“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4: ‘Sila ay Naging Matatag at Di Natitinag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Mayo 25–31
Mosias 29–Alma 4
“Sila ay Naging Matatag at Di Natitinag”
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya ng paghahayag. Maging bukas sa mga mensaheng nais ibigay sa iyo ng Panginoon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Maaaring ang tingin ng ilan sa panukala ni Haring Mosias na palitan ng inihalal ng mga hukom ang mga hari ay isa lamang matalinong reporma sa pulitika. Ngunit para sa mga Nephita, lalo na sa mga nabuhay sa ilalim ng masamang si Haring Noe, ang pagbabagong ito ay mayroon ding espirituwal na kahalagahan. Nakita nila kung paano nagsanhi ng “kasamaan” at “[malaking] pagkawasak” ang masamang hari sa kanyang mga tao (Mosias 29:17), at sila ay “labis na nanabik” na maging malaya mula sa gayong impluwensya. Ang pagbabagong ito ay tutulutan silang maging responsable para sa sarili nilang kabutihan at “managot sa [kanilang] sariling mga kasalanan” (Mosias 29:38; tingnan din sa D at T 101:78).
Mangyari pa, ang katapusan ng paghahari ng mga hari ay hindi nangahulugan ng katapusan ng mga problema sa lipunan ng mga Nephita. Sinuportahan ng mga tusong tulad nina Nehor at Amlici ang mga maling ideya, inusig ng mga walang pananampalataya ang mga Banal, at yumabang ang maraming miyembro ng Simbahan at nagsitalikod sa Simbahan. Ngunit “ang mga mapagpakumbabang tagasunod ng Diyos,” ay nanatiling “matatag at di natitinag” sa kabila ng nangyari sa paligid nila (Alma 1:25). At dahil sa pagbabagong ipinatupad ni Mosias, maaari nilang “ipahayag ang kanilang tinig” upang impluwensyahan ang kanilang lipunan sa kabutihan (Alma 2:6).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Maaari akong maging mabuting impluwensya sa aking komunidad.
Limang taon pa lang nanunungkulan ang mga hukom, nagkaroon ng krisis na susubok sa pahayag ni Mosias na ang tinig ng mga tao ay karaniwang pipiliin ang tama (tingnan sa Mosias 29:26). Ang isyu ay tungkol sa kalayaang pangrelihiyon: isang lalaking nagngangalang Amlici ang naghangad na “[pagkaitan ang mga tao] ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo sa simbahan” (Alma 2:4). Napansin mo ba na nanganganib ang karapatang pangrelihiyon sa inyong bansa o komunidad? Ano ang natututuhan mo sa paraan ng pagtugon ng mga Nephita sa bantang ito? (tingnan sa Alma 2:1–7).
Malamang ay maraming mahahalagang isyung kinakaharap ang inyong komunidad. Paano mo matitiyak, tulad ng mga Nephita, na kasama ang tinig mo sa “tinig ng mga tao”? Marahil ay nakatira ka sa isang lugar kung saan limitado ang impluwensya ng tinig ng mga tao sa pamahalaan; kung gayon, may iba bang mga paraan na maaari kang maging mabuting impluwensya sa inyong komunidad?
Maaari kong makilala at matanggihan ang maling doktrina.
Bagama’t umamin si Nehor kalaunan na mali ang itinuro niya, patuloy na nakaimpluwensya ang kanyang mga turo sa mga Nephita sa loob ng maraming taon (tingnan sa Alma 1:15–16; 2:1–2; 14:14–18; 15:15; 21:4; 24:28). Bakit kaya naging kaakit-akit sa mga tao ang mga turo ni Nehor? Habang binabasa mo ang Alma 1:2–4, tingnan kung matutukoy mo ang mga kasinungalingan sa mga turo ni Nehor; mapapansin mo siguro na itinuro ang mga ito kasabay ng mga bagay na may kaunting katotohanan.
Nangatwiran si Gedeon kay Nehor “sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7, 9). Makakaisip ka ba ng mga talata sa banal na kasulatan na nagpapabulaan sa mga kasinungalingan ni Nehor? Narito ang ilang halimbawa, ngunit marami pang iba: Mateo 7:21–23; 2 Nephi 26:29–31; Mosias 18:24–26; at Helaman 12:25–26. Paano ka matutulungan ng mga talatang ito na pabulaanan ang mga kasinungalingang itinuturo ngayon?
