Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10: “Sa Lakas ng Panginoon”


“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10: ‘Sa Lakas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
tinuturuan ni Ammon si Haring Limhi

Minerva K. Teichert (1888-1976), Ammon before King Limhi, 1949-1951, oil on masonite, 35 15/16 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Abril 27–Mayo 3

Mosias 7–10

“Sa Lakas ng Panginoon”

Habang nagbabasa ka, maaaring ituon ng Espiritu ang iyong pansin sa ilang parirala o talata. Isulat kung paano sa pakiramdam mo naaangkop sa iyo ang mga talatang iyon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Habang ang mga tao ni Haring Mosias ay nagtatamasa ng “patuloy na kapayapaan” sa Zarahemla (Mosias 7:1), bumaling ang kanilang isipan sa isa pang grupo ng mga Nephita, na umalis maraming taon na ang nakararaan para manirahan sa lupain ng Lehi-Nephi. Lumipas ang mga henerasyon, at walang anumang balita ang mga tao ni Mosias mula sa kanila. Kaya hiniling ni Mosias kay Ammon na pamunuan ang isang pangkat para hanapin ang umalis na mga Nephita. Natuklasan ng pangkat na naghahanap na ang mga Nephita, “dahil sa kasamaan” (Mosias 7:24), ay nabihag ng mga Lamanita. Ngunit pagdating ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, biglang nagkaroon ng pag-asang mailigtas.

Kung minsan katulad tayo nitong nabihag na mga Nephita, nagdurusa dahil sa ating mga kasalanan, nag-iisip kung paano tayo muling makasusumpong ng kapayapaan. Kung minsan katulad tayo ni Ammon, nadaramang dapat tulungan ang iba at natutuklasan sa huli na ang ating mga pagsisikap ay nakahikayat sa kanila na “itaas ang [kanilang] ulo, at magsaya, at ibigay ang [kanilang] tiwala sa Diyos” (Mosias 7:19). Anuman ang ating sitwasyon, kailangan nating lahat na magsisi at “[bumaling] sa Panginoon nang may buong layunin ng puso,” na nananalig na “palalayain [Niya tayo] mula sa pagkaalipin” (Mosias 7:33).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mosias 7:14–33

Kung babaling ako sa Panginoon, magtitiwala sa Kanya, at maglilingkod sa Kanya, ililigtas Niya ako.

Nang makilala si Ammon, na isang Nephita mula sa Zarahemla, nagkaroon ng pag-asa si Haring Limhi, at ninais niyang ipasa ang pag-asang iyon sa kanyang mga tao. Habang binabasa mo ang Mosias 7:14–33, pansinin ang sinabi ni Limhi sa kanyang mga tao upang hikayatin sila, palakasin ang kanilang pananampalataya, at bigyan sila ng pag-asa na tutulungan sila ng Diyos. Kahit maaaring hindi mo ginawa ang mga kasalanang ginawa ng mga tao ni Limhi, paano ka maibabaling ng kanyang mga salita sa Panginoon? Mapapansin mo, halimbawa, na pinaalalahanan ni Limhi ang kanyang mga tao tungkol sa nakaraang mga salaysay ng pagliligtas ng Diyos (tingnan sa mga talata 18–20). Paano ka natutulungan ng mga salaysay na ito, gayundin ng iba pang mga salaysay o personal na karanasan, na magtiwala sa Diyos?

Mosias 8:5–12

Ano ang 24 na laminang natagpuan ng mga tao ni Limhi?

Samantalang bigo sa paghahanap ang isang maliit na grupo ng mga tao ni Limhi sa lupain ng Zarahemla, natagpuan nila ang 24 na laminang ginto na may mga nakaukit sa di-pamilyar na wika. Ang mga laminang ito, na kalaunan ay isinalin ni Haring Mosias, ay kuwento tungkol sa mga taong kilala bilang mga Jaredita, na dumating sa lupang pangako mula sa Tore ng Babel at nalipol sa huli (tingnan sa Mosias 28:11–19). Kalaunan ay pinaikli ni Moroni ang mga laminang ito (tingnan sa Eter 1:1–2), na naging Aklat ni Eter. Pansinin sa Mosias 28:18 ang epekto ng talaang ito sa mga tao ni Mosias.

Mosias 8:12–19

Ang Panginoon ay naglalaan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para sa kabutihan ng sangkatauhan.

