“Mayo 4–10. Mosias 11–17: ‘Isang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mayo 4–10. Mosias 11–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Mayo 4–10
Mosias 11–17
“Isang Ilaw … na Hindi Maaaring Magdilim”
Ang mga salita ni Abinadi ay nagsanhi ng malaking pagbabago sa kahit iisang miyembro lang ng korte ni Haring Noe (tingnan sa Mosias 17:2–4). Basahin ang Mosias 11–17 nang may panalangin sa puso mo na tatanggap ka ng mga impresyon kung paano ka magbabago.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang malalaking sunog ay maaaring magsimula sa isang kislap. Si Abinadi lang ang nagpatotoo laban sa isang makapangyarihang hari at sa kanyang korte. Karamihan sa kanyang mga salita ay hindi tinanggap, at hinatulan siya ng kamatayan. Subalit ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo, na siyang “ilaw … na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9), ang nagpakislap sa isang bagay sa kalooban ng batang saserdoteng si Alma. At unti-unting lumaki ang kislap na iyon ng pagbabalik-loob nang hikayatin ni Alma ang marami pang iba na magsisi at manampalataya kay Jesucristo. Ang apoy na pumatay kay Abinadi ay naampat din sa huli, ngunit ang apoy ng pananampalatayang nilikha ng kanyang mga salita ay magkakaroon ng walang-hanggang impluwensya sa mga Nephita—at sa mga nagbabasa ng kanyang mga salita ngayon. Karamihan sa atin ay hindi daranasin ang dinanas ni Abinadi dahil sa ating patotoo, ngunit lahat tayo ay may mga sandali kung kailan ang pagsunod kay Jesucristo ay isang pagsubok sa ating katapangan at pananampalataya. Marahil ay mapapalagablab din ng pag-aaral sa patotoo ni Abinadi ang apoy ng patotoo at katapangan sa puso mo.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Maaari akong manindigan para sa katotohanan, kahit mag-isa lang ako.
Isipin kung gaano siguro nakapagpahina ng loob ni Abinadi na papagsisihin ang mga taong tila hindi naman interesadong baguhin ang kanilang masasamang gawi. Paulit-ulit na tinanggihan ang kanyang mensahe. Subalit hindi kailanman sumuko si Abinadi.
Kailan mo nadama na parang mag-isa kang nanindigan sa pagtatanggol sa katotohanan? Habang binabasa mo ang Mosias 11–13 at 17, ano ang natututuhan mo na maghahanda sa iyo kapag kailangan ng Panginoon na manindigan ka para sa Kanyang ebanghelyo? Anong iba pang mga alituntunin ang natututuhan mo mula sa halimbawa ni Abinadi?
Kailangan kong gamitin ang puso ko sa pag-unawa sa salita ng Diyos.
Pamilyar din ang mga saserdote ni Haring Noe sa salita ng Diyos—kaya nilang banggitin ang mga talata sa banal na kasulatan at itinuturo daw nila ang mga kautusan. Ngunit ang mga kautusang iyon ay “hindi … nakasulat sa [kanilang] mga puso,” at “hindi nila ginamit ang [kanilang] mga puso sa pang-unawa” sa mga iyon (Mosias 13:11; 12:27). Bunga nito, hindi nagbago ang kanilang buhay.
Habang binabasa mo ang Mosias 12:19–30, pagnilayan ang ibig sabihin ng gamitin ang puso mo sa pag-unawa sa salita ng Diyos. Nahihikayat ka ba nitong gumawa ng anumang mga pagbabago sa paraan ng pag-aaral mo ng ebanghelyo?
Tutulungan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod sa Kanyang gawain.
Sa isang banda, ang karanasan ni Abinadi ay nagbibigay ng maraming halimbawa kung paano sinusuportahan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod—maaari kang makakita ng ilang gayong halimbawa sa Mosias 13:1–9. Sa kabilang banda, pinahintulutan din ng Panginoon na usigin, ikulong, at maging martir si Abinadi dahil sa kanyang patotoo. Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na naghahayag na nagtiwala si Abinadi sa Panginoon? Paano naaapektuhan ng halimbawa ni Abinadi ang pananaw mo tungkol sa iyong mga tungkulin at responsibilidad?
