“Agosto 10–16. Alma 53–63: ‘Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 10–16. Alma 53–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Agosto 10–16
Alma 53–63
“Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan”
Habang binabasa mo ang Alma 53–63, isipin kung paano mo mabibigyang-buhay ang mga kuwento sa mga kabanatang ito para sa mga bata at kung paano mo sila matutulungan na matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa mga kuwento.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para maihanda ang mga bata na matuto mula sa Alma 53–63, anyayahan sila na ibahagi kung ano ang naaalala nila tungkol sa mga Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 23–24). Para makatulong, ipakita ang larawan na ginamit mo para maituro ang kuwento, o ipaalala sa kanila ang isang aktibidad na ginawa nila sa klase.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari akong magkaroon ng malakas na pananampalataya sa Diyos tulad ng mga kabataang mandirigma.
Ang mga kabataang mandirigma ni Helaman ay maaaring maging napakagandang halimbawa para sa mga bata sa iyong klase. Hikayatin ang mga bata na sikaping maging katulad nila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang isang bata na itaas ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang ibinubuod mo ang kuwento ng mga kabataang mandirigma ni Helaman. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 34: Si Helaman at ang 2,000 Kabataang Mandirigma” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 93–94, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi kung ano ang alam at gusto nila tungkol sa kuwento ng 2,000 kabataang mandirigma.
-
Anyayahan ang isang batang babae at isang batang lalaki na maging kinatawan ng mga ina at ama ng mga kabataang mandirigma. Habang binabasa mo ang Alma 56:27 at 47–48, bigyan ang mga batang ito ng mga bagay na hahawakan na kumakatawan sa paraan kung paano tinulungan ng mga ina at ama ang mga mandirigma, tulad ng isang supot ng pagkain na kumakatawan sa “pagkain” na ipinadala ng mga ama at ng mga banal na kasulatan na kumakatawan sa mga turo ng mga ina. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga bagay na ibinibigay sa kanila o itinuturo sa kanila ng kanilang mga magulang.
-
Basahin ang Alma 53:20–21, at tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang tulad ng napakagigiting, lakas, at matatapat. Ilarawan kung paano ipinakita ng mga kabataang mandirigma ang mga katangiang ito. Gumawa ng mga simpleng name tag para sa mga bata na may nakasulat na, “Kapag ako ay , ako ay katulad ng isang kabataang mandirigma!” Tulungan ang mga bata na punan ang patlang ng isang katangiang pinili nila mula sa Alma 53:20–21.
-
Anyayahan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Tulungan silang mag-isip ng mga paraan para maging katulad ng hukbo ni Helaman. Sama-samang awitin ang “Katotohanan N’ya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 92–93)
Kapag nag-aalala ako, maaari akong magtiwala sa Diyos.
Nang siya at ang kanyang mga hukbo ay naharap sa mahihirap na sandali, si Helaman ay nagtiwala sa Panginoon. Ano ang maaaring matutuhan ng mga batang tinuturuan mo mula sa kanyang halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing sa pisara ng isang nakasimangot na mukha, at pag-usapan kung paano nag-alala si Helaman dahil walang sapat na pagkain o sapat na tao ang kanyang hukbo para patuloy na makipaglaban (tingnan sa Alma 58:32–41). Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon kung kailan sila ay nag-alala. Basahin ang Alma 58:37 (o tulungan ang isang bata na basahin ito), at tulungan ang mga bata na palitan ng nakangiting mukha ang mukha sa pisara para ipakita kung ano ang nadama ni Helaman dahil nagtiwala siya sa Diyos. Ano ang maaari nating gawin kapag tayo ay nag-aalala? Sama-samang kantahin ang “Mga Ngiti” (Aklat ng mga Awit Pambata, 128).
-
Magsulat sa ilang maliliit na piraso ng papel ng ilang bagay na maaaring inaalala ng mga bata. Hayaan ang mga bata na magsalitan sa pagpili ng isang papel na babasahin mo, at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano sila matutulungan ng Diyos sa bawat isa sa mga alalahaning ito. Magbahagi ng isang karanasan kung saan tinulungan ka ng Diyos noong ikaw ay nag-aalala.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Alma 56:45–48; 57:21, 25–27; 58:39–40
Maaari akong magkaroon ng malakas na pananampalataya sa Diyos tulad ng mga kabataang mandirigma.
