“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42: ‘Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Hulyo 27–Agosto 2. Alma 39–42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Babae, Bakit Ka Umiiyak? ni Mark R. Pugh
Hulyo 27–Agosto 2
Alma 39–42
“Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan”
Matapos mapanalanging pag-aralan ang Alma 39–42, magplano ng mga aktibidad para matulungan ang mga bata na matuto. Maaari kang makahanap ng mga ideya sa sumusunod na mga aktibidad na maaaring iangkop sa anumang edad.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang bawat bata na tumayo at magbahagi ng isang bagay tungkol sa ebanghelyo na natutuhan niya kamakailan sa tahanan o sa simbahan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong maging magandang halimbawa.
Hinikayat ni Alma si Corianton na matuto mula sa mabubuting halimbawa ng kanyang mga kapatid at binalaan si Corianton na huwag maging isang masamang halimbawa sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na sina Siblon at Corianton ay magkapatid at si Siblon ay naging isang magandang halimbawa kay Corianton. Anyayahan ang mga bata na samahan kang ulitin ang tanong na ito: “Siya ba ay hindi nagbigay ng magandang halimbawa sa iyo?” (Alma 39:1). Hilingin sa mga bata na magkuwento tungkol sa isang tao na mabuting halimbawa para sa kanila.
-
Maglaro o umawit ng isang kanta kung saan susundan o gagayahin ka ng mga bata. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na maging lider o halimbawa. Itanong sa mga bata kung paano sila magiging isang mabuting halimbawa sa isang tao.
-
Magpakita ng mga larawan ni Jesus na gumagawa ng mabubuting bagay, at ipaliwanag na Siya ang ating perpektong halimbawa. Ipaliwanag na maaari tayong maging mabubuting halimbawa, tulad ni Jesus. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang mga sarili bilang mabubuting halimbawa.
Matutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na itama ang aking mga pagkakamali.
Kahit na hindi kailangang magsisi ng maliliit na bata, ang pagkukuwento sa kanila tungkol kay Corianton ay maaaring makatulong sa kanila na maunawaan kung ano ang kahulugan ng pagsisisi.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na si Corianton ay nakagawa ng maling pagpili nang hindi ibinibigay ang mga detalye tungkol sa katangian ng kanyang mga kasalanan. Ano ang maaari nating sabihin para matulungan siya? Basahin sa mga bata kung ano ang sinabi kay Corianton ng kanyang ama na si Alma: “Ikaw ay magsisi at talikuran ang iyong mga kasalanan” (Alma 39:9). Sabihin sa kanila na ang kahulugan ng “magsisi” ay humihiling tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na patawarin tayo at tulungan tayo na itama ang ating mga pagkakamali at pagkatapos ay magsikap tayong maging higit na katulad Nila.
-
Bigyan ang isang bata ng isang mabigat na bagay na kanyang bubuhatin habang ikinukuwento mo ang tungkol sa isang tao na gumawa ng isang bagay na mali at nagkaroon ng masamang pakiramdam. Sabihin sa mga bata na ang bagay ay katulad ng masasamang pakiramdam na maaaring magkaroon tayo kapag nakagawa tayo ng pagkakamali. Kunin ang mabigat na bagay sa bata kapag nagpatotoo ka na kayang alisin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mabibigat at masasamang pakiramdam at matutulungan Nila tayong itama ang ating mga pagkakamali kapag tayo ay nagsisi. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsisisi.
Ako ay mabubuhay na mag-uli.
Tulungan ang mga bata na asamin ang araw na sila at ang kanilang mga mahal sa buhay ay mabubuhay na mag-uli.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo nang malakas ang Alma 40:23, ipagamit sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan silang mailarawan sa kanilang mga isipan kung ano ang itinuturo ng talatang ito. Anyayahan ang bawat bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para maituro sa isa pang bata kung ano ang pagkabuhay na mag-uli.
-
Magpakita ng larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, at magturo sa mga bata ng isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” o “S’ya’y Nabuhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45; Mga Himno, blg. 119). Tumigil paminsan-minsan para ipaliwanag ang kahulugan at kahalagahan ng mga salita at parirala.
-
Itanong sa mga bata kung may kakilala silang namatay na. Magpatotoo na balang araw ang taong iyon at ang lahat ng iba pa ay mabubuhay na mag-uli dahil kay Jesucristo. Kung kinakailangan, gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli.
Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, ni Harry Anderson
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maaari akong maging magandang halimbawa.
