Kabanata 22 Ang Misyon ni Alma sa Ammonihas Nabahala si Alma tungkol sa kasamaan ng mga Nephita, kung kaya’t ipinasiya niyang gugulin ang lahat ng kanyang panahon sa pangangaral ng ebanghelyo. Pinili niya si Nefihas upang humalili sa kanya bilang punong hukom. Alma 4:7, 18–19 Itinuro ni Alma ang ebanghelyo sa buong lupain. Nang tangkain niyang mangaral sa Ammonihas, ayaw makinig ang mga tao. Itinaboy siya nila palabas sa lungsod. Alma 5:1; Alma 8:8–9, 11, 13 Nalungkot si Alma dahil napakasama ng mga tao sa Ammonihas. Umalis siya upang pumunta sa ibang lungsod. Alma 8:13–14 Isang anghel ang nagpakita at nag-alo kay Alma. Sinabi ng anghel na magbalik siya sa Ammonihas at muling mangaral. Nagmamadaling bumalik si Alma. Alma 8:15–16, 18 Nagutom si Alma. Sa kanyang pagpasok sa lungsod, humingi siya ng pagkain sa isang lalaki. May anghel na nagsabi sa lalaki na darating si Alma at si Alma ay isang propeta ng Diyos. Alma 8:19–20 Ang lalaking ito, si Amulek, ay dinala si Alma sa kanyang bahay at pinakain siya. Nakitira si Alma kina Amulek at sa mag-anak nito sa loob ng maraming araw. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil sa mag-anak ni Amulek at binasbasan sila. Alma 8:21–22, 27 Sinabi ni Alma kay Amulek ang tungkol sa pagkakatawag sa kanya upang magturo sa mga tao sa Ammonihas. Sumama si Amulek kay Alma upang turuan ang mga tao. Tinulungan sila ng Espiritu Santo. Alma 8:24–25, 30 Sinabi ni Alma sa mga tao na magsisi o lilipulin sila ng Diyos. Sinabi niya na paparito si Jesucristo at ililigtas ang mga may pananampalataya sa kanya at nagsisisi. Alma 9:12, 26–27 Nagalit ang mga tao ng Ammonihas. Tinangka nilang itapon sa bilangguan si Alma, ngunit pinangalagaan siya ng Panginoon. Alma 9:31–33 Pagkatapos ay nagsimulang magturo si Amulek. Marami sa mga tao ang nakakikilala kay Amulek; hindi siya dayuhan na kagaya ni Alma. Sinabi niya sa kanila ang tungkol sa anghel na kanyang nakita. Alma 9:34; Alma 10:4, 7 Sinabi ni Amulek na si Alma ay isang propeta ng Diyos at nagsasalita ng katotohanan. Nabigla ang mga tao sa patotoo ni Amulek. Alma 10:9–10, 12 Ang ilan sa mga tao ay nagalit, lalo na ang isang masamang tao na nagngangalang Zisrom. Tinangka nilang linlangin si Amulek sa pamamagitan ng mga katanungan, ngunit sinabi niyang alam niya ang kanilang balak. Alma 10:13–17, 31 Nais ni Zisrom na sirain ang lahat ng bagay na mabuti. Lumilikha siya ng mga suliranin, at binabayaran siya ng mga tao ng salapi upang lutasin ang mga suliranin na kanyang nilikha. Alma 11:20–21 Hindi malinlang ni Zisrom si Amulek, kung kaya’t inalok niya siya ng salapi upang sabihin na walang Diyos. Alam ni Amulek na buhay ang Diyos at sinabi na alam din ni Zisrom ang ganito ngunit higit niyang mahal ang salapi kaysa Diyos. Alma 11:22, 24, 27 Pagkaraan ay tinuruan ni Amulek si Zisrom tungkol kay Jesus at tungkol sa Pagkabuhay na mag-uli at sa buhay na walang hanggan. Namangha ang mga tao. Nagsimulang manginig sa takot si Zisrom. Alma 11:40–46 Alam ni Zisrom na sina Alma at Amulek ay may kapangyarihan ng Diyos dahil alam nila ang kanyang mga iniisip. Nagtanong si Zisrom at nakinig habang tinuturuan