Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 18–24. Mosias 25–28: “Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”


“Mayo 18–24. Mosias 25–28: ‘Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 18–24. Mosias 25–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

Larawan
nagpakita ang anghel kay Alma at sa mga anak ni Mosias

Conversion of Alma the Younger [Pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma], ni Gary L. Kapp

Mayo 18–24

Mosias 25–28

“Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”

Nalalaman ng Ama sa Langit kung ano ang kailangang matutuhan ng mga bata sa iyong klase at kung paano sila tutulungan. Hangarin ang Kanyang patnubay habang binabasa ang Mosias 25–28 at rebyuhin ang outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nangyayari sa larawan. Kung pamilyar ang mga bata sa kuwento ng Nakababatang Alma at mga anak ni Mosias, bigyan sila ng pagkakataon na ibahagi ang nalalaman nila.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mosias 26:30–31

Nais ng Tagapagligtas na ako ay magpatawad.

Itinuro ng Panginoon kay Alma na malaya Niyang pinatatawad ang mga taong nagsisisi. Dapat nating sundan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin sa mga bata ang mga katagang ito mula sa Mosias 26:31: “Inyo ring patatawarin ang pagkakasala ng isa’t isa.” Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsanay sa pagbigkas ng “Pinatatawad na kita” nang ilang ulit, at alamin kung nalalaman nila ang kahulugan ng magpatawad. Magbahagi ng isang karanasan sa iyong buhay nang ikaw ay nagpatawad o nang ikaw ay pinatawad ng isang tao.

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang pagpapatawad sa isa’t isa. Hilingin sa isang bata na magkunwari na siya ay nakagawa ng isang bagay na nakasakit o nakasama ng loob ng isa pang bata. Ano ang maaaring gawin ng batang iyon para sabihin o ipakita ang pagpapatawad?

  • Anyayahan ang mga bata na gumuhit ng isang malungkot na mukha sa isang panig ng papel at isang masayang mukha sa kabilang panig. Sabihin sa kanila na itaas ang malungkot na mukha habang nagkukuwento sila ng tungkol sa isang karanasan nang ang isang kapatid o kaibigan ay nagpasama ng kanilang loob. Hilingin sa kanila na itaas ang masayang mukha habang sinasabi nila kung paano nila pinatawad o patatawarin ang taong iyon.

Mosias 27:8–37

Ang ebanghelyo ay tumutulong sa tao na magbago at maging higit na katulad ni Jesus.

Ang pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias ay nagpapakita na dahil kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, kahit sino ay maaaring magbago at maging higit na katulad ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Mabilis na ikuwento ang tungkol sa pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias, ayon sa inilarawan sa Mosias 27:8–37. Para sa tulong, tingnan ang “Kabanata 18: Nagsisi ang Nakababatang Alma” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 49–52, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Pagkatapos ay muling isalaysay ang kuwento sa paraang nagpapahintulot sa mga bata na ibahagi ang mga detalyeng naaalala nila. Ipasadula sa kanila ang kuwento, at tulungan silang makita ang mga pagbabago kay Alma at sa mga anak ni Mosias bago sila nagsisi at pagkatapos nito.

  • Tulungan ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para isalaysay ang kuwento nina Alma at ng mga anak ni Mosias. Basahin ang Mosias 27:24, at tulungan ang mga bata na maunawaan na nagbago sina Alma at ang mga anak ni Mosias dahil pinagsisihan nila ang kanilang kasalanan at tinanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo.

    Larawan
    Dinala sa bahay ng kanyang ama ang Nakababatang Alma

    His Father Rejoiced [Nagalak ang Kanyang Ama], ni Walter Rane

Mosias 28:1–8

Maibabahagi ko ang ebanghelyo.

Pagkatapos ng kanilang pagbabalik-loob, ang mga anak ni Mosias ay naging sabik na ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao, pati na rin sa mga Lamanita na kanilang mga kaaway.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang Mosias 28:1–8 para ikuwento sa mga bata ang tungkol sa pagpapasiya ng mga anak ni Mosias na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Para sa tulong, tingnan ang “Kabanata 19: Naging Misyoneryo ang mga Anak na Lalaki ni Mosias” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 53, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bakit gusto nilang ibahagi ang ebanghelyo? (tingnan sa talata 3).

  • Tulungan ang bawat bata na mag-isip ng isang taong kailangang mas malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo. Tulungan ang mga bata na magplano kung ano ang sasabihin nila sa mga taong naisip nila.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Ipaliwanag ang mga parirala sa awitin na nagmumungkahi kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo sa iba.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mosias 26:22–23, 29–30; 27:8–37

Malayang pinatatawad ng Diyos ang mga taong nagsisisi.

