Kabanata 2 Binigyang-Babala ni Lehi ang mga Tao Ang karamihan sa mga taong nakatira sa Jerusalem 600 taon bago ipanganak si Cristo ay masasama. Nagpadala ang Diyos ng mga propeta upang pagsabihan silang magsisi, ngunit hindi sila nakinig. 1 Nephi 1:4 Si Lehi ay isang propeta. Nanalangin siyang magsisi ang mga tao. Habang siya ay nagdarasal, isang haliging apoy ang lumitaw. Nagsabi at nagpakita ang Diyos kay Lehi ng maraming bagay. 1 Nephi 1:5–6 Umuwi si Lehi at nagkaroon ng pangitain. Nakita niya ang Diyos na napaliligiran ng maraming anghel. Ang mga anghel ay nag-aawitan at nagpupuri sa Diyos. 1 Nephi 1:7–8 Sa kanyang pangitain, si Lehi ay binigyan ng aklat na nagsasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Nabasa niyang ang Jerusalem ay mawawasak dahil masasama ang mga tao. 1 Nephi 1:11–13 Sinabi ni Lehi sa mga tao na ang Jerusalem ay mawawasak. Sinabi rin niya ang tungkol sa pagdating ni Jesus. Nagalit ang mga tao at tinangkang patayin si Lehi, ngunit pinangalagaan siya ng Panginoon. 1 Nephi 1:18–20