Ang payo ni Alma kay Corianton ay maaaring makatulong sa mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa at pagiging mga mabubuting halimbawa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaliwanag na ang anak ni Alma na si Corianton ay nakagawa ng isang mabigat na kasalanan habang nangangaral siya dapat ng ebanghelyo. Basahin kasama ng mga bata ang huling kalahati ng Alma 39:11 at hilingin sa kanila na pakinggan kung paano naapektuhan ng kasalanan ni Corianton ang mga Zoramita. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga taong maaaring maimpluwensiyahan ng kanilang mga kilos. Sa paanong paraan sila magiging mabubuting halimbawa sa mga taong ito?
-
Sama-samang basahin ang Alma 39:1. Paano naging mabuting halimbawa ang kapatid ni Corianton na si Siblon? Sabihin sa mga bata na maghanap ng mga karagdagang sagot sa tanong na ito sa Alma 38:2–4. Magkuwento tungkol sa ilang mabubuting halimbawa sa iyong buhay, at anyayahan ang mga bata na gawin din iyon.
-
Magdala ng isang flashlight o ng isang larawan ng araw, at ihambing ang liwanag sa bisa ng mabuting halimbawa. Sa parehong paraan na ang liwanag ng flashlight o ang sikat ng araw ay maaaring makatulong na makita natin ang landas na kailangan nating tahakin, ipinapakita sa atin ng isang mabuting halimbawa kung ano ang dapat gawin para sundin ang Ama sa Langit. Magbahagi ng isang karanasan kung kailan nakatulong sa iyo ang mabuting halimbawa ng isang tao. Ano ang magagawa ng mga bata para maging isang mabuting halimbawa sa iba? Magpatotoo na si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa.
Maaari akong magsisi kapag nakagawa ako ng mga pagkakamali.
Tulad nating lahat, ang mga batang tinuturuan mo ay nagkakasala at nagkakamali. Paano mo sila mahihikayat na “talikuran ang [kanilang] mga kasalanan” at magsisi? (Alma 39:9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang karanasan kung kailan nasaktan sila. Ano ang ginawa nila para pagalingin ang kanilang pinsala? Ipaliwanag na ang kasalanan ay nakakapinsala sa ating mga espiritu, ngunit mapapagaling tayo ng Tagapagligtas kapag nagsisi tayo.
-
Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga katagang “magsisi at talikuran ang iyong mga kasalanan” sa Alma 39:9, at tulungan silang maunawaan kung ano ang kahulugan ng “magsisi” at “talikuran.” Magpatotoo na ang pagsisisi ay posible sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Basahin nang sama-sama ang Alma 39:10–14 para makahanap ng iba pang mga bagay na magagawa natin na tutulong sa atin na magsisi at umiwas sa kasalanan.
Pagkatapos ng kamatayan, ang ating mga espiritu ay mapupunta sa daigdig ng mga espiritu hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.
Normal lang na isipin kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay. Ang mga salita ni Alma ay maaaring makatulong sa mga bata na makahanap ng mga inspiradong sagot.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang kamatayan, daigdig ng mga espiritu, pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom sa magkakahiwalay na piraso ng papel, at ilagay ang mga ito sa pisara nang hindi pinagsunud-sunod. Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Basahin ang Alma 40:6–7, 11–14, at 21–23 kasama ang mga bata, at sabihin sa kanila na pagsunud-sunurin ang mga salita sa pisara ayon sa panahon ng kaganapan nito.
-
Magsulat sa pisara ng isang listahan ng mga tanong na masasagot ng Alma 40:6–7, 11–14, at 21–23, at anyayahan ang mga bata na itugma ang bawat tanong sa mga talata na sumasagot dito. Halimbawa, ang tanong na “Ano ang mangyayari sa aking katawan kapag ako ay nabuhay na mag-uli?” ay masasagot sa Alma 40:23. Kung kinakailangan, ipaliwanag ang mahihirap na salita sa mga bata habang nagbabasa sila. Hikayatin ang mga bata na ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa plano ng Ama sa Langit.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na pasalamatan ang isang kapamilya na naging mabuting halimbawa sa kanila at mag-isip ng isang paraan na maaari silang maging mabubuting halimbawa sa linggong ito.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Ipagamit ang mga pandamdam. “Karamihan sa mga bata (at matatanda) ay higit na natututo kapag ginagamit ang maraming pandamdam. Maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga bata na gamitin ang kanilang mga pandamdam na paningin, pandinig, at panghipo habang nag-aaral sila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).