“Hunyo 1–7. Alma 5–7: ‘Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 1–7. Mga Gawa 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Hunyo 1–7
Alma 5–7
“Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?”
Matutulungan ka ng Alma 5–7 na pagnilayan ang patuloy na pagbabalik-loob mo kay Jesucristo. Habang nagbabasa ka, itala ang itinuturo sa iyo ng Espiritu.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Hindi alam ni Alma ang mga heart transplant surgery na nakapagliligtas ng buhay ngayon, na pinapalitan ng malusog na puso ang isang pusong napinsala o nagkaroon ng sakit. Ngunit alam niya na may mas mahimalang “pagbabago ng puso” (Alma 5:26)—kung saan binibigyan tayo ng Tagapagligtas ng panibagong espirituwal na buhay, tulad ng “isilang na muli” (tingnan sa Alma 5:14, 49). Nakita ni Alma na ang pagbabagong ito ng puso ang mismong kailangan ng marami sa mga Nephita. Ang ilan ay mayaman at ang iba ay maralita, ang ilan ay palalo at ang iba ay mapagpakumbaba, ang ilan ay nang-usig at ang iba ay nahirapan sa pang-uusig (tingnan sa Alma 4:6–15). Ngunit kinailangan nilang lahat na lumapit kay Jesucristo upang mapagaling—tulad nating lahat. Hangad man nating madaig ang kapalaluan o magtiis ng mga paghihirap, iisa ang mensahe ni Alma: “Halina at huwag matakot” (Alma 7:15). Hayaang baguhin ng Tagapagligtas ang isang matigas, makasalanan, o sugatang puso at gawin itong mapagpakumbaba, dalisay, at bago.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Kailangan kong maranasan—at patuloy na madama—ang malaking pagbabago ng puso.
Ang mapanuring mga tanong na itinanong ni Alma sa mga tao ni Zarahemla, na matatagpuan sa Alma 5:14–33, ay makakatulong sa iyo na suriin ang sarili mong kaluluwa at maunawaan ang ibig sabihin ng maranasan ang “malaking pagbabago ng puso” habambuhay. Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ang halaga ng mga tanong na ito: “Kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, ‘Kumusta na ako?’ Para itong personal at pribadong pag-interbyu sa sarili ninyo. … Para magabayan ako sa pribado at personal na pagsusuring ito, gusto kong basahin at pagnilayan ang mga salita na sumusuri sa sarili nating buhay sa ikalimang kabanata ng Alma” (“Makabalik at Makatanggap,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 64).
Isiping basahin ang mga tanong ni Alma na para bang iniinterbyu mo ang sarili mo at sinusuri ang puso mo. Maaari mong itala ang mga sagot mo sa mga tanong. Ano ang nahihikayat kang gawin dahil sa iyong interbyu?
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 97–99.
Maaari akong magtamo ng sarili kong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nagbigay si Alma ng mabisang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, at ipinaliwanag din niya kung paano niya natamo ang patotoong iyon. Nang magpatotoo siya, hindi niya binanggit ang kanyang karanasan na nakita at narinig niya ang isang anghel (tingnan sa Mosias 27:10–17) kundi sa halip ay ipinaliwanag niya ang ginawa niya upang malaman ang katotohanan para sa kanyang sarili. Ano ang natututuhan mo mula sa Alma 5:44–51 kung paano nalaman ni Alma ang katotohanan? Paano mo masusunod ang kanyang halimbawa sa iyong mga pagsisikap na matamo o mapalakas ang iyong patotoo? Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga turo ni Alma sa Alma 5:33–35, 48–50, at 57–60.?
Ang masigasig na pagsunod ay matutulungan akong manatili sa “landas na patungo sa kaharian ng Diyos.”
Hindi naranasan ng mga tao ng Gedeon ang mga problemang dinanas ng mga tao sa Zarahemla, kaya tinulungan ng Espiritu si Alma na mahiwatigan ang kanilang mga pangangailangan at turuan sila sa kakaibang paraan (tingnan sa Alma 7:17, 26). Maaari mong mapansin ang ilang pagkakaiba ng mensahe ni Alma sa Zarahemla (tingnan sa Alma 5) sa mensahe niya sa Gedeon. Halimbawa, nahiwatigan ni Alma na ang mga tao ng Gedeon ay “nasa landas na patungo sa kaharian ng Diyos” (Alma 7:19). Sa buong sermon ni Alma sa kanila, tinuruan niya sila ng maraming bagay kung paano manatili sa landas na iyon (tingnan sa Alma 7). Ano ang ipinayo niya sa kanila? Ano ang maiaangkop mo sa buhay mo ngayon?
Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at paghihirap.
Nadama mo na ba na walang nakakaunawa sa iyong mga paghihirap o hamon sa buhay? Kung gayon, makakatulong ang mga katotohanang itinuturo sa Alma 7:7–16. Pinatotohanan ni Elder David A. Bednar: “Lubos na nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 90).
Habang binabasa mo ang Alma 7:7–16, pagnilayan kung ano ang ipinauunawa sa atin ng mga talatang ito tungkol sa mga layunin ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Paano natin matatamo ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay? Isiping itala ang iyong mga naiisip.
Tingnan din sa Isaias 53:3–5.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Alma 5:6–13
Bakit gusto ni Alma na alalahanin ng kanyang mga tao ang awa ng Panginoon sa kanilang mga ninuno? Anong mga kuwento mula sa kasaysayan ng pamilya mo ang nagtuturo sa iyo tungkol sa Kanyang awa? Maaari mo sigurong bisitahin ang familysearch.org/myfamily para itala ang mga kuwentong ito.
Alma 5:14–33
Maaaring alam ng mga miyembro ng pamilya mo kung ano ang pakiramdam ng maging handa—o hindi handa—para sa isang camping trip, isang pagsusulit sa paaralan, o isang interbyu sa trabaho. Anong mga karanasan kamakailan ang maaari nilang ibahagi para ilarawan ang kahalagahan ng pagiging handa? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na rebyuhin ang Alma 5:14–33 at hanapin ang mga itinanong ni Alma upang ihanda ang kanyang mga tao sa pagharap sa Diyos. Marahil ay maaaring pumili ng isang tanong ang bawat miyembro ng pamilya at magbahagi kung paano tayo nito matutulungang maghanda sa pagharap sa Diyos. Maaari ding idispley ng pamilya mo ang ilan sa mga tanong ni Alma sa paligid ng bahay ninyo para mapagnilayan ng mga miyembro ng pamilya.
Alma 6:4–6
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit tayo nagtitipon bilang mga Banal? Paano natin magagawang mas kapaki-pakinabang ang oras natin sa simbahan para sa ating sarili at sa iba?
Alma 7:9–16
Ano ang natututuhan natin sa mga talatang ito na tumutulong sa atin na “huwag matakot” (Alma 7:15) kapag kailangan nating magsisi at magbago? Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagbaling sa Tagapagligtas kapag kailangan natin ng tulong? Anong iba pang mga bagay ang nagawa natin para matanggap ang Kanyang tulong? Paano Niya tayo natulungan?
Alma 7:23
Sino ang kilala nating magandang halimbawa ng isa o mahigit pa sa mga katangiang nakalista sa talatang ito? Bakit mahalagang linangin ang mga katangiang ito?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.