Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 20–26. Alma 36–38: “Umasa sa Diyos at Mabuhay”


“Hulyo 20–26. Alma 36–38: ‘Umasa sa Diyos at Mabuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hulyo 20–26. Alma 36–38,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

lalaking nagdarasal

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Hulyo 20–26

Alma 36–38

“Umasa sa Diyos at Mabuhay”

Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Alma 36–38, maaaring may matanggap kang mga pahiwatig tungkol sa mga batang tinuturuan mo. Itala ang mga pahiwatig na ito; maaaring magbigay ang mga ito ng mga ideya para sa mga aktibidad sa pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang lahat ng bata na magbahagi ng isang bagay na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang. Tanungin sila kung alam nila kung ano ang itinuro ni Alma sa kanyang mga anak.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Alma 36:6, 20, 24

Ang pagsisisi ay nagdudulot sa akin ng kagalakan.

Ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa kagalakang dulot ng pagsisisi habang sila ay maliliit pa ay makahihikayat sa kanila na magsisi habang lumalaki sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Alma 36:20 sa mga bata, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang nadama ni Alma. Anyayahan sila na magbanggit ng ilang bagay na nagdudulot sa kanila ng kagalakan. Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas, at ipaliwanag na si Alma ay nagalak dahil pinatawad ni Jesucristo ang kanyang mga kasalanan.

  • Bigyan ang bawat bata ng isang piraso ng papel na may masayang mukha sa isang panig at malungkot na mukha sa kabilang panig. Hilingin sa kanila na makinig habang binabasa mo ang Alma 36:6 at piliin kung aling mukha ang dapat nilang itaas. Ipaliwanag na nagsisi si Alma at nagalak dahil pinatawad ni Jesucristo ang kanyang masasamang pagpili. Hilingin sa mga bata na makinig habang binabasa mo ang Alma 36:24 tungkol sa mabubuting pagpiling ginawa niya kalaunan at itaas ang tamang mukha.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Magpatotoo na si Jesus ay pumarito sa mundo para iligtas tayo mula sa kasalanan at magdulot sa atin ng kagalakan.

Alma 37:6–7

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”

Paano mo matuturuan ang mga bata na malaman na ginagamit ng Panginoon ang maliliit o mga karaniwang bagay para maisakatuparan ang Kanyang gawain?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Alma 37:6–7, at anyayahan ang mga bata na yumuko tuwing babasahin mo ang salitang “maliliit” o “napakaliit.” Magpakita sa kanila ng ilang maliliit na bagay na maaaring gumawa ng malalaking bagay o magpagalaw ng malalaking bagay, tulad ng isang baterya o isang susi ng kotse. Ano ang malalaking bagay na nangyayari o gumagalaw dahil sa maliliit na bagay na ito? Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang bagay na maliit o karaniwan na nais ipagawa sa atin ng Diyos. Ano ang malalaking bagay na maaaring mangyari dahil sa maliliit o mga karaniwang kautusang ito?

  • Magpakita ng isa o dalawang larawan ng maliliit na bagay na nagiging malaki kapag pinagsama-sama, tulad ng isang dahon ng damo at isang bukid, o isang patak ng ulan at isang lawa. Magpatotoo na kahit na ang maliliit at mga karaniwang gawain ay maaaring makagawa ng malaking kaibhan sa ating mga buhay at sa mga buhay ng iba. Hikayatin ang mga bata na pag-usapan ang ilang karaniwan at mabubuting bagay na ginagawa nila araw-araw, o magbahagi ng sarili mong mga halimbawa. Anyayahan ang mga bata na pumili ng isang karaniwan at mabuting bagay na magagawa nila sa linggong ito at magdrowing ng isang larawan ng sarili nila na ginagawa ito. Anyayahan silang iuwi ang kanilang mga drowing at ipakita ang mga ito sa kanilang mga pamilya.

Alma 37:38–47

Matutulungan tayo ng mga banal na kasulatan araw-araw.