siya ni Alma ng ebanghelyo. Alma 12:1, 7–9 May ilang tao na naniwala kina Alma at Amulek at nagsimulang magsisi at mag-aral ng mga banal na kasulatan. Alma 14:1 Ngunit nais ng karamihan sa mga tao na patayin sina Alma at Amulek. Iginapos nila ang dalawa at dinala sa punong hukom. Alma 14:2–4 Nalungkot si Zisrom na naging masama siya at nagturo sa mga tao ng mga kasinungalingan. Nagmakaawa siya sa mga tao na pakawalan sina Alma at Amulek. Alma 14:6–7 Si Zisrom at ang iba pang kalalakihan na naniwala sa mga turo nina Alma at Amulek ay pinalayas sa lungsod. Binato sila ng masasamang tao. Alma 14:7 Pagkatapos ay tinipon ng masasamang tao ang kababaihan at mga bata na naniwala at itinapon sila, kasama ng kanilang mga banal na kasulatan, sa apoy. Alma 14:8 Napilitan sina Alma at Amulek na panoorin ang kababaihan at mga bata na mamatay sa apoy. Ninais ni Amulek na gamitin ang kapangyarihan ng Diyos upang mailigtas sila. Alma 14:9–10 Ngunit sinabi ni Alma kay Amulek na huwag niyang pipigilan ang pagpatay dahil ang mga taong mamamatay ay hindi magtatagal at makakasama ng Diyos at ang masasamang tao ay parurusahan. Alma 14:11 Sinampal ng punong hukom nang ilang ulit sina Alma at Amulek at pinagtawanan sila dahil hindi nila nailigtas ang nasusunog na kababaihan at mga bata. Pagkatapos ay itinapon niya sila sa bilangguan. Alma 14:14–17 Pumunta sa bilangguan ang iba pang masasamang tao at inabuso sina Alma at Amulek sa maraming paraan, kabilang ang hindi pagpapakain sa kanila at pagdura sa kanila. Alma 14:18–22 Sinabi ng punong hukom na kapag ginamit nina Alma at Amulek ang kapangyarihan ng Diyos upang makawala sila, maniniwala siya. Muli niyang sinampal sila. Alma 14:24 Tumayo sina Alma at Amulek. Nanalangin si Alma at hiniling sa Diyos na palakasin sila dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. Alma 14:25–26 Pinuspos ng kapangyarihan ng Diyos sina Alma at Amulek, at nilagot nila ang mga lubid na nakagapos sa kanila. Natakot ang masasamang tao at nagtangkang magsitakbo ngunit sila ay bumagsak. Alma 14:25–27 Nayanig ang lupa, at bumagsak sa masasamang tao ang pader ng bilangguan. Pinangalagaan ng Panginoon sina Alma at Amulek at hindi sila nasaktan. Alma 14:27–28 Nagsidating ang mga tao ng Ammonihas upang tingnan kung ano ang nangyayari. Nang makita nila sina Alma at Amulek na naglalakad palabas sa gumuhong bilangguan, natakot sila at nagsitakbo. Alma 14:28–29 Sinabi ng Panginoon kina Alma at Amulek na pumunta sa Sidom. Doon ay natagpuan nila ang matwid na mga tao. Nandoon si Zisrom na malubha ang sakit. Alma 15:1–3 Nagalak si Zisrom na makita sina Alma at Amulek. Nagalala siya na sila ay pinatay dahil sa mga ginawa niya. Hiniling niya sa kanila na pagalingin siya. Alma 15:4–5 Naniwala si Zisrom kay Jesucristo at nagsisi sa kanyang mga kasalanan. Nang manalangin si Alma para sa kanya, kaagad na gumaling si Zisrom. Alma 15:10–11 Bininyagan si Zisrom at nagsimulang mangaral ng ebanghelyo. Marami pang iba ang bininyagan din. Alma 15:12, 14 Ang masasamang tao sa Ammonihas ay pinatay lahat ng isang hukbo ng mga Lamanita, kagaya ng ipinopropesiya ni Alma. Alma 10:23; Alma 16:2, 9