“Mayo 18–24. Mosias 25–28: ‘Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mayo 18–24. Mosias 25–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Mayo 18–24
Mosias 25–28
“Sila ay Tinawag na mga Tao ng Diyos”
Matapos na “ang tinig ng Panginoon ay nangusap [kay Alma],” isinulat niya ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon “upang mapasakanya ang mga ito” (Mosias 26:13, 33). Paano mo susundan ang halimbawa ni Alma?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Matapos ang halos tatlong henerasyon ng pamumuhay sa magkahiwalay na mga lupain, muling nagkaisa ang mga Nephita. Ang mga tao ni Limhi, mga tao ni Alma, at mga tao ni Mosias—maging ang mga tao ni Zarahemla, na hindi inapo ni Nephi—ay pawang “ibinilang sa mga Nephita” (Mosias 25:13). Ninais din ng marami sa kanila na maging miyembro ng Simbahang naitatag ni Alma. Kaya lahat ng “[nagnais] na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo” ay nabinyagan, “at sila ay tinawag na mga tao ng Diyos” (Mosias 25:23–24). Makalipas ang mga taon ng labanan at pagkabihag, tila sa wakas ay magtatamasa na rin ang mga Nephita ng isang panahon ng kapayapaan.
Ngunit hindi nagtagal, sinimulang usigin ng mga hindi naniniwala ang mga Banal. Ang lalo pang nakakasama ng loob ay na marami sa mga hindi naniniwalang ito ay mga anak mismo ng mga naniniwala—ang “bagong salinlahi” (Mosias 26:1), kabilang na ang mga anak ni Mosias at isang anak ni Alma. Pagkatapos ay may nangyaring himala, at ang salaysay tungkol sa himalang iyon ay nagbigay ng pag-asa sa nagdadalamhating mga magulang sa loob ng maraming henerasyon. Ngunit ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ni Alma ay hindi lamang para sa mga magulang ng suwail na mga anak. Ang tunay na pagbabalik-loob ay isang himala na kailangang mangyari, sa anumang paraan, sa ating lahat.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ako ang responsable sa sarili kong pananampalataya at patotoo.
Ang mga nakarinig sa sermon ni Haring Benjamin ay nagdanas ng kagila-gilalas na pagbabalik-loob (tingnan sa Mosias 5:1–7), ngunit ang pagbabalik-loob ay isang personal na karanasan na hindi maaaring ipasa na parang pamana sa mga anak. Kailangang maranasan nating lahat ang sarili nating pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Habang binabasa mo sa Mosias 26:1–6 ang tungkol sa “bagong salinlahi” ng mga Nephita na hindi naniniwala, pansinin ang mga bunga ng kawalan nila ng paniniwala. Maaari mo ring isipin ang mga tao na nais mo sanang dalhin kay Cristo. Bagama’t hindi mo maibibigay sa kanila ang iyong pagbabalik-loob, maaaring ibulong sa iyo ng Espiritu ang mga bagay na maaari mong gawin para tulungan silang magkaroon ng pananampalataya. Habang binabasa mo sa Mosias 25–28 kung paano tinulungan ni Alma at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan ang bagong salinlahi, maaaring may dumating sa iyo na mga karagdagang kaisipan.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 68:25–29.
Ang matatapat na lingkod ng Diyos ay naghahangad na gawin ang Kanyang kalooban.
Maaari nating isipin kung minsan na laging alam ng isang pinuno ng Simbahan na tulad ni Alma ang tamang gawin. Sa Mosias 26 mababasa natin ang tungkol sa isang problema sa Simbahan na hindi kailanman nakaharap ni Alma, at “siya ay [natakot] na makagawa ng mali sa paningin ng Diyos” (Mosias 26:13). Ano ang ginawa ni Alma sa sitwasyong ito? (tingnan sa Mosias 26:13–14, 33–34, 38–39). Ano ang ipinahihiwatig ng karanasan ni Alma kung paano mo maaaring lutasin ang mahihirap na problema sa pamilya mo o sa paglilingkod mo sa Simbahan?
Maaaring nakakatuwa ring ilista ang mga katotohanang inihayag ng Diyos kay Alma, na matatagpuan sa Mosias 26:15–32. Pansinin na ang ilan sa mga katotohanang ito ay hindi tuwirang sagot sa tanong ni Alma. Ano ang ipinahihiwatig nito sa iyo tungkol sa panalangin at pagtanggap ng personal na paghahayag?
Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay kailangang isilang na muli.
Halatang kailangan ni Nakababatang Alma na muling isilang sa espirituwal, dahil siya at ang mga anak ni Mosias “ang pinakamasama sa lahat ng makasalanan,” na naglilibot “[para wasakin ang] simbahan ng Diyos” (Mosias 28:4; 27:10). Ngunit hindi nagtagal matapos siyang magbalik-loob, nagpatotoo si Alma na ang pagbabalik-loob ay makakamit—at mahalaga—para sa lahat: “Huwag manggilalas,” wika niya, “na ang buong sangkatauhan … ay kinakailangang isilang na muli” (Mosias 27:25; idinagdag ang italics). Mangyari pa, kasama ka riyan.
Habang binabasa mo ang karanasan ni Alma, na matatagpuan sa Mosias 27:8–37, puwede mong subukang ilagay ang sarili mo sa kanyang lugar. Hindi mo sinusubukang wasakin ang Simbahan, ngunit siguradong makakaisip ka ng mga bagay tungkol sa sarili mo na kailangang baguhin. Sino, tulad ng ama ni Alma, ang sumusuporta sa iyo at nagdarasal para sa iyo “nang may labis na pananampalataya”? Anong mga karanasan ang nakatulong na “papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos”? (Mosias 27:14). Anong “[dakilang] mga bagay” ang nagawa ng Panginoon para sa iyo at sa pamilya mo na dapat mong “pakatandaan”? (Mosias 27:16). Ano ang natututuhan mo mula sa mga salita at kilos ni Nakababatang Alma tungkol sa kahulugan ng isilang na muli? Ang mga tanong na tulad nito ay maaaring makatulong sa iyo na suriin ang iyong pag-unlad sa proseso ng pagsilang na muli.
Tingnan din sa Mosias 5:6–9; Alma 36.
Dinirinig ng Diyos ang aking mga dalangin at sasagutin ang mga ito ayon sa Kanyang kalooban.
May kilala ka sigurong isang magulang na nasa katayuan ni Nakatatandang Alma, na ang anak na lalaki o babae ay gumagawa ng mga pasiyang nakakasira. O baka ikaw ang magulang na iyon. Ano ang nakikita mo sa Mosias 27:14, 19–24 na nagbibigay sa iyo ng pag-asa? Paano maaaring impluwensyahan ng mga talatang ito ang iyong mga panalangin para sa ibang tao?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Mosias 25:5–11
Ano ang nadama ng mga tao ni Mosias matapos basahin sa kanila ang mga talaan ng mga tao ni Zenif at mga tao ni Alma? Mayroon bang mga talaan ang pamilya mo na maaari mong basahin? Maaari ka sigurong magdagdag sa mga talaan mo o magsimulang gumawa ng sarili mo. Ano ang isasama mo na maaaring makatulong sa pamilya mo (pati na sa mga susunod na henerasyon) na “[m]apuspos ng labis na kagalakan” at malaman ang tungkol sa “kagyat na kabutihan ng Diyos”? (Mosias 25: 8, 10).
Mosias 25:16
Bakit mahalagang tandaan ng mga tao ni Limhi na iniligtas sila ng Panginoon mula sa pagkabihag? Ano ang nagawa ng Panginoon para sa atin na dapat nating tandaan?
Mosias 26:29–31; 27:35
Ayon sa mga talatang ito, ano ang kailangang gawin ng isang tao upang makatanggap ng kapatawaran?
Mosias 27:21–24
Habang binabasa mo ang mga talatang ito, isipin ang isang tao na maaaring ipagdasal at ipag-ayuno ng pamilya mo.
Mosias 27–28
Para matulungan ang pamilya mo na ilarawan sa kanilang isipan ang mga salaysay sa mga kabanatang ito, maaari mo silang anyayahang idrowing ang mga taong bahagi nito at gamitin ang mga drowing para muli itong ikuwento. O maaaring masiyahan silang isadula ang kuwento; paano nila maaaring ilarawan ang pagbabagong naranasan ni Alma at ng mga anak ni Mosias?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.