Kabanata 25 Tinuruan ni Aaron ang Ama ni Haring Lamoni Ginabayan ng Espiritu si Aaron at ang kanyang mga kasama patungo sa lupain ng mga Nephita upang turuan ang ama ni Lamoni, ang hari ng lahat ng Lamanita. Alma 22:1 Sinabi ni Aaron sa hari na kapatid siya ni Ammon. Iniisip ng hari ang tungkol sa kabaitan ni Ammon at ang tungkol sa sinabi ni Ammon sa kanya. Alma 22:2–3 Tinanong ni Aaron ang hari kung naniniwala siya sa Diyos. Sinabi ng hari na hindi siya nakatitiyak ngunit sinabi na maniniwala siya kung sasabihin ni Aaron na mayroong Diyos. Tiniyak ni Aaron sa hari na buhay ang Diyos. Alma 22:7–8 Binasa ni Aaron ang mga banal na kasulatan sa hari. Tinuruan niya siya tungkol sa Paglikha ng mundo, Pagkahulog ni Adan, at misyon ni Jesucristo. Alma 22:12–14 Nagtanong ang hari kung ano ang kinakailangan niyang gawin upang mapasakanya ang Espiritu Santo at maging handa na mabuhay sa piling ng Diyos. Nakahanda ang hari na gawin ang lahat, kahit maging ang pagpaparaya sa kanyang kaharian. Alma 22:15 Sinabi ni Aaron sa hari na kailangan niyang ganap na magsisi sa kanyang mga kasalanan. Kailangan niyang manalangin at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Alma 22:16 Nanalangin ang hari upang malaman kung totoong may Diyos. Sinabi niyang tatalikuran na niya ang lahat ng kanyang mga kasalanan. Alma 22:17–18 Bumagsak ang hari sa lupa na mistulang patay na. Nang makita siya ng reyna, naisip nito na siya ay pinatay ni Aaron at ng kanyang mga kasama. Alma 22:19 Inutusan ng reyna ang kanyang mga tagapagsilbi na patayin si Aaron at ang kanyang mga kasama, ngunit natakot ang mga tagapagsilbi na gawin ito. Nagpahanap siya sa kanila ng ibang tao na gagawa nito. Alma 22:20–21 Bago nagkatipon ang maraming tao at magkaroon ng kaguluhan, hinawakan ni Aaron ang kamay ng hari at sinabi sa kanya na tumayo. Tumayo ang hari. Alma 22:22 Pinahinahon ng hari ang natakot niyang asawa at mga tagapagsilbi at pagkatapos ay tinuruan sila ng ebanghelyo. Naniwala silang lahat kay Jesucristo. Alma 22:23