Kabanata 40 Nagkuwento si Samuel na Lamanita Tungkol kay Jesucristo Sinunod ng mga Lamanita ang mga kautusan ng Diyos. Naging higit silang mabubuti kaysa sa mga Nephita. Helaman 13:1 Si Samuel, isang propetang Lamanita, ay pumunta sa Zarahemla upang mangaral sa masasamang mga Nephita. Sinabi niya sa kanila na magsisi. Helaman 13:2 Itinaboy ng mga Nephita si Samuel palabas sa lungsod, at nagsimula siyang bumalik sa sarili niyang lupain. Helaman 13:2 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel na bumalik sa Zarahemla at sabihin sa mga tao ang mga bagay na ilalagay ng Panginoon sa kanyang puso. Helaman 13:3 Ayaw payagan ng mga Nephita si Samuel na makabalik sa lungsod, kung kaya’y umakyat siya sa itaas ng pader ng lungsod at nangaral mula doon Helaman 13:4 Nagpropesiya siya na malilipol ang mga Nephita sa loob ng 400 taon maliban na lamang kung magsisi ang mga tao at magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Helaman 13:5–6 Sinabi ni Samuel sa mga Nephita na isisilang si Jesucristo sa loob ng limang taon at ililigtas niya ang lahat ng maniniwala sa kanya. Helaman 14:2 Sinabi ni Samuel sa kanila ang tungkol sa mga palatandaan ng pagsilang ni Jesus. Isang bagong bituin ang lilitaw, at sa gabi bago isilang si Jesus ay hindi magkakaroon ng kadiliman. Helaman 14:3–5 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa kanila ang mga palatandaan ng pagkamatay ni Jesus. Magkakaroon ng tatlong araw ng ganap na kadiliman—hindi lilitaw ang araw, buwan, at mga bituin. Helaman 14:20 Magkakaroon din ng mga pagkulog at pagkidlat at mga paglindol. Maguguho ang mga bundok, at maraming lungsod ang mawawasak. Helaman 14:21–24 May ilang Nephita na naniwala kay Samuel at nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Hinanap nila si Nephi, isang mabuting Nephita na makapagbibinyag sa kanila. Helaman 16:1 Ang iba pang mga Nephita ay hindi naniwala kay Samuel. Binato nila siya at pinana ng mga palaso. Ngunit pinangalagaan siya ng Panginoon, at walang bato o palaso na tumama sa kanya. Helaman 16:2 Nang makita ng mga tao na hindi siya matamaan, marami pang naniwala sa kanya at pumunta kay Nephi upang mabinyagan. Helaman 16:3 Nagturo din si Nephi sa mga tao tungkol kay Jesus. Nais niya na maniwala sila kay Jesus, magsisi, at mabinyagan. Helaman 16:4–5 Ang karamihan sa mga Nephita, gayunman, ay hindi naniwala kay Samuel. Tinangka nila na dakpin siya. Helaman 16:6 Tumalon si Samuel mula sa pader at tumakbo patungo sa sarili niyang bayan. Helaman 16:7 Nagsimula si Samuel na magturo sa mga Lamanita. Hindi na siya muling narinig pa sa mga Nephita. Helaman 16:7–8