Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 10–16. Alma 53–63: “Pinangangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan”


“Agosto 10–16. Alma 53–63: ‘Pinangangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Agosto 10–16. Alma 53–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

dalawang libong kabataang mandirigma

Dalawang Libong Kabataang Mandirigma, ni Arnold Friberg

Agosto 10–16

Alma 53–63

“Pinangangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan”

Matutulungan ka ng mga salaysay sa Alma 53–63 na makita ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo o pagtanggi sa mga ito. Habang binabasa mo ang Alma 53–63, itala ang mga pahiwatig at pagnilayan ang mga paraan na maipamumuhay mo ang mga katotohanang natututuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kumpara sa hukbo ng mga Lamanita, wala sanang panalo ang “maliit” na hukbo (Alma 56:33) ng 2,000 kabataang Nephita ni Helaman. Maliban sa kakaunti sila, “lahat [ng sundalo ni Helaman] ay labis na napakabata pa,” at “hindi pa sila nakikipaglaban” (Alma 56:46–47). Sa ilang paraan, maaaring tila pamilyar ang kanilang sitwasyon sa atin na ang pakiramdam kung minsan ay kakaunti tayo at nahihirapan sa ating pakikibaka sa mga huling araw laban kay Satanas at sa mga puwersa ng kasamaan sa mundo.

Pero may ilang kalamangan ang hukbo ni Helaman sa mga Lamanita na walang kinalaman sa dami o kasanayang militar. Pinili nila si Helaman, isang propeta, na mamuno sa kanila (Alma 53:19); “sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47); at nagkaroon sila ng “labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila.” Dahil dito, prinotektahan sila ng “mahimalang kapangyarihan ng Diyos” (Alma 57:26). Kahit nasugatan silang lahat sa labanan, “wala ni isa mang katao sa kanila ang nasawi” (Alma 57:25). Kaya kapag pinahihirapan ng mga espirituwal na sugat sa buhay ang bawat isa sa atin, maaari tayong maglakas-loob—ang mensahe ng hukbo ni Helaman ay na “may makatarungang Diyos, at sinuman ang hindi [n]ag-aalinlangan, sila ay pangangalagaan ng kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan” (Alma 57:26).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 53:10–22; 56:43–48, 55–56; 57:20–27; 58:39–40

Sa pagsampalataya ko sa Diyos, pagpapalain Niya ako sa pamamagitan ng Kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan.

Maaaring mahirap umugnay sa mga mahimalang kuwentong gaya ng mga tagumpay ng mga kabataang mandirigma ni Helaman dahil tila napakaimposible ng mga ito. Ngunit ang isang dahilan kaya nasa mga banal na kasulatan ang gayong mga kuwento ay para ipakita sa atin na kapag may pananampalataya tayo, gumagawa ng mga himala ang Diyos sa ating buhay. Habang nagbabasa ka tungkol sa mga kabataang mandirigma sa sumusunod na mga talata, maghanap ng mga indikasyon kung paano sila nanampalataya sa Diyos, bakit napakalakas ng kanilang pananampalataya, at bakit posible ang mga himala: Alma 53:10–22; 56:43–48, 55–56; 57:20–27; at 58:39–40. Ang sumusunod na table ay nagpapahiwatig ng isang paraan na maaari mong itala ang mga matatagpuan mo.

Mga katangian ng mga mandirigma ni Helaman:

Ang itinuro sa kanila:

Ang ginawa nila:

Ang mga pagpapalang natanggap nila:

Matapos pag-aralan ang mga talatang ito, ano ang nahihikayat kang gawin para manampalataya?

Binanggit ni Helaman ang papel ng mga ina sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga kabataang mandirigma (tingnan sa Alma 56:47–48; 57:20–27). Anong mga papel ang ginampanan ng mga miyembro ng pamilya at ng iba pa sa pagpapalakas ng iyong pananampalataya? Ano ang magagawa mo para mapalakas ang pananampalataya ng inyong pamilya at mga kaibigan?

mga kabataang mandirigma kasama ang kanilang ina

Hindi Sila Nag-alinlangan, ni Joseph Brickey

Alma 58:1–12, 31–3761

Mapipili kong isipin ang pinakamaganda sa iba at hindi magdamdam.

