“Agosto 31–Setyembre 6. Helaman 13–16: ‘Masayang Balita ng Malaking Kagalakan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Agosto 31–Setyembre 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Si Samuel na Lamanita sa Ibabaw ng Pader, ni Arnold Friberg
Agosto 31–Setyembre 6
Helaman 13–16
“Masayang Balita ng Malaking Kagalakan”
Habang itinatala mo ang iyong mga impresyon sa linggong ito, pag-isipan kung paano sumasalig at nagpapatibay ang mga alituntunin sa Helaman 13–16 sa iba pang mga bagay na natututuhan mo sa mga banal na kasulatan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Nang unang subukan ni Samuel na Lamanita na ibahagi ang “masayang balita” sa Zarahemla (Helaman 13:7), tinanggihan siya at itinaboy ng mga Nephita na matitigas ang puso. Maaari mong sabihin na parang nagtayo sila ng isang pader na hindi matatagusan sa paligid ng kanilang puso na humadlang sa pagtanggap nila sa mensahe ni Samuel. Naunawaan ni Samuel ang kahalagahan ng mensaheng ibinigay niya at nagpakita siya ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos “na siya ay muling magbalik, at magpropesiya” (Helaman 13:3). Tulad ni Samuel, lahat tayo ay may nakakaharap na mga pader habang “[inihahanda natin] ang daan ng Panginoon” (Helaman 14:9) at nagsisikap na sumunod sa Kanyang mga propeta. At tulad ni Samuel, pinatototohanan din natin si Jesucristo, “na tiyak na paparito,” at inaanyayahan ang lahat na “[ma]niwala sa kanyang pangalan” (Helaman 13:6; 14:13). Hindi lahat ay makikinig, at maaaring aktibo tayong kalabanin ng ilan. Ngunit nasusumpungan ng mga naniniwala sa mensaheng ito nang may pananampalataya kay Cristo na ito ay tunay na “masayang balita ng malaking kagalakan” (Helaman 16:14).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Nagbababala ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Sa mga banal na kasulatan, ang mga propeta kung minsan ay ikinukumpara sa mga bantay sa pader o tore na nagbababala kung may mga panganib (tingnan sa Isaias 62:6; Ezekiel 33:1–7).
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Sa paglipas ng mga siglo, natupad ng mga propeta ang kanilang tungkulin kapag binalaan nila ang mga tao tungkol sa mga panganib na darating. Ang mga Apostol ng Panginoon ay may tungkuling bantayan, balaan, at tulungan ang mga naghahanap ng sagot sa mga tanong ng buhay” (“Ang Diyos ang Namamahala,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 25).
Habang pinag-aaralan at pinagninilayan mo ang Helaman 13, maaari mong markahan ang maraming babalang ibinigay ni Samuel. Halimbawa, ano ang itinuro niya tungkol sa pagsisisi? tungkol sa pagpapakumbaba at kayamanan? Paano kaya naaangkop sa iyo ang mga babalang ito? Anong mga babala ang naibigay ng mga propeta kamakailan, at ano sa palagay mo ang dapat mong gawin tungkol sa mga babalang iyon?
Inaakay tayo ng mga propeta kay Jesucristo.
Ang Panginoon ay maawain sa mga nagsisisi.
Noong una, isinugo si Samuel sa mga Nephita upang ibahagi ang masayang balita ng pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa Helaman 13:7). Dahil tinanggihan nila siya, bumalik siya na may mahihigpit na babala ng mga paghatol ng Diyos. Ngunit ang mga babalang iyon ay palaging may kasamang isang maawaing paanyaya na magsisi; hanapin ang mga paanyayang ito sa buong Helaman 13–15 (tingnan lalo na sa Helaman 13:6, 11; 14:15–19; 15:7–8). Paano naaangkop sa iyo ang mga paanyayang ito? Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa pagsisisi? Kailan mo naranasan ang awa ng Diyos na nagmumula sa pagsisisi?
Mapapalakas ng mga palatandaan at kababalaghan ang pananampalataya ng mga taong hindi pinatitigas ang kanilang puso.
