“Hunyo 1–7. Alma 5–7: ‘Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 1–7. “Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Hunyo 1–7
Alma 5–7
“Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?”
Mapanalanging isipin ang mga alituntunin sa Alma 5–7 na sa tingin mo ay pinakaangkop sa mga batang tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naaalala nila na natutuhan nila tungkol kay Nakababatang Alma noong nagdaang ilang linggo. Ipaliwanag na pagkatapos magbalik-loob ni Alma, itinuro niya sa mga tao ang mahahalagang bagay tungkol sa ebanghelyo. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magbahagi ng mga nalalaman nila tungkol sa mga bagay na itinuro niya.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata
Maaari akong magtamo ng aking sariling patotoo mula sa Espiritu Santo.
Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring magkaroon ng sarili nilang matatatag na patotoo, kahit na sila ay bata pa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumamit ng isang larawan ni Nakababatang Alma (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 77) para rebyuhin ang kuwento tungkol sa pagbisita sa kanya ng isang anghel (tingnan sa Mosias 27). Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na ilarawan kung ano ang isang patotoo, at tulungan sila kung kinakailangan. Ipaliwanag na si Alma ay nagsikap na magtamo ng patotoo matapos siyang dalawin ng isang anghel. Dahan-dahang basahin ang Alma 5:46 nang ilang beses, at anyayahan ang mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ni Alma at kung paano niya nalaman ang katotohanan. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang pag-aayuno ay ang hindi pagkain at pag-inom ng tubig.)
-
Magdispley ng mga larawan ng mga bagay na unti-unting lumalaki at nangangailangan ng patuloy na pag-aalaga, tulad ng isang halaman o isang sanggol na hayop. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano natin pinangangalagaan at tinutulungang lumaki ang mga ito. Ipaalala sa kanila na dapat din nating palagiang alagaan ang ating mga patotoo.
-
Gumamit ng isang lobo na walang hangin na kakatawan sa patotoo at hipan ito ng hangin sa tuwing magbabahagi ka ng isang bagay na tumutulong na magpalago ng mga patotoo. Itali ang lobo at ipasa-pasa ito, habang hinihiling sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na magagawa nila para lumago ang kanilang patotoo. Anyayahan ang mga bata na idrowing ang kanilang sarili na ginagawa ang mga bagay na magpapalakas sa kanilang mga patotoo.
Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at paghihirap.
Ang mga katotohanan sa Alma 7:10–13 ay makatutulong sa mga bata na malaman na si Jesucristo ay nagmamalasakit sa kanila at makatutulong sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng isang larawan ni Jesus. Ipaliwanag na alam niya ang pakiramdam ng masaktan, malungkot, o matakot. Basahin ang ilan sa mga salita sa Alma 7:11–13 na naglalarawan sa mga pinagdusahan ng Tagapagligtas, at ipaliwanag ang mga salitang maaaring hindi nauunawaan ng mga bata. Ipaliwanag na matutulungan at mapapanatag tayo ni Jesus kapag tayo ay malungkot. Ibahagi kung paano ka tinulungan at inalo ng Tagapagligtas.
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang sila ay may karamdaman o nasasaktan o nagkaroon ng isa pang problema na nagpalungkot sa kanila. Magpatotoo na naranasan din ng Tagapagligtas ang mga bagay na iyon at alam Niya kung paano tayo tutulungan.
Ang landas pabalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tuwid.
Paano mo magagamit ang paglalarawan ni Alma ng landas pabalik sa Ama sa Langit para matulungan ang mga bata na matutuhang gumawa ng mabubuting pasiya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Alma 7:19 sa mga bata, at ipaliwanag na kapag gumagawa tayo ng mabubuting pagpili, tayo ay nasa landas pabalik sa Ama sa Langit. Bigyan ang mga bata ng isang serye ng mga pagpili o mga gawain (tulad ng pagiging hindi mabait sa mga miyembro ng pamilya o paglilingkod sa kanila). Hilingin sa kanila na sabihin sa iyo kung ang bawat pagpili ay mabuti at umaakay pabalik sa Diyos o kung ito ay masama at naglalayo sa Kanya.