Bagama’t maraming maliliit na bata na hindi pa nakakapagbasa, matutulungan mo silang magkaroon ng patotoo sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan na gabayan ang kanilang pang-araw-araw na mga buhay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng larawan ng Liahona (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 68), o anyayahan ang mga bata na magdrowing ng isa habang ibinabahagi nila kung ano ang naaalala nila tungkol dito (tingnan sa 1 Nephi 16:10, 28–29). Itaas ang mga banal na kasulatan, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano natutulad ang mga banal na kasulatan sa Liahona. Gamitin ang Alma 37:38–47 at ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito bilang karagdagan sa talakayang ito.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain at Mananalangin” o “Habang Aking Binabasa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66; Mga Himno, blg. 176). Anong mga pagpapala ng pag-aaral ng banal na kasulatan ang binanggit sa awitin?

    babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

    Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano sundin ang Diyos.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Alma 36

Maaari akong “isilang sa Diyos” kapag sumunod ako kay Jesus at nagsisi sa aking mga kasalanan.

“Ang pagbabalik-loob … ay pagbabago ng mismong likas na pagkatao natin. Dahil napakalaking pagbabago nito tinawag ito ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na isang muling pagsilang” (“Pagbabalik-loob,” Tapat sa Pananampalataya, 108).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Rebyuhin kasama ng mga bata ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma sa Alma 36:6–21. Magsulat sa mga piraso ng papel ng mga salita at parirala mula sa mga talatang ito na naglalarawan kung ano ang nadama ni Alma, at ilagay ang mga ito sa pisara. Hilingin sa mga bata na igrupo ang mga piraso ng papel sa dalawa: mga bagay na nadama ni Alma bago niya naalala kung ano ang itinuro ng kanyang ama tungkol sa Tagapagligtas at ang mga bagay na nadama niya matapos siyang makaalala. Basahin nang sama-sama ang Alma 36:17–20, at magpatotoo sa mga bata na pinapatawad tayo ni Jesucristo kapag tayo ay nagsisisi.

  • Isulat ang Isinilang sa Diyos at ang sumusunod na mga scripture reference: 1 Juan 4:7; Mosias 5:7; 27:25–26; Alma 5:14; 22:15. Tulungan ang mga bata na basahin ang mga talata at hanapin ang mga pariralang naglalarawan kung ano ang ibig sabihin ng isilang sa Diyos. Paano kumikilos ang isang tao pagkatapos niyang isilang sa Diyos? Paano natin maipapakita na tayo ay isinilang na sa Diyos?

Alma 37:6–9, 38–47

“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”

Tulungan ang mga batang tinuturuan mo na makita na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan kahit na sa sandaling panahon lamang sa bawat araw ay makapagdudulot sa kanila ng mga dakilang pagpapala.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdrowing o magdispley ng isang timba. Ilang patak ng tubig ang kailangan para mapuno ang timba? Tulungan ang mga bata na maunawaan na kailangan ng maraming maliliit na patak ng tubig para mapuno ang timba. Paano ito nauugnay sa Alma 37:6–7? Paano natutulad ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa pagdaragdag ng maliliit na patak ng tubig sa isang timba?

  • Anyayahan ang mga bata na hanapin sa Alma 37:6–9 ang mga pagpapalang nagmumula sa “mga talaan”, o mga banal na kasulatan. Bilang isang klase, gumawa ng listahan ng mga nahanap nila. Paano napagpala ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang ating mga buhay? Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga banal na kasulatan, at anyayahan ang mga bata na magpatotoo rin.

  • Magpakita o magdispley ng isang larawan ng Liahona (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 68), at hilingin sa mga bata na rebyuhin kung ano ang naaalala nila tungkol sa Liahona sa 1 Nephi 16:10, 28. Tulungan ang mga bata na basahin ang Alma 37:38–42. Paano gumagana ang Liahona? Paano ito natutulad sa paraan kung paano gumagana ang mga banal na kasulatan? Sama-samang basahin ang talata 43–47 para masagot ang tanong na ito. Anyayahan ang mga bata na kumpletuhin ang pahina ng aktibidad bilang bahagi ng aktibidad na ito.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng isang dahilan kung bakit sila nagpapasalamat para sa mga banal na kasulatan at anyayahan ang mga kapamilya nila na gawin din ang gayon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging mas mabubuting mag-aaral. Ang layunin mo sa pagtuturo ng mga bata ay hindi lamang para ibahagi ang katotohanan sa kanila. Dapat mo rin silang tulungang matutong umasa sa sarili sa paghahanap ng katotohanan. Halimbawa, sa halip na sabihin lang sa mga bata ang mga katotohanan na matatagpuan sa kuwento ng pagbabalik-loob ni Alma, maaari kang magplano ng mga aktibidad kung saan ay matutuklasan nila mismo sa kanilang mga sarili ang mga katotohanan sa kuwento.