“Hunyo 15–21. Alma 13–16: ‘Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hunyo 15–21. Alma 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Hunyo 15–21
Alma 13–16
“Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon”
Ang inspirasyong natatanggap mo habang pinagninilayan ang mga banal na kasulatan ay mahalaga. Maipapakita mo na pinahahalagahan mo ito sa pamamagitan ng pagtatala at pagkilos ayon dito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa maraming paraan, naging mabuti ang buhay sa Ammonihas kapwa para kina Amulek at Zisrom. Si Amulek ay “isang lalaking kilala,” na “maraming kaanak at mga kaibigan” at “maraming kayamanan” (Alma 10:4). Si Zisrom ay “isa sa pinakabihasa” sa mga abugado at nasiyahan sa “maraming gawain” (Alma 10:31). Pagkatapos ay dumating si Alma sa Ammonihas na may banal na paanyaya na magsisi at “makapasok sa kapahingahan ng Panginoon” (Alma 13:16). Para kina Amulek, Zisrom, at iba pa, ang pagtanggap sa paanyayang ito ay nangailangan ng sakripisyo at humantong pa sa halos di-makayanang paghihirap.
Ngunit siyempre pa hindi nagtatapos doon ang kuwento. Sa Alma 13–16, malalaman natin ang nangyayari sa huli sa mga taong naniniwala “sa kapangyarihan ni Cristo tungo sa kaligtasan” (Alma 15:6). Kung minsan ay may kaligtasan, kung minsan ay paggaling—at kung minsan ay hindi nagiging madali ang mga bagay-bagay sa buhay na ito. Ngunit sa tuwina, “tinatanggap [ng] Panginoon [ang Kanyang mga tao] sa kanyang sarili, sa kaluwalhatian” (Alma 14:11). Sa tuwina, ang Panginoon ay nagkakaloob ng “kapangyarihan, alinsunod sa [ating] pananampalataya na na kay Cristo” (Alma 14:28). At sa tuwina, ang gayong “pananampalataya sa Panginoon” ay nagbibigay sa atin ng “pag-asa na [tayo] ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan” (Alma 13:29). Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, mapapanatag ka sa mga pangakong ito, at mas mauunawaan mo ang ibig sabihin ni Alma nang magsalita siya tungkol sa “kapahingahan ng Panginoon.”
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Tinutulungan ako ng mga ordenansa ng priesthood na matubos sa pamamagitan ni Jesucristo.
Maaalala mo siguro na sa Alma 12, nagturo si Alma tungkol sa plano ng pagtubos ng Diyos (tingnan sa Alma 12:24–27). Sa kabanata 13, nagsalita siya tungkol sa mga saserdote na inorden ng Diyos “upang ituro ang mga bagay na ito sa mga tao” (Alma 13:1). Ang mga salita ni Alma ay naghahayag ng maraming makapangyarihang katotohanan tungkol sa priesthood. Marahil ay maaari mong subukang tumukoy ng kahit isang katotohanan lang sa bawat talata sa Alma 13:1–9. Narito ang ilang ideya para makapagsimula ka:
-
Talata 1:Ang priesthood ay tinatawag ding “orden ng Anak ng Diyos” (tingnan din sa D at T 107:1–4).
-
Talata 2:Ang Diyos ay nag-oorden ng mga saserdote upang tulungan ang mga tao na umasa sa Kanyang Anak upang matubos.
-
Talata 3:Ang mga priesthood holder ay inihanda para sa kanilang mga tungkulin “mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.”
Ano pa ang nakikita mo? Ano ang pakiramdam mo tungkol sa priesthood habang pinagninilayan mo ang mga katotohanang ito? Paano ka natulungan ng mga ordenansa ng priesthood na umasa kay Cristo para matubos?
Nakakatuwang pansinin na marami sa mga tao sa Ammonihas ay mga alagad ni Nehor (tingnan sa Alma 14:18; 15:15). Paano naiba ang mga saserdote sa orden ni Nehor (tingnan sa Alma 1:3–6) sa mga saserdoteng inorden “alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (D at T 107:3), na inilarawan ni Alma? (tingnan sa Alma 13:1–19).
