Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 24–30. Helaman 7–12: “Alalahanin ang Panginoon”


“Agosto 24–30. Helaman 7–12: ‘Alalahanin ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Agosto 24–30. Helaman 7–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Nephi na nagdarasal sa isang halamanan sa tore

Paglalarawan kay Nephi sa isang halamanan sa tore ni Jerry Thompson

Agosto 24–30

Helaman 7–12

“Alalahanin ang Panginoon”

Sina Nephi, Lehi, at iba pa ay nakatanggap ng “maraming paghahayag sa araw-araw” (Helaman 11:23). Ang madalas na paghahayag ay hindi lamang para sa mga propeta—para din ito sa iyo. Ang pagtatala ng iyong mga impresyon ay makakatulong sa iyo na makatanggap ng paghahayag nang mas palagian.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nahimok ng ama ni Nephi na si Helaman ang kanyang mga anak na “pakatandaan, pakatandaan”: gusto niyang tandaan nila ang kanilang mga ninuno, tandaan ang mga salita ng mga propeta, at higit sa lahat ay tandaan ang “ating Manunubos, na si Cristo” (tingnan sa Helaman 5:5–14). Malinaw na natandaan ito ni Nephi, dahil ito rin ang mensaheng ipinahayag niya makalipas ang ilang taon “nang walang kapaguran” (Helaman 10:4) sa mga tao. “Paanong nakalimutan ninyo ang inyong Diyos?” (Helaman 7:20), tanong niya. Lahat ng pagsisikap ni Nephi—pangangaral, pagdarasal, paghihimala, at paghiling sa Diyos sa oras ng taggutom—ay mga pagsisikap na tulungan ang mga tao na bumaling sa Diyos at alalahanin Siya. Sa maraming paraan, mas malaki pa ngang problema ang paglimot sa Diyos kaysa sa hindi pagkilala sa Kanya, at madali Siyang makalimutan kapag ang ating isipan ay nagagambala sa “mga … walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito” at nalalambungan ng kasalanan (Helaman 7:21; tingnan din sa Helaman 12:2). Ngunit, tulad ng makikita sa ministeryo ni Nephi, kailanma’y hindi pa huli ang lahat para makaalala at “bumaling … sa Panginoon ninyong Diyos” (Helaman 7:17).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Helaman 7–11

Inihahayag ng mga propeta ang kalooban ng Diyos.

Maraming propetang inilarawan sa buong Aklat ni Mormon, ngunit ang Helaman 7–11 ay partikular na magandang lugar para malaman kung ano ang propeta, ano ang ginagawa niya, at paano natin dapat tanggapin ang kanyang mga salita. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pansinin ang mga kilos, iniisip, at pakikipag-ugnayan ni Nephi sa Panginoon. Paano mas ipinauunawa sa iyo ng ministeryo ni Nephi ang papel na ginagampanan ng propeta sa ating panahon? Narito ang ilang halimbawa. Ano pa ang nakikita mo?

Helaman 7:17–22:Ang mga propeta ay nangangaral ng pagsisisi at nagbababala ng mga bunga ng kasalanan.

Helaman 7:29; 9:21–36:Alam ng mga propeta sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos ang kailangang marinig ng mga tao.

Helaman 10:7:Ang mga propeta ay binigyan ng kapangyarihang magbuklod sa lupa at sa langit (tingnan din sa Mateo 16:19; D at T 132:46).

Helaman 10:4–7, 11–12:

Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang pakiramdam mo tungkol sa ating buhay na propeta? Ano ang itinuro niya kamakailan? Ano ang ginagawa mo para mapakinggan at masunod ang kanyang tagubilin?

Helaman 9–10

Ang mga palatandaan at himala ay makakatulong ngunit hindi sapat para makabuo ng matibay na pananampalataya.

Kung sapat ang mga palatandaan o himala para baguhin ang puso ng isang tao, napabalik-loob sana ang lahat ng Nephita ng kahanga-hangang mga palatandaang ibinigay ni Nephi sa Helaman 9. Sa halip, nagkaroon “ng pagkakahati sa mga tao” (Helaman 10:1) dahil marami sa kanila ang “pinatigas pa rin … ang kanilang mga puso” (Helaman 10:15). Paano tumutugon kadalasan ang masasama sa mga palatandaan at himala? (tingnan sa Helaman 10:12–15; tingnan din sa 3 Nephi 2:1–2). Ano ang panganib ng gawing pundasyon ng patotoo ang mga palatandaan?

