Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 22–28. Alma 17–22: “Gagawin Ko Kayong Kasangkapan”


“Hunyo 22–28. Alma 17–22: ‘Gagawin Ko Kayong Kasangkapan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 22–28. Alma 17–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

kausap ni Ammon si Haring Lamoni

Ammon and King Lamoni, ni Scott M. Snow

Hunyo 22–28

Alma 17–22

“Gagawin Ko Kayong Kasangkapan”

Habang binabasa mo ang Alma 17–22, itala ang mga impresyon na dumarating sa iyo at kumilos ayon sa mga ito. Ang paggawa nito ay magpapakita sa Panginoon ng kahandaan mong tumanggap ng iba pang personal na paghahayag.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Isipin ang lahat ng dahilan na maaaring ibigay ng mga tao sa hindi pagbabahagi ng ebanghelyo: “Hindi sapat ang alam ko” o “Hindi ako sigurado na magiging interesado sila” o siguro’y “Paano kung masaktan ko ang kanilang kalooban?” Naiisip mo rin siguro ang mga bagay na ito kung minsan. May isa pang dahilan ang mga Nephita kaya hindi nila ibinahagi ang ebanghelyo sa mga Lamanita: sila ay “mababangis at matitigas at malulupit na tao; mga taong nagagalak sa pagpaslang [sa] mga Nephita” (Alma 17:14; tingnan din sa Alma 26:23–25). Ngunit may mas matinding dahilan ang mga anak ni Mosias kung bakit nila nadama na kailangan nilang ibahagi ang ebanghelyo sa mga Lamanita: “Sila ay nagnais na ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi” (Mosias 28:3). Ang pagmamahal na ito na nakahikayat kay Ammon at sa kanyang mga kapatid ay makakahikayat din sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo sa iyong pamilya, mga kaibigan, at kakilala—maging sa mga taong tila hindi ito tatanggapin.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 17:1–4

Habang pinalalakas ko ang aking pananampalataya, mas epektibo kong maibabahagi ang ebanghelyo.

Nagkita-kita na ba kayo ng dati mong mga kaibigan at nadama mo rin ba ang nadama ni Alma—tuwang-tuwa na nanatiling matatag ang kanilang pananampalataya? (tingnan sa Alma 17:1–2). Ano ang natututuhan mo mula sa mga anak ni Mosias kung paano panatilihing matatag ang iyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo? Habang pinagninilayan mo ang espirituwal na lakas ng mga anak ni Mosias, ano ang nahihikayat kang gawin?

Paano naapektuhan ng espirituwal na paghahanda ng mga anak ni Mosias ang kanilang gawain sa mga Lamanita? Marahil ay maaari mong gamitin ang pagkakataong ito upang suriin ang iyong mga pagsisikap na ituro ang ebanghelyo “nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos” (Alma 17:3).

Alma 17:6–12

Maaari akong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maghatid ng kaligtasan sa Kanyang mga anak.

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Gusto ko palaging malaman ng Panginoon na kung may kailangan Siyang ipagawa, gagawin iyon ni Tom Monson para sa Kanya” (“On the Lord’s Errand: The Life of Thomas S. Monson,” video, ChurchofJesusChrist.org). Habang binabasa mo ang Alma 17:6–12, hanapin kung ano ang ginawa ng mga anak ni Mosias para maging kasangkapan sila sa mga kamay ng Diyos. Paano ka maaaring maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para pagpalain ang iba? Ano ang natututuhan mo mula sa kanilang halimbawa na nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob na gawin ang kailangang ipagawa sa iyo ng Panginoon?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 57–60.

Alma 17–18

Matutulungan ko ang iba na maghandang tanggapin ang ebanghelyo.

Si Lamoni ang pinuno ng “mababangis at matitigas at malulupit na tao” (Alma 17:14), subalit tinalikuran niya ang maraming taon ng tradisyon at tinanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo. Habang binabasa mo ang mga pakikipag-usap ni Ammon kay Lamoni, pansinin ang ginawa ni Ammon na maaaring nakatulong para mas madaling tanggapin ni Lamoni ang kanyang mensahe. Kung may naiisip ka na maaari mong gawin para maibahagi ang ebanghelyo sa iba, isulat ang mga pahiwatig na ito.

