“Hunyo 15–21. Alma 13–16: ‘Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 15–21. Alma 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Hunyo 15–21
Alma 13–16
“Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon”
Maikling panahon mo lamang nakakasama ang mga bata sa iyong klase bawat linggo. Lubos mong mapagpapala ang kanilang buhay kung mahihikayat mo silang patuloy na matuto mula sa Aklat ni Mormon sa labas ng klase—lalung-lalo na kung kasama ang kanilang mga pamilya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Bigyan ang mga bata ng mga pagkakataong ibahagi ang alam na nila tungkol sa mga kuwento sa Alma 13–16. Para matulungan sila, magpakita ng mga larawang tulad ng nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o sa “Kabanata 22: Ang Misyon ni Alma sa Ammonihas” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 58–63.).
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang priesthood ay tumutulong sa akin na lumapit kay Cristo.
Mapanalanging pagnilayan ang kailangang maunawaan ng mga bata sa iyong klase mula sa itinuro ni Alma tungkol sa priesthood sa mga talatang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na uliting kasama mo ang simpleng kahulugan ng priesthood, tulad ng “ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos.”
-
Buklatin ang mga banal na kasulatan sa Alma 13:2, at sabihin sa mga bata na tumatawag ang Diyos ng mga maytaglay ng priesthood nang ang “mga tao … ay umasa sa kanyang Anak.” Para ilarawan kung paano ito ginagawa ng mga maytaglay ng priesthood, magpakita ng mga larawan ng mga paraan na naglilingkod ang mga maytaglay ng priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38–41, 103–9) at pagkatapos ay ibahagi ang mga kuwento kung paano naglingkod si Jesus (tingnan sa Mateo 26:26–28; Marcos 5:22–24, 35–43).
-
Pumunta sa Alma 13:6, at ipaliwanag na ang mga mayhawak ng priesthood ay “[nagtuturo ng] kautusan [ng Diyos] sa mga anak ng tao.” Tulungan ang mga bata na isipin ang mga mayhawak ng priesthood na kilala nila. Paano nila itinuturo ang mga kautusan? Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng isang maytaglay ng priesthood na kilala nila na nagtuturo sa isang tao ng mga kautusan ng Diyos.
Pinalalakas ako ng Ama sa Langit ayon sa aking pananampalataya.
Ang salaysay ng pagkakaligtas nina Alma at Amulek mula sa bilangguan ay makahihikayat sa mga bata na bumaling sa Panginoon kapag kailangan nila ng tulong.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng mga larawan nina Alma at Amulek sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito habang isinasalaysay mo ang kuwento sa Alma 14:18–29. Maaari ka ring sumangguni sa “Kabanata 22: Ang Misyon ni Alma sa Ammonihas” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 58–63, o sa katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na maghalinhinan sa paggamit ng mga larawan para isalaysay ang kuwento. Bigyang-diin na binigyan sina Alma at Amulek ng lakas para makatakas sa bilangguan “alinsunod sa [kanilang] pananampalataya na na kay Cristo” (Alma 14:26).
-
Tulungan ang mga bata na isipin kung ano ang maaaring nadama nina Alma at Amulek habang sila ay nasa bilangguan, at anyayahan silang isadula ang mga damdaming ito (tingnan sa talata 22). Ipaliwanag na si Alma ay humingi ng tulong sa Panginoon (tingnan sa talata 26). Magpatotoo na palalakasin tayo ng Diyos kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito upang turuan ang mga bata tungkol sa ilang paraan na pinalalakas ng Diyos ang mga sumasampalataya. Habang kinukulayan ng mga bata ang pahina ng aktibidad, ikuwento ang isang pagkakataon na binigyan ka ng Diyos ng lakas.
Ako ay pinagpapala kapag sumusunod ako sa propeta.
Alam ni Zoram, ang punong kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita, na si Alma ay isang propeta at hiningi niya ang kanyang patnubay. Dahil dito, si Zoram ay nagtagumpay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi sa sarili mong mga salita ang salaysay sa Alma 16:1–8. Bigyang-diin na dahil sinunod ni Zoram at ng mga hukbo ng mga Nephita si Alma, nagawa ng mga Nephita na iligtas ang kanilang mga kaibigang ginawang bihag ng mga Lamanita. Magbahagi ng isang karanasan nang ikaw ay pinagpala dahil sinunod mo ang propeta.
