Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10: “Sa Lakas ng Panginoon”


“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10: ‘Sa Lakas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Abril 27–Mayo 3. Mosias 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

si Ammon na nagtuturo kay Haring Limhi

Minerva K. Teichert (1888-1976), Ammon before King Limhi, 1949-1951, langis sa masonite, 35 15/16 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Abril 27–Mayo 3

Mosias 7–10

“Sa Lakas ng Panginoon”

Basahin nang may panalangin ang Mosias 7–10, na pinagninilayan ang mga impresyong iyong natatanggap. Paano makatutulong ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito na matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng anumang bagay na maaaring nalalaman nila tungkol sa mga pangyayari sa mga kabanatang ito. Maaari mong makita ang tulong sa “Kabanata 13: Si Zenif” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 36–37, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakababatang mga Bata

Mosias 7:18–20, 33

Tinulungan ng Diyos ang mga tao sa mga banal na kasulatan, at matutulungan Niya ako.

Ang mga tao ni Limhi, na nasa pagkaalipin sa mga Lamanita, ay kailangan ng pananampalataya na tutulungan sila ng Diyos, kaya ipinaalala sa kanila ni Limhi ang mga panahon na tinulungan ng Diyos ang Kanyang mga tao.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon na nangailangan sila ng tulong. Ipaliwanag na ang mga tao ni Haring Limhi ay nasa panganib noon, kaya nagbahagi siya ng kuwento upang tulungan silang magkaroon ng pananampalataya. Basahin ang Mosias 7:19 sa mga bata, at magpakita ng larawan ng mga anak ni Israel na tumatawid sa Dagat na Pula. Rebyuhin ang kuwentong ito at ang tungkol sa manna, at tulungan ang mga bata na isadula ang mga kuwento (tingnan sa mga kabanata 17 at 18 sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, o mga katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Paano tinulungan ng Panginoon ang mga tao? Magpatotoo na matutulungan din tayo ng Panginoon.

  • Basahin ang Mosias 7:33 sa mga bata, at tulungan silang maunawaan ang itinuturo ng talata na gawin natin upang matanggap ang tulong mula sa Panginoon. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga galaw na kumakatawan sa mga bagay na ito, at muling bigkasin ang talata habang ginagawa nila ang mga kilos. Saang mga bagay tayo nangangailangan ng tulong? Paano natin maipakikita na nagtitiwala tayo sa Panginoon? Magbahagi ng isang karanasan na nagtiwala ka sa Panginoon at ikaw ay Kanyang tinulungan.

  • Pumili ng ilang talata sa “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” o “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 62–63, 64–65) na kakantahin ninyo ng mga bata. Tulungan silang matukoy kung paano tinulungan ng Panginoon ang mga tao sa Aklat ni Mormon. Magbahagi ng iba pang mga kuwento sa banal na kasulatan na sa pakiramdam mo ay tutulong sa mga bata na matutong magtiwala sa Panginoon.

Mosias 8:16–17

Binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Paano mo magagamit ang Mosias 8:16–17 upang turuan ang mga bata tungkol sa tungkulin ng isang propeta bilang isang tagakita?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata kung paano ilagay ang kanilang mga kamay sa kanilang mga mata na parang gumagamit sila ng salamin sa mata o largabista. Basahin ang Mosias 8:17, at hilingin sa mga bata na isuot ang kanilang “salamin” tuwing maririnig nila ang salitang “tagakita.” Ipaliwanag na binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta at na ang isa sa mga tungkulin ng propeta ay ang maging isang “tagakita” dahil “nakikita niya” ang mga bagay na darating. Magbahagi ng ilang halimbawa ng mga bagay na nakita at inihayag sa atin ng mga propeta (kabilang na ang mga banal na kasulatan), o magbahagi ng halimbawa kung kailan kumilos ang isang propeta bilang isang tagakita (tulad ng nasa 1 Nephi 11:20–21).

  • Gumawa ng mga bakas ng paa sa papel, at idrowing sa mga ito ang mga larawan ng mga bagay na ipinayo sa atin ng mga propeta na gawin. Ilagay ang mga bakas ng paa sa isang landas sa paligid ng silid, at ipaliwanag ang mga larawan. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maghalinhinan sa pag-arte bilang isang propeta at gabayan ang ibang mga bata sa pagsunod sa mga bakas ng paa.

