Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4: “Sila ay Naging Matatag at Hindi Natitinag”


“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4: ‘Sila ay Naging Matatag at Hindi Natitinag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 25–31. Mosias 29–Alma 4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Nakababatang Alma na nangangaral

Alma the Younger Preaching, ni Gary L. Kapp

Mayo 25–31

Mosias 29–Alma 4

“Sila ay Naging Matatag at Hindi Natitinag”

Ang mga batang tinuturuan mo ay maraming matututuhan sa iyong klase, ngunit mas marami silang matututuhan kung makakaugalian nila na mag-aral ng mga banal na kasulatan sa tahanan. Isipin kung paano mo hihikayatin at susuportahan ang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na umupo sa sahig nang pabilog, at pagulungin ang bola papunta sa isa sa kanila. Hilingin sa batang ito na magbahagi ng isang bagay na natutuhan niya kamakailan lang sa tahanan o sa Primary na tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos ay anyayahan ang batang ito na pagulungin ang bola papunta sa ibang bata. Ulitin hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon na magbahagi.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata

Alma 1:2–9, 26–30

Bilang miyembro ng Simbahan, dapat kong mahalin at paglingkuran ang iba.

Maaari mong piliin na hindi gaanong magsalita tungkol sa mga turo ni Nehor sa mga bata, ngunit maaari silang makinabang sa kaalaman na naglilingkod tayo sa Simbahan dahil mahal natin ang ibang tao, at hindi dahil gusto nating yumaman o maging kilala.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata, gamit ang simpleng mga salita, ang kuwento ni Alma at ni Nehor (tingnan sa Alma 1; “Kabanata 20: Si Alma at si Nehor,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 54–55, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyang-diin na kahit na ang mga tagasunod ni Nehor ay naging malupit sa mga miyembro ng Simbahan, marami sa mga miyembro ng Simbahan ang nanatiling mabait at mapagmahal.

  • Basahin ang Alma 1:30 sa mga bata, at tulungan silang maunawaan na ibinahagi ng mga tao ng Simbahan kung ano ang mayroon sila sa mga taong nangangailangan ng tulong. Tulungan ang mga bata na umisip ng mga bagay na maibabahagi nila at ng mga tao na mababahaginan nila ng mga ito. Hikayatin ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang mga plano.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal at paglilingkod, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Mga Aklat ng Awit Pambata, 83), at tulungan ang mga bata na umisip ng galaw na maaaring bumagay sa kanta.

Alma 2:28–30

Sasagutin ng Diyos ang aking mga panalangin.

Nang madama ni Alma at ng mga Nephita ang “labis na pagkatakot” (Alma 2:23), nagdasal sila upang humingi ng tulong at sila ay napalakas. Tulungan ang mga bata na matuto mula sa kanilang halimbawa.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang mga larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o sa “Kabanata 21: Ang mga Amlicita” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 56–57, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org), sabihin sa mga bata kung paano nagtamo ng lakas ang mga Nephita upang talunin ang mga Amlicita. Tanungin ang mga bata tungkol sa mga bagay na nakakatakot o mahirap para sa kanila, at magpatotoo na maaari silang magdasal sa Ama sa Langit para humingin ng tulong tungkol sa mga bagay na ito.

  • Magbahagi ng isang karanasan nang tinulungan ka ng Diyos pagkatapos mong manalangin sa Kanya. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga naging karanasan nila na may kaugnayan sa panalangin.

Alma 4:19

Ang aking patotoo ay makapagpapalakas sa iba.

Kadalasan ang “dalisay na patotoo” (Alma 4:19) ng isang bata ay may malakas na impluwensya sa iba. Paano mo matutulungan ang mga bata na makahanap ng mga paraan para makapagbahagi ng kanilang mga patotoo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Buklatin ang mga banal na kasulatan sa Alma 4:19, at ipaliwanag na nang makita ni Alma kung gaano kasama ang mga tao, nagpasiya siya na ang pinakamainam na paraan para matulungan sila ay ang magbahagi ng “dalisay na patotoo” sa kanila. Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ituro sa mga bata kung ano ang isang patotoo at ano ang nilalaman nito. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga patotoo.

  • Magbuhos ng malinis na tubig sa isang baso na kita ang laman sa loob, at ipaliwanag na ang tubig ay tulad ng ating mga patotoo dahil maibabahagi natin ito sa iba. Ibuhos ang laman ng baso ng tubig sa maliliit na tasa na para sa bawat bata, at sabihin sa mga bata na kapag ibinabahagi natin ang ating mga patotoo, tinutulungan din natin ang iba na magkaroon ng mas malakas na patotoo.