Kung mayroon man sa iyong klase na nag-iisip kung siya talaga ay tunay na mapapatawad, ang mga salita ng Diyos sa Nakatatandang Alma at ang karanasan ng Nakababatang Alma ay maaaring makatulong.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na kunwari ay nakikipag-usap sila sa isang taong nag-iisip na hindi siya kailanman mapapatawad ng Diyos. Anyayahan silang rebyuhin ang mga salita ng Diyos sa Nakatatandang Alma sa Mosias 26:22–23, 29–30. Ano ang nalaman nila na makakatulong sa taong iyon?

  • Bago magklase, hilingin sa isa sa mga bata na basahin ang tungkol sa pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma, na matatagpuan sa Mosias 27:8–37, at dumating na handang magkuwento sa klase na parang siya nga ang Nakababatang Alma. (Kung kailangan, imungkahi na humingi siya ng tulong sa kanyang magulang.) Habang ang bata ay nagsasalaysay ng kuwento, magtanong ng mga bagay tulad ng “Ano ang naramdaman mo nang …  ?” o “Ano ang sumunod na nangyari?”

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng listahan ng mga salita mula sa Mosias 27:8–10 na naglalarawan kung ano sina Alma at ang mga anak ni Mosias bago sila nagbalik-loob. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na gumawa ng isa pang listahan mula sa Mosias 27:32–37 na naglalarawan ng mga nabago sa kanila pagkatapos. Ayon sa mga talata 24–29, ano ang dahilan ng malaking pagbabagong ito kay Alma?

Mosias 26:29–31

Para mapatawad, kailangan kong magpatawad.

Tulungan ang mga bata na makita ang kaugnayan ng pagpapatawad na ibinibigay nila sa iba at ng pagpapatawad na inaasahan nila para sa kanilang sarili.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang Mosias 26:29–31 at bilangin kung ilang beses lumitaw ang salitang “patatawarin.” Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagpapatawad sa ibang tao? Paano nakakatulong ang pagpapatawad kapwa sa taong may ginawang hindi tama at sa mga taong nagpapatawad?

  • Hilingin sa isang bata na magdrowing ng isang tulay sa pisara, at ibahagi ang pahayag na ito na binanggit ni Pangulong Thomas S. Monson: “Siya na hindi makapagpatawad sa iba ay sumisira sa tulay na dapat niyang tawirin kung siya man ay pupunta sa langit, sapagkat ang lahat ay nangangailangan ng kapatawaran” (George Herbert, sinipi sa “Hidden Wedges,” Ensign, Mayo 2002, 19). Burahin ang isang bahagi ng tulay, at hilingin sa mga bata na tulungan kang itayo itong muli, nang paisa-isa, habang nagbabahagi sila ng mga paraan na maaari silang makapagpatawad sa iba. Anyayahan silang mag-isip ng isang taong kailangan nilang patawarin.

Mosias 27:8–24

Makapagdarasal at makapag-aayuno ako para pagpalain ng Diyos ang mga mahal ko sa buhay.

Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan na ang pag-aayuno ay magpapalakas sa kanilang pananampalataya habang nananalangin sila para sa mga taong mahal nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 27:8–24, at itanong sa mga bata kung ano ang ginawa ni Alma at ng kanyang mga tao para sa Nakababatang Alma. Magbahagi ng isang karanasan kung saan ikaw ay nag-ayuno at nanalangin para sa isang tao, at hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga sariling karanasan.

  • Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang taong kilala nila na nangangailangan ng tulong ng Diyos sa kanyang buhay. Magpatotoo na ang mga bata ay maaaring manalangin at mag-ayuno nang may pananampalataya na pagpapalain ng Diyos ang taong ito. Anyayahan ang mga bata na manalangin para sa taong naisip nila at, kung kaya nila, ay mag-ayuno rin para sa kanila.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hilingin sa mga bata na pumili ng isang bagay na natutuhan nila mula sa karanasan ng Nakababatang Alma at ng mga anak ni Mosias na gusto nilang ibahagi sa kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Suportahan ang mga magulang. “Ang mga magulang ang pinakamahahalagang guro ng ebanghelyo para sa kanilang mga anak—nasa kanila kapwa ang pangunahing responsibilidad at ang pinakadakilang kapangyarihang impluwensyahan ang kanilang mga anak (tingnan sa Deuteronomio 6:6–7). Habang tinuturuan mo ang mga bata sa simbahan, mapanalanging maghanap ng mga paraan para masuportahan ang mga magulang sa kanilang mahalagang tungkulin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).

Print