Sa Helaman 14, ipinaliwanag ni Samuel ang dahilan kung bakit naglaan ng mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas ang Panginoon: “Sa layuning kayo ay maniwala sa kanyang pangalan” (Helaman 14:12). Habang pinag-aaralan mo ang Helaman 14, pansinin ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa talata 1–8 at ang mga tanda ng Kanyang kamatayan sa talata 20–28. Sa palagay mo, bakit magiging mga epektibong paraan ang mga palatandaang ito para ipahiwatig ang pagsilang at kamatayan ni Jesucristo?
Makakaisip ka ba ng anumang mga palatandaang naibigay ng Panginoon para maniwala ka sa Kanya? Halimbawa, hinulaan na ng mga propeta ang mga palatandaang lilitaw bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa “Palatandaan ng Panahon, mga,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Natupad na ba ang anuman sa mga palatandaang ito sa ating panahon? Ang iba pang mga palatandaang humahantong sa pagsampalataya kay Jesucristo ay maaaring mas personal at di-gaanong nakikita. Sumandaling pagnilayan ang mga paraan na nasaksihan mo ang Kanyang tulong sa buhay mo.
Anong babala ang ibinigay tungkol sa mga palatandaan sa Helaman 16:13–23? Paano mo maiiwasan ang pag-uugali ng mga taong inilarawan sa mga talatang ito?
Tingnan din sa Alma 30:43–52; Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 55–57.
Ang pagsunod sa payo ng propeta ay mas naglalapit sa akin sa Panginoon.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen: “Sa aking personal na buhay, nalaman ko na kapag mapanalangin kong pinag-aralan ang mga salita ng propeta ng Panginoon at maingat at matiyaga kong espirituwal na iniayon ang aking kalooban sa kanyang mga turo, ang aking pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay palaging nadaragdagan. Kung pipiliin nating isantabi ang kanyang payo at sasabihing mas nakaaalam tayo, hihina ang ating pananampalataya at magiging malabo ang ating walang hanggang pananaw” (“Ang Propeta ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 26–27). Paano pinagtitibay ng mga salita at kilos ng mga Nephita sa Helaman 16 ang itinuro ni Elder Andersen? Sa palagay mo, anong mga personal na pangako ang dapat mong gawin tungkol sa mga propeta ng Panginoon at sa kanilang mga mensahe?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.
Helaman 13:3–4
Ano ang nagpapasigla sa pamilya mo tungkol sa tugon ni Samuel sa utos ng Panginoon sa Helaman 13:3–4? Sa pag-aaral ng pamilya mo sa linggong ito, marahil ay maaari mong hikayatin ang miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga opinyon na “[pumapasok] sa [kanilang] puso.”
Helaman 13:38
Ang ideya na matatagpuan ang kaligayahan “sa paggawa ng kasamaan” ay karaniwan sa ating panahon. Sa anong mga paraan nakapagdulot sa atin ng tunay na kaligayahan ang pamumuhay ng ebanghelyo?
Helaman 15:3
Paano ipinapakita ng pagwawasto ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin? Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na mapagpakumbabang itanong sa Panginoon kung ano ang magagawa nila para magpakabuti.
Helaman 15:5–8
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagbabalik-loob mula sa mga Lamanita na inilarawan sa mga talatang ito? Paano natin matutularan ang kanilang halimbawa?
Helaman 16:1–3
Masisiyahan ba ang pamilya mo sa pagsasadula ng kuwento tungkol kay Samuel na Lamanita? Matapos basahin ang salaysay, maaari sigurong maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagtayo sa silya at pagbabasa sa ilan sa mga propesiya ni Samuel habang nagkukunwari ang iba pang mga miyembro ng pamilya na nagpapana o naghahagis ng mga bato. Maaari nitong maipaunawa sa pamilya mo kung ano ang maaaring nadama ni Samuel at ng mga Nephita. Maaari ding masiyahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan tungkol sa kuwento. Paano natin matutularan si Samuel at maibabahagi ang ebanghelyo sa iba sa kabila ng ating mga pangamba?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral
Hanapin ang mga pattern. Ang pattern ay isang plano o modelong magagamit bilang gabay sa pagsasagawa ng isang gawain. Sa mga banal na kasulatan, nakikita natin ang mga pattern na nagpapakita kung paano isinasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain, tulad ng pagsusugo sa Kanyang mga lingkod para balaan ang mga tao.
© The Book of Mormon for Young Readers, Si Samuel na Lamanita, ni Briana Shawcroft