Helaman 10:2–4

Ang pagninilay ay nag-aanyaya ng paghahayag.

Kung nakadama ka na ng pang-aapi, pagkabalisa, o pagkalito, maaaring may matutuhan kang mahalagang aral mula sa halimbawa ni Nephi sa Helaman 10:2–4. Ano ang ginawa niya nang makadama siya ng “[p]anlulumo”? (talata 3).

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (“Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60). Paano mo makakagawiang magbulay-bulay? Para makabasa ng isang paraan para mapagnilayan palagi ang salita ng Diyos, tingnan ang mensahe ni Brother Devin G. Durrant na “Ang Aking Puso ay Patuloy na Pinagbubulayan ang mga Ito” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 112–15).

Tingnan din sa Mga Kawikaan 4:26; Lucas 2:19; 1 Nephi 11:1; 2 Nephi 4:15–16; 3 Nephi 17:3; Moroni 10:3; D at T 88:62.

Helaman 12

Nais ng Panginoon na alalahanin ko Siya.

Sa Helaman 12, ibinuod ni Mormon, na pinaiikli noon ang talaan, ang ilan sa mga aral na matututuhan natin mula sa salaysay ni Nephi sa mga naunang kabanata. Isiping gamitin ang kanyang buod bilang isang pagkakataon para suriin ang sarili mong puso. Maaari mo pa ngang ilista ang mga bagay na ayon kay Mormon ay nagiging dahilan para makalimutan ng mga tao ang Panginoon. Ano ang nakakatulong sa iyo na alalahanin Siya? Ano ang mga pagbabagong nahihikayat kang gawin batay sa natutuhan mo?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Helaman 7–9

Anong mga pagkakatulad ang nakikita natin sa mga bagay na ginawa ni Nephi at sa ginagawa ng mga propeta ngayon? Ano ang itinuturo ng ating propeta ngayon? Marahil ay maaari kang pumili ng ilang payo na ibinigay ng propeta kamakailan at talakayin ninyo sa pamilya ang mga paraan para mas masunod ito.

Helaman 10:4–5, 11–12

Paano ipinakita ni Nephi na hinangad niya ang kalooban ng Panginoon sa halip na ang kanyang sariling kalooban? Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa? Ano ang ilang paraan na mas mahahangad ng ating pamilya ang kalooban ng Panginoon?

Helaman 11:1–16

Ano ang hinangad ni Nephi at ano ang ginawa niya tungkol dito? Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ni Nephi?

Helaman 11:17–23

Ano ang matututuhan natin tungkol sa kapatid ni Nephi na si Lehi sa Helaman 11:17–23? Sino ang kilala natin na matwid ang pamumuhay na di-gaanong nakatatanggap ng pagkilala?

Helaman 12:1–6

May maiisip ka bang object lesson na magagamit mo para maipaunawa sa inyong pamilya ang ibig sabihin ng “kahinaan”? Halimbawa, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng pamilya na subukang balansehin ang isang bagay sa ulo niya. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na hanapin sa Helaman 12:1–6 ang mga dahilan kaya nanghihina ang mga tao sa pagsunod sa Panginoon. Paano tayo mananatiling matatag sa espirituwal?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Rebyu. Narito ang isang ideya para maipaalala sa mga miyembro ng pamilya ang mga talata sa banal na kasulatan na natututuhan nila: Pumili ng isang talata na makahulugan sa tingin mo, at idispley ito sa bahay ninyo kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang talata sa banal na kasulatan na ididispley, at talakayin ito kapag nakatipon ang pamilya, tulad sa oras ng pagkain o panalangin ng pamilya.

Larawan
Natuklasan na si Seantum ang mamamatay-tao

© The Book of Mormon for Young Readers, Seantum—The Murderer Is Discovered, ni Briana Shawcroft; hindi maaaring kopyahin

Print