Si Jesucristo ay nagdusa para sa akin.
Naniwala si Haring Noe at ang kanyang mga saserdote na ang kaligtasan ay dumating sa pamamagitan ng batas ni Moises. Ninais ni Abinadi na malaman nila na ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng Mesiyas na si Jesucristo. Sa Mosias 14–15, pansinin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa Tagapagligtas at kung ano ang pinagdusahan Niya para sa iyo. Anong mga talata ang nagpapalalim sa pagmamahal at pasasalamat mo sa Kanya?
Paano naging kapwa Ama at Anak si Jesucristo?
Nakakalito kung minsan ang mga talatang ito dahil parang itinuturo ni Abinadi na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay iisang Nilalang, subalit alam natin na Sila ay magkahiwalay na mga Nilalang. Ano ang ibig sabihin ni Abinadi? Itinuro niya na ang Diyos Anak—si Jehova—ang magiging Manunubos (tingnan sa Mosias 15:1), magkakatawang-tao, na kalahati ay tao at kalahati ay Diyos (mga talata 2–3). Lubusan Siyang nagpasakop sa kalooban ng Diyos Ama (mga talata 5–9). Dahil dito, si Cristo ay kapwa ang Anak ng Diyos at ang perpektong kumakatawan sa Diyos Ama sa lupa (tingnan sa Juan 14:6–10).
Nagpatuloy si Abinadi sa pagpapaliwanag na si Jesucristo ay ang Ama rin sa diwa kaya kapag tinanggap natin ang Kanyang pagtubos, tayo ay nagiging “kanyang binhi” (Mosias 15:11–12). Sa madaling salita, tayo ay nagiging espirituwal na isinilang sa pamamagitan Niya (tingnan sa Mosias 5:7).
Tingnan din sa Juan 5:25–27; 8:28–29; 17:20–23.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Mosias 11–13; 17
Nakahihikayat ang mga halimbawa nina Abinadi at Alma ng pananatiling tapat sa katotohanan, kahit na ang paggawa nito ay hindi popular. Maaaring ang mga miyembro ng pamilya mo ay iniimpluwensyahan ng lipunan na ikompromiso ang kanilang mga pamantayan. Ano ang matututuhan nila mula kina Abinadi at Alma tungkol sa paninindigan sa katotohanan? Ang gawang-sining na nakalakip sa outline na ito ay maaaring makatulong sa pamilya mo na ilarawan sa isipan ang salaysay na ito. Matapos pag-aralan ang mga kabanatang ito, isiping magsadula ng mga sitwasyon sa tunay na buhay para masanay ang mga miyembro ng pamilya mo sa pagtugon sa impluwensya na ikompromiso ang kanilang mga pamantayan. O maaari ninyong ikuwento sa isa’t isa ang mga karanasan ninyo sa paninindigan sa katotohanan.
Mosias 12:33–37; 13:11–24
Ano ang ibig sabihin ng “[isulat] sa [ating] mga puso” ang mga kautusan ng Diyos? (Mosias 13:11). Maaari mo sigurong isulat ang ilang ideya (o idrowing ang iyong mga ideya) sa isang malaking hugis-pusong papel. Bakit mahalaga sa atin ang mga kautusan? Paano natin maisusulat ang mga ito sa ating puso?
Mosias 14
Sa kabanatang ito makikita mo ang ilang salita at pariralang naglalarawan kay Jesucristo. Maaari sigurong ilista ng pamilya mo ang mga ito kapag nakita ninyo ang mga ito. Ano ang damdamin ng mga miyembro ng pamilya tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan natin ang mga salita at pariralang ito?
Mosias 15:26–27; 16:1–13
Inilalarawan ng mga talatang ito kung ano ang mangyayari sa mga anak ng Diyos kung si Jesus ay “hindi pumarito sa daigdig” (Mosias 16:6), o kung hindi sila sumunod sa Kanya. Ano ang mabubuting bagay na nangyari dahil pumarito Siya at nagbayad-sala para sa atin?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.