Anong mga katotohanan mula sa kuwento ng mga kabataang mandirigma ni Helaman ang makatutulong sa mga bata sa mga hamon na kinakaharap nila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga kabataang mandirigma. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 34: Si Helaman at ang 2,000 Kabataang Mandirigma” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 93–94, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na ibahagi kung ano ang hinahangaan nila tungkol sa mga mandirigma.
-
Sama-samang basahin ang Alma 56:45–48; 57:21, 25–27; at 58:39–40. Anyayahan ang mga bata na maghanap ng mga salita at parirala mula sa mga talatang ito na naglalarawan sa mga kabataang mandirigma. Ano ang kahulugan ng mga salita at pariralang ito? Paano tayo magiging tulad ng mga kabataang mandirigma?
-
Basahin ang Alma 56:46–48 sa mga bata, at anyayahan sila na pakinggan kung ano ang itinuro ng mga ina ng mga kabataang mandirigma sa kanilang mga anak tungkol sa pananampalataya. Paano tinutulungan ng mga magulang ngayon ang kanilang mga anak na magkaroon ng pananampalataya? Bakit mahalaga para sa mga bata na sundin ang mabubuting turo ng kanilang mga magulang at lider ng Simbahan nang may “kahustuhan”? (Alma 57:21).
Kaya kong tuparin ang aking mga tipan.
Ang mga kabataang mandirigma at ang kanilang mga magulang ay gumawa ng mga tipan na matapat nilang tinupad. Maaari mong gamitin ang kuwentong ito para turuan ang mga bata tungkol sa kahalagahan ng mga tipan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hatiin ang mga bata sa tatlong grupo: isa na kakatawan kay Helaman, isa na kakatawan sa mga tao ni Ammon, at ang pangatlo ay kakatawan sa mga anak ng mga tao ni Ammon. Basahin nang sama-sama ang Alma 53:10–17, at ipabahagi sa mga grupo kung paano gumawa at tinupad ng mga taong kinakatawan nila ang mga tipan. Magpatotoo na pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag tinutupad natin ang ating mga tipan.
-
Magsulat sa pisara ng mga parirala mula sa Mosias 18:8–10 o Doktrina at mga Tipan 20:37 na naglalarawan ng mga bagay na nakikipagtipan tayong gawin kapag tayo ay bininyagan. Magsulat din ng ilan pang mga parirala na hindi nauugnay sa mga tipan. Hilingin sa mga bata na bilugan ang mga bagay na nakikipagtipan tayong gawin (hayaan silang gumamit ng mga banal na kasulatan kung kinakailangan). Paano tayo pinagpapala kapag tinutupad natin ang ating mga tipan? Hikayatin ang mga bata na isulat kung ano ang tinipan nila sa Diyos na gawin at idispley ang kanilang listahan kung saan makikita nila ito nang madalas.
-
Anyayahan ang isang bata na basahin ang Alma 56:27. Paano tinulungan ng mga ama ang kanilang mga anak nang hindi nilalabag ang kanilang tipan na hindi makipaglaban? Sino ang sumusuporta sa atin sa pagtupad ng ating mga tipan?
Maaari kong piliin na hindi magalit.
Pinaratangan ni Moroni si Pahoran, ngunit sa halip na magalit, sinabi ni Pahoran, “[Ako ay] nagagalak sa kadakilaan ng iyong puso” (Alma 61:9).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang pagkakataon kung kailan sila ay pinaratangan na gumawa ng isang bagay na hindi naman nila ginawa. Ikuwento sa kanila kung paano ito nangyari kay Pahoran (tingnan sa Alma 60–61). Maaari mong gamitin ang “Kabanata 35: Si Kapitan Moroni at si Pahoran” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 95–97, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Para malaman kung ano ang naging reaksyon ni Pahoran, magsalitan sa pagbabasa ng mga talata mula sa Alma 61:3–14. Ano ang ginawa ni Pahoran nang pinaratangan siya ni Moroni? Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ni Pahoran? Paano tayo magiging katulad niya?
-
Isulat sa pisara ang Ano ang dapat kong gawin kapag may nagagalit sa akin? Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagsulat ng ilang sagot sa pisara. Ano ang mga maaaring naging tugon ni Pahoran sa tanong na ito? Hilingin sa mga bata na isulat ang mga sagot na ito sa isang liham para sa kanilang mga sarili na mababasa nila kapag may nagalit sa kanila.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na magbahagi sa kanilang mga pamilya ng isang paraan na gusto nilang maging katulad ng mga kabataang mandirigma. Maaari rin silang magpasalamat sa kanilang mga magulang para sa pagtuturo sa kanila tulad ng ginawa ng mga ina ng mga kabataang mandirigma.