Maaari ding makatulong na markahan o isulat ang mga katotohanang itinuro ni Ammon kay Lamoni (tingnan sa Alma 18:24–39), at ang mga katotohanang itinuro ni Aaron sa ama ni Lamoni (tingnan sa Alma 22:1–16). Ano ang ipinahihiwatig ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa mga katotohanang maibabahagi mo sa iba para matulungan silang maghangad ng patotoo tungkol sa ebanghelyo?

inililigtas ni Ammon ang mga tupa ng hari

Minerva K. Teichert (1888–1976), Ammon Saves the King’s Flocks, 1935–1945, oil on masonite, 35 x 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art

Alma 18–22

Ang aking patotoo ay maaaring magkaroon ng malawak na impluwensya.

Bagama’t ang mga salaysay ng pagbabalik-loob na nababasa natin sa mga banal na kasulatan ay madalas may kasamang madudulang pangyayari, sa pinakamahalagang bahagi ng mga ito kadalasa’y nakakakita tayo ng mga taong nagkaroon ng lakas-ng-loob na magsalita at ibahagi ang kanilang patotoo sa iba. Ang isang paraan para mapag-aralan ang mga pangyayari sa Alma 18–22 ay hanapin ang malaking epekto ng pagbabahagi ng patotoo ng isang tao. Maitatala mo siguro ang makikita mo sa isang diagram na tulad nito:

Ibinahagi ni Ammon ang ebanghelyo kay , na nagbahagi ng ebanghelyo kay , at ang resulta ay .

Alma 19:36

Ang bisig ng Panginoon ay nakaunat sa akin kapag nagsisisi ako.

Sa katapusan ng salaysay ng pagbabalik-loob ni Lamoni, may mahalagang itinuro si Mormon tungkol sa pagkatao ng Panginoon. Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng Alma 19:36 tungkol sa pagkatao ng Panginoon? Kailan mo nadama na nakaunat ang bisig ng Panginoon sa iyo? Paano mo matutulungan ang mga taong mahal mo na madama ang Kanyang awa?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 17–19

Paano mo mabibigyang-buhay ang mga salaysay sa mga kabanatang ito para sa pamilya mo? Maaari ninyong isadula ang kuwento ng pagprotekta ni Ammon sa mga tupa o ang kuwento ng pagtitipon ni Abis sa maraming tao para saksihan ang kapangyarihan ng Diyos. Marahil ay maaaring idrowing ng mga miyembro ng pamilya ang iba’t ibang bahagi ng kuwento at gamitin ang mga drowing para ikuwento ang nangyari. Ano ang gagawin ng pamilya mo para masundan ang halimbawa nina Ammon at Abis?

Alma 18:24–39

Marahil ay maaaring sama-samang basahin ng mga miyembro ng pamilya mo ang Alma 18:24–39 at tukuyin ang mga katotohanang itinuro ni Ammon kay Lamoni. Bakit natin iniisip na itinuro muna ni Ammon kay Lamoni ang mga katotohanang ito? Bakit mahalagang magkaroon tayo ng patotoo tungkol sa mga katotohanang ito?

Alma 20:8–15

Ano ang matututuhan natin mula sa pagtugon ni Lamoni sa kanyang ama? Paano natin masusundan ang halimbawa ni Lamoni sa paninindigan sa tama?

Alma 22:15–18

Rebyuhin ang Alma 20:23 para makita kung ano ang handang talikuran ng ama ni Lamoni para maligtas ang kanyang buhay. Pagkatapos ay rebyuhin ang Alma 22:15 upang makita kung ano ang handa siyang talikuran para matanggap ang kagalakan ng ebanghelyo. Ano ang handa siyang talikuran para makilala ang Diyos? (tingnan sa talata 18). Marahil ay maaaring magsulat ang mga miyembro ng pamilya ng isang plano na talikuran ang isang bagay para mas lubos na makilala ang Diyos.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Tukuyin at ipamuhay ang mga alituntunin. Bagama’t maaaring tila hindi angkop sa iyo ang mga detalye ng kuwento sa banal na kasulatan, kadalasan ay angkop sa iyo ang mga alituntunin sa mga pangyayaring ito. Habang binabasa mo ang tungkol kina Ammon at Aaron, anong mga alituntunin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang nakikita mo?

hinimatay ang asawa ni Haring Lamoni

Tumayo ang asawa ni Haring Lamoni mula sa pagkakahandusay sa lupa, na nagpupuri kay Jesus. Oh, Blessed Jesus, ni Walter Rane