May magagandang dahilan sina Helaman at Pahoran para magdamdam. Hindi nakakatanggap ng sapat na panustos si Helaman para sa kanyang mga hukbo, at pinaratangan ni Moroni si Pahoran na ipinagkait ang tulong na iyon (tingnan sa Alma 58:4–9, 31–3260). Ano ang hinahangaan mo sa kanilang mga reaksyon sa Alma 58:1–12, 31–37 at Alma 61? Paano mo matutularan ang kanilang halimbawa sa gayong mga sitwasyon?

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Sa anumang paraan at panahon, may gagawin o sasabihin ang isang tao sa Simbahang ito na maituturing na nakakasama ng loob. Tiyak na mangyayari ang gayon sa bawat isa sa atin—at tiyak na mahigit pa sa isang beses. … [Hindi natin makokontrol ang] mga layunin o ugali ng ibang tao. Gayunman, tayo ang nagpapasiya kung paano tayo kikilos. Tandaan lamang na kapwa tayo mga alagad na pinagkalooban ng kalayaang pumili, at mapipili nating huwag magdamdam” (“At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 91).

Tingnan din sa Mga Kawikaan 16:32; Moroni 7:45; David A. Bednar, “Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 30–33.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 53:10–17

Nakipagtipan ang mga Anti-Nephi-Lehi na hindi magpapadanak ng dugo. Anong mga tipan ang nagawa natin sa Diyos? Ano ang nababasa natin sa Alma 53:10–17 na naghihikayat sa atin na maging mas tapat sa ating mga tipan?

Alma 53:20–21

Paano tayo magiging higit na katulad ng mga kabataang lalaki ni Helaman? Maaaring makatulong na talakayin kung ano ang ibig sabihin ng ilan sa mga parirala sa mga talatang ito; halimbawa, ano ang ibig sabihin ng maging “napakagiting … sa lakas at gawain”? Ano ang ibig sabihin ng “lumakad nang matwid sa harapan [ng Diyos]”?

Alma 58:9–11, 33, 37

Sa panahon ng malaking pangangailangan, bumabaling ba tayo sa Ama sa Langit, tulad ng ginawa ng mga sundalong Nephita? Paano Niya sinagot ang kanilang mga panalangin? Paano Niya nasagot ang ating mga panalangin?

Alma 61:2, 9, 19

Ano ang matututuhan natin mula kay Pahoran kung paano tumugon kapag pinaratangan tayo nang mali?

Alma 62:39–41

Narito ang isang object lesson na magpapaunawa sa inyong pamilya na mapipili nating “[mag]matigas” o “[m]apalambot” sa ating mga pagsubok: Maglagay ng hilaw na patatas at hilaw na itlog sa isang palayok ng kumukulong tubig. Ang patatas at itlog ay kumakatawan sa atin, at ang tubig ay kumakatawan sa mga pagsubok na kinakaharap natin. Habang kumukulo ang patatas at itlog, maaari mong ikuwento ang ilan sa mga pagsubok na kinakaharap ng inyong pamilya. Ano ang ilang iba’t ibang paraan ng pagtugon sa mga pagsubok na katulad nito? Ayon sa Alma 62:41, paano tayo naaapektuhan ng ating mga reaksyon sa mga pagsubok? Kapag lutung-luto na ang patatas at itlog, hiwain ang patatas at basagin ang itlog para ipakita na lumambot ang patatas at tumigas ang mga itlog sa iisang “pagsubok.” Ano ang magagawa ng ating pamilya upang matiyak na gagawin tayong mapagpakumbaba ng ating mga pagsubok at ilalapit tayo ng mga ito sa Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang pagkamalikhain. “Kapag inanyayahan mo ang [iyong mga anak] na lumikha ng bagay na nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo, tinutulungan mo silang mas maunawaan ang alituntunin, at binibigyan mo sila ng nahahawakang paalala ng natutuhan nila. … Hayaan mo silang bumuo, magdrowing, magkulay, magsulat, at lumikha” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).

dalawang libong kabataang mandirigma

Totoo po, Naroon Silang Lahat, ni Clark Kelley Price