Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 20–26. Alma 36–38: “Umasa sa Diyos at Mabuhay”


“Hulyo 20–26. Alma 36–38: ‘Umasa sa Diyos at Mabuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 20–26. Alma 36–38,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

lalaking nagdarasal

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Hulyo 20–26

Alma 36–38

“Umasa sa Diyos at Mabuhay”

“Sa nadarama mong galak na dulot ng pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Itala ang mga naiisip at impresyon mo kung paano ipamuhay ang mga katotohanang natututuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang makita ni Alma ang kasamaan sa paligid niya, nakadama siya ng matinding “kalungkutan,” “paghihirap,” at “pagdurusa ng kaluluwa” (Alma 8:14). “Ang … kasamaan sa mga taong ito,” sabi niya tungkol sa mga Zoramita, “ay sumusugat sa aking kaluluwa” (Alma 31:30). Gayon din ang nadama niya pagkauwi niya mula sa kanyang misyon sa mga Zoramita—napuna niya na “ang mga puso ng mga tao ay nagsimulang maging matitigas, at na nagsimula silang magdamdam dahil sa kahigpitan ng salita,”at dahil dito ay “labis na nalungkot” ang kanyang puso (Alma 35:15). Ano ang ginawa ni Alma tungkol sa kanyang nakita at nadama? Hindi lamang siya pinanghinaan-ng-loob o naging mapangutya tungkol sa kalagayan ng mundo. Sa halip, “kanyang pinapangyaring sama-samang tipunin ang kanyang mga anak” at itinuro sa kanila ang “mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 35:16). Itinuro niya sa kanila na “walang ibang daan o pamamaraan upang maligtas ang tao, tanging kay at sa pamamagitan ni Cristo. … Masdan, siya ang salita ng katotohanan at kabutihan” (Alma 38:9).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 36

Ako ay maaaring isilang sa Diyos kapag ako ay mapagpakumbaba at nagsisisi.

Ang ilan ay magkakaroon ng matitinding karanasan na tulad ng pagbabalik-loob ni Alma. Ngunit may matututuhan at maisasabuhay tayong mga alituntunin sa kanyang karanasan, dahil lahat ay kailangang “isinilang sa Diyos” (Alma 36:23). Habang binabasa mo ang Alma 36, maghanap ng mga alituntuning maaari mong ipamuhay. Halimbawa, ano ang nararamdaman ng isang taong isinilang na sa Diyos tungkol sa kasalanan? tungkol kay Jesucristo? Maaari ka ring maghanap ng mga pagbabago na maaari mong asahang makita sa mga paniniwala at kilos ng isang taong isinilang sa Diyos.

Tingnan din sa Mosias 5:7; 27:25–26; Alma 5:14; 22:15; Helaman 3:35.

Alma 36

Nagbayad-sala si Jesucristo para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

Maaari mong mapansin ang ilang pag-uulit-ulit sa salaysay ni Alma tungkol sa kanyang pagbabalik-loob sa kabanatang ito. Iyan ay dahil ang Alma 36 ay magandang halimbawa ng isang uri ng tulang Hebreo na tinatawag na chiasmus, kung saan inilalahad ang mga salita o ideya nang may kaayusan, patungo sa isang pangunahing ideya, at pagkatapos ay inuulit nang pabaligtad. Sa Alma 36, ang ideya sa talata 3 ay inulit sa talata 27, ang ideya sa talata 5 ay inulit sa talata 26, at iba pa. Ang pangunahing ideya ang pinakamahalagang mensahe ng chiasmus. Tingnan kung makikita mo ang pangunahing ideya sa talata 17–18. Pansinin kung paano nakaapekto ang pag-apuhap o pagkapit “[sa] kaisipang ito” kay Alma at paano nito binago ang kanyang buhay. Paano nakaimpluwensya sa iyo ang katotohanang ito? Anong iba pang paulit-ulit na mga ideya ang nakikita mo sa talatang ito?

Paano ka nahihikayat ng salaysay na ito tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad na tularan ang halimbawa ni Alma at bumaling sa Tagapagligtas?

