Kabanata 4 Ang mga Laminang Tanso Sinabi ni Lehi kay Nephi na nais ng Panginoon na siya at ang kanyang mga kapatid na lalaki ay bumalik sa Jerusalem. Kailangan nilang makuha ang mga laminang tanso mula sa isang tao na nagngangalang Laban. 1 Nephi 3:2–4 Ang mga laminang tanso ay mahahalagang tala. Nagkukuwento ang mga ito tungkol sa mga ninuno ni Lehi at naglalaman ng mga salita ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng mga propeta. 1 Nephi 3:3, 20 Ayaw bumalik nina Laman at Lemuel upang kunin ang mga laminang tanso. Sinabi nilang napakahirap nitong gawin. Wala silang pananampalataya sa Panginoon. 1 Nephi 3:5 Nais ni Nephi na sumunod sa Panginoon. Alam niyang tutulungan siya at ang kanyang mga kapatid ng Panginoon na makuha ang mga laminang tanso mula kay Laban. 1 Nephi 3:7 Sina Laman, Lemuel, Sam, at Nephi ay naglakbay pabalik sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso. 1 Nephi 3:9 Pumunta si Laman kay Laban at hiningi sa kanya ang mga lamina. 1 Nephi 3:11–12 Nagalit si Laban at hindi ibinigay kay Laman ang mga laminang tanso. Nais ni Laban na patayin si Laman, ngunit nakatakas si Laman. 1 Nephi 3:13–14 Sinabi ni Laman sa kanyang mga kapatid ang nangyari. Natakot siya at ayaw nang muling magtangka at nais bumalik na sa kanilang ama sa ilang. 1 Nephi 3:14 Sinabi ni Nephi na hindi sila maaaring bumalik nang wala ang mga laminang tanso. Pinagsabihan niya ang kanyang mga kapatid na magkaroon ng higit na pananampalataya sa Panginoon at makukuha nila ang mga laminang tanso. 1 Nephi 3:15–16 Si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay bumalik sa dati nilang bahay sa Jerusalem at tinipon ang kanilang mga ginto at pilak upang ipalit sa mga lamina. 1 Nephi 3:22 Ipinakita nila kay Laban ang kanilang kayamanan at inalok na ipalit ang mga ito sa mga lamina. Nang makita ni Laban ang kanilang mga ginto at pilak, ninais niyang mapasakanya ang mga ito at pinalayas sila. 1 Nephi 3:24–25 Sinabihan ni Laban ang kanyang mga tauhan na patayin ang mga anak na lalaki ni Lehi. Si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay tumakbo at nagtago sa isang yungib. Kinuha ni Laban ang kanilang mga ginto at pilak. 1 Nephi 3:25–27 Nagalit sina Laman at Lemuel kay Nephi. Pinagpapalo nila sina Nephi at Sam. 1 Nephi 3:28 Isang anghel ang nagpakita at nagpatigil kina Laman at Lemuel. Sinabi niyang tutulungan sila ng Panginoon na makuha ang mga lamina. Sinabi rin niya na si Nephi ay magiging pinuno ng kanyang mga kapatid na lalaki. 1 Nephi 3:29 Sinabi ni Nephi sa kanyang mga kapatid na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon at huwag matakot kay Laban at sa mga tauhan nito. Hinikayat ni Nephi ang kanyang mga kapatid na bumalik sa Jerusalem. 1 Nephi 4:1–4 Nang gabing iyon, nagtago ang mga kapatid ni Nephi sa labas ng bakod ng lungsod samantalang si Nephi ay palihim sa pumasok. Naglakad siya patungo sa bahay ni Laban. 1 Nephi 4:5 Nang malapit na si Nephi sa bahay ni Laban, may nakita siyang taong lasing na nakahiga sa lupa. Ito ay si Laban. 1 Nephi 4:6–8 Nakita ni Nephi ang espada ni Laban at dinampot niya ito. Sinabihan ng Espiritu Santo si Nephi na patayin si Laban, ngunit ayaw ni Nephi na patayin siya. 1 Nephi 4:9–10 Muling sinabi ng Espiritu Santo kay Nephi na patayin si Laban upang makuha ni Nephi ang mga laminang tanso. Kailangan ng mag-anak ni Lehi ang mga laminang tanso upang matutuhan nila ang ebanghelyo. 1 Nephi 4:12, 16–17 Sinunod ni Nephi ang Espiritu Santo at pinatay si Laban. Pagkatapos ay isinuot ni Nephi ang damit at baluti ni Laban. 1 Nephi 4:18–19 Pumunta si Nephi sa bahay ni Laban at sinalubong ni Zoram, ang tagapaglingkod ni Laban. Naging kamukha at kaboses ni Nephi si Laban. 1 Nephi 4:20 Sinabi niya kay Zoram na kunin ang mga laminang tanso. Inakala ni Zoram na si Nephi ay si Laban, kung kaya’t ibinigay niya sa kanya ang mga lamina. Sinabi ni Nephi kay Zoram na sumunod sa kanya. 1 Nephi 4:21, 24–25 Nakita nina Laman, Lemuel, at Sam na padating si Nephi at sila ay natakot; akala nila ay si Laban siya. Nagsimula na silang tumakbong palayo ngunit tumigil nang tawagin sila ni Nephi. 1 Nephi 4:28–29 Nalaman ni Zoram na si Nephi ay hindi si Laban, at nagtangka siyang tumakbo. Nahuli ni Nephi si Zoram at ipinangako sa kanya na hindi siya sasaktan kung sasama siya kay Nephi sa ilang. 1 Nephi 4:30–33 Pumayag si Zoram. Dinala ni Nephi at ng kanyang mga kapatid si Zoram at ang mga laminang tanso at bumalik kina Lehi at Saria. 1 Nephi 4:35, 38 Ibinigay nila ang mga laminang tanso kay Lehi. Siya at si Saria ay masaya dahil nakaligtas ang kanilang mga anak. Nagalak silang lahat at nagpasalamat sa Diyos. 1 Nephi 5:1, 9 Binasa ni Lehi ang mga laminang tanso. Nagkukuwento ang mga ito tungkol kay Adan at Eva at sa Paglikha sa daigdig. Naglalaman ang mga ito ng mga salita ng maraming propeta. 1 Nephi 5:10–11, 13 Sina Lehi at Nephi ay masaya dahil sinunod nila ang Panginoon at nakuha nila ang mga laminang tanso. 1 Nephi 5:20–21 Iniligpit ng mag-anak ni Lehi ang mga laminang tanso upang dalhin sa kanilang paglalakbay at nang maituro nila sa kanilang mga anak ang mga kautusang nakatala sa mga lamina. 1 Nephi 5:21–22