Kabanata 21 Ang mga Amlicita Si Amlici ay isang tuso at masamang tao na nais maging hari ng mga Nephita. Marami siyang tagasunod. Alma 2:1–2 Ayaw ng mabubuting mga Nephita na maging hari nila si Amlici. Alam nilang nais nito na sirain ang Simbahan ng Diyos. Alma 2:3–4 Nagtipon ang mga Nephita nang pangkat-pangkat upang magpasiya kung dapat na maging hari si Amlici. Ang karamihan sa mga tao ay bumoto laban kay Amlici, at hindi siya naging hari. Alma 2:5–7 Nagalit si Amlici at ang kanyang mga tagasunod. Iniwan nila ang mga Nephita, ginawang hari nila si Amlici, at tinawag ang kanilang sariling mga Amlicita. Ipinag-utos sa kanila ni Amlici na makipaglaban sa mga Nephita. Alma 2:8–11 Ang mabubuting mga Nephita ay naghandang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga busog at palaso, espada, at iba pang sandata. Alma 2:12 Lumusob ang mga Amlicita, at ang mga Nephita, na pinamumunuan ni Alma at pinalakas ng Panginoon, ay pinatay ang marami sa kanila. Ang iba pa sa mga Amlicita ay tumakas. Alma 2:15–19 Nagpadala si Alma ng mga espiya upang manmanan ang mga Amlicita. Nakita sila ng mga espiya na umanib sa isang malaking hukbo ng mga Lamanita at lumusob sa mga Nephita na nakatirang malapit sa Zarahemla. Alma 2:21, 24–25 Nanalangin ang mga Nephita, at muli silang tinulungan ng Diyos. Napatay nila ang maraming sundalo ng hukbo ng mga Lamanita-Amlicita. Alma 2:28 Naglabanan sina Alma at Amlici sa pamamagitan ng espada. Nanalangin si Alma na maligtas ang kanyang buhay, at binigyan siya ng Diyos ng lakas upang mapatay niya si Amlici. Alma 2:29–31 Tinugis ng mga Nephita ang mga Lamanita at Amlicita patungo sa ilang. Marami sa nasugatan ang namatay doon at kinain ng mababangis na hayop. Alma 2:36–38 Kagaya ng mga Lamanita, minarkahan ng mga Amlicita ng pula ang kanilang sarili, na tumupad sa isang propesiya. Inihiwalay ng mga Amlicita ang kanilang sarili mula sa mga biyaya ng ebanghelyo. Alma 3:4, 14, 18–19