  • Kung nais ng mga bata, pahintulutan silang magpraktis ng pagbibigay ng kanilang mga patotoo. Magmungkahi ng ilang paraan na maipapakita nila na nalalalaman nila na ang ebanghelyo ay totoo, kabilang na ang sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 1:2–9

Matututuhan kong kilalanin ang mga maling turo.

Sa isang punto ng ating buhay, kailangan nating lahat na harapin ang mga taong tulad ni Nehor—mga taong nagsisikap na linlangin tayo sa pamamagitan ng mga mensahe na tila kaakit-akit ngunit mali at mapanganib. Ang pagbabahagi ng kuwento sa Alma 1:2–9 ay makakatulong sa mga bata na maghanda para sa mga ganoong karanasan sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang Alma 1:2–4 para rebyuhin ang ilan sa mga bagay na itinuro ni Nehor na isang huwad na guro. Tulungan silang gumawa ng isang quiz na ang sagot ay tama o mali gamit ang mga pahayag mula sa mga talatang ito. Bakit kaya kung minsan ay inihahalo ni Satanas ang katotohanan sa mga kasinungalingan? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang halimbawa.

  • Matapos rebyuhin nang sama-sama ang Alma 1:2–9, hilingin sa bawat isa sa mga bata na basahin ang isa sa sumusunod na mga banal na kasulatan: Mateo 7:21–23; 2 Nephi 26:29–31; Mosias 18:24–26; at Helaman 12:23–26. Paano pinabubulaanan ng mga banal na kasulatang ito ang mga turo ni Nehor? Paano natin magagamit ang mga banal na kasulatan para palakasin ang sarili nating mga patotoo sa ebanghelyo?

Alma 1:26–30; 4:6–13

Bilang miyembro ng Simbahan, dapat kong mahalin at paglingkuran ang iba.

Kung minsan ang mga miyembro ng Simbahan sa panahon ni Alma ay bukas-palad at mapagbigay, at sa ibang mga pagkakataon ay masungit at mayabang. Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na matuto mula sa kanilang mga karanasan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang Alma 4:6–13, at ipaliwanag ang mga salitang tulad ng “mapanlibak,” “inuusig,” at “hinahamak” (gumamit ng diksyunaryo kung kinakailangan). Ano ang nadarama natin kapag ganito ang trato sa atin ng mga tao? Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salita sa Alma 1:26–30 na naglalarawan sa paraan ng pakikitungo na nais ng Ama sa Langit na gawin natin sa isa’t isa.

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Alma 1:27, 30 at gumawa ng listahan ng mga uri ng tao na tinulungan ng mga miyembro ng Simbahan. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga tao sa kanilang komunidad o paaralan na maaaring “nangangailangan” (Alma 1:30) ng kanilang pagmamahal at tulong. Upang mas pagtibayin ang alituntuning ito, sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa kabaitan, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79).

Alma 4:8–20

Ang aking patotoo ay makapagpapalakas sa iba.

Isinuko ni Alma ang kanyang tungkulin bilang punong hukom upang makapag-ukol ng mas maraming oras sa pagbabahagi ng kanyang patotoo at pagtulong sa mga tao na magsisi. Ang kanyang halimbawa ay makapagbibigay-inspirasyon sa mga bata na magbahagi ng kanilang patotoo nang mas madalas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Alma 4:8–12, 15 kasama ang mga bata, at hilingin sa kanila na tukuyin ang mga problema na nangyayari sa Simbahan, tulad ng inilarawan sa mga talatang ito. Sabihin sa mga bata na magmungkahi ng ilang bagay na magagawa ni Alma upang malutas ang mga problemang ito. Tulungan silang malaman, sa Alma 4:16–20, kung ano ang napagpasiyahang gawin ni Alma. Bakit napakabisa ng patotoo?

  • Upang tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang patotoo at ano ang nilalaman nito, sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paksa, tulad ng “Patotoo” (Mga Himno, blg. 79); o gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ipabahagi sa mga bata ang natutuhan nila tungkol sa mga patotoo mula sa resources na ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang taong mababahaginan nila ng kanilang patotoo sa susunod na linggo. Hikayatin silang sumulat ng isang plano na tutulong sa kanila na maisakatuparan ang kanilang layunin.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng patotoo. “Ang pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat sa mga mag-aaral na magpatotoo tungkol sa mga alituntuning itinuturo ay maaaring maging mabisang paraan para maanyayahan ang Espiritu” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 32). Para maanyayahan ang mga bata na magbigay ng patotoo, magtanong ng mga bagay na gaganyak sa kanila na mag-isip at magbahagi ng tungkol sa kanilang nadarama tungkol sa Tagapagligtas o sa Kanyang ebanghelyo. Maaari ka ring magtanong ng tungkol sa mga karanasan nila sa panalangin, paglilingkod, mga ordenansang tulad ng binyag, o kapag nadarama nila ang impluwensya ng Espiritu Santo.