-
Basahin ang Alma 7:20 at tulungan ang mga bata na maunawaan ang mga salita sa mga talatang ito na naglalarawan sa landas pabalik sa Diyos. Magdrowing sa pisara ng isang tuwid na landas mula sa atin patungo sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay gumuhit ng liku-likong landas na mayroong mga dead end na naglalayo sa atin sa Diyos. Anyayahan ang mga bata na tuntunin ang dalawang landas gamit ang kanilang mga daliri. Aling landas ang mas mabuti? Tulungan silang mag-isip ng mabubuting pasiya na tutulong sa kanila na manatili sa tuwid na landas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Alma 5:12–14, 27–28, 57; 7:14–24
Kailangan akong isilang na muli at pagkatapos ay sundan ang landas na pabalik sa Diyos.
Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng isilang na muli?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita sa mga bata ang larawan ng isang sanggol, at anyayahan silang magsalita tungkol sa mga katangian ng isang sanggol noong ito ay ipanganak. Anyayahan ang isang bata na basahin ang Alma 5:14. Para matulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng maging “espirituwal na isinilang sa Diyos,” hilingin sa kanila na isipin kung ano ang mga katangian ni Nakababatang Alma noong bago siya nagbalik-loob. Ano ang mga naging katangian niya pagkatapos? (Tingnan sa Mosias 27:23–32 at Alma 36:12–24.) Ipaliwanag na kapag tayo ay sumampalataya kay Jesucristo at ipinamuhay ang Kanyang ebanghelyo, tulad ito ng pagsisimula natin ng isang bagong buhay, tulad ng isang sanggol.
-
Basahin nang sama-sama ang Alma 7:19, at ipaliwanag na kapag tayo ay isinilang na muli, dapat nating sundan ang “landas na patungo sa kaharian ng Diyos.” Magtago ng mga papel sa paligid ng silid na sinulatan ng mga sumusunod na reperensya: Alma 5:12–13, 27–28, 57; 7:14–16, 23–24. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga papel, hanapin ang mga banal na kasulatan, at ibahagi kung ano ang itinuturo ng bawat banal na kasulatan na dapat nating gawin upang makabalik sa piling ng Diyos.
Maaari akong magtamo ng aking sariling patotoo mula sa Espiritu Santo.
Si Alma ay dinalaw ng isang anghel, ngunit ang kanyang patotoo ay “ipinaalam sa [kanya] ng Banal na Espiritu” (Alma 5:46).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Alma 5:44–46. Ano ang ginawa ni Alma upang magkaroon ng sarili niyang patotoo sa ebanghelyo? Bigyan ang bawat bata ng isang piraso ng papel at anyayahan sila na magplano na gumawa ng isang bagay sa linggong ito na makapagpapalakas ng kanilang patotoo.
-
Magpasa ng isang salamin at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na tingnan ang kanilang mga repleksyon habang binabasa mo ang Alma 5:14. Ano ang ibig sabihin ng taglayin ang larawan ng Tagapagligtas sa ating mukha? Magbahagi ng mga pagkakataon na ang isang tao ay nagsabi o gumawa ng isang bagay na nagpaalaala sa iyo tungkol sa Tagapagligtas, at hilingin sa mga bata na ganoon din ang gawin.
Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at paghihirap.
Habang pinag-aaralan mo ang Alma 7, isiping mabuti kung paano mo mapatatatag ang pananampalataya ng mga bata kay Jesucristo upang bumaling sila sa Kanya sa kanilang mga pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Alma 7:11–13, na inaalam ang mga bagay na pinagdusahan ni Jesucristo. Maaaring handa silang magbahagi ng karanasan kung kailan nakadama sila ng pasakit, karamdaman, o mga paghihirap. Ayon sa mga talatang ito, bakit handa ang Tagapagligtas na pagdusahan ang lahat ng ito?
-
Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakasakit, pinsala, o iba pang paghihirap na naranasan mo, at itanong kung nakaranas na rin sila ng ganito. Basahin nang sabay-sabay ang Alma 7:11–13, at ipaliwanag na nagdusa si Jesus para sa atin. Tulungan ang mga bata na umisip ng mga pagkakataon na naranasan ng Tagapagligtas ang mga bagay na ito, tulad noong Siya ay tinukso (tingnan sa Mateo 4:1–11) o noong Siya ay nagdurusa sa Getsemani. Paano nakatutulong sa atin na malaman na nauunawaan ni Jesus ang ating mga paghihirap? Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kapangyarihan ni Jesus na panatagin, tulungan, at pagalingin tayo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magsabit ng isang larawan ni Jesus sa isang lugar kung saan makikita nila ito nang madalas upang magpaalaala sa kanila ng natutuhan nila tungkol sa Kanya ngayong araw.