Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 4–10. Mosias 11–17: “Ang Ilaw … Na Hindi Maaaring Magdilim”


“Mayo 4–10. Mosias 11–17: ‘Ang Ilaw … Na Hindi Maaaring Magdilim,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mayo 4–10. Mosias 11–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

nagpapatotoo si Abinadi kay Haring Noe

Abinadi Before King Noah [Si Abinadi sa Harap ni Haring Noe], ni Andrew Bosley

Mayo 4–10

Mosias 11–17

“Ang Ilaw … Na Hindi Maaaring Magdilim”

Pagnilayan at ipagdasal na malaman kung paano mo magagamit ang kuwento ni Abinadi at ang kanyang mga turo sa Mosias 11–17 para matulungan ang mga batang tinuturuan mo. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento ni Abinadi at ni Haring Noe. Maaaring makatulong ang larawan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mosias 11–1317

Maipaglalaban ko ang katotohanan, kahit na nag-iisa ako.

Sina Abinadi at Alma ay kapwa matapang sa pagtatanggol sa katotohanan. Paano mo magagamit ang kuwentong ito upang palakasin ang loob ng mga bata para sa mga pagkakataong kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento nila Abinadi, Haring Noe, at Alma na matatagpuan sa Mosias 11–13 at 17. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 14: Si Abinadi at si Haring Noe” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 38–42, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na isadula ang kuwento at bigyan sila ng pagkakataon na gumanap ng iba’t ibang papel.

  • Magmartsa nang hindi umaalis sa puwesto kasama ng mga bata habang kinakanta nila ang isang awitin na humihikayat ng katapangan, tulad ng “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85). Sama-samang basahin ang mga titik ng awitin, at tulungan ang mga bata na tukuyin kung ano ang ginagawa ng isang tao na magiting o matapang. Pumili ng ilang talata mula sa Mosias 11–13 at 17 na babasahin sa mga bata upang ipakita kung paano naging magiting sina Abinadi at Alma (halimbawa, tingnan sa Mosias 13:1–4, 9).

Mosias 12:33–36; 13:11–24

Dapat kong sundin ang Sampung Utos.

Nalaman ng mga saserdote ni Haring Noe ang mga kautusan ngunit hindi nila sinunod ang mga ito. Ang mga salita ni Abinadi ay makatutulong sa mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbilang hanggang 10. O bigyan sila ng 10 piraso ng papel na may bilang at sabihin sa mga bata na pagsunud-sunurin ang mga ito. Ipaliwanag na nagbigay ang Ama sa Langit sa atin ng Sampung Utos upang tulungan tayong bumalik sa Kanyang piling. Tulungan ang mga bata na bigkasing kasama mo ang ilan sa Sampung Utos mula sa Mosias 12:33–36 at 13:11–24.

  • Ipakita ang larawan ni Moises na hawak ang Sampung Utos (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 14), at saglit na ipaliwanag kung paano tinanggap ni Moises ang mga kautusan mula sa Diyos (tingnan sa Exodo 19–20). Pagkatapos ay ipakita ang larawan ni Abinadi (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at sabihin sa mga bata na ipinaalala ni Abinadi kay Haring Noe at sa kanyang mga saserdote ang tungkol sa Sampung Utos. Pumili ng ilan sa mga kautusan mula sa Mosias 12:33–36 at 13:11–24 na sa palagay mo ay mahalaga para sa mga batang tinuturuan mo, at talakayin sa kanila ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos na iyon.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68). Bakit natin sinusunod ang mga kautusan?

Mosias 14:5; 15:7–9

Ang mga propeta ay matapang na nagpapatotoo kay Jesucristo.

Tinuruan ni Abinadi si Haring Noe at ang iba pa tungkol kay Jesucristo, kahit na ito ay mapanganib. Paano mapapalakas ng salaysay tungkol kay Abinadi ang patotoo ng mga bata sa mga propeta?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibahagi sa mga bata ang ilan sa mga bagay na itinuro ni Abinadi tungkol kay Jesucristo sa Mosias 14:5 at 15:7–9. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nais ni Abinadi na si Haring Noe at ang kanyang mga tao ay sumunod kay Jesus upang sila ay maging masaya. Sa ating panahon, ang mga buhay na propeta ay nagtuturo sa atin tungkol sa Tagapagligtas. Magbasa ng isang sipi mula sa pangkalahatang kumperensya, o magbahagi ng isang video clip ng isa sa mga buhay na propeta na nagbabahagi ng kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo.