  • Idispley ang larawang nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at hilingin sa mga bata na ilarawan ang kanilang nakikita. Ipaliwanag na si Propetang Joseph Smith ay isang tagakita. Binigyan siya ng Panginoon ng mga kasangkapang tinatawag na Urim at Tummim at ng isang bato ng tagakita na gagamitin sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

  • Magpalabas ng isang maikling video ng isang mensahe ng Pangulo ng Simbahan mula sa isang kumperensya kamakailan (o magpakita ng larawan niya at magbasa ng isang bagay na itinuro niya). Magpatotoo na siya ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mosias 7:18–20, 33; 9:14–19; 10:6–10, 19–21

Tinulungan ng Diyos ang mga tao sa mga banal na kasulatan, at matutulungan Niya ako.

Si Zenif at ang kanyang mga tao, na nanirahan sa lupain ng mga Lamanita, ay sinalakay ng mga Lamanita at kinailangan ang tulong ng Diyos. Ano ang matututuhan ng mga bata mula sa kuwentong ito tungkol sa pagtulong ng Diyos sa Kanyang mga anak?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hatiin ang mga bata sa tatlong grupo, at anyayahan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na kuwento sa banal na kasulatan: ang pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula (tingnan sa Exodo 14:10–14, 21–31), ang paglalakbay ng pamilya ni Lehi sa ilang (tingnan ang 1 Nephi 16:9–16; 17:1–6), at ang pagkakaligtas sa mga tao ni Zenif mula sa mga Lamanita (tingnan sa Mosias 9:14–19; 10:6–10, 19–21). Paano ipinakita ng mga tao sa mga kuwentong ito na sila ay nagtiwala sa Diyos? Paano sila tinulungan ng Diyos? Paano Niya tayo tinutulungan kapag nagtitiwala tayo sa Kanya?

  • Anyayahan ang tatlong bata na isulat sa pisara ang isang pagsubok o hamon na kinakaharap nila. Hilingin sa isang bata na basahin ang Mosias 7:33, at hikayatin ang iba pang mga bata na burahin ang isa sa mga pagsubok o hamon sa tuwing may maririnig sila na maaari nilang gawin para matanggap ang tulong ng Panginoon. Paano nakatutulong ang pagtitiwala sa Panginoon upang malampasan natin ang ating mga pagsubok?

Mosias 8:12–19

Ang Diyos ay nagbibigay ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para sa kapakanan ng sangkatauhan.

Sinasang-ayunan natin ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Paano mo matuturuan ang mga bata tungkol sa kahalagahan ng mga propeta?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pumili ng ilang mahahalagang salita mula sa Mosias 8:12–19, at isulat ang mga ito sa pisara. Anyayahan ang isang bata na basahin ang mga talatang ito, at hilingin sa ibang mga bata na itaas ang kanilang kamay kapag narinig nila ang bawat salita sa pisara. Tumigil sa pagbabasa at talakayin ang bawat salita sa klase.

  • Hilingin sa mga bata na rebyuhin ang Mosias 8:16–18 upang malaman kung ano ang isang tagakita. Isulat sa pisara ang pangungusap na ito: Ang isang tagakita ay tulad ng . Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap upang maipaliwanag kung bakit ang tagakita ay isang pagpapala sa atin—halimbawa, ang tagakita ay tulad ng isang lifeguard na nagbababala sa atin tungkol sa panganib.

  • Pumili ng isang parirala mula sa Mosias 8:16–17, at isulat ito sa pisara, na pinapalitan ang bawat salita ng isang simbolo na inimbento lamang. Bigyan ang mga bata ng listahan ng mga simbolo at ng mga kinakatawang salita ng mga ito, at ipa-decode o “ipasalin” ang mga kataga tulad ng ginagawa ng mga tagakita. Ano ang ilang iba pang paraan na ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay “malaking kapakinabangan” sa atin? (Mosias 8:18).

Mosias 9:14–18; 10:10–11

Kapag ako ay mahina, mapapalakas ako ng Panginoon.

Kapag nahaharap ang mga bata sa mga pagsubok, kung minsan ay nakadarama sila ng panghihina at na wala silang magawa. Gamitin ang kuwento tungkol sa mga tao ni Zenif para ituro sa mga bata na makatatanggap sila ng lakas mula sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan upang sila ay magkaroon ng malakas na katawan. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “lakas … ng mga tao”? (tingnan sa Mosias 10:11). Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “lakas ng Panginoon”? (tingnan sa Mosias 9:17–18; 10:10). Paano natin matatanggap ang lakas ng Panginoon?

  • Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng isang tao na sa pakiramdam nila ay nagtataglay ng lakas ng Panginoon at magbahagi kung bakit nila iginuhit ang taong ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagbibigay-inspirasyon sa kanila na “[magtiwala] sa Diyos” (Mosias 7:19).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga binigyang-inspirasyong tanong. Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya sa mga bata na magbahagi ng kanilang mga patotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Halimbawa, kung ang tinatalakay mo ay tungkol sa mga propeta, maaari mong hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala ng mga propeta.