Nang marinig ni Limhi ang patotoo ni Ammon na nagbangon ang Panginoon ng isang tagakita, “labis na nagsaya [si Limhi], at nagbigay-pasasalamat sa Diyos” (Mosias 8:19). Sa palagay mo, bakit gayon ang kanyang nadama? Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga tagakita mula sa mga salita ni Ammon sa Mosias 8:13–19? Sa ating panahon, “ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawa ay sinasang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag” (Bible Dictionary, “Seer”). Kailan mo huling pinagnilayan ang pagpapalang magkaroon ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa lupa? Marahil ay maaari mong itala kung paano naging “malaking kapakinabangan” sa iyo ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag (Mosias 8:18).

Si Propetang Joseph Smith ang dakilang tagakita na namumuno sa ating dispensasyon (tingnan sa D at T 21:1; 124:125; Joseph Smith—Kasaysayan 1:62). Paano niya inihalimbawa ang paglalarawan ni Ammon sa isang tagakita noong panahon ng kanyang ministeryo?

Mosias 9–10

Maaari kong harapin ang aking mga hamon “sa lakas ng Panginoon.”

Inamin ni Zenif na nakagawa siya ng mga pagkakamali. Labis siyang naging masigasig kung minsan, at inilagay niya ang kanyang mga tao—na mga ninuno ng mga tao ni Limhi—sa mahirap na sitwasyon nang magkamali siyang makipagkasundo kay Haring Laman. Ngunit kalaunan, nang lumaban siya sa mga Lamanita, tinulungan niya ang kanyang mga tao na harapin ang kanilang mga hamon nang may pananampalataya. Habang binabasa mo ang Mosias 9–10, hanapin kung ano ang ginawa ng mga tao ni Zenif para ipakita ang kanilang pananampalataya. Paano sila pinalakas ng Diyos? Ano ang kahulugan sa iyo ng humayo “sa lakas ng Panginoon”? (Mosias 9:17; 10:10–11).

Mosias 10:11–17

Ang aking mga pagpili ay makakaimpluwensya sa mga henerasyon.

Ayon sa Mosias 10:11–17, paano nakahadlang ang mga kilos at ugali ng mga ninuno ng mga Lamanita na malaman ng mga Lamanita ang katotohanan? Paano nakaapekto ang mga pagpapasiya ng mga ninuno ng mga Lamanita sa sumunod na mga henerasyon? Pag-isipan ang mga taong maaaring maimpluwensyahan ng iyong mga paniniwala at pagpapasiya; ano ang ginagawa mo para tulungan silang mas lubos na manampalataya kay Cristo?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Mosias 7:19–20

Pansinin ang mga halimbawang itinuro ni Limhi upang mahikayat ang kanyang mga tao na manampalataya. Anong mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ang naghihikayat sa atin na “magtiwala sa Diyos”? Ano ang ibig sabihin ng magtiwala tayo sa Diyos? (tingnan din sa Mosias 9:17; 10:19). Anong mga kuwento sa buhay natin o ng ating mga ninuno ang maibabahagi natin para makahikayat ng mas malaking tiwala sa Diyos?

Mosias 7:26–27

Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa mga talatang ito? (tingnan din sa D at T 130:22). Bakit tayo nagpapasalamat na malaman ang mga bagay na ito?

Mosias 8:13–18

Para maipaunawa sa mga miyembro ng pamilya kung ano ang tagakita, marahil ay maaari kang magpakita sa kanila ng mga larawan ng mga kagamitang tumutulong na makita natin ang mga bagay na hindi sana natin makikita, tulad ng largabista, teleskopyo, o mikroskopyo. Paano naging tulad ng isang tagakita ang mga kagamitang ito? (tingnan sa Moises 6:35–36). Ano ang nakikita ng mga tagakita na hindi natin nakikita? Ano ang katibayan natin na si Joseph Smith ay isang tagakita?

Maaari mong ipakita ang mga larawan ng ating mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag at itanong sa pamilya mo kung ano ang alam nila tungkol sa kanila. Paano natin sila sinusunod?

Mosias 9:14–18; 10:1–10

Nang sumalakay ang mga Lamanita, handa ang mga tao ni Zenif sa pisikal at espirituwal. Ano ang matututuhan natin kay Zenif at sa kanyang mga tao tungkol sa paghahanda para sa mga hamon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang sarili mong mga espirituwal na kaalaman. Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng mga talata at alituntuning pagtutuunan, ngunit huwag hayaang limitahan ng mga mungkahing ito ang pag-aaral mo. Maaari kang humanga sa mga talata o makatuklas ng mga alituntuning hindi binanggit dito. Hayaang gabayan ka ng Espiritu.

Larawan
si Joseph Smith kasama si Moroni

Vision to Joseph Smith, ni Clark Kelley Price

Print