  • Magpakita o magdrowing ng mga larawan ng tanikala, bilangguan, at apoy. Ituro sa mga bata na si Abinadi ay handang magpagapos, mabilanggo, at kahit na matupok pa ng apoy para ibahagi ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Kahit malamang na hindi natin haharapin ang mga panganib na ito, paano tayo magiging matapang na tulad ni Abinadi sa pagbabahagi ng ating mga patotoo sa ating mga salita at sa ating mga pasiya o pagpili?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mosias 11–1317

Maipaglalaban ko ang tama, kahit na nag-iisa ako.

Paano mo maihahanda ang mga batang tinuturuan mo na buong tapang na panindigan ang tama, kahit kailangan nilang gawin ito nang mag-isa?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng iba’t ibang bahagi ng salaysay ni Abinadi, Haring Noe, at Alma na matatagpuan sa Mosias 11–13 at 17. Tulungan silang gamitin ang kanilang mga larawan para muling isalaysay ang kuwento, o gamitin ang “Kabanata 14: Si Abinadi at si Haring Noe” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 38–42, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Paano ipinaglaban ni Abinadi at ni Alma ang tama? Bakit hindi nanindigan si Haring Noe para sa tama? (tingnan sa Mosias 17:11–12). Tulungan ang mga bata na isipin ang mga pagkakataon na nanindigan sila para sa tama.

  • Tulungan ang mga bata na umisip ng mga sitwasyon na maaari nilang panindigan ang tama, at anyayahan silang isadula ang ilan sa mga sitwasyong ito. Halimbawa, ano ang magagawa nila kapag may isang taong magtatangka na ipapanood sa kanila ang hindi angkop na pelikula o kapag ayaw isama ng kanilang mga kaibigan ang isang tao sa kanilang paglalaro?

Mosias 12:33–36; 13:11–24

Dapat kong sundin ang Sampung Utos.

Itinuro ni Abinadi kay Haring Noe at sa kanyang masasamang saserdote ang Sampung Utos. Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo kung bakit dapat nating mahalin at sundin ang mga utos ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata na basahin ang isa sa mga kautusan sa Mosias 12:35 at 13:11–24. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga malikhaing paraan para tulungan ang isa’t isa na maalala ang bawat kautusan (tulad ng pagpapareho ng tunog ng taludtod, paggamit ng galaw, o isang acronym). Bigyan ang mga bata ng hugis-pusong piraso ng papel, at anyayahan silang isulat sa kanilang mga puso ang isa o mahigit pa sa Sampung Utos (tingnan sa Mosias 13:11)—marahil ang utos na pakiramdam nila ay dapat nilang mas pagsikapang sundin.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68). Ano ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan?

ama at anak na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan ang mga utos ng Diyos.

Mosias 14:6; 16:4–9

Kapag ako ay nagkakasala, ako ay nawawala; dahil kay Jesucristo, ako ay matatagpuan.

Upang ituro ang tungkol kay Jesucristo, binanggit ni Abinadi ang propetang si Isaias, na nagkumpara sa atin sa nawawalang tupa. Paano mo magagamit ang paghahambing na ito para ituro sa mga bata ang tungkol sa Tagapagligtas?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang mawala sa kanila ang isang bagay o nang sila mismo ang nawala o naligaw. Ano ang naramdaman nila? Ano ang ginawa nila? Basahin nang sabay-sabay ang Mosias 14:6 at 16:4–9. Paano tayo “nanga[li]ligaw” mula sa Diyos kung minsan? Paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na makabalik?

  • Anyayahan ang mga bata na isipin ang isang kawan ng tupa. Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring mawala ang isa sa mga tupa? Ilista ang kanilang mga sagot sa pisara. Paano tayo nagiging katulad ng mga tupa na naliligaw? Ano ang mararamdaman ng Ama sa Langit kapag tayo ay “natagpuan” sa pamamagitan ng pagsisisi at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? (tingnan sa D at T 18:10–13). Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa pagsisisi.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na hilingin sa kanilang mga kapamilya na magbahagi ng mga karanasan kung saan ay ipinaglaban nila ang katotohanan, o hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga sariling karanasan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang pag-uulit ang susi sa pagkatuto. Ang mga bata ay nakikinabang sa pakikinig sa mga alituntunin ng ebanghelyo o paggawa ng isang aktibidad nang maraming beses. Subukang ulitin ang mga aktibidad sa iba’t ibang paraan.