Alma 37

Naingatan ang mga banal na kasulatan “para sa isang matalinong layunin.”

Naisip mo na ba kung gaano kalaking himala at pagpapala na may mga banal na kasulatan ngayon? “Ipinagkatiwala ng Diyos sa [atin] ang mga bagay na ito, na mga banal” (Alma 37:14). Habang binabasa mo ang Alma 37, hanapin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagkakaroon ng mga banal na kasulatan. Paano mo naranasan ang mga pagpapalang ito? Paano natin magagamit ang mga banal na kasulatan para makatulong na “maipakita ang kapangyarihan [ng Diyos] sa mga darating na salinlahi”? (Alma 37:18).

Sa Alma 37:38–47, ikinumpara ni Alma “ang salita ni Cristo” sa Liahona. Habang pinagninilayan mo ang mga pagkukumparang ito, pag-isipan ang mga paraan na naranasan mo ang himala at kapangyarihan ng mga turo ni Cristo “sa araw-araw” (Alma 37:40).

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 32–35.

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano sumunod sa Diyos.

Alma 37:6–7

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”

Kung minsan maaari nating madama na parang napakalaki at napakakumplikado ng mga problema natin kung kaya kailangan ay malaki at kumplikado rin ang mga solusyon. Subalit paulit-ulit na pinipili ng Panginoon na gumamit ng “maliliit at mga karaniwang bagay” (Alma 37:6) para isakatuparan ang Kanyang gawain at pagpalain ang buhay ng Kanyang mga anak. Habang binabasa mo ang Alma 37:6–7, pagnilayan at itala ang mga paraan na nakita mong nakatulong ang alituntuning ito sa buhay mo. Ano ang ilang maliliit at simpleng bagay na ginagamit ng Panginoon para pagpalain ka at isakatuparan ang Kanyang gawain?

Tingnan din sa Alma 37:41–46; Dallin H. Oaks, “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 89–92.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 36:5–26

Bagama’t di-pangkaraniwan ang karanasan ni Alma, ang kanyang pagbabalik-loob ay naglalarawan ng ilang alituntuning angkop sa ating lahat. Anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na pumili ng isang talata mula sa Alma 36:5–26 na nagtuturo tungkol sa pagiging “isinilang sa Diyos.” Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya kung paano nila naipamuhay ang mga alituntuning inilarawan ni Alma.

Alma 36:18–21, 24

Paano natin maaaring gamitin ang mga talatang ito para maipakita sa isang tao na ang pagsisisi ay isang masayang karanasan at hindi ito kakila-kilabot? Paano tayo mahihikayat ng pagsisisi na ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Alma 37:6–7, 38–46

Ano ang ilang “maliliit at mga karaniwang bagay” (Alma 37:6) na naghahatid ng mga dakilang bagay sa ating buhay? Sa anong mga paraan katulad ng Liahona ang salita ni Cristo? Paano natin matutulungan ang isa’t isa na mas masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan?

Alma 37:35

Bakit karunungan ang matutong sundin ang mga kautusan “sa [ating] kabataan”?

Alma 38:12

Alam ba ng pamilya mo kung ano ang kabisada? Maaari mo sigurong ipakita sa kanila ang larawan nito at pag-usapan kung paano ito ginagamit para kontrolin ang isang hayop. Ano ang ibig sabihin ng “pigilin ang lahat ng [ating] silakbo ng damdamin”? Paano tayo matutulungan ng pagpipigil ng mga silakbo ng ating damdamin na “mapuspos ng pagmamahal”?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Itala ang mga impresyon. Kapag nagtatala ka ng mga espirituwal na impresyon, ipinapakita mo sa Panginoon na pinahahalagahan mo ang Kanyang patnubay, at dadalasan Niya ang pagbibigay sa iyo ng paghahayag. Habang nag-aaral ka, isulat ang mga naiisip mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 1230.)

anghel na nagpakita kay Alma at sa mga anak ni Mosias

Nagpakita ang Anghel kay Alma at sa mga Anak ni Mosias, ni Clark Kelley Price