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 64–67.
Mga priesthood holder lang ba ang “tinawag at inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig”?
Ang mga turo ni Alma sa Alma 13:3 ay tumutukoy lalo sa mga priesthood holder. Gayunman, ang alituntuning itinuro niya—na ang mga tao ay tumanggap ng mga tungkulin at inihanda upang gampanan ang mga ito “mula pa sa pagkakatatag ng daigdig”—ay angkop sa ating lahat. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Sa daigdig na pinanggalingan natin bago tayo naparito sa lupa, ang matatapat na kababaihan ay binigyan ng mga partikular na gawain samantalang ang matatapat na kalalakihan ay naordena sa simula pa lang sa partikular na mga gawain sa priesthood. Bagama’t hindi natin naaalala ngayon ang mga detalye, hindi nito nababago ang maluwalhating katotohanan ng pinagkasunduan natin noon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 258; tingnan din sa D at T 138:55–56).
Tinutulutan ng Diyos kung minsan na magdusa ang mga taong matwid.
Nakasaad sa Alma 14 ang tungkol sa mabubuting tao na nagdusa at namatay pa dahil sa kanilang mga paniniwala. Maaaring magtaka ka, tulad ng marami, kung bakit nangyayari ang mga kakila-kilabot na bagay sa mga taong nagsisikap na mamuhay nang matwid. Maaaring hindi mo malaman ang lahat ng sagot sa mahirap na tanong na ito sa Alma 14, ngunit maraming matututuhan sa paraan ng pagtugon nina Alma at Amulek sa mga sitwasyong nakaharap nila. Ano ang itinuturo ng kanilang mga salita at kilos kung bakit tinutulutan ng Panginoon kung minsan na magdusa ang mga taong matwid? Ano ang natututuhan mo sa kanila tungkol sa pagharap sa pang-uusig?
Tingnan din sa Mateo 5:43–44; Marcos 14:55–65; Mga Taga Roma 8:35–39; I Pedro 4:12–14; Doktrina at mga Tipan 122:5–9.
Ang pagkadisipulo ay nangangailangan ng sakripisyo.
Maaaring nakakatuwang gumawa ng listahan ng mga bagay na tinalikuran ni Amulek para tanggapin ang ebanghelyo (tingnan sa Alma 10:4–5; 15:16) at ikumpara ito sa isang listahan ng kanyang natamo (tingnan sa Alma 15:18; 16:13–15; 34:8). Ano ang handa kang isakripisyo para maging mas matapat na disipulo?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Alma 13
Maaaring makinabang ang pamilya mo na pansinin tuwing lilitaw ang salitang “kapahingahan” sa Alma 13. Ano ang iba pang mga salita at ideya na lumilitaw na kasama nito? Paano nito ipinauuunawa sa atin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “kapahingahan ng Panginoon”? Paano ito naiba sa pisikal na kapahingahan?
Alma 13:10–12
Para mailarawan ng pamilya mo sa kanilang isipan ang itinuturo ng mga talatang ito, maaari siguro kayong sama-samang maghugas ng isang bagay—tulad ng ilang puting damit. Ano ang pakiramdam natin kapag marumi tayo? Ano ang pakiramdam natin kapag naging malinis tayong muli? Paano katulad ang mga pakiramdam na ito ng pakiramdam natin kapag nagkakasala tayo at pagkatapos ay nagsisisi at nagiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Alma 15:1–12
Ano ang natututuhan natin mula sa karanasan ni Zisrom tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon na palakasin at pagalingin tayo, kahit nagkakamali tayo? Ano ang papel na maaaring gampanan ng priesthood sa pagtanggap natin ng Kanyang lakas at pagpapagaling?
Alma 16:1–10
Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari mong basahin ang Alma 9:4. Ano ang matututuhan natin sa paghahambing ng nadama ni Zoram tungkol sa mga salita ng propeta sa nadama ng mga tao ng Ammonihas? Ano ang ginagawa natin para maging tapat sa mga salita ng ating buhay na propeta?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.