Kabanata 31 Tinalo ni Kapitan Moroni si Zerahemnas Nais ng pinuno ng mga Lamanita, na si Zerahemnas, na magpatuloy ang kanyang mga tao na kapootan ang mga Nephita at gawin silang mga alipin nila. Alma 43:5, 8 Nais ng mga Nephita na mapanatiling malaya ang kanilang mga lupain at mga mag-anak. Nais din nilang maging malaya sa pagsamba sa Diyos. Alma 43:9 Si Kapitan Moroni ang pinuno ng hukbo ng mga Nephita. Nang dumating ang mga Lamanita upang makipagdigma, hinarap sila ni Kapitan Moroni at ng kanyang mga hukbo sa lupain ng Jerson. Alma 43:15–16 Ipinaghanda ni Kapitan Moroni ang kanyang mga hukbo ng mga sandata, baluti, kalasag, at makapal na damit. Alma 43:18–19 May higit na malaking hukbo ang mga Lamanita ngunit natakot sila nang makita nila ang mga kalasag ng mga Nephita—kaunti lamang ang damit na suot ng mga Lamanita. Alma 43:20–21 Hindi tinangka ng hukbo ng mga Lamanita na makipaglaban sa hukbo ni Kapitan Moroni. Tumakbo ang mga Lamanita sa ilang at nagpasiyang lusubin ang ibang lungsod ng mga Nephita. Alma 43:22 Nagpadala si Moroni ng mga espiya upang manmanan ang mga Lamanita. Hiniling din niya kay Alma na manalangin sa Panginoon upang humingi ng tulong. Sinabi ng Panginoon kay Alma kung saan lulusob ang mga Lamanita. Alma 43:23–24 Nang matanggap ni Moroni ang mensahe ni Alma, nagiwan siya ng ilang kawal upang bantayan ang Jerson at pinamartsa ang iba pa sa kanila upang salubungin ang mga Lamanita. Alma 43:25 Nagkubli ang mga kawal ni Kapitan Moroni sa magkabilang pampang ng ilog Sidon, na naghihintay na masukol ang hukbo ng mga Lamanita. Alma 43:27, 31–35 Nagsimula ang labanan, at nagtangka ang mga Lamanita na tumakas sa pamamagitan ng pagtawid sa ilog, ngunit higit na maraming Nephita ang naghihintay sa kanila sa kabilang pampang. Alma 43:36, 39–41 Nakipaglaban nang mas matindi kaysa mga pakikipaglaban nila noon, napatay ni Zerahemnas at ng kanyang hukbo ang maraming Nephita. Humingi ng tulong ang mga Nephita sa Panginoon. Alma 43:43–44, 49 Pinalakas ng Panginoon ang hukbo ng mga Nephita. Pinaligiran ng hukbo ang mga Lamanita, at ipinag-utos ni Moroni na itigil ang labanan. Alma 43:50, 52–54 Sinabi ni Moroni kay Zerahemnas na hindi nais ng mga Nephita na patayin ang mga Lamanita o gawin silang mga alipin nila. Alma 44:1–3 Sinabi ni Moroni na hindi masisira ng mga Lamanita ang pananampalataya ng mga Nephita kay Jesucristo. Sinabi niya na patuloy na tutulungan ng Diyos sa pakikipaglaban ang mga Nephita hangga’t sila ay matapat. Alma 44:4 Ipinag-utos ni Moroni kay Zerahemnas na isuko ang kanyang mga sandata. Hindi papatayin ang mga Lamanita kung mangangako sila na hindi na nila muling kakalabanin ang mga Nephita. Alma 44:5–6 Isinuko ni Zerahemnas kay Moroni ang kanyang mga sandata ngunit ayaw niyang mangako na hindi na makikipaglaban. Ibinalik ni Moroni ang mga sandata upang maipagtanggol ng mga Lamanita ang kanilang sarili. Alma 44:8, 10 Sumugod si Zerahemnas kay Moroni upang patayin siya, ngunit isang kawal na Nephita ang humataw at bumali sa espada ni Zerahemnas. Alma 44:12 Pagkatapos ay tinagpas ng kawal ang anit ni Zerahemnas, inilagay ito sa dulo ng kanyang espada, at itinaas sa hangin. Alma 44:12–13 Babagsak ang mga Lamanita kagaya ng pagbagsak ng anit, sabi niya sa kanila, maliban na lamang kung isusuko nila ang kanilang mga sandata at mangangako na hindi na sila muling makikipaglaban. Alma 44:14 Inilagay ng maraming Lamanita ang kanilang mga sandata sa paanan ni Moroni at nangako na hindi na sila muling makikipaglaban. Pinaalis silang malaya. Alma 44:15 Galit na galit, hinimok ni Zerahemnas ang natira sa kanyang mga kawal na makipaglaban. Marami sa kanila ang napatay ng mga kawal ni Moroni. Alma 44:16–18 Nang makita ni Zerahemnas na siya at ang kanyang mga kawal ay mapapatay, nagmakaawa siya kay Moroni na huwag silang patayin. Nangako siyang hindi na kailanman makikipaglaban sa mga Nephita. Alma 44:19 Ipinatigil ni Moroni ang labanan at kinuha ang mga sandata ng mga Lamanita. Pagkatapos nilang mangako na hindi na muling makikipaglaban, umalis na ang mga Lamanita. Alma 44:20, 23