Ang isa pang paraan para mapag-aralan mo ang Alma 1 ay ikumpara si Nehor at ang kanyang mga alagad (mga talata 3–9, 16–20) sa “mga tao ng Diyos” (mga talata 25–30; tingnan din sa 2 Nephi 26:29–31). Paano ka magiging mas katulad ng mga tao ng Diyos? May napapansin ka bang anumang “huwad na pagkasaserdote” sa sarili mong paglilingkod?
Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay hindi itinutuon ang kanilang puso sa kayamanan.
Ang mga kabanata 1 at 4 ng Alma ay kapwa naglalarawan ng mga sa panahon na umunlad ang Simbahan, ngunit iba ang pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan sa bawat sitwasyon. Anong mga pagkakaiba ang napapansin mo? Batay sa nalaman mo, paano mo ilalarawan ang saloobin ng mga “mapagpakumbabang tagasunod ng Diyos” (Alma 4:15) sa kayamanan at kasaganaan? Ano ang nahihikayat kang baguhin tungkol sa sarili mong saloobin?
Ang “salita ng Diyos” at “dalisay na patotoo” ay nagpapabago ng mga puso.
Ano ang “labis na [nagpa]lungkot” kay Alma (Alma 4:15) sa Alma 4? Maaaring sabihin ng ilan na mailalagay sana ng tanggapan ng punong hukom si Alma sa pinakamagandang posisyon para lutasin ang mga problemang nakita niya sa kanyang mga tao. Nadama ni Alma na may mas mainam na paraan. Ano ang hinahangaan mo sa paraan ng pagtulong niya sa kanyang mga tao? Ang pag-aaral mo ay maaaring maghikayat ng mga ideya kung paano mo matwid na maiimpluwensyahan ang mga nakapaligid sa iyo; kung gayon, kumilos ayon sa mga ideyang iyon.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Alma 1:19–25
Maaaring makinabang ang pamilya mo sa pagtukoy sa iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan sa pag-uusig na nasa mga talatang ito. Maaari mo sigurong praktisin ang mga paraan ng pagtugon nang angkop kapag tinutuligsa ng iba ang ating mga paniniwala. Ang mga video sa ChurchofJesusChrist.org/religious-freedom/examples ay maaaring makatulong.
Alma 3:4
Anong mensahe ang nais iparating ng mga Amlicita nang “minarkahan nila ang [kanilang] sarili”? (tingnan sa Alma 3:4, 13). Anong mga mensahe ang maaari nating iparating—nang sadya o di-sadya—sa ating kaanyuan? Maaaring magandang pagkakataon ito para rebyuhin ang “Pananamit at Kaanyuan” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), 6–8.
Alma 4:2–3
Anong mga bagay o karanasan ang “[nakagising sa atin] sa pag-alaala sa [ating] tungkulin” sa Diyos? (Alma 4:3). Magiging epektibo siguro na ibahagi ang mga talatang ito pagkatapos mong gisingin ang pamilya mo sa umaga. Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin kung paano ipinauunawa sa atin ng mga hamon ng pisikal na paggising ang mga hamon ng espirituwal na paggising.
Alma 4:10–11
Paano natin maiiwasang maging “batong kinatitisuran ng mga yaong hindi kabilang sa simbahan”? (Alma 4:10). Maaaring makatulong din na pag-usapan kung paano natin matitiyak na ang mga kilos ng iba, lalo na ng mga kapwa miyembro ng Simbahan, ay hindi magiging mga batong kinatitisuran o hadlang sa ating espirituwal na pag-unlad.
Alma 4:19
Para maipaunawa sa pamilya mo ang bisa ng patotoo, maaari mong hilingin sa kanila na mag-isip ng isang pagkakataon na lubha silang naapektuhan nang marinig nila ang patotoo ng isang tao. Bakit kaya pinili ni Alma na gamitin ang patotoo at ang salita ng Diyos upang antigin ang puso ng mga tao? (tingnan din sa Alma 31:5). Bakit mas epektibo ito kaysa sa ibang mga paraang maaaring gamitin ng mga tao para hikayatin ang iba na magbago? May mga tao ba na maaari nating palakasin ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating patotoo sa kanila?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.