Kabanata 14 Si Abinadi at si Haring Noe Si Zenif ay isang mabuting hari ng isang grupo ng mga Nephita. Nang tumanda na siya, ang kanyang anak na si Noe ang naging hari. Mosias 11:1 Si Noe ay hindi mabuting hari katulad ng kanyang ama. Siya ay masama at hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Mosias 11:2 Pinilit niya ang kanyang mga tao na bigyan siya ng bahagi ng kanilang butil, mga hayop, ginto, at pilak. Mosias 11:3 Ginagawa ito ni Haring Noe dahil tamad siya. Pinilit niya ang mga Nephita na ibigay sa kanya ang lahat ng bagay na kailangan niya upang mabuhay. Mosias 11:4 Pinalitan niya ang mabubuting saserdote na tinawag ng kanyang ama ng masasamang saserdote. Tinuruan ng masasamang saserdoteng ito ang mga tao na magkasala. Mosias 11:5–7 Nagpatayo ng maraming magagandang gusali si Haring Noe, kabilang na ang isang malaking palasyo na may trono. Ang mga gusali ay pinalamutian ng ginto, pilak, at mamahaling kahoy. Mosias 11:8–11 Minahal ni Haring Noe ang mga kayamanan na kinuha niya mula sa kanyang mga tao. Pinalipas niya at ng kanyang masasamang saserdote ang panahon sa pamamagitan ng pag-inom ng alak at paggawa ng masama. Mosias 11:14–15 Nagpadala ang Diyos ng isang propetang nagngangalang Abinadi sa mga tao ni Noe. Binigyan sila ng babala ni Abinadi na kung hindi sila magsisisi, magiging alipin sila ng mga Lamanita. Mosias 11:20–22 Nang marinig ni Haring Noe ang sinabi ni Abinadi, nagalit siya. Nagpadala siya ng mga kalalakihan upang dalhin si Abinadi sa palasyo upang patayin niya. Mosias 11:27–28 Dinala si Abinadi sa hari. Maraming itinanong sa kanya si Haring Noe at ang mga saserdote nito. Tinangka nilang linlangin siya na magsalita ng mali. Mosias 12:18–19 Hindi natakot si Abinadi na sagutin ang kanilang mga tanong. Alam niyang tutulungan siya ng Diyos. Nagulat ang mga saserdote sa mga sagot ni Abinadi. Mosias 12:19 Nagalit si Haring Noe at ipinag-utos sa kanyang mga saserdote na patayin si Abinadi. Sinabi ni Abinadi na kung hahawakan nila siya, papatayin sila ng Diyos. Mosias 13:1–3 Pinangalagaan ng Espiritu Santo si Abinadi upang matapos niyang sabihin ang nais ng Panginoon na sabihin niya. Nagningning ang mukha ni Abinadi. Natakot ang mga saserdote na hawakan siya. Mosias 13:3, 5 Sinabi ni Abinadi sa mga tao ang tungkol sa kanilang kasamaan nang may kapangyarihan mula sa Diyos. Binasa niya sa kanila ang mga kautusan ng Diyos. Mosias 13:6–7, 11–24 Sinabi niya sa kanila na si Jesucristo ay isisilang sa daigdig. Nang dahil kay Jesus ang mga tao ay maaaring makapagsisi, mabuhay na muli, at mabuhay kasama ng Diyos. Mosias 13:33–35; Mosias 15:21–23 Sinabi ni Abinadi sa mga tao na magsisi at maniwala kay Jesucristo o hindi sila maliligtas. Mosias 16:13 Si Haring Noe at ang lahat ng kanyang saserdote, maliban sa isa, ay hindi naniwala kay Abinadi. Sinabi ni Noe sa mga saserdote na patayin si Abinadi. Iginapos nila siya at itinapon sa bilangguan. Mosias 17:1, 5 Ang nag-iisang saserdote na naniwala kay Abinadi ay nagngangalang Alma. Hiniling niya kay Haring Noe na palayain si Abinadi. Mosias 17:2 Nagalit ang hari kay Alma at pinalayas siya. Pagkatapos ay ipinadala niya ang kanyang mga tagapaglingkod upang patayin siya. Tumakbo si Alma at nagtago, at hindi siya kailanman natagpuan ng mga tagapaglingkod. Mosias 17:3–4 Pagkatapos ng tatlong araw sa bilangguan, si Abinadi ay muling iniharap kay Haring Noe. Sinabi ng hari kay Abinadi na bawiin ang sinabi niya laban sa kanya at sa kanyang mga tao. Mosias 17:6–8 Sinabi ni Haring Noe kay Abinadi na kung hindi niya babawiin ang lahat ng kanyang sinabi, papatayin siya. Mosias 17:8 Alam ni Abinadi na katotohanan ang sinabi niya. Nakahanda siyang mamatay kaysa bawiin ang ipinasasabi sa kanya ng Diyos. Mosias 17:9–10 Ipinag-utos ni Haring Noe sa kanyang mga saserdote na patayin si Abinadi. Iginapos nila siya, hinagupit, at sinunog hanggang mamatay. Bago siya namatay, sinabi ni Abinadi na si Haring Noe ay mamamatay din sa pamamagitan ng apoy. Mosias 17:13–15 Ang ilan sa mga Nephita ay lumaban kay Haring Noe at tinangkang patayin siya. Ang hukbo ng mga Lamanita ay dumating din upang makipagdigma sa hari at sa kanyang mga tagasunod. Mosias 19:2–7 Ang hari at ang kanyang mga tagasunod ay tumakas mula sa mga Lamanita, ngunit naabutan sila ng mga Lamanita at sinimulang patayin sila. Sinabi ng hari sa kanyang mga tao na iwan ang kanilang mga mag-anak at magpatuloy sa pagtakas. Mosias 19:9–11 Marami sa kalalakihan ang hindi umalis. Nahuli sila ng mga Lamanita. Mosias 19:12, 15 Ang karamihan sa kalalakihan na tumakas kasama ni Haring Noe ay nagsisi. Nais nilang bumalik at tulungan ang kanilang mga asawa at anak at ang kanilang mga tao. Mosias 19:19 Ayaw ni Haring Noe na pabalikin ang mga kalalakihan sa kanilang mga mag-anak. Pinag-utusan niya sila na manatiling kasama niya. Mosias 19:20 Nagalit ang mga kalalakihan kay Haring Noe. Sinunog nila siya hanggang mamatay, tulad ng sinabi ni Abinadi. Pagkatapos ay bumalik sila sa kanilang mga mag-anak. Mosias 19:20, 24