Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 11–17. Mosias 18–24: “Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya”


“Mayo 11–17. Mosias 18–24: ‘Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 11–17. Mosias 18–24,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

tumatakas ang mga tao ni Limhi

Minerva K. Teichert (1888-1976), Escape of King Limhi and His People, 1949-1951, langis sa masonite, 35 7/8 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Mayo 11–17

Mosias 18–24

Tayo ay Nakikipagtipan sa Kanya

Habang binabasa mo ang Mosias 18–24, isipin mo ang mga batang tinuturuan mo. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang katotohanan na aangkop para sa kanila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magpakita ng larawan ng isang taong binibinyagan, at anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na nalalaman nila tungkol sa binyag. Maaari silang magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila habang binabasa ang Mosias 18–24 kasama ang kanilang pamilya, habang dumadalo sa isang binyag, o sa ibang kaganapan o pangyayari.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata

Mosias 18:7–16

Kapag ako ay bininyagan, ako ay nakikipagtipan sa Diyos.

Ang isa sa mga pinakamahalagang paraan para matulungan ang mga bata na maghanda para sa binyag ay ang pagtuturo sa kanila ng tungkol sa tipan na gagawin nila kapag sila ay nabinyagan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Rebyuhin ang kuwento ni Alma at ng kanyang mga tao sa Mga Tubig ng Mormon gamit ang Mosias 18:7–16 o “Kabanata 15: Nagturo at Nagbinyag si Alma” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 43–44, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Idispley ang larawang nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na ikuwento sa iyo kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kuwento.

  • Gamit ang Mosias 18:8–10 bilang gabay, ituro sa mga bata gamit ang sarili mong mga salita ang tungkol sa mga bagay na ipapangako nilang gawin kapag sila ay bininyagan. Halimbawa, sila ay mangangako na susundin ang Ama sa Langit at si Jesus sa pamamagitan ng pag-alo sa mga taong nalulungkot. Magbahagi ng isang kuwento ng paraan na ikaw o ang isang taong kilala mo ay tumupad sa mga pangakong ito. (Tingnan din sa D at T 20:77, 79; Carole M. Stephens, “May Malaking Dahilan Tayo para Magalak,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 115–17.)

  • Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, nangangako rin sa atin ang Ama sa Langit. Ibahagi ang mga pangakong ito, tulad ng inilarawan sa Mosias 18:9–10.

Mosias 18:17–28

Kapag ako ay bininyagan, ako ay nagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.

Tulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng maging mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang taong nabinyagan kamakailan na ibahagi ang kanyang karanasan. Basahin ang Mosias 18:17, at ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, tayo ay nagiging mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nangangako na susunod kay Jesus.

  • Magpakita sa mga bata ng mga larawang kumakatawan sa mga bagay na inilarawan sa Mosias 18:17–28. Halimbawa, ang larawang Ordinasyon sa Priesthood (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 106) ay maaaring kumatawan sa talata 18, at ang larawan na Pagbabayad ng Ikapu (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 113) ay maaaring kumatawan sa mga talata 27–28. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ilarawan ang nakikita nila sa mga larawan, at gamitin ang mga larawan at mga talata upang tulungan silang makita kung ano ang ibig sabihin ng maging miyembro ng Simbahan.

binyag sa dagat

Nakikipagtipan tayo sa Diyos kapag tayo ay bininyagan.

Mosias 24:8–17

Mapagagaan ng Diyos ang aking mga pasanin.

Kailan napagaan ng Diyos ang iyong mga pasanin? Mag-isip ng mga paraan na maibabahagi mo ang iyong mga karanasan at patotoo sa mga bata.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na umisip ng mga simpleng galaw na magagawa nila habang ikinukuwento mo ang nangyari sa mga tao ni Alma sa Mosias 24:8–17. Ipaliwanag na dahil pinili ni Alma na sundin ang mga turo ni Abinadi tungkol kay Jesus, masama ang naging trato sa kanya at sa kanyang mga tao, ngunit hindi sila tumigil kailanman sa pananalig kay Jesus.

  • Basahin ang Mosias 24:14–15 sa mga bata. Punuin ang isang bag ng mabibigat na bagay (upang kumatawan sa mga pasanin), at anyayahan ang isang bata na buhatin ang bag. Ipaliwanag na kapag tayo ay malungkot, maysakit, o may iba pang mga suliranin, ito ay parang pagbubuhat ng isang mabigat na bagay. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagtulong sa bata na dalhin ang bag upang maging mas magaan ito. Ipaliwanag na mapagagaan ng Ama sa Langit ang ating mga pasanin kapag hinahangad natin ang Kanyang tulong sa pamamagitan ng panalangin, paglilingkod sa iba, at iba pa.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mosias 18:7–16

Kapag ako ay bininyagan, ako ay nakikipagtipan sa Diyos.

Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang tipan na ginagawa natin sa binyag?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ng papel ang bawat bata. Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 18:8–10, at anyayahan ang mga bata na isulat o idrowing sa isang panig ng papel nila ang mga pangakong ginagawa natin sa binyag at, sa kabilang panig, ang mga pagpapalang ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi sa klase ang nalaman nila. Habang nagbabahagi sila, magtanong ng tulad ng mga ito: Paano tayo maaaring “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati”? Ano ang ibig sabihin ng maging saksi ng Diyos “sa lahat ng lugar”? (talata 9). Ano ang magagawa natin para tuparin ang ating mga tipan?

  • Anyayahan ang ilan sa mga bata na nabinyagan na ibahagi ang mga naaalala nila tungkol sa kanilang karanasan. Bakit espesyal ang araw na iyon? Ano ang naramdaman nila? Ipaliwanag na bawat Linggo, sila ay nagpapanibago ng kanilang tipan sa binyag kapag nakikibahagi sila ng sakramento. Tulungan ang mga bata na ihambing ang tipan sa binyag na inilarawan sa Mosias 18:8–10 sa mga panalangin sa sakramento (tingnan sa D at T 20:77, 79). Paano natin gagawing espesyal at mapitagang oras ang sakramento, tulad ng ating mga binyag?

  • Anyayahan ang isang bagong binyag na ibahagi kung paano niya nalaman ang tungkol sa Simbahan at kung ano ang pakiramdam ng mabinyagan. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magtanong, tulad ng kung ano ang nakatulong sa taong iyon na maghangad na gumawa ng mga pangako sa Mosias 18:7–16.

Mosias 18:17–28

Ako’y kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Paano mo mahihikayat ang mga bata na maging mapagpasalamat dahil sa mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mosias 18:17–28, na inaalam ang mga turo ng Simbahan ni Cristo sa panahon ni Alma na katulad sa ating panahon. Isulat ang kanilang mga sagot sa mga block o tasa, at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na gamitin ang mga ito para makabuo ng isang istruktura na kumakatawan sa Simbahan ni Jesucristo.

  • Kantahin ninyo ng mga bata o basahin ang mga titik ng “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48), at anyayahan sila na pakinggan ang mga bagay na ipinapangako nating gawin bilang mga miyembro ng Simbahan. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para matupad nila ang mga pangakong ito.

Mosias 21:1–5, 13–16; 22:1–11; 24:8–22

Mapagagaan ng Diyos ang aking mga pasanin.

Maipapakita sa mga bata ng kuwento ng mga tao ni Alma na kung minsan ay tumutulong ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapalakas sa atin upang matiis ang ating mga pagsubok sa halip na alisin ang mga ito. Paano mo sila matutulungang matuto mula sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga pangunahing kaganapan mula sa mga salaysay ng mga tao ni Limhi sa Mosias 21:1–5, 13–16; at 22:1–11 at ng mga tao ni Alma sa Mosias 24:8–22. Pagkatapos ay hilingin sa bawat bata na iguhit ang isa sa mga pangyayaring ito. Anyayahan ang mga bata na ilagay ang kanilang mga drowing sa tamang pagkakasunud-sunod upang ikuwento ang mga nangyari. Habang ginagawa nila ito, bigyang-diin na tinulungan ng Diyos ang mga tao na dalhin ang kanilang mga pasanin.

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mosias 21:14–15 at 24:13–14. Paano tumugon ang Panginoon sa mga panalangin ng mga tao ni Limhi at mga tao ni Alma? Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nagdasal sila para humingi ng tulong sa isang pagsubok at tinulungan sila ng Ama sa Langit, o magbahagi ng sarili mong karanasan.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga bata na ipaliwanag sa iba kung ano ang kanilang ipapangako o ipinangako bilang bahagi ng kanilang tipan sa binyag.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Bigyang-pansin ang mga bata. Kung sila ay tila hindi mapakali, maaaring oras na para subukan ang iba pang aktibidad o maglakad-lakad sandali nang tahimik. Sa kabilang banda, kung sila ay nakatuon at natututo, huwag mapilitang magpatuloy para lamang tapusin ang iba pang materyal ng aralin.