-
Magpakita ng larawan ng Pangulo ng Simbahan, at ibahagi ang ilang bagay na itinuro niya sa atin na gawin. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na masusunod nila si Jesus sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang itinuturo sa atin ng Kanyang propeta.
-
Magpakita ng mga larawan ng mga propeta (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 6–9, 14, 18, 26–27) habang kinakanta ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Bigyang-diin ang mga kataga sa awitin na nagtuturo kung bakit dapat nating sundin ang propeta.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang priesthood ay tumutulong sa akin na lumapit kay Cristo.
Habang binabasa mo ang Alma 13:1–19, ano para sa iyo ang nagpapalalim ng iyong paggalang sa priesthood? Ano ang nahihikayat kang ibahagi sa mga batang tinuturuan mo? Maaaring makatulong ang mga ideyang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Alma 13:10 at 13, na hinahanap ang mga katangian na dapat magkaroon ang isang maytaglay ng priesthood. Hilingin sa kanila na mag-isip ng mga tao na kilala nila na mabubuting halimbawa ng mga katangiang ito.
-
Tulungan ang mga bata ay gumawa ng listahan ng mga ordenansang tinatanggap natin sa pamamagitan ng priesthood (tingnan sa “Mga Ordenansa” sa Tapat sa Pananampalataya, 90). Hilingin sa isang bata na basahin ang Alma 13:16. Paano nakatutulong ang mga ordenansang ito para tayo ay “umasa [kay Jesucristo] para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan”?
-
Itanong sa mga bata kung alam nila kung saan nanggaling ang pangalan na Pagkasaserdoteng Melquisedec. Tulungan silang makita ang sagot sa Alma 13:14–19 at Doktrina at mga Tipan 107:1–4. Ano ang natututuhan natin mula kay Melquisedec tungkol sa paraan kung paano dapat gamitin ang priesthood?
Pinalalakas ako ng Ama sa Langit ayon sa aking pananampalataya.
Sina Alma at Amulek ay nasa bilangguan sa loob ng maraming araw bago sila pinalaya ng Panginoon. Ang kuwentong ito ay makatutulong sa mga bata na malaman na maaaring hindi mabilis o madali ang mga solusyon sa mga pagsubok, ngunit palalakasin sila ng Panginoon “alinsunod sa [kanilang] pananampalataya” (Alma 14:26).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang mga katanungan sa pisara para matulungan ang mga bata na hanapin ang mga detalye mula sa Alma 14:18–29, tulad ng Ano ang ginawa ng mga hukom kina Alma at Amulek sa bilangguan? o Paano nila ipinakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo? Bigyan ang bawat bata ng isa o dalawang talata na babasahin para mahanap ang mga sagot sa mga tanong.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga pangyayari sa Alma 14:18–29, at pagkatapos ay bigyan sila ng pagkakataon na gamitin ang kanilang mga larawan para isalaysay ang kuwento. Paano tayo magiging katulad nina Alma at Amulek?
-
Magbahagi ng isang karanasan kung saan ipinakita mo ang iyong pananampalataya sa Panginoon at binigyan ka Niya ng lakas para makayanan o matiis ang isang pagsubok. Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng mga katulad na karanasan na nagkaroon sila.
Ang ebanghelyo ay makapagpapabago ng mga puso.
Si Zisrom ay aktibong sumalungat kina Alma at Amulek noong una, ngunit ang kanilang mga patotoo ay umantig sa kanyang puso at naghikayat sa kanya na magsisi. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, isipin kung paano mabibigyang-inspirasyon ng karanasan ni Zisrom ang mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Rebyuhing kasama ng mga bata kung ano ang natutuhan nila noong nakaraang linggo tungkol kay Zisrom. Sama-samang basahin ang Alma 15:3–12 upang matuklasan kung paano siya nagbago.
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwari na nakilala na nila si Zisrom noong bago pa siya nagsisi. Ano ang sasabihin nila para tulungan siyang maniwala sa ebanghelyo? Maaari nilang ihambing ang kanilang sasabihin sa itinuro nina Alma at Amulek kay Zisrom (tingnan sa Alma 11:40–46; 15:6–11). Bakit maaaring makatulong ang mga katotohanang ito para naisin ng isang tao na magbago?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang gawin sa linggong ito upang ipakita ang kanilang pananampalataya sa Panginoon. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga plano at karanasan sa kanilang pamilya.