ipinapakita sa atin ng karanasan ng mga tao ni Haring Benjamin kung paano talagang mababago ng Espiritu ng Panginoon ang ating puso. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Mababago natin ang ating pag-uugali. Ang mga ninanais natin ay maaaring mabago. … Ang totoong pagbabago—permanenteng pagbabago—ay magmumula lamang sa nagpapagaling, naglilinis, nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbabago!” (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 108).

Habang binabasa mo ang mga pagbabagong naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin, isipin kung paano nangyari—o maaaring mangyari—sa buhay mo ang “malaking pagbabago” na humahantong sa tunay na pagbabalik-loob. May ilang “malalaki” bang sandali na humantong sa pagbabago ng puso mo, o dahan-dahang nangyari ang pagbabalik-loob mo?

Tingnan din sa Ezekiel 36:26–27; Alma 5:14; David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–9.

pinagagaling ni Jesucristo ang isang babaeng maysakit

Mababago ng Tagapagligtas ang ating puso at buhay. Healing Hands, ni Adam Abram

Mosias 5:5–15

Tinataglay ko sa aking sarili ang pangalan ni Cristo kapag nakikipagtipan ako.

Ang isang dahilan kaya gustong kausapin ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao ay para “[bigyan] ng pangalan ang mga taong ito.” Ang ilan ay mga Nephita at ang iba naman ay mga inapo ni Mulek, ngunit hindi ang mga pangalang ito ang nasa isip niya. Inanyayahan niya ang mga tao na taglayin sa kanilang sarili “ang pangalan ni Cristo” bilang bahagi ng kanilang tipan ng pagsunod sa Diyos (Mosias 1:11; 5:10). Ano ang natututuhan mo mula sa Mosias 5:7–9 tungkol sa ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, “Ang pinagmumulan [ng moral at espirituwal na lakas] ay ang Diyos. Matatamo natin ang lakas na iyon sa pamamagitan ng ating mga tipan sa Kanya” (“Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 20). Habang binabasa mo ang Mosias 5:5–15, gumawa ng isang listahan ng mga pagpapalang darating sa buhay mo kapag tinutupad mo ang ginawa mong mga tipan sa Diyos. Paano nakakatulong ang pagsunod sa iyong mga tipan na mapanatili ang “malaking pagbabago” na nangyari sa iyo sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Mosias 4:9–12

Paano maaaring mas lubusang “maniwala sa Diyos” (Mosias 4:9) ang pamilya mo at “laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos”? (Mosias 4:11). Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng pamilya ang Mosias 4:9–12 at tukuyin ang mga pariralang nagpapalakas sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ay maaari nilang isulat ang mga katagang ito at ilagay ang mga ito sa paligid ng bahay bilang mga paalala. Paano tayo “laging magsasaya” at “mananatili ang kapatawaran ng [ating] mga kasalanan” sa pag-alala sa mga bagay ng ito? (Mosias 4:12).

Mosias 4:14–15

Ano ang natututuhan natin tungkol sa paglalaban at pag-aaway mula sa mga talatang ito?

Mosias 4:16–26

Paano tayo naging pulubing lahat? Ayon sa mga talatang ito, paano natin dapat pakitunguhan ang lahat ng anak ng Diyos? (Mosias 4:26). Sino ang nangangailangan ng ating tulong?

Mosias 4:27

Tumatakbo ba nang mas mabilis ang pamilya mo kaysa sa lakas na mayroon kayo? Maaari mo sigurong anyayahan ang miyembro ng pamilya na suriin ang kanilang mga aktibidad upang matiyak na nagiging masigasig sila at matalino rin.

Mosias 5:5–15

Ano ang ipinahihiwatig ng pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo sa ating sarili tungkol sa kaugnayan natin sa Kanya? Maaaring makatulong na pag-usapan kung bakit isinusulat ng mga tao kung minsan ang pangalan nila sa mga gamit nila. Paano natin maipakikita na tayo ay “pag-aari” ng Tagapagligtas?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtaguyod ng isang kapaligirang puspos ng pagmamahal. Ang paraan ng pakikitungo ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa ay makakaimpluwensya nang malaki sa diwa ng inyong tahanan. Tulungan ang lahat ng miyembro ng pamilya na gawin ang kanilang bahagi sa pagtatatag ng isang tahanang may pagmamahalan at paggalang upang madama ng lahat na ligtas nilang maibabahagi ang kanilang mga karanasan, tanong, at patotoo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15.)

pinakakain ni Cristo ang mga ibon sa patyo

In His Constant Care, ni Greg K. Olsen