Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”


“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29: Sila ‘Kailanman ay Hindi Nagsitalikod,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 29–Hulyo 5. Alma 23–29,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

ibinabaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata

Ibinaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang Kanilang mga Sandata ng Digmaan, ni Jody Livingston

Hunyo 29–Hulyo 5

Alma 23–29

Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”

Habang pinag-aaralan mo ang Alma 23–29, anong mga mensahe ang nakikita mo para sa sarili mo at sa pamilya mo? Ano ang maibabahagi mo sa mga klase mo sa Simbahan?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Naitatanong mo ba kung minsan kung maaari talagang magbago ang mga tao? Nag-aalala ka siguro kung maititigil mo ang nagawa mong mga maling pagpapasiya o ang masasamang gawing nakasanayan mo, o maaaring mayroon kang mga problemang katulad nito sa iyong mga mahal sa buhay. Kung gayon, makakatulong sa iyo ang kuwento tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi. Ang mga taong ito ang mga mortal na kaaway ng mga Nephita. Nang magdesisyon si Ammon at ang kanyang mga kapatid na ipangaral ang ebanghelyo sa kanila, ang mga Nephita ay “pinagtawanan [sila] sa pangungutya.” Ang pagpatay sa mga Lamanita ay tila mas kapani-paniwalang solusyon kaysa tulungan silang magbalik-loob. (Tingnan sa Alma 26:23–25.)

Ngunit nagbago nga ang mga Lamanita—sa pamamagitan ng nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Panginoon. Kung dati ay kinilala sila bilang “matitigas at malulupit na tao” (Alma 17:14), di naglaon ay “nakilala … sila sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos” (Alma 27:27). Sa katunayan, sila “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6).

Mayroon ka sigurong mga maling tradisyon na tatalikuran o “mga sandata ng paghihimagsik” na bibitawan (Alma 23:7). O kailangan mo lang sigurong maging mas masigasig sa iyong patotoo at mas lumayo sa pagtalikod sa katotohanan. Anumang mga pagbabago ang kailangan mong gawin, ang Alma 23–29 ay makapagbibigay sa iyo ng pag-asa na, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, posible ang pangmatagalang pagbabago.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 23:1–5

Kapag tinanggap ng mga anak ng Diyos ang ebanghelyo, sumusunod ang malalaking pagpapala.

Nang sabihin ng hari ng mga Lamanita na dapat ay “hindi mahadlangan” ang salita ng Diyos sa kanyang mga tao (tingnan sa Alma 23:1–5), binuksan niya ang pintuan sa malalaking pagpapala para sa kanila. Habang binabasa mo ang Alma 23–29, hanapin ang mga pagpapalang ito. Paano mo matitiyak na “hindi nahahadlangan” ang salita ng Diyos sa buhay mo o sa pamilya mo?

Alma 23–25; 27

Binabago ang buhay ko ng pagbabalik-loob ko kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ang mga Lamanitang dinalaw ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ay mukhang hindi magbabalik-loob—hadlang sa kanila ang mga tradisyon ng kanilang mga ninuno at ang sarili nilang kasamaan. Subalit marami sa kanila ang tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo at gumawa ng mahahalagang pagbabago sa buhay nila. Bilang simbolo ng kanilang sariling pagbabalik-loob, tinawag ng mga Lamanita ang kanilang sarili na mga Anti-Nephi-Lehi. (Ang ibig sabihin ng “anti” rito ay hindi kapareho ng “anti” sa “anti-Cristo.”)

Ang pagbubulay tungkol sa pagbabalik-loob ng mga Lamanitang ito ay maaaring magpahiwatig sa iyo na pagnilayan ang sarili mong pagbabalik-loob “sa Panginoon” (Alma 23:6). Maaaring ang isang paraan para mapag-aralan ang mga kabanatang ito ay tukuyin kung paano binago ng pagbabalik-loob ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang buhay. Maaari kang magsimula sa sumusunod na mga talata.

Habang pinagninilayan mo ang mga pagbabago sa mga Anti-Nephi-Lehi, isipin kung paano ka binabago ng sarili mong pagbabalik-loob kay Cristo. Ano sa pakiramdam mo ang kailangan mo pang baguhin para maging mas mabisa ang ebanghelyo sa buhay mo?

Alma 23:6–7

Alma 23:17–18

Alma 24:11–19

Alma 25:13–16

Alma 27:26–30

Alma 24:7–19; 26:17–22

Ang Diyos ay maawain.

