Kabanata 35 Si Kapitan Moroni at si Pahoran Natuwa si Kapitan Moroni nang malaman na nabawi ni Helaman at ng kanyang hukbo ang malaking bahagi ng lupain ng mga Nephita mula sa mga Lamanita. Alma 59:1 Ngunit kailangan ng tulong ni Helaman at ng kanyang hukbo. Wala silang sapat na mga kawal upang ipagtanggol ang napakaraming lungsod. Alma 58:32 Sumulat si Kapitan Moroni ng isang liham kay Pahoran, ang punong hukom at gobernador. Hiniling niya kay Pahoran na magpadala ng karagdagang kawal upang tumulong sa hukbo ni Helaman. Alma 59:3 Nilusob ng mga Lamanita ang isang lungsod ng mga Nephita na nabawi ni Helaman. Pinatay nila ang maraming Nephita at hinabol ang natira palabas ng lungsod. Alma 59:5–8 Galit sa mga namumuno sa pamahalaan dahil hindi sila nagpadala ng tulong, sumulat si Moroni ng isa pang liham kay Pahoran. Alma 59:13; Alma 60:1 Sumulat si Kapitan Moroni na maraming tao ang napatay dahil hindi nagpadala si Pahoran ng karagdagang kawal. Alma 60:5 Kung hindi kaagad magpapadala si Pahoran ng mga tao at pagkain, dadalhin ni Moroni nang kanyang hukbo sa Zarahemla at kukunin kung anuman ang kailangan ng kanyang hukbo. Alma 60:34–35 Hindi nagtagal, nakatanggap si Moroni ng isang liham mula kay Pahoran. Labis siyang nalungkot na naghihirap si Moroni at ang kanyang mga hukbo. Alma 61:1–2 Sinabi ni Pahoran na isang pangkat ng masasamang Nephita na tinatawag na mga king-men ang ayaw na siya ang maging punong hukom nila. Itinaboy nila siya at ang kanyang mga tagasunod palabas sa Zarahemla. Alma 61:3–5 Sinabi ni Pahoran na nagtitipon siya ng hukbo upang tangkaing mabawi ang Zarahemla. Alma 61:6–7 Pumili ang mga king-men ng isang hari upang maging pinuno nila at umanib sa mga Lamanita. Alma 61:8 Hindi nagalit si Pahoran sa mga isinulat ni Moroni. Nais din niya na maging malaya ang mga Nephita. Alma 61:9 Hiniling niya kay Moroni na magpadala ng ilang kalalakihan at sinabi na kung makapagtitipon si Moroni nang marami pang kalalakihan habang nasa daan, maaaring mabawi ng pinagsanib na mga hukbo ang Zarahemla. Alma 61:15–18 Natuwa si Kapitan Moroni na si Pahoran ay matapat pa rin sa kanyang bayan at nais pa rin ng kalayaan para sa kanyang mga tao. Alma 62:1 Kasama ng ilan sa kanyang tao, nakipagtagpo si Moroni kay Pahoran. Dala niya ang bandila ng kalayaan, at libulibong kalalakihan ang sumapi sa kanila sa daan. Alma 62:3–5 Nagmartsa ang pinagsanib na mga hukbo nina Moroni at Pahoran laban sa Zarahemla. Napatay nila ang hari ng masasamang Nephita at nadakip ang kanyang mga tao. Alma 62:7–8 Pagkatapos ay nagpadala si Moroni ng pagkain at 12,000 kawal upang tumulong sa mga hukbo ng mga Nephita. Naitaboy ng mga hukbong ito ang mga Lamanita, at muling nagkaroon ng kapayapaan sa lupain. Alma 62:12–13, 38–42