Kahit iba ang mga kasalanang kinailangang daigin ni Ammon at ng mga Anti-Nephi-Lehi kaysa anumang bagay sa buhay mo, tayong lahat ay umaasa sa awa ng Diyos. Ano ang nakikita mo sa Alma 24:7–19 at sa 26:17–22 na tumutulong sa iyo na maunawaan ang Kanyang awa? Habang nagbabasa ka, maaari mong pag-isipan ang mga bagay na ito: mga paraan na naanyayahan kang magsisi, mga karanasan mo sa pagsisisi, paano mo sinikap na iwasang magkasalang muli, at mga pagpapalang dumating sa iyo sa pamamagitan ng pagsisisi. Kapag binasa mo ang mga talata sa ganitong paraan, ano ang matututuhan mo tungkol sa awa ng Diyos sa buhay mo?

Alma 2629

Ang paglilingkod sa Panginoon ay naghahatid ng kagalakan.

Sa kabila ng magkakaiba nilang karanasan, iisa ang damdaming ipinahayag nina Ammon at Alma tungkol sa kanilang misyon. Isiping basahin ang Alma 26 at 29 at ikumpara ang mga ito. Anong mga pagkakatulad ang napapansin mo? Anong mga salita o parirala ang inuulit? Ano ang matututuhan mo mula kina Ammon at Alma kung paano makasumpong ng tunay na kagalakan sa kabila ng iyong mga hamon? (Para marebyu ang mga hamong nakaharap ni Alma, tingnan ang mga heading ng mga kabanata ng Alma 5–16. Para marebyu ang mga hamon ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, tingnan ang mga heading ng mga kabanata ng Alma 17–28.)

Alma 26:5–7

Ano ang mga bigkis at mga bangan?

Sa panahon ng tag-ani, kadalasan ay binubungkos ang butil sa tinatawag na mga bigkis at inilalagay sa mga kamalig, na kung minsan ay tinatawag na mga bangan. Nagbahagi si Elder David A. Bednar ng isang interpretasyon ng simbolismo sa Alma 26:5: “Ang mga bigkis sa paghahalintulad na ito ay kumakatawan sa mga bagong binyag na miyembro ng Simbahan. Ang bangan ay ang mga banal na templo” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97). Isipin kung ano ang itinuturo sa iyo ng analohiya sa Alma 26:5–7 tungkol sa kahalagahan ng mga tipan sa templo.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 24:6–19

Bakit ibinaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata “nang malalim sa lupa”? (Alma 24:16). Masisiyahan siguro ang mga miyembro ng pamilya na isulat sa mga piraso ng papel ang mga bagay na gusto nilang madaig o talikuran. Pagkatapos ay maaari silang humukay ng isang butas at ibaon doon ang mga papel.

Alma 24:7–12

Ang pag-aaral ng mga talatang ito ay makapagpapaunawa sa inyong pamilya ng napakagandang kaloob na pagsisisi. Ano ang ginawa ng mga Anti-Nephi-Lehi para pagsisihan ang kanilang mga kasalanan? Paano sila tinulungan ng Panginoon na magsisi? Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawang ito?

Alma 24:20–27

Ano ang nakita natin na nagpapatotoo sa katotohanan ng pahayag ni Mormon: “Sa gayon nakikita natin na ang Panginoon ay gumagawa ng maraming paraan para sa kaligtasan ng kanyang mga tao”? (Alma 24:27).

Alma 26:2

Paano sasagutin ng inyong pamilya ang mga tanong ni Ammon sa Alma 26:2? Marahil ay maaari mong ilista ang kanilang mga sagot sa malaking papel at isabit ito sa isang lugar kung saan makikita ito ng lahat. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na dagdagan ito kapag may naisip silang iba pang mga pagpapala na “ipinagkaloob [ng Diyos] sa atin.”

Alma 29:9

Paano naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sina Ammon at Alma? Isiping tingnan ang mga kagamitan o kasangkapan sa inyong tahanan at talakayin kung paano nakakatulong ang bawat isa nito sa inyong pamilya. Paano nito ipinauunawa sa atin kung paano magiging “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” ang bawat isa sa atin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng iba’t ibang paraan. Ang pag-iiba-iba ng inyong pamamaraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya ay makakatulong para manatiling interesado at nakikibahagi ang mga miyembro ng pamilya. Halimbawa, matapos basahin ng isang miyembro ng pamilya ang isang talata, maaari niyang hilingin sa iba pang miyembro ng pamilya na sabihin sa sarili nilang mga salita ang kababasa pa lang.

ibinabaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata

Paglalarawan ni Dan Burr ng pagbabaon ng mga-Anti-Nephi